Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 10-11

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa

10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpu't dalawa.[a] Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi(A) niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Humayo(B) kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag(C) kayong magdala ng lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas. Huwag na kayong tumigil upang bumati kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong pagbasbas. Makituloy(D) kayo sa bahay na iyon at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod. Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ 10 Ngunit(E) pagpasok ninyo sa isang bayan at hindi kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay inaalis namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, malapit na ang kaharian ng Diyos!’ 12 Sinasabi(F) ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa bayang iyon sa Araw ng Paghuhukom!”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(G)

13 “Kawawa(H) kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom. 15 At(I) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay!

16 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Bumalik ang Pitumpu't Dalawa

17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[b] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”

18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(K) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”

Nagalak si Jesus(L)

21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[c] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 “Ibinigay(M) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ang Mabuting Samaritano

25 Isang(N) dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”

27 Sumagot(O) ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”

28 Sabi(P) ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit(Q) may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”

36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”

37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”

Dumalaw si Jesus kina Martha at Maria

38 Si(R) Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. 39 May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[d] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

Katuruan tungkol sa Pananalangin(S)

11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,

‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
    Dumating nawa ang iyong kaharian.
    Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[e]
    At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[f]

Si Jesus at si Beelzebul(T)

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(U) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”

16 May(V) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

23 “Ang(W) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(X)

24 “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”

Ang Tunay na Pinagpala

27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”

28 Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”

Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(Y)

29 Nang(Z) dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung(AA) paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa(AB) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa(AC) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”

Ang Ilaw ng Katawan(AD)

33 “Walang(AE) nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga].[g] Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(AF)

37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.

42 “Kahabag-habag(AG) kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.

43 “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”

45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”

46 Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ 50 Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula(AH) kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito.

52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”

53 At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.

Juan 10:22-42

Itinakwil ng mga Judio si Jesus

22 Taglamig(A) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”

25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(B) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(C) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(D) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(E) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.