Chronological
24 Sa(A) panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. 2 At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. 3 Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, 4 at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh.
5 Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 6 Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. 7 Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.
Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda(B)
8 Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. 9 Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. 12 At(C) sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. 13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.
15 Tinangay(D) nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. 16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. 17 Si(E) Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.
Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(F)
18 Si(G) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
20 Umabot(H) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(I)
25 Si(J) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. 2 Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. 3 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. 4 Noon(K) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. 5 Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. 6 Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. 7 (L)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.
Ang Pagwasak sa Templo(M)
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. 9 Sinunog(N) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.
13 Ang(O) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(P) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.
Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(Q)
18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.
Si Gedalias na Gobernador ng Juda(R)
22 Si(S) Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. 23 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. 24 Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” 25 Ngunit(T) nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos,(U) silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.
Pinalaya si Jehoiakin sa Pagkabilanggo(V)
27 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. 28 Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. 29 Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. 30 Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(A)
36 Nagkaisa ang bayan na si Jehoahaz, anak ni Josias, ang ipalit na hari sa Jerusalem. 2 Dalawampu't tatlong taóng gulang siya nang maging hari at tatlong buwan siyang naghari sa Jerusalem. 3 Binihag siya ni Haring Neco ng Egipto at pinagbuwis niya ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto ang Juda. 4 Ang(B) ipinalit kay Jehoahaz bilang hari ng Juda ay ang kapatid nitong si Eliakim. Pinalitan ang kanyang pangalan na Jehoiakim. Si Jehoahaz naman ay dinala sa Egipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(C)
5 Dalawampu't(D) limang taóng gulang si Jehoiakim nang maging hari at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 6 Dumating(E) si Nebucadnezar, binihag siya at nakakadenang dinala sa Babilonia. 7 Kinuha ni Nebucadnezar ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at inilipat sa kanyang palasyo sa Babilonia. 8 Ang iba pang mga pangyayari sa panahon ni Jehoiakim, pati ang mga kasamaang ginawa niya at ang iba pang kasalanan niya ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jehoiakin.
Si Haring Jehoiakin ng Juda(F)
9 Walong taóng gulang si Jehoiakin nang maging hari at tatlong buwan at sampung araw lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 10 Sa(G) pagtatapos ng taon, ipinakuha siya ni Haring Nebucadnezar pati ang mahahalagang kagamitan sa Templo at dinala sa Babilonia. Ang ipinalit sa kanya bilang hari ay si Zedekias na kanyang tiyuhin.[a]
Si Haring Zedekias ng Juda(H)
11 Dalawampu't(I) isang taóng gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 12 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbaba at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(J)
13 Naghimagsik(K) si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan. 15 Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala. 16 Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabaliwala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa. 17 Dahil(L) dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari. 18 Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia. 19 Sinunog(M) nila ang Templo, winasak ang pader ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay sinunog din, at ang lahat ay iniwan nilang wasak. 20 Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia. 21 Ito(N) ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(O)
22 Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
23 “Ito(P) ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.