Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mateo 2

Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea (A)sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem (B)mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,

Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't (C)aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.

Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.

At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga (D)eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.

At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat (E)ng propeta,

At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda,
Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda:
Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador,
Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.

Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.

At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.

At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.

10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.

11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na (F)ginto at kamangyan at (G)mira.

12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios (H)sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.

14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;

15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, (I)Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.

16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.

17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, (J)na nagsasabi,

18 Isang tinig ay narinig (K)sa Rama,

Pananangis at kalagimlagim na iyak,
Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak;
At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.

19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita (L)sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,

20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagkat nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.

21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.

22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng (M)Galilea,

23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na (N)Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.

Lucas 2:39-52

39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa (A)Galilea, sa (B)kanilang sariling bayang Nazaret.

40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.

41 At nagsisiparoon (C)taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem (D)sa kapistahan ng paskua.

42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;

43 At nang kanilang maganap na (E)ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;

44 Ngunit sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;

45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.

46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga (F)guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:

47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.

48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.

49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng (G)aking Ama.

50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.

51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa (H)Nazaret; at napasakop sa kanila: at (I)iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.

52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at (J)sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978