Chronological
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
2 nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
4 Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!
8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
9 Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
dininig niya ako sa aking dalangin.
2 Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
3 Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
4 Tutudlain kayo ng panang matalim,
at idadarang pa sa may bagang uling.
5 Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
6 Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
ng hindi mahilig sa kapayapaan.
7 Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
pakikipagbaka ang laman ng ulo.
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
140 Sa mga masama ako ay iligtas,
iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
2 sila'y nagpaplano at kanilang hangad
palaging mag-away, magkagulo lahat.
3 Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]
4 Sa mga masama ako ay iligtas;
iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
na ang nilalayon ako ay ibagsak.
5 Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
ako ay masilo, sa bitag hulihin,
sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]
6 Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
7 Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
8 Taong masasama, sa kanilang hangad
ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]
9 Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
ang marahas nama'y bayaang mapuksa.
12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!
Panalangin sa Gabi
Awit ni David.
141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
2 Ang(B) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
itong pagtaas ng mga kamay ko.
3 O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
4 Huwag mong babayaang ako ay matukso,
sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
sa handaan nila'y nang di makasalo.
5 Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
6 Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
7 Tulad ng panggatong na pira-piraso,
sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.
8 Di ako hihinto sa aking pananalig,
ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
9 Sa mga patibong ng masamang tao,
ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(C) Maskil[d] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.