Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mateo 28

28 Nang magtatapos ang araw ng sabbath, nang nagbubukang liwayway na ang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan.

At narito, lumindol ng malakas; sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at naparoon at iginulong ang bato, at nakaupo sa ibabaw nito.

Ang kaniyang anyo ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niebe:

At sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay.

At sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, Huwag kayong mangatakot; sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus.

Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.

At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya'y nagbangon sa mga patay; at narito, siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon makikita ninyo siya: narito, nasabi ko na sa inyo.

At sila'y nagsialis na madali sa libingan na taglay ang takot at ang malaking galak, at nagsitakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad.

At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba.

10 Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.

11 Samantala ngang sila'y nagsisiparoon, narito, ang ilan sa mga bantay ay nagsiparoon sa bayan, at ibinalita sa mga pangulong saserdote ang lahat ng mga bagay na nangyari.

12 At nang sila'y mangakipagkatipon na sa matatanda, at makapagsanggunian na, ay nangagbigay sila ng maraming salapi sa mga kawal,

13 Na nangagsasabi, Sabihin ninyo, Nagsiparito nang gabi ang kaniyang mga alagad, at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog.

14 At kung ito'y dumating sa tainga ng gobernador, ay siya'y aming hihikayatin, at kayo'y aming ilalagay sa panatag.

15 Kaya't kinuha nila ang salapi, at kanilang ginawa alinsunod sa pagkaturo sa kanila: at ang pananalitang ito ay kumalat sa gitna ng mga Judio, at nananatili hanggang sa mga araw na ito.

16 Datapuwa't nagsiparoon ang labingisang alagad sa Galilea, sa bundok na sa kanila'y itinuro ni Jesus.

17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan.

18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

19 Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:

20 Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.

Marcos 16

16 At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran.

At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.

At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?

At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki.

At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.

At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!

Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.

At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot.

Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya.

10 Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis.

11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.

12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.

13 At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala.

14 At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.

15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;

18 Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.

19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.

20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain