Chronological
59 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.
2 Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.
3 Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
4 Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
5 Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
6 Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
7 Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
9 Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.
10 Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.
11 Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.
12 Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.
13 Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
14 At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.
15 Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.
16 At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.
17 At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.
18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.
19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.
20 At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.
21 At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.
60 Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, sila'y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka't ang kasaganaan ng dagat ay mababalik sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa Epha; magsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Cedar ay mapipisan sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayoth ay mangahahain sa akin: sila'y kalugodlugod, na tatanggapin sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang bahay ng aking kaluwalhatian.
8 Sino ang mga ito na lumalakad na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga dungawan?
9 Tunay na ang mga pulo ay mangaghihintay sa akin, at ang mga sasakyang dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel, sapagka't kaniyang niluwalhati ka.
10 At itatayo ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't sa aking poot ay sinaktan kita, nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo.
11 Ang iyo namang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.
12 Sapagka't yaong bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.
13 Ang kaluwalhatian ng Libano ay darating sa iyo, ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuario; at aking gagawin ang dako ng aking mga paa na maluwalhati.
14 At ang mga anak nila na dumalamhati sa iyo ay magsisiparoong yuyuko sa iyo; at silang lahat na nagsisihamak sa iyo ay magpapatirapa sa mga talampakan ng iyong mga paa; at tatanawin ka nila Ang bayan ng Panginoon, Ang Sion ng Banal ng Israel.
15 Yamang ikaw ay napabayaan at ipinagtanim, na anopa't walang tao na dumadaan sa iyo, gagawin kitang walang hanggang karilagan, na kagalakan ng maraming sali't saling lahi.
16 Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas sa iyo, at Manunubos sa iyo, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal. Akin namang gagawin na iyong mga pinuno ang kapayapaan, at ang iyong mga maniningil ay katuwiran.
18 Karahasan ay hindi na maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan o kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan; kundi tatawagin mo ang iyong mga kuta ng Kaligtasan, at ang iyong mga pintuang-bayan na Kapurihan.
19 Ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang liwanag, at ang iyong Dios ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Ang iyong bayan naman ay magiging matuwid na lahat; sila'y mangagmamana ng lupain magpakailan man, ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan.
61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;
2 Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;
3 Upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila'y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang siya'y luwalhatiin.
4 At sila'y magtatayo ng mga dating sira, sila'y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan, ang mga nagiba sa maraming sali't saling lahi.
5 At ang mga taga ibang lupa ay magsisitayo at mangagpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga taga ibang lupa ay magiging inyong mga mangaararo at mangungubasan.
6 Nguni't kayo'y tatawaging mga saserdote ng Panginoon; tatawagin kayo ng mga tao na mga tagapangasiwa ng ating Dios: kayo'y magsikain ng kayamanan ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay mangagmamapuri kayo.
7 Kahalili ng inyong kahihiyan ay nagtatamo kayo ng ibayong karangalan; at kahalili ng pagkalito ay magagalak sila sa kanilang bahagi: kaya't sa kanilang lupain ay mangagaari sila ng ibayong kasaganaan, walang hanggang kagalakan ang mapapasa kanila.
8 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay umiibig ng kahatulan, aking ipinagtatanim ang pagnanakaw sangpu ng kasamaan; at aking ibibigay sa kanila ang kanilang kagantihan sa katotohanan, at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
9 At ang kanilang lahi makikilala sa gitna ng mga bansa, at ang kanilang lahi sa gitna ng mga bayan: lahat na nangakakakita sa kanila ay mangakakakilala sa kanila, na sila ang lahi na pinagpala ng Panginoon.
10 Ako'y magagalak na mainam sa Panginoon, ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Dios; sapagka't binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng kasintahang lalake na nagpuputong ng putong na bulaklak, at gaya ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.
11 Sapagka't kung paanong ang lupa'y nagsisibol ng pananim, at kung paanong ang halamanan ay nagsisibol ng mga bagay na natanim sa kaniya; gayon pasisibulin ng Panginoong Dios ang katuwiran at kapurihan sa harap ng lahat na bansa.
62 Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.
2 At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon.
3 Ikaw naman ay magiging putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios.
4 Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin.
5 Sapagka't kung paanong ang binata ay nakikipagtipan sa dalaga, gayon nakikipagtipan ang iyong mga anak na lalake sa iyo; at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon magagalak ang Dios sa iyo.
6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila'y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapagalaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga,
7 At huwag ninyong bigyan siya ng kapahingahan, hanggang sa siya'y matatag, at hanggang sa kaniyang gawing kapurihan sa lupa ang Jerusalem.
8 Ang Panginoon ay sumumpa ng kaniyang kanang kamay, at ng bisig ng kaniyang kalakasan, Tunay na hindi na ako magbibigay ng iyong trigo na pinakapagkain sa iyong mga kaaway; at ang mga taga ibang lupa ay hindi magsisiinom ng iyong alak, na iyong pinagpagalan.
9 Kundi silang nangagimbak niyaon ay magsisikain niyaon, at magsisipuri sa Panginoon; at silang nangagtipon niyaon ay magsisiinom niyaon sa mga looban ng aking santuario.
10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.
11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
12 At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.
63 Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuutang tinina mula sa Bosra? itong maluwalhati sa kaniyang suot, na lumalakad sa di kawasang lakas? Ako na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas.
2 Bakit ka mapula sa iyong kasuutan, at ang iyong damit ay gaya niyaong yumayapak sa alilisan ng alak?
3 Aking niyapakang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa akin: oo, aking niyapakan siya sa aking galit, at aking niyurakan sila sa aking kapusukan; at ang kanilang dugong buhay ay pumilansik sa aking mga suot, at natigmak ang buong suot ko.
4 Sapagka't ang kaarawan ng panghihiganti ay nasa aking puso, at ang taon ng aking mga tinubos ay dumating.
5 At ako'y lumingap, at walang tumulong; at ako'y namangha na walang umalalay: kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay; at ang aking kapusukan, ay umalalay sa akin.
6 At aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilango ko sila sa aking kapusukan, at ibinubo sa lupa ang kanilang dugong buhay.
7 Aking babanggitin ang mga kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga kapurihan ng Panginoon, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin, at ang malaking kabutihan na kaniyang ginawa sa sangbahayan ni Israel na kaniyang ginawa sa kanila ayon sa kaniyang mga kaawaan, at ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.
8 Sapagka't kaniyang sinabi, Tunay, sila'y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo'y siya'y naging Tagapagligtas sa kanila.
9 Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.
10 Nguni't sila'y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y inalaala niya ang mga araw nang una, si Moises at ang kaniyang bayan, na sinasabi, Saan nandoon siya na nagahon sa kanila mula sa dagat, na kasama ng mga pastor ng kaniyang kawan? saan nandoon siya na kumakasi ng kaniyang banal na Espiritu sa kanila?
12 Na inaakbayan ng kaniyang maluwalhating bisig ang kanang kamay ni Moises? na humawi ng tubig sa harap nila, upang gawan ang kaniyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13 Na pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman, na parang isang kabayo sa ilang, upang sila'y huwag mangatisod?
14 Kung paanong ang kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga ng Espiritu ng Panginoon: gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gawan mo ang iyong sarili ng maluwalhating pangalan.
15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.
17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana.
18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario.
19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.
Public Domain