Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Mga Hari 5-6

Ang pakikipagtalastasan sa haring Hiram bagay sa pagpapatayo ng templo.

At si Hiram na (A)hari sa Tiro ay nagsugo ng kaniyang mga lingkod kay Salomon; dahil sa kaniyang nabalitaan na siya'y kanilang pinahiran ng langis na maging hari na kahalili ng kaniyang ama, sapagka't si Hiram ay naging laging maibigin (B)kay David.

(C)At si Salomon ay nagsugo kay Hiram, na kaniyang sinasabi,

Talastas mo na kung paanong si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay sa pangalan ng Panginoon niyang Dios dahil sa mga pagdidigmaan sa palibot niya sa bawa't dako, (D)hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kaniyang mga paa.

Nguni't ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Dios ng katiwasayan sa bawa't dako; (E)wala kahit kaaway, o masamang pangyayari man.

At, narito, ako'y tumalagang ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, gaya ng sinalita ng Panginoon kay David na aking ama, na nagsasabi, Ang iyong anak na aking iuupo sa iyong luklukan na kahalili mo, siya ang (F)magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.

Ngayon nga'y ipagutos mo na iputol nila ako ng mga puno ng sedro sa Libano; (G)at ang aking mga bataan ay makakasama ng iyong mga bataan: at aking bibigyan ka ng kaupahan sa iyong mga bataan ayon sa lahat na iyong sasabihin: sapagka't iyong talastas na wala sinoman sa amin na makapagdadaras ng mga kahoy ng gaya ng mga Sidonio.

At nangyari nang mabalitaan ni Hiram ang mga salita ni Salomon, na siya'y nagalak na mainam, at nagsabi, (H)Purihin ang Panginoon sa araw na ito, na nagbigay kay David ng isang pantas na anak, sa malaking bayang ito.

At si Hiram ay nagsugo kay Salomon, na nagsasabi, Aking narinig ang pasugo na iyong ipinasugo sa akin: aking gagawin ang iyong buong nasa tungkol sa kahoy na sedro, at tungkol sa kahoy na (I)abeto.

Ang aking mga bataan ay magsisipagbaba mula sa Libano hanggang sa dagat: at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong pagtuturuan sa akin, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin: at iyong tutuparin ang aking nasa, sa pagbibigay ng pagkain (J)sa aking sangbahayan.

10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Salomon ng kahoy na sedro, at kahoy na abeto ayon sa kaniyang buong nasa.

11 At binigyan ni Salomon si Hiram ng dalawang pung libong takal na trigo na pinaka pagkain ng kaniyang sangbahayan, at dalawang pung takal na taganas na langis; (K)ganito binigyan ni Salomon si Hiram sa taon-taon.

12 At binigyan ng Panginoon si Salomon ng karunungan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya; (L)at may kapayapaan si Hiram at si Salomon; at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.

13 At ang haring Salomon ay humingi ng mga mang-aatag sa buong Israel; at ang mga mang-aatag ay tatlong pung libong lalake.

14 At kaniyang sinusugo sila sa Libano na sangpu-sangpung libo bawa't buwan na halinhinan: isang buwan ay nasa Libano, at dalawang buwan ay sa bahay: at si (M)Adoniram ay tagapamahala sa mga mang-aatag.

15 At si Salomon ay may pitong pung libong nagsisipagdala ng mga pasan (N)at walong pung libong mangdadaras sa bundukin:

16 Bukod pa ang mga (O)kapatas ni Salomon na nasa gawain, na tatlong libo at tatlong daan, na nagpupuno (P)sa mga taong nagsisigawa ng gawain.

17 At ang hari ay nagutos, at nagsitibag sila ng malalaking bato, ng mga mahahalagang bato, upang ilagay ang tatagang-baon ng bahay (Q)na gumagamit ng mga batong tabas.

18 At tinabas ng mga tagapagtayo ni Salomon, at ng mga tagapagtayo ni Hiram at ng mga (R)Gebalita, at inihanda ang mga kahoy, at ang mga bato upang itayo ang bahay.

Ang pagtatayo ng templo.

At nangyari (S)nang ikaapat na raan at walong pung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay nangakalabas sa lupain ng Egipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Salomon sa Israel, nang buwan ng Ziph, na ikalawang (T)buwan, na kaniyang pinasimulang itinayo ang bahay ng Panginoon.

(U)At ang bahay na itinayo ng haring Salomon ukol sa Panginoon, ang haba niyao'y anim na pung siko, at ang luwang ay dalawang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko.

At ang portiko sa harap ng templo ng bahay, may dalawang pung siko ang haba, ayon sa luwang ng bahay; at sangpung siko ang luwang niyaon sa harap ng bahay.

At iginawa ang bahay ng mga dungawan na (V)may silahia.

At sa karatig ng pader ng bahay ay naglagay siya ng mga grado sa palibot, sa siping ng mga pader ng bahay sa palibot ng templo at gayon din sa (W)sanggunian: at siya'y gumawa ng mga silid sa tagiliran (X)sa palibot:

Ang kababababaan ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang grado ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang: sapagka't siya'y gumawa ng mga tungtungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga sikang ay huwag kumapit sa mga pader ng bahay.

At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: (Y)at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.

Ang pintuan sa mga kababababaang silid sa tagiliran ay nasa dakong kanan ng bahay: at sa pamamagitan ng isang hagdanang sinuso ay nakapapanhik sa pangalawang grado, at mula sa pangalawang grado ay sa ikatlo.

Gayon itinayo niya ang bahay, at tinapos at binubungan ang bahay ng mga sikang at mga tabla ng sedro.

10 At kaniyang ginawa ang mga grado na karatig ng buong bahay, na bawa't isa'y limang siko ang taas: at kumakapit sa bahay sa pamamagitan ng kahoy na sedro.

Ang tipan ng Dios.

11 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Salomon, na sinasabi,

12 Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, (Z)kung ikaw ay lalakad sa aking mga palatuntunan, at gagawin ang aking mga kahatulan, at iingatan ang lahat ng aking mga utos upang lakaran; ay akin ngang pagtitibayin ang aking salita sa iyo, na aking sinalita kay (AA)David na iyong ama.

13 At ako'y tatahan (AB)sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan (AC)ang aking bayang Israel.

14 Gayon itinayo ni Salomon ang bahay, at (AD)tinapos.

15 At kaniyang ginawa ang mga panig sa loob ng bahay na kahoy na sedro; mula sa lapag ng bahay hanggang sa mga panig ng kisame, na kaniyang binalot ng kahoy sa loob; at kaniyang tinakpan ang lapag ng bahay ng tabla na abeto.

16 At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa (AE)kabanalbanalang dako.

17 At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.

18 At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.

19 At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

20 At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na (AF)ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.

21 Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.

22 At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana (AG)na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.

Dalawang querubin sa sanggunian.

23 At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin (AH)na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.

24 At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.

25 At ang isang querubin ay sangpung siko: ang dalawang querubin ay may isang sukat at isang anyo.

26 Ang taas ng isang querubin ay may sangpung siko, at gayon din ang isang querubin.

27 At kaniyang inilagay ang mga querubin sa pinakaloob ng bahay: at ang mga pakpak ng mga querubin ay nangakabuka (AI)na anopa't ang pakpak ng isa ay dumadaiti sa isang panig, at ang pakpak ng ikalawang querubin ay dumadaiti sa kabilang panig; at ang kanilang mga kabilang pakpak ay nagkakadaiti sa gitna ng bahay.

28 At kaniyang binalot ng ginto ang mga querubin.

Mga ukit sa palibot at sa mga pintuan.

29 At kaniyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga querubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga (AJ)bukang bulaklak, sa loob at sa labas.

30 At ang lapag ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

31 At sa pasukan ng sanggunian, siya'y gumawa ng mga pintuan na kahoy na olibo: ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyaon ay ikalimang bahagi ng panig ang laki.

32 Sa gayo'y gumawa siya ng dalawang pinto na kahoy na olibo; at kaniyang inukitan ng mga ukit na mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kaniyang ikinalat ang ginto sa mga querubin, at sa mga puno ng palma,

33 Sa gayo'y gumawa naman siya sa pasukan ng templo ng mga haligi ng pintuan na kahoy na olibo, sa ikaapat na bahagi ng panig;

34 At dalawang pinto na kahoy na abeto; ang dalawang pohas ng isang pinto ay (AK)naititiklop, at ang dalawang pohas ng kabilang pinto ay naititiklop.

35 At kaniyang pinagukitan ng mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak; at binalot niya ng ginto na kapit sa mga ukit na gawa.

36 At kaniyang ginawa ang loob na looban, (AL)na tatlong hanay na batong tabas, at isang hanay na sikang na kahoy na sedro.

37 Nang ikaapat na taon, (AM)sa buwan ng Ziph, inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Panginoon.

38 At nang ikalabing isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan ay nayari ang bahay sa lahat ng bahagi niyaon, at ayon sa buong anyo niyaon. Na anopa't pitong taong ginawa.

2 Cronica 2-3

Ang layunin ni Salomon sa pagtatayo ng templo.

Si Salomon nga ay nagpasiya na ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.

(A)At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.

(B)At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, (C)Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.

Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa (D)palaging tinapay na handog, at sa mga (E)handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.

At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.

Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, (F)dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?

Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, (G)na itinaan ni David na aking ama.

Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,

Sa makatuwid baga'y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka't ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.

10 At (H)narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong (I)bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.

Ang tulong ni Hiram sa pagtatayo ng templo.

11 Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, (J)Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.

12 Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.

13 At ngayo'y nagsugo ako ng bihasang lalake na may kaalaman, kay Hiram na aking ama,

14 Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay (K)taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.

15 Ngayon nga'y ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak, na sinalita ng (L)aking panginoon, ipadala niya sa kaniyang mga bataan:

16 At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa (M)Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.

17 At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni (N)David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu't tatlong libo at anim na raan.

18 At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.

Ang kaayusan ng templo:—ang sanggunian, querubin, haligi, dambana, at dagatdagatan na binubo.

Nang magkagayo'y pinasimulan ni (O)Salomon na itayo ang bahay ng Panginoon, sa Jerusalem sa bundok ng (P)Moria, na pinagkakitaan ng Panginoon kay David na kaniyang ama, sa dakong kaniyang pinaghandaan na pinagtakdaan ni David sa giikan ni Ornan na (Q)Jebuseo.

At siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang araw ng ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kaniyang paghahari.

Ang mga ito nga ay ang mga tatagangbaon na inilagay ni (R)Salomon na ukol sa pagtatayo ng bahay ng Dios. Ang haba sa mga siko ayon sa panukat ng una ay anim na pung siko, at ang luwang ay dalawangpung siko.

At ang (S)portiko na nasa harap ng bahay, ang haba niyao'y ayon sa luwang ng bahay ay dalawang pung siko, at ang taas ay isang daang at dalawangpu: at kaniyang binalutan sa loob ng taganas na ginto.

At ang lalong malaking (T)bahay ay kaniyang kinisamihan ng kahoy na abeto, na kaniyang binalot ng dalisay na ginto, at ginawan niya ng mga palma at mga tanikala.

At kaniyang ginayakan ang bahay ng mga mahalagang bato na pinakapangpaganda: at ang ginto, ay ginto sa Parvaim.

Kaniyang binalutan din naman ng ginto ang bahay, ang mga sikang, ang mga pintuan, at ang mga panig niyaon at ang mga pinto; at inukitan ng mga querubin sa mga panig niyaon.

At kaniyang ginawa ang (U)kabanalbanalang bahay; ang haba niyaon, ayon sa luwang ng bahay, ay dalawangpung siko, at ang luwang niyaon ay dalawangpung siko; at kaniyang binalutan ng dalisay na ginto, na may timbang na anim na raang talento.

At ang bigat ng mga pako ay limangpung siklong ginto. At kaniyang binalot ng ginto ang pinakamataas na (V)silid.

10 At sa kabanalbanalang bahay ay gumawa siya ng (W)dalawang querubin na gawang nilarawan; at binalot nila ng ginto.

11 At ang mga pakpak ng mga querubin ay dalawangpung siko ang haba; ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay; at ang kabilang pakpak ay gayon din na limang siko na abot sa pakpak ng isang querubin.

12 At ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay: at ang kabilang pakpak ay limang siko rin, na nakadaiti sa pakpak ng isang querubin.

13 Ang mga pakpak ng mga querubing ito ay nangakaladlad ng dalawangpung siko: at sila'y nangakatayo ng kanilang mga paa, at ang kanilang mga mukha ay paharap sa dako ng bahay.

14 At kaniyang ginawa ang lambong na bughaw, at kulay ube, at matingkad na pula, at mainam na kayong lino, at ginawan ng mga querubin.

15 Siya'y gumawa rin sa harap ng bahay ng (X)dalawang haligi na may (Y)tatlongpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawa't isa sa mga yaon ay limang siko.

16 At kaniyang ginawan ng mga tanikala ang sanggunian at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isang daang granada, at inilagay sa mga tanilaka.

17 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa harap ng templo, ang isa'y sa kanan, at ang isa'y sa kaliwa; at tinawag ang pangalan niyaong nasa kanan ay Jachin, at ang pangalan niyaong nasa kaliwa ay Boaz.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978