Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Apocalipsis 12-18

Ang Babae at ang Dragon

12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;

siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.

At(A) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.

Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.

At(C) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.

Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.

At(D) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,

ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.

At(E) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.

10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
    at ang kaharian ng ating Diyos,
    at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
    na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
    at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
    at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
    sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
    palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”

13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.

14 Ngunit(G) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.

15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.

16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.

17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.

18 At tumayo ang dragon[a] sa buhanginan ng dagat.

Ang Dalawang Halimaw

13 At(H) nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan.

At(I) ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.

Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw.

Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, “Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?”

Ang(J) halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit.

Ipinahintulot(K) din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa,

at(L) ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.

Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig:

10 Kung(M) ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal.

11 At nakita ko ang isa pang halimaw na umaahon sa lupa; at ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero at siya'y nagsasalita na parang dragon.

12 Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na.

13 Ito'y gumagawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao.

14 At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw, na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay.

15 At ito'y pinahintulutang makapagbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ng halimaw ay makapagsalita, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng halimaw.

16 At ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin ay pinalagyan nito ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo,

17 upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito.

18 Kailangan dito ang karunungan: ang may pang-unawa ay bilangin ang bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang nito ay animnaraan at animnapu't anim.

Ang Kordero at ang 144,000

14 Pagkatapos(N) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.

Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[b] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.

At(O) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.

Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”

At(P) isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”

At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,

10 ay(Q) iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.

11 At(R) ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.

12 Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.[c]

13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Ang Paggapas sa Lupa

14 Pagkatapos(S) ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit.

15 Lumabas(T) ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, “Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa.”

16 Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan.

17 At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit.

18 Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, “Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na.”

19 Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos.

20 At(U) pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya.[d]

Ang mga Anghel na may Panghuling Salot

15 At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos.

At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos.

At(V) inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi,

“Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa,
    O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
Matuwid at tunay ang iyong mga daan,
    ikaw na Hari ng mga bansa.
Sinong(W) hindi matatakot
    at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon,
sapagkat ikaw lamang ang banal.
    Ang lahat ng mga bansa ay darating
    at sasamba sa harapan mo;
sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag.”

Pagkatapos(X) ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan.

At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.

At isa sa apat na nilalang na buháy ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na punô ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman.

At(Y) napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.

Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.”

Kaya't(Z) humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito.

Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.

Ibinuhos(AA) ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito.

At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,

“Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal,
    sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito,
sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta,
    at pinainom mo sila ng dugo.
Ito'y karapat-dapat sa kanila!”

At narinig ko ang dambana na nagsasabi,

“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    tunay at matuwid ang iyong mga hatol!”

At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.

At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.

10 Ibinuhos(AB) naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,

11 at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.

12 Ibinuhos(AC) ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.

13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.

14 Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 (“Masdan(AD) ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit,[e] upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.”)

16 At(AE) sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.

17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, “Naganap na!”

18 At(AF) nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.

19 Ang(AG) dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot.

20 At(AH) tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan.

21 At(AI) bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra[f] buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot.

Ang Reyna ng Kahalayan

17 At(AJ) dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae[g] na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig;

na(AK) sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid.

At(AL) ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na punô ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(AM) babae ay nakadamit ng kulay-ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na punô ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid,

at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: “dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae[h] at ng mga karumaldumal sa lupa.”

At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir[i] ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas.

Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(AN) halimaw na nakita mo ay buháy noon[j] at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di-matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buháy noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa.

“Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari,

10 ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon.

11 At ang halimaw na buháy noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ikawalo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

12 At(AO) ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw.

13 Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw.

14 Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat.”

15 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng mahalay na babae[k] ay mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika.

16 At ang sampung sungay na iyong nakita, sila at ang halimaw ay mapopoot sa mahalay na babae;[l] siya'y pababayaan at huhubaran nila, lalamunin ang kanyang laman at siya'y lubos na susunugin sa apoy.

17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at magkaisa ng pag-iisip at ibigay ang kanilang paghahari sa halimaw, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.

18 Ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa.”

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian.

At(AP) siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi,

“Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia!
    Ito'y naging tirahan ng mga demonyo,
pugad ng bawat espiritung karumaldumal,
    at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon;
sapagkat(AQ) lahat ng mga bansa ay uminom
    ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid,
at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya,
    at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.”

At(AR) narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi,

“Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko,
    upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan,
at huwag kayong makabahagi
    sa kanyang mga salot;
sapagkat(AS) ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit,
    at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan.
Ibigay(AT) din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo,
    at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa;
    sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit.
Kung(AU) gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan,
    ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
    ‘Ako'y nakaupong isang reyna.
Hindi ako balo
    at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’
Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya,
    kamatayan, pagluluksa at gutom;
at siya'y lubos na susunugin sa apoy;
    sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”

At(AV) ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya.

10 Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia!
Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.”

11 Ang(AW) mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal;

12 kalakal(AX) na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay-ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol,

13 kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao.

14 “Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo
    ay wala na sa iyo,
at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal
    ay nalipol sa iyo,
    at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!”

15 Ang(AY) mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,

16 na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula,
    at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas!
17 Sapagkat(AZ) sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!”

At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo,

18 at(BA) nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi,

“Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?”

19 At(BB) sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak!
20 Magalak(BC) ka tungkol sa kanya, O langit,
    at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta;
sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!”

21 Pagkatapos(BD) ay dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat na sinasabi,

“Sa ganitong karahasan ibabagsak ang dakilang Babilonia,
    at hindi na matatagpuan pa.
22 At(BE) (BF) ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
at wala nang manggagawa ng anumang gawa
    ang matatagpuan pa sa iyo;
at ang ingay ng gilingan
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
23 at ang liwanag ng ilawan
    ay hindi na tatanglaw pa sa iyo
at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
sapagkat ang mga mangangalakal mo ay dating mga pangunahin sa lupa;
    sapagkat dinaya ng iyong pangkukulam ang lahat ng mga bansa.
24 At(BG) natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
    at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001