Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
2 Juan

Ako na isang matanda ay sumusulat sa hinirang na ginang at sa kaniyang mga anak na aking iniibig sa katotohanan. Hindi lamang ako ang umiibig sa inyo kundi kasama rin ang lahat ng nakakilala ng katotohanan. Minamahal ko kayo alang-alang sa katotohanang nananatili sa atin at mamamalagi sa atin magpakailanman.

Sumainyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Ama sa katotohanan at sa pag-ibig.

Labis akong nagagalak na makita ko ang inyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa tinanggap nating utos mula sa Ama. Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo, ginang, hindi sa waring sumusulat ako sa iyo ng isang bagong utos kundi yaong tinanggap na natin buhat pa sa pasimula. Ito ay ang mag-ibigan tayo sa isa’t isa. Ganito ang pag-ibig: Lumakad tayo ayon sa kaniyang mga kautusan. Ito ang utos na inyong narinig buhat pa sa pasimula na siyang dapat ninyong lakaran.

Maraming manlilinlang ang narito na sa sanlibutan. Sila yaong mga ayaw kumilala na si Jesucristo ay nagkatawang-tao. Ang ganitong tao ay isang mandaraya at anticristo. Ingatan ninyo ang inyong sarili upang huwag mawala sa atin ang mga bagay na ating pinagpagalan kundi matanggap natin ang buong gantimpala. Sa sinumang sumasalangsang at hindi nananatili sa aral ni Cristo ay wala sa kaniya ang Diyos. Siya na nananatili sa aral ni Cristo, ang Ama at ang Anak ay nasa kaniya. 10 Kung may dumating sa inyo at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni batiin man. 11 Ito ay sapagkat ang sinumang bumabati sa kaniya ay nakikibahagi sa kaniyang masasamang gawa.

12 Maraming bagay akong isusulat sa inyo ngunit hindi ko ibig na isulat sa pamamagitan ng papel at tinta. Umaasa akong makapariyan sa inyo at makausap kayo ng mukhaan upang malubos ang ating kagalakan.

13 Binabati ka ng mga anak ng kapatid mong babaeng hinirang. Siya nawa!

3 Juan

Ako na isang matanda ay sumulat sa pinakamamahal na Gayo na aking iniibig sa katotohanan. Minamahal, ang hangad ko ay sumagana ka sa lahat ng bagay at magkaroon ka ng mabuting kalusugan gaya naman ng kasaganaang taglay ng iyong kaluluwa. Labis akong nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoo patungkol sa katotohanan na nasa iyo at kung paano ka lumalakad sa katotohanan. Wala nang hihigit pang kagalakan sa akin kundi ang marinig ko na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.

Minamahal, ginagawa mong may katapatan ang anumang iyong ginagawa sa mga kapatid at sa mga dayuhan. Sila ang mga nagpapatotoo sa iglesiya patungkol sa iyong pag-ibig. Sa tuwing tinutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang karapat-dapat sa Diyos. Mabuti ang ginagawa mo. Ito ay sapagkat sila ay humayo alang-alang sa kaniyang pangalan na walang kinuhang anuman sa mga Gentil. Kaya nga, dapat nating tanggapin ang mga tulad nila upang makasama natin sila sa paggawa ng katotohanan.

Sumulat ako sa iglesiya ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na ibig maging pinakamataas sa kanilang lahat. 10 Kaya nga, kung makapunta ako riyan, ipapaala-ala ko sa kaniya ang mga ginawa niyang paninira laban sa amin sa pamamagitan ng masasamang salita. At hindi pa siya nasiyahan sa ganito. Hindi rin niya tinanggap ang mga kapatid at pinagbabawalan ang mga ibig tumanggap sa kanila at itinataboy sila mula sa iglesiya.

11 Minamahal, huwag ninyong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos ngunit ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12 Maganda ang patotoo ng lahat tungkol kay Demetrio, maging ang katotohanan mismo ay nagpapatotoo sa kaniya. Kami ay nagpatotoo rin at alam ninyong ang aming patotoo ay tunay.

13 Maraming bagay pa akong isusulat ngunit hindi ko ibig na isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat. 14 Umaasa ako na makikita kita riyan kaagad at mag-uusap tayo ng mukhaan. Kapayapaan ang sumaiyo. Binabati ka ng mga kaibigan dito. Batiin mo ang mga kaibigan diyan sa kanilang mga pangalan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International