Chronological
17 “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.
2 “Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, 3 naglilingkod(A) at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin 4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay. 6 Ang(B) hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. 7 Ang(C) mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.
8 “Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. 9 Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. 10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. 11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. 12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. 13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.
Ang Paglalagay ng Hari
14 “Kapag(D) kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. 15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. 16 Ang(E) gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. 17 Hindi(F) siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. 18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. 19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, 20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.
Ang Bahagi ng mga Pari
18 “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. 2 Wala(G) silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.
3 “Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; 4 ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. 5 Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.
6 “Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh 7 upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. 8 Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.
Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano
9 “Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. 10 Sinuman(H) sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, 11 ng(I) mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. 12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. 13 Lubos(J) kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. 14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta
15 “Mula(K) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[a] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[b] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[c] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[d] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[e] ang aking kalooban, at siya[f] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(L) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’
21 “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, 22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.
Ang mga Lunsod-Kanlungan(M)
19 “Kapag(N) nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, 2 magbukod kayo ng tatlong lunsod. 3 Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya.
4 “Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. 5 Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. 6 Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. 7 Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod.
8 “Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, 9 maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) 10 Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo.
11 “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, 12 ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. 13 Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay.
Mga Batong Palatandaan
14 “Huwag(O) ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi
15 “Hindi(P) sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 16 Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, 17 silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. 18 Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, 19 ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. 20 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. 21 Huwag(Q) kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.
Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma
20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. 2 Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya 3 ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot 4 sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ 5 Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. 6 Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. 7 Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. 8 Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ 9 Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.
10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.
19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.
by