Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Nehemias 13:15 - Job 7:21

15 Noon(A) ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. 16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. 17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. 18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”

19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. 21 Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.

Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.

23 Nalaman(B) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(C) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28 Isa(D) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.

30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.

Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.

Ang aklat na ito ay kasaysayan ni Tobit na anak ni Tobiel at apo ni Hananiel, na anak naman ni Aduel. Si Aduel ay anak ni Gabael at apo ni Rafael na anak ni Raguel. Si Raguel ay mula sa angkan ni Asiel na mula naman sa lipi ni Neftali. Noong(E) panahon ng paghahari ni Salmaneser ng Asiria, ako ay dinalang-bihag mula sa Tisbe. Ang lugar na ito'y nasa gawing hilaga ng Galilea, timog ng Kades, sa Neftali, hilagang-silangan ng Asher at hilaga ng Fogor.

Ang Buhay ni Tobit

Ako si Tobit. Sa buong buhay ko'y sinikap kong mamuhay nang matapat at masunurin sa kalooban ng Diyos. Lagi akong nagkakawanggawa at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong dinalang-bihag sa Nineve, Asiria.

Noong kami'y nasa Israel pa, ako'y nasa akin pang kabataan nang ang lipi ni Neftali, ang liping aming pinagmulan, ay humiwalay sa sambahayan ni David at sa Jerusalem. Kaya't kami ngayon ay hindi na saklaw ng Jerusalem, ang lunsod na pinili sa lahat ng lipi ng Israel. Lahat ng Israelita ay pinaghahandog sa templong naroon na itinayo't itinalagang panghabang-panahon. Kaya(F) ang lahat kong mga kamag-anak, pati ang angkan ng aking ninunong si Neftali na tumiwalag, ay naghahain bilang pagsamba sa guyang ipinagawa ni Haring Jeroboam ng Israel doon sa Dan, sa buong kaburulan ng Galilea.

Ang Katapatan ni Tobit sa Kanyang Relihiyon

Ako(G) lamang sa aming pamilya ang laging nagpupunta sa Jerusalem. Lagi akong dumadalo sa mga kapistahan doon sapagkat ito'y bahagi ng walang hanggang kautusan na dapat sundin ng lahat. Tuwing ako'y dadalo, dala ko ang mga unang bunga ng aking ani, ang mga unang supling ng aking mga hayop, ang ikasampung bahagi ng aking kawan, at ang lana mula sa aking mga tupa. Ito'y ibinibigay ko sa mga pari na mga anak ni Aaron upang ihandog sa dambana. Sa mga Levita na naglilingkod sa Jerusalem, ibinibigay ko naman ang ikasampung bahagi ng butil na inani, alak, langis ng olibo, granada, igos, at iba pang bungangkahoy. Maliban sa mga taon ng pamamahinga, nagsasadya ako taun-taon sa Jerusalem upang dalhin ang ikalawang ikasampung bahagi ng aking mga ari-arian at ipinamamahagi ko ang pera sa Jerusalem sa pagdiriwang. Ngunit tuwing ikatlong taon, ibinibigay ko ang ikatlong ikasampu[a] sa mga ulila, sa mga balo, at sa mga taga-ibang bayan na kasama na ng mga Israelita. Nagsasalu-salo kami bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises, na itinuro sa akin ni Debora, ina ng aking lolong si Hananiel,[b] upang tupdin. Ulila na ako sapagkat patay na ang aking amang si Tobiel.

Ang Katapatan ni Tobit sa Panahon ng Pagkabihag

Pagsapit ko sa sapat na gulang ay nag-asawa ako. Napangasawa ko si Ana na kabilang din sa aming lahi. Si Tobias ang aming naging anak. 10 Nang ako'y dalhing-bihag sa Asiria, tumira ako sa Nineve. Doon, ang mga kapatid ko't kamag-anak ay natuto na ring kumain ng pagkain ng mga Hentil, 11 ngunit ako'y nakapagpigil sa sarili. 12 Dahil sa aking katapatan sa Kataas-taasang Diyos, 13 niloob ng Kataas-taasang Diyos na ako'y kagiliwan ni Haring Salmaneser. Ako ang pinagkatiwalaan niyang maging tagabili ng lahat ng kanyang pangangailangan. 14 Dahil dito, madalas akong nagpupunta sa Media para mamili roon ng kanyang mga kagamitan. Minsan nang ako'y nasa Rages, Media, inilagak ko sa kamag-anak kong si Gabael na kapatid ni Gabrias ang ilang supot ng salaping pilak. 15 Nang mamatay si Salmaneser at maghari ang anak niyang si Senaquerib, tumigil na ako nang pagpunta sa Media sapagkat naging mapanganib na ang maglakbay papunta roon.

Inilibing ni Tobit ang mga Patay

16 Nang panahong namamahala pa si Salmaneser, ako'y nagkakawanggawa at naglilingkod sa aking mga kamag-anak at kababayan kapag sila'y nangangailangan. 17 Pinapakain(H) ko ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang maisuot. Ang makita kong bangkay sa labas ng Nineve, lalo't kababayan, ay aking inililibing.

18 Isang araw, isinumpa ni Senaquerib ang Diyos na Hari ng Langit. Pinarusahan siya ng Diyos at kinailangan niyang tumakas mula sa Juda. Galit na galit siya nang magbalik sa Media kaya't marami siyang ipinapatay na Israelita. Palihim kong inilibing ang mga bangkay kaya't nagtataka ang hari kung bakit nawawala ang mga bangkay ng mga ipinapatay niya. 19 Ngunit may taga-Nineve na nagsumbong sa hari na ako ang gumagawa nito. Bunga nito'y nagalit sa akin ang hari, kaya't ako'y nagtago. Ngunit nang mabalitaan kong alam na ng hari ang tungkol sa akin at ako'y pinaghahahanap upang patayin, ako'y tumakas dahil sa takot. 20 Sa galit ng hari, lahat ng ari-arian ko'y kanyang sinamsam, maliban sa aking asawang si Ana at anak na si Tobias.

Iniligtas si Tobit ng Kanyang Pamangkin

21 Makalipas ang halos apatnapung[c] araw, pinatay si Haring Senaquerib ng dalawa niyang anak na lalaki at pagkatapos ay tumakas ang mga ito patungong kabundukan ng Ararat. Pumalit sa hari ang anak niyang si Esarhadon at kinuha nitong katulong sa palasyo ang pamangkin kong si Ahikar na anak ni Hanael. Ginawa siyang tagapamahala ng kayamanan ng buong kaharian. 22 Dahil kay Ahikar, nakabalik ako sa Nineve. Noon pa mang buhay si Haring Senaquerib ng Asiria, si Ahikar ay naglilingkod na sa palasyo bilang tagapaghanda ng inumin ng hari, tagapag-ingat ng pantatak, tagapamahala at ingat-yaman pa. Ang mga tungkulin ding nabanggit ang ipinagkatiwala sa kanya ng bagong hari. Dahil sa pamangkin ko si Ahikar, pinuri niya ako sa hari kaya't pinayagan ako ng hari na makabalik sa Nineve.

Noong(I) panahon ng paghahari ni Esarhadon, bumalik ako sa aking tahanan sa piling ng aking asawang si Ana at anak na si Tobias. At nang ipagdiwang ang Pentecostes, ang Pista ng Pitong Linggo, hinandugan nila ako ng isang masarap na salu-salo. Matapos ihain ang masasarap na pagkain sa hapag, tinawag ko ang aking anak na si Tobias. “Anak,” ang sabi ko, “Humanap ka rito sa Nineve ng kahit sinong dukhang kababayan nating tapat sa Panginoon. Dalhin mo siya rito at nang makasalo ko. Dalian mo. Hihintayin kita.”

May Pinatay sa Nineve

Lumabas nga si Tobias upang humanap ng makakasalo ko. Ngunit bumalik ito agad na sumisigaw, “Tatay! Tatay!”

“Bakit? Anong nangyari, anak?” ang tanong ko.

“May kababayan tayong binigti at itinapon sa palengke,” sagot niya.

Dahil sa narinig ko'y hindi na ako nakakain; halos patakbong iniwan ko ang hapag, pinuntahan ang bangkay, at dinala ko sa isang kubling pook upang ilibing paglubog ng araw. Matapos(J) kong gawin ito, nagbalik ako sa amin, naglinis ng katawan, at kumaing nalulumbay. Noon(K) ko nagunita ang pahayag ni Propeta Amos laban sa mga taga-Bethel,[d]

“Ang inyong pagdiriwang ay magiging pagdadalamhati,
    at ang inyong kasayahan ay magiging panaghuyan.”

Nanangis ako. Paglubog ng araw, lumabas ako at humukay ng paglilibingan, at ibinaon doon ang bangkay. Sa ginawa kong ito, pinagtawanan ako ng aking mga kapitbahay. Ang sabi nila, “Hindi na ba natakot ang taong ito? Ipinadakip na siya para patayin sa ganito ring kasalanan; ngayo'y naglibing na naman!”

Nabulag si Tobit

Pag-uwi ko nang gabing iyon, naligo ako at pagkatapos ay doon na ako natulog sa aming bulwagan. Hindi na ako nagtakip ng mukha dahil sa init. 10 Hindi ko napunang may mga ibong maya pala sa tapat ng higaan ko. Ang mainit-init pang ipot ng mga ito'y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng katarata. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako'y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayon na lamang ang pagkabahala ng aking mga kamag-anak. Dalawang taon akong tinulungan ni Ahikar hanggang sa siya'y magpunta sa Elimais.

11 Ang asawa kong si Ana ay nagtrabaho bilang manghahabi na karaniwang gawain ng mga babae nang panahong iyon, upang kumita ng ikabubuhay namin. 12 Pagkahatid niya ng kanyang mga ginawa ay binabayaran agad siya ng may-ari. Minsan, noong ikapitong araw ng buwan ng taglamig, naghatid siya ng mga natapos niya. Nakuha niya agad ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng isang batang kambing.

13 Umuwi siyang akay ang kambing. Pagpasok niya, humalinghing ang kambing, kaya't nang marinig ko'y tinawag ko siya at tinanong, “Saan galing ang kambing na iyan? Marahil ay nakaw, ano? Sige, ibalik mo iyan! Hindi tayo dapat kumain ng nakaw!”

14 Ngunit ito ang tugon niya sa akin, “Iyan ay dagdag na bigay sa akin, bukod sa bayad sa aking ginawa.”

Hindi ko siya pinaniwalaan; pilit kong ipinababalik ang kambing sa may-ari. Galit na galit ako sa aking asawa dahil dito. Kaya't sinumbatan niya ako. Sinabi niya, “Ngayon, nasaan na ang iyong pagkakawanggawa? Nasaan ang mga ginawa mong kapuri-puri? Lumabas na rin ang tunay mong pagkatao!”

Ang Panalangin ni Tobit

Ang nangyaring ito'y labis kong dinamdam. Sa sama ng loob, ako'y napaiyak nang malakas. Tumatangis akong nanalangin nang ganito:

Ikaw ay matuwid at makatarungan,[e]
O Panginoon, tapat ka sa lahat ng bagay.
Ikaw ang hukom ng daigdig na ito.[f]
    Kaya naman ako'y iyong kahabagan, linisin ako at iyong tulungan,
sa mga kasalanan ko'y huwag mong parusahan,
    sa di sinasadyang mga kamalian
at pagkakasala ng aking mga ninuno.
    Sa pagkakasala nila at paglabag,
itong aming lahi'y nabihag at naghirap,
    maraming namatay nang sila'y dalhing-bihag.
Kahit saang bansang aming kinasadlakan,
    tinutuya kami't pinag-uusapan,
    nalagay kami sa labis na kahihiyan.
Ang mga parusang iyong iginawad,
    tapat at totoo, sa ami'y nararapat
sa mga magulang nami'y angkop na ilapat.
    Pati na sa amin ang parusa'y dapat pagkat ang utos mo'y di namin tinupad.

“Gawin mo sa akin, iyong maibigan,
pabayaan mo nang makitil ang buhay,
    bayaan na akong makabalik sa lupa,
    masarap pa sa aking ako'y mamayapa.
Di ko matitiis na ako'y kutyain,
    lubhang mabigat na ang aking pasanin.
Panginoon, hayaan nang hirap ko'y magwakas
    at mamahinga ako sa tirahang walang hanggan.
Mabuti pa ngayon ang ako'y mamatay, kaysa magtiis pa ng hirap sa buhay
    na ang naririnig ay mga pangungutya!”

Maling Paratang kay Sara

7-8 Nang panahong iyon, sa Ecbatana, Media, ay may isang dalagang ang pangala'y Sara na anak ni Raguel. Pitong ulit na siyang nagpakasal, ngunit bago siya masipingan, bawat mapangasawa niya ay pinapatay ng demonyong si Asmodeo. Isang araw, ininsulto siya ng isang babaing utusan ng kanyang ama. Sabi nito, “Pihong ikaw ang pumatay sa iyong mga naging asawa. Tingnan mo, pito ang naging asawa mo, ngunit wala ni isang nakapagbigay sa iyo ng anak. Bakit kami ang pagpapasanin mo nito? Mamamatay ng asawa! Mabuti pa'y magpakamatay ka na rin! Hindi namin gustong ikaw ay magkaanak pa!”

10 Lubhang nalungkot si Sara nang araw na iyon. Umiiyak siyang umakyat sa silid ng kanyang ama. Nais na niyang magbigti, ngunit nagbago ang kanyang isip. “Hindi!” nasabi niya sa sarili. “Hahamakin ng mga tao ang tatay ko kapag ito'y ginawa ko. Tiyak na sasabihin nila sa kanya, ‘Iisa na nga lang ang anak mong babae, nagpakamatay pa dahil sa kapighatian!’ Para kong itinulak ang aking ama sa hukay dahil sa sama ng loob. Mabuti pang hilingin ko sa Panginoon na siya ang kumitil sa aking buhay para hindi na ako kutyain ng mga tao.”

Ang Panalangin ni Sara

11 Kaya't noon di'y humarap si Sara sa bintana, itinaas ang mga kamay, at nanalangin nang ganito:

“Mahabaging Diyos, dapat kang papurihan,
    marapat dakilain ang iyong pangalan,
    dapat kang purihin ng lahat ng nilalang.
12 Ang tulong mo ay aking hinihintay, O Panginoon.
13 Iyo ngang iutos na ako ay lumaya
    nang di na marinig ang mga pagkutya.
14 Iyong nababatid na ako'y dalaga,
    nakasiping na lalaki, kailanma'y wala pa.
15 Dangal ng sarili'y aking naingatan, pati na ang dangal ng aking magulang
    sa lugar kung saan dinala kaming bihag.
Itong aking ama'y walang ibang anak,
    walang kamag-anak[g] na aking magiging kabiyak.
Pitong beses na akong nabiyuda
    kaya ang buhay ko'y wala nang halaga.
Kung ang buhay ko'y di mo pa kukunin,
    iyong ipadama ang habag sa akin,
huwag mo nang hayaang ako ay kutyain.”[h]

Tinugon ng Diyos ang Dalangin nina Tobit at Sara

16 Ang dalangin ni Tobit at ni Sara ay narinig ng Diyos. Noon di'y tinugon niya ang kanilang kahilingan. 17 Isinugo(L) niya ang anghel na si Rafael upang sila'y tulungan. Isinugo ito upang alisin ang katarata sa mata ni Tobit at upang palayain si Sara sa kapangyarihan ng demonyong si Asmodeo, at pagkatapos ay makasal kay Tobias, na anak ni Tobit, sapagkat si Tobias ang may karapatan kay Sara. Samantalang si Tobit ay pabalik sa kanyang tahanan mula sa bakuran nila, si Sara naman, na anak ni Raguel, ay bumababa sa kanyang silid.

Pinayuhan ni Tobit si Tobias

Nang araw ding iyon, naalala ni Tobit ang salaping kanyang inilagak kay Gabael sa Rages, Media. Noon di'y inisip niya ang ganito: “Dahil ang hangad ko'y mamatay na, kailangang tawagin ko ang anak kong si Tobias upang ipaliwanag sa kanya ang tungkol sa salaping iyon.” Ipinatawag nga niya ito, at pagdating ay sinabihan, “Ipalibing mo ako nang maayos kapag ako'y namatay. Igagalang mo ang iyong ina at huwag mo siyang pababayaan. Sundin mo anuman ang kanyang kagustuhan at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob. Alalahanin mo anak na maraming panganib ang kanyang dinanas habang ikaw ay nasa sinapupunan pa niya. Kaya kung siya'y bawian ng buhay, ilibing mo siya sa aking tabi.

“Huwag mong kalilimutan ang Panginoon habang ikaw ay nabubuhay; sumunod ka sa mga utos niya at iwasan mong magkasala. Sa iyong buong buhay, gawin mo ang mabuti at iwasan ang landas ng makasalanan. Sikapin mong maging tapat sa gawain at magtatagumpay ka.

“Huwag(M) mong tatalikuran ang mahihirap; magkawanggawa ka, at di ka tatalikuran ng Diyos. Ang pagkakawanggawa'y iangkop mo sa iyong katayuan sa buhay; kung mayaman ka'y magbigay ka nang masagana. Ngunit mahirap ka ma'y magbigay ka rin; huwag kang magpapabaya. Alalahanin mong sa paggawa mo nito'y nag-iimpok ka ng kayamanan na magagamit mo sa panahon ng kagipitan. 10 Hindi lamang ito, ang pagkakawanggawa'y nagliligtas pa sa kamatayan at sa kadiliman. 11 Ang paglilimos ay isang mabuting kaloob para sa karangalan ng Kataas-taasang Diyos.

12 “Anak, iwasan mo ang anumang uri ng pakikiapid. Huwag kang mag-aasawa sa hindi kabilang sa angkan ng ating mga ninuno. Huwag sa mga dayuhan, kundi sa kabilang sa angkan ng iyong ama, sapagkat tayo'y nagbuhat sa mga propeta. Alalahanin mong lagi sina Noe, Abraham, Isaac at Jacob. Sila ang ating mga ninuno; lahat ay nag-asawa sa mga kamag-anak nila at pinarami ng Diyos ang kanilang mga anak. Ang mga anak na ito ang magmamana ng lupain ng Israel, 13 kaya mahalin mo ang iyong angkan. Huwag kang magmamalaki sa kanila. Kailangang doon ka pumili ng iyong mapapangasawa. Sapagkat kung hindi mo gagawin ito at magmamalaki ka, maaaring magkagulu-gulo kayo at di magkaunawaan. Ang katamaran ay siyang sanhi ng paghihikahos at paghihirap. Iyan din ang pagmumulan ng karalitaan at kagutuman.

14 “Ang sinumang pinagtatrabaho mo'y swelduhan mo agad. Huwag mo nang ipagpapabukas pa ang pagbabayad sa kanya. Kung magiging tapat kang lingkod ng Diyos, ikaw ay pagpapalain niya. Ingatan mo ang iyong hakbang at ilagay sa lugar ang bawat kilos mo. 15 Anumang(N) hindi mo gusto'y huwag mong gagawin sa iba.

“Huwag kang maglalasing. Huwag mong pababayaang maging bisyo mo ang pag-inom ng alak.

16 “Bigyan mo ng pagkain ang nagugutom, at ng damit ang mga nangangailangan. Kung masagana ka ay magkawanggawa ka, at huwag kang manghihinayang sa iyong pagbibigay ng limos. 17 Kung(O) may mabuting tao na mamatay, huwag kang magmaramot sa pagpapakain sa mga naulila. Subalit huwag mong gagawin iyon sa mga makasalanan.

18 “Humingi ka ng payo sa marurunong at piliin mo ang papakinabangan. 19 Magpuri kang lagi sa Panginoong Diyos at hilingin mong ituwid niya ang iyong landas para magtagumpay ka sa iyong layunin. Walang maaasahang mabuting payo sa mga bansang pagano; ang Panginoon lamang ang nagbibigay ng lahat ng mabuti. Kung loobin niyang itaas ang tao, nagagawa niya ito, at kung gusto namang isadlak sa libingan, ito'y mangyayari. Dahil dito, huwag mong kalilimutan ang aking mga utos, at iukit mo ito sa iyong isipan.

20 “Tobias, may ipagtatapat ako ngayon sa iyo, anak: may inilagak akong malaking halaga kay Gabael na anak ni Gabrias, sa Rages, Media. 21 Huwag(P) ka na ngayong malungkot dahil sa tayo'y maralita. Kung may takot ka sa Diyos at iiwan mo ang kasalanan, malulugod sa iyo ang Panginoon at yayaman ka.”

Si Rafael at Tobias ay Naglakbay Patungong Media

Si Tobias ay sumagot sa kanyang amang si Tobit, “Susundin ko po ang lahat ng inyong utos. Ngunit paano ko po makukuha ang salaping sinasabi ninyo? Hindi naman ako kilala ng taong sinasabi ninyo at hindi ko rin naman siya kilala! Ano pong katibayan ang ibibigay ko sa kanya upang kilanlin niya ako at ipagkatiwala sa akin ang salaping iyon? Hindi ko rin po alam ang papunta sa Media.”

Sumagot si Tobit, “May paraan, anak; lumagda kami ni Gabael sa isang kasulatan, na may dalawang sipi at pagkatapos ay pinagtig-isahan namin iyon. Ang kanya ay kasama ng supot ng salapi. Dalawampung taon na ang nakalipas mula noon! Humanap ka agad ng isang taong mapagkakatiwalaan na makakasama mo. Babayaran natin siya pagbalik ninyo. Kailangang makuha mo ang salaping iyon kay Gabael.”

Humanap(Q) nga si Tobias ng taong tapat at nakakaalam ng pagpunta sa Media. Paglabas niya'y nakita niya ang anghel na si Rafael na nakatayo sa kanyang harapan, ngunit hindi niya alam na ito'y anghel ng Diyos. Kaya't tinanong niya kung tagasaan ito. “Israelita ako,” sagot ni Rafael. “Malayo mo akong kamag-anak, at pumunta ako rito sa Nineve upang maghanap ng trabaho.”

“Alam po ba ninyo ang patungo sa Media?” tanong ni Tobias.

“Aba, Oo,” tugon ng anghel. At sinabi pa nito, “Sanay ako sa pagpunta roon. Alam ko ang lahat ng daang patungo roon. May kamag-anak pa nga akong madalas dalawin doon! Si Gabael na taga-Rages, Media. Ang Rages ay dalawang araw na lakbayin mula sa Ecbatana, sapagkat ang Rages ay nasa kabundukan at ang Ecbatana ay nasa gitna ng kapatagan.”

Nang marinig ito ni Tobias, sinabi niya sa kausap, “Maaari bang hintayin mo ako sandali? Ikaw ang taong kailangan kong makasama; babayaran kita. Magsasabi lang ako sa ama ko.”

“Payag ako; dalian mo lang,” tugon ni Rafael.

Nagbalik si Tobias at sinabi sa kanyang ama ang nangyari. Sabi niya, “Nakakita na po ako ng lalaking makakasama at isa pa nating kamag-anak!”

“Tawagin mo siya,” sabi ni Tobit, “nais kong malaman kung kaninong lahi siya nagmula at kung siya'y mapagkakatiwalaan upang samahan ka.”

Nakausap ni Tobit si Rafael

Nagbalik si Tobias kay Rafael at sinabi rito, “Nais kang makausap ng aking ama.” Nagpunta naman si Rafael, at pagpasok sa bahay, binati agad siya ni Tobit.

“Magandang araw po!” tugon naman ni Rafael.

“Ano ba ang maganda sa buhay ko?” sabi ni Tobit. “Bulag ako, at hindi ko maaninag ang liwanag na kaloob ng Diyos; para na akong patay na nananatili sa kadiliman! Nakakarinig nga ng tinig, ngunit hindi naman makita ang nagsasalita.”

“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa,” tugon naman ni Rafael, “pagagalingin kayo ng Diyos.”

Matapos marinig ito'y sinabi ni Tobit, “Si Tobias ay gustong magpunta sa Media ngunit hindi niya alam ang daan. Puwede bang samahan mo siya? Huwag kang mag-alala; babayaran kita, anak!”

Sumagot si Rafael, “Puwede ko po siyang samahan. Lahat po ng daang patungo roo'y alam ko. Madalas po akong magpunta sa Media at natawid ko nang lahat ang mga kapataga't kabundukang papunta roon.”

10 Tinanong siya ni Tobit, “Huwag kang magagalit, anak; tagasaan ka ba at kaninong lahi ka nagmula?”

11 “Bakit po kailangan pa ninyong malaman ang aking pagkatao?” tugon ni Rafael.

Sumagot si Tobit, “Mabuti nang malaman ko kung sino ka at kung sino ang iyong angkan.”

12 “Ako po'y si Azarias,” tugon ni Rafael. “Anak po ako ng matandang Hananias na isa rin ninyong kamag-anak.”

13 “Ganoon ba?” sagot ni Tobit. “Mabuti! Pagpalain ka nawa ng Diyos. Huwag ka sanang maiinis sa aking pag-uusisa. Tingnan mo, magkamag-anak pala tayo! Kilala ko ang iyong ama at ang kapatid nitong si Natamias.[i] Anak sila ng iyong Lolo Semaias at madalas kaming magkasama papuntang Jerusalem para sumamba. Napakabuti nila; mabuti ang iyong angkan! Kaya, tamang-tama ka. Maligayang paglalakbay!”

14 Sabi pa ni Tobit, “Sumama ka lamang sa anak ko, babayaran kita nang araw-araw at babayaran ko ang lahat ng gastusin ninyo. 15 Hindi lamang iyon, bibigyan pa kita ng karagdagang kaloob.”

16 Sumagot(R) naman si Rafael, “Huwag po kayong mag-alala; sasama ako kay Tobias. Makakaasa kayong makakabalik kaming maluwalhati. Wala pong magiging problema sa aming daraanan.”

“Pagpalain kayo ng Diyos,” tugon naman ni Tobit. Tinawag niya si Tobias at sinabi, “Anak, ihanda mo nang lahat ang iyong kailangan, at lumakad na kayo sa mga kamag-anak natin sa Media. Ingatan nawa kayo ng Diyos at ibalik na ligtas. Patnubayan nawa kayo ng kanyang anghel.”

Bago sila umalis, humalik muna si Tobias sa kanyang ama at ina. “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay,” sabing muli ni Tobit.

17 Ngunit napaiyak ang asawa ni Tobit. Sabi niya, “Bakit ka naman nagpasya nang ganito? Alam mo namang siya lang ang ating inaasahan at tanging gabay sa buhay. 18 Huwag namang ang higit na mahalaga sa iyo ngayon ay ang kayamanan kaysa sa iyong anak! 19 Ang buhay na kaloob ng Diyos sa atin ay sapat na.”

20 “Huwag kang mag-alala,” sagot ni Tobit. “Ang anak nati'y ligtas na aalis at makakabalik. 21 Pumanatag ka; huwag kang mag-alala, mahal ko. Asahan mong papatnubayan siya ng mabuting anghel, at babalik siyang walang kapansanan.” At tumahan na si Ana.

Nakahuli ng Isda si Tobias

Umalis nga si Tobias na kasama ang anghel at isinama pa niya ang kanyang aso. Inabot sila ng gabi sa paglalakbay, at doon na sila nagpalipas ng gabi sa may Ilog Tigris. Lumusong si Tobias sa ilog para maghugas ng paa. Walang anu-ano'y may malaking isdang lumundag at tinangkang sakmalin ang kanyang paa. Napasigaw siya. “Hulihin mo,” ang sabi ng anghel, “at huwag mong bibitiwan!”

Gayon nga ang ginawa ni Tobias, at iniahon sa pampang ang isda.

Sinabi ng anghel, “Biyakin mo ang isda at itago mo ang apdo, puso at atay sapagkat ang mga iyon ay mabuting gamot. Itapon mo ang iba pang lamang-loob.”

Sinunod ni Tobias ang utos sa kanya. Nagluto pa siya ng kapiraso ng isda at kinain nila. Ang natira'y inasnan at binaon nila sa paglalakbay.

Matapos kumain at magpahinga, nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nang malapit na sila sa Media, tinanong ni Tobias ang kasama niya, “Kaibigang Azarias, saan ba mabuting gamot ang apdo, puso at atay ng isda?”

Ito ang sagot ng anghel: “Ang puso at atay ay mabuti sa sinasapian ng masasamang espiritu. Kapag sinunog mo iyon sa harap ng maysakit at lumaganap ang usok sa paligid niya, tiyak na gagaling siya at lalayas ang demonyong nasa kanya. Hindi na siya babalikan niyon. Ang apdo naman ay gamot sa mata. Ipahid mo lamang iyon sa matang may katarata, gagaling ang maysakit at makakakita siya.”

Patungo sa Ecbatana

Pumasok sila sa lupain ng Media at nang malapit na sa Ecbatana, 10 sinabi ni Rafael sa kasama, “Kapatid na Tobias!”

“Ano iyon?” tugon naman nito. Patuloy na nagsalita si Rafael, “Mamayang gabi, doon tayo matutulog kina Raguel na kamag-anak mo. May anak siyang dalaga na ang pangala'y Sara. 11 Si Sara ay kaisa-isang anak at ang kanyang ama ay walang tagapagmana. Imumungkahi kong siya'y ipakasal sa iyo. Ikaw ang may karapatang mapangasawa niya sapagkat ikaw ang pinakamalapit na kamag-anak. Ikaw rin ang may karapatang magmana ng lahat ng kayamanan ng kanyang ama. 12 Si Sara ay matalino, buo ang loob at maganda; mabuting tao rin ang kanyang ama. Mamayang gabi'y kakausapin ko ang kanyang ama. Hihilingin kong ipakasal sa iyo ang kanyang anak. Pagbalik natin mula sa Rages, maghahanda tayo ng malaking salu-salo. Hindi ka bibiguin ni Raguel, sapagkat alam niyang kung hindi ikaw, na siyang may karapatan, ang mapapangasawa ng kanyang anak, pananagutan niya ito ayon sa Kautusan ni Moises. Kaya, sundin mo ako, kapatid. Mamayang gabi'y magkasama tayong mamamanhikan sa kanila. Pag-uwi natin sa Rages isasama na natin siya.”

13 Sa panukalang ito'y tumutol si Tobias. Sinabi niya, “Hindi ako papayag, Azarias! Umabot sa kaalaman ko na ang babaing iya'y pito na ang naging asawa, at sisiping pa lang ay namamatay na sila. 14 Balita ko pa'y demonyo ang pumapatay sa mga iyon. Natatakot ako. Hindi nito sinasaktan ang babaing iyon, subalit sinumang lalaki ang magtangkang lumapit ay pinapatay niya. Alam mong ako'y kaisa-isang anak at kung ako'y masasawi, para ko nang itinulak sa hukay ang aking ama't ina. Wala na akong kapatid na maglilibing sa kanila!”

15 Sumagot si Rafael, “Nalimutan mo na ba, Tobias, ang bilin ng iyong ama? Sinabi niyang sa iyong mga kamag-anak ka kukuha ng mapapangasawa! Makinig ka sa akin, at huwag mong intindihin ang demonyong iyon. Pakasalan mo si Sara, sapagkat ngayong gabi ay mapapasaiyo ang kanyang kamay! 16 Pagpasok mo sa kanyang silid, dalhin mo ang atay at puso ng isdang nakuha mo. Sunugin mo iyon 17 at kapag naamoy ng demonyo ang usok, tatakas agad ito at hindi na babalik. Bago kayo magsiping, manalangin muna kayong dalawa. Tumayo kayo upang manalangin at hilingin ninyo sa Panginoon na kahabagan kayo at iligtas. Huwag kang matakot, sapagkat si Sara ay itinakda na para sa iyo bago pa likhain ang sanlibutan. Ililigtas mo siya at sasama siya sa iyo. Tinitiyak kong magkakaanak kayo. Huwag kang mag-alala.”

Matapos maipaliwanag ni Rafael na si Sara ay kamag-anak niya, minahal na ni Tobias ang dalaga at itinalaga na niya ang sarili na mapangasawa ito.

Sa Tahanan ni Raguel

Matapos mag-usap, lumakad na sina Tobias at Rafael. Pagpasok nila sa Ecbatana, sinabi ni Tobias, “Azarias, samahan mo na ako sa kamag-anak kong si Raguel.”

Nagtuloy nga ang dalawa at naratnan nila si Raguel sa may pintuan ng kanyang bulwagan. Una silang bumati at nagbigay-galang. Tinugon naman sila agad ni Raguel at ang sabi, “Maligayang pagdating, mga kapatid; tuloy kayo!” Dinala agad ni Raguel ang dalawa sa bahay at ipinakilala sa kanyang asawang si Edna. Ang sabi niya kay Edna, “Ang binatang ito ay kamukhang-kamukha ng pinsan kong si Tobit!”

Tinanong sila ni Edna, “Tagasaan ba kayo, mga kapatid?”

Sila'y tumugon, “Kami po'y buhat sa lipi ni Neftali, mga dinalang-bihag sa Nineve.” “Kung gayo'y kilala ninyo ang kamag-anak naming si Tobit,” sabi ni Edna.

“Aba, opo!” tugon ng dalawa. “O, kumusta naman siya?” nananabik na tanong ni Edna. “Buháy po at malakas pa rin,” sabi ng dalawa.

“Ama ko po siya,” sabi ni Tobias.

Napalundag sa galak si Raguel, at umiiyak na hinagkan si Tobias. Ngunit(S) nalungkot siya at napahagulgol nang malaman sa dalawa na bulag pala si Tobit. Sinabi niya kay Tobias, “Pagpalain ka ng Diyos, anak ko! Dakila at napakabuti ng iyong ama! Nakapanlulumo na ang isang tapat at mabuting taong tulad niya ay mabulag!” Umiiyak niyang niyakap si Tobias. Pati si Edna at si Sara ay napaiyak din.

Ang Kasal nina Tobias at Sara

Matapos ang kanilang pagpapakilala't pagkukumustahan, nagpapatay si Raguel ng barakong tupa mula sa kanyang kawan at naghanda ng isang salu-salo. Bago kumain, pagkatapos maligo nina Tobias at Rafael, sinabi ni Tobias sa kanyang kasama, “Kapatid na Azarias, hingin mo na kay Raguel ang kamay ni Sara para sa akin.” Ang usapan nila'y narinig ni Raguel, kaya't sinabi niya kay Tobias, 10 “Kumain ka at uminom. Magsaya ka ngayong gabi, sapagkat ikaw na ang mapapangasawa ni Sara. Wala akong karapatang ibigay siya sa iba sapagkat ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak. Subalit may ipagtatapat ako sa iyo. 11 Si Sara ay naipakasal ko na sa pitong lalaki na mga kamag-anak din, ngunit lahat sila'y namatay kapag sila'y sisiping na sa kanya. Ang paniwala ko'y hindi mangyayari sa iyo ang gayon; iingatan ka ng Panginoon. Kaya kumain ka, uminom at pumanatag.”

Sumagot si Tobias, “Hindi po ako kakain at iinom hangga't hindi ko nakakamtan si Sara.”

12 “Mangyayari ang nais mo,” tugon ni Raguel. “Ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Iyan ang kapasyahan sa langit! Kaya kunin mo na siya, at mula ngayon, ikaw ay sa kanya at siya naman ay sa iyo magpakailanman! Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon ngayong gabi. Kahabagan nawa kayo at bigyan ng kapayapaan.”

Napangasawa ni Tobias si Sara

13 Pagkatapos, tinawag ni Raguel si Sara at ibinigay kay Tobias. Sinabi niya, “Tobias, ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Tanggapin mo siya, ingatan, at iharap mo sa iyong ama. Pagkalooban nawa kayo ng Diyos sa kalangitan ng lubos na kasiyahan at kapanatagan.” 14 Tinawag ni Raguel ang asawa niya at humingi ng isang kasulatan na pagsusulatan ng kasunduan ng kasal. Ang kasulata'y magpapatunay na ibinigay na niya si Sara kay Tobias bilang asawa ayon sa Kautusan ni Moises. Nagdala nga ng kasulatan ang kanyang asawa. Matapos ihanda ang lahat, lumagda na ang bawat kinauukulan.

15 Natapos ang kasal at sila'y nagsikain. 16 Matapos kumain, tinawag ni Raguel ang kanyang asawa, “Edna, mahal ko, ihanda mo na ang silid ng mag-asawa at papasukin si Sara.” 17 Inayos nga niya ang silid at ipinasok na roon si Sara. Umiiyak si Sara, at matapos pahirin ang luha ay sinabi ni Edna ang ganito bago umalis: 18 “Nawa ang kalungkutan mo'y palitan ng kagalakan ng Panginoon! Huwag kang matakot; pumanatag ka, anak.” At lumabas na si Edna.

Pinalayas ang Demonyo

Matapos maghapunan ang lahat, nagpasya nang mamahinga ang ama't ina ni Sara. Kaya't sinamahan na nila si Tobias at itinuro ang silid-tulugan. Naalala ni Tobias ang bilin ni Rafael tungkol sa atay at puso ng isda. Kaya't kinuha niya ito sa kanyang lalagyan, sinunog kasama ng insenso sa isang sisidlan at pumasok sa silid na taglay ito. Lumaganap(T) sa silid ang usok, at naamoy ng demonyo. Tumakas ito patungong Egipto. Hinabol ito ni Rafael at nang abuta'y iginapos ang paa't kamay.

Ang Panalangin ni Tobias

Nang mapag-isa na ang mag-asawa, bumangon si Tobias at sinabi sa asawa, “Bumangon ka, mahal ko, at manalangin tayo. Manalangin tayo sa Panginoon na tayo'y kahabagan at ingatan.” Bumangon(U) nga si Sara, at nanalangin silang dalawa. Ganito ang sabi ni Tobias:

“Karapat-dapat kang purihin at pasalamatan, Diyos na sinasamba ng aming mga magulang.
Purihin ang iyong pangalan, dakila at banal magpakailanman.
    Ikaw ay pinupuri ng sangkatauhan, ipinagbubunyi ng buong kinapal.
Si(V) Adan ay tao na iyong nilikha, asawa niyang si Eva ikaw ang gumawa.
    Ibinigay mong katuwang para sa kanya;
ang sangkatauha'y sa kanila nagmula.
Sinabi mo, ‘Di dapat mag-isa ang tao,’ kaya't ating pagpasyahan,
    ‘Gawin nati'y katuwang na kanyang kalarawan.’
Ang pag-aasawang pinasok ko ngayo'y
    di udyok ng nasa, kundi'y sa Panginoon,
tunay na matapat aking nilalayon, itong aming buhay nawa'y magkaroon
    ng awa mo't lakas sa habang panahon, nang hanggang pagtanda kami'y magkatulong.”

Sabay silang nagsabi, “Amen! Amen!” Sila'y natulog pagkapanalangin.

Pagkabahala ng mga Magulang ni Sara

Samantala, si Raguel ay bumangon at tinawag ang kanyang mga alipin. Lumabas sila upang humukay ng paglilibingan. 10 “Kailangang gawin ko ito,” sabi ni Raguel, “para tayo'y maligtas sa pangungutya at panlalait kung sakaling mamatay si Tobias.” 11 Nang mayari ang hukay, nagbalik si Raguel sa kanyang asawa at sinabi, 12 “Suguin mo ang isa mong katulong na babae at patingnan kung si Tobias ay buháy pa. Kung patay na, ililibing natin siya nang walang nakakaalam.” 13 Ang katulong na babae ay nagsindi ng ilawan at pumasok sa silid ng bagong kasal. Nakita niyang mahimbing na natutulog ang mag-asawa. 14 Ibinalita agad ng katulong ang kanyang nakita. Sinabi niyang buháy si Tobias at walang anumang masamang nangyari. 15 Dahil doon, pinuri ni Raguel ang Diyos ng kalangitan. Wika niya:

Ang Panalangin ni Raguel

“Pinupuri ka namin, O Diyos, buháy sa aming puso.
Bayaang purihin ka ng mga hinirang,
    purihin ka nila magpakailanman.
16 Dahil sa kagalakan ko, kita'y pinupuri,
    sapagkat hindi nangyari ang aking kinatatakutan;
    sa halip, lalo mo kaming kinahabagan.
17 At sa kabutihan mo sa mag-asawang ito,
    pinupuri ka namin.
Opo, Panginoon, mahabag ka't iligtas mo sila,
at ipagkaloob mo sa kanila ang mahabang buhay sa ilalim ng iyong kalinga.”

18 Matapos manalangin, sinabi niya sa kanyang mga alipin na bago mag-umaga'y tabunan ang ginawa nilang hukay.

Naghanda para sa Kasalan

19 Sa katuwaan nila'y naghanda sila ng isang malaking salu-salo. Inutusan ni Raguel ang kanyang asawa na magluto ng maraming tinapay, samantalang siya naman ay kumuha sa kawan ng dalawang toro at apat na barakong kambing at ipinapatay sa mga utusan. 20 Tinawag(W) niya si Tobias at sumumpa si Raguel na, “Hindi ka aalis dito sa loob ng dalawang linggo. Magkasama tayong kakain at iinom, at dudulutan mo ng kaligayahan ang iyong asawa. 21 Kunin mo na ang kalahati ng kayamanan ko kahit buháy pa ako. Madadala mo ito sa iyong pag-uwi, at sana'y makarating ka sa inyo nang ligtas. Ang matitira'y iyo pa rin kapag kaming mag-asawa'y namatay na. Magalak ka, anak! Ako'y iyo na ring ama at si Edna ay iyong ina. Tunay na ang ating kaugnayan ay hindi na mapapatid. Wala kang anumang dapat ipangamba, anak!”

Ang Salapi ni Tobit

Naalala ni Tobias ang salaping sinabi ng kanyang ama. Kaya't tinawag niya si Rafael at sinabi, “Azarias, ihanda mo ang dalawang kamelyo at kumuha ka ng apat na alipin. Dalhin mo ang kasulatang ito at pumunta kayo sa Rages, sa bahay ni Gabael. Ibigay mo sa kanya ang kasulatan, kunin mo ang salapi at pasamahin mo siya rito. Sabihin mong kailangan ko siya sa pagdiriwang ng aming kasal. Tiyak na naghihintay na ang aking ama. Kahit na isang araw lang akong maantala ay kanyang ikakabalisa. Alam mong hinihiling ni Raguel na huwag muna akong umalis, at hindi ko siya matatanggihan.” Kaya si Rafael at ang apat na alipin ay nagpunta sa Rages, Media kasama ang dalawang kamelyo. Doon nga sila nagtuloy sa bahay ni Gabael. Iniabot ni Rafael kay Gabael ang kasulatan, at ibinalita niya ang tungkol kay Tobias na anak ni Tobit. Sinabi niyang ito'y nag-asawa na at inaanyayahan siya sa pagdiriwang ng kasal. Inayos agad ni Gabael ang mga supot ng salapi at ikinarga sa mga kamelyo.[j]

Kinabukasan, maaga silang umalis at nagtungo sa kasalan. Nang pumasok sila sa bahay ni Raguel, nakita nila si Tobias na nakadulog sa hapag. Agad itong tumayo at binati si Gabael. Lumuluha si Gabael na bumati rin, at sinabi, “Ikaw ay dakila at mabuting bata, anak ng dakila at mabuting tao, tapat at mapagkawanggawa. Pagpalain ka nawa ng Panginoon, gayundin ang asawa mo't mga biyenan. Salamat sa Diyos at niloob niyang makita ko ang aking pinsan na si Tobias. Kamukhang-kamukha ka ng iyong ama.”

Pinagaling si Tobit

10 Samantala, si Tobit na ama ni Tobias ay inip na inip na, sapagkat lampas na ang takdang araw ng pagbabalik ng kanyang anak at ng kasama nito. Nasabi niya, “Ano kayang nangyayari kay Tobias? Baka pinigil na siya roon! Baka naman kaya patay na si Gabael at walang magbigay sa kanya ng salaping inilagak ko roon!” Alalang-alala si Tobit.

Dahil dito'y sinabi ni Ana, “Tiyak na patay na ang anak ko!” At napahagulgol at nagdalamhati siya dahil sa inaakalang sinapit ng anak. “O, anak ko,” ang sabi ng ina, “ligaya ng aking buhay. Bakit kita pinahintulutang umalis sa piling ko!”

Ngunit inaliw siya ni Tobit, “Huwag kang mag-alala, mahal ko; tiyak na buháy pa ang ating anak. Marahil ay mayroon lamang silang gawaing hindi maiwasan doon. Ang kasama naman niya sa paglalakbay ay isang taong mapagkakatiwalaan, isang kamag-anak. Kaya huwag kang mamighati sa kanya. Tiyak na darating siya.”

“Tama na! Huwag mo na akong linlangin pa,” sagot ni Ana. “Patay na ang anak ko!” Kaya't mula noo'y hindi na kumain si Ana. Araw-araw, lumalabas ito at nagpapalipas ng oras sa daang dinaanan ng anak sa pag-alis nito. Lubog na ang araw kung siya'y umuwi at magdamag na nagdadalamhati at siya'y umiiyak.

Umalis si Tobias sa Ecbatana

Labing-apat na araw na ipinagdiwang ang kasal nina Tobias at Sara. Ito ang pangako ni Raguel sa ikaliligaya ng anak. Nang matapos ang pagdiriwang, lumapit si Tobias sa kanyang biyenan at sinabi, “Pahintulutan na po ninyo akong umuwi at baka alalang-alala na ang aking mga magulang. Payagan na ninyo ako. Sinabi ko na sa inyo ang kalagayan ng aking ama nang umalis ako.”

“Huwag ka munang umalis, Tobias,” sabi ni Raguel, “magsusugo ako ng magbabalita sa iyong ama tungkol sa iyo.” Ngunit si Tobias ay pilit na nakiusap na siya'y payagan nang umuwi.

10 Dahil dito, sinabi ni Raguel, “Kung gayon, isama mo na si Sara. Dalhin mo ang kalahati ng aking ari-arian, mga aliping babae at lalaki, baka, tupa, asno at kamelyo. Dalhin mo rin ang kalahati ng aking salapi, damit at mga kagamitan sa bahay.” 11 Nang gayak na ang lahat, sila'y nagpaalam. Bago umalis, niyakap ni Raguel si Tobias, “Paalam, anak ko!” sabi niya. “Nawa'y makarating kayong maluwalhati. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon. Sana'y makita ko ang aking mga apo bago ako mamatay!” 12 Hinagkan din niya si Sara at sinabi, “Anak, igagalang mo ang iyong mga biyenan. Mula ngayo'y ituring mo silang tunay na magulang. Humayo kang taglay ang kapayapaan, at nawa'y maganda ang maging balita na maririnig ko tungkol sa inyo habang ako'y nabubuhay.” Matapos ang pagpapaalaman, sila'y umalis na.

Pagkatapos, kinausap din si Tobias ng kanyang biyenang babae. Sinabi nito, “Anak ko at mahal na kamag-anak, ihatid nawa kayong ligtas ng Panginoon ng langit. Nawa, bago ako mamatay ay makita ko ang aking magiging apo sa inyo ni Sara. Sa harapan ng Panginoon, ipinagkakatiwala ko sa iyo ang aking anak. Huwag mo siyang bibigyan ng sama ng loob. Humayo kayong taglay ang kapayapaan! Asawa mo si Sara kaya't ako'y ina mo na ngayon. Nawa'y sumagana tayong lahat habang tayo'y buháy.” Matapos niyang hagkan ang mag-asawa, tuluyan na silang pinalakad.

11 Galak na galak na umalis si Tobias. Matapos mamaalam, sinabi pa nito bago umalis, “Mabigyang-kasiyahan ko nawa kayo habang ako'y nabubuhay!” Umalis siya na pinupuri ang Panginoon ng langit at lupa, at Hari ng buong mundo, dahil sa matagumpay nilang paglalakbay. At kanya ring ipinangakong pararangalan ang mag-asawang Raguel at Edna habambuhay.

Ang Paglalakbay Pauwi

Naglakbay nga silang pabalik na kasama rin si Rafael. Nang malapit na sila sa Kaserin na katapat ng Nineve, sinabi ni Rafael, “Natatandaan mo ba ang kalagayan ng iyong ama noong tayo'y lumisan? Mabuti pa'y mauna na tayo para makapaghanda agad sa bahay. Hayaan mo nang mahuli ang iyong asawa at ang buong pangkat.” At nauna nga silang dalawa. Sa daa'y sinabi ni Rafael, “Tobias, dalhin mo ang apdo ng isda.” Lumakad silang kasunod ang aso ni Tobias.[k]

Samantala'y patuloy na nag-aabang si Ana sa lansangang daraanan ni Tobias. Nang makita niyang ito'y dumarating, pasigaw niyang tinawag si Tobit at sinabi, “Narito na si Tobias kasama ang lalaking pinasama mo.”

Bago dumating ng bahay, sinabi ni Rafael kay Tobias, “Sigurado kong makakakitang muli ang iyong ama. Pagdating mo'y ipahid mo agad sa kanyang mga mata ang apdo ng isda. Aalisin nito ang katarata sa mata ng iyong ama at muli siyang makakakita.”

Tumatakbong sinalubong ni Ana ang kanyang anak at niyakap ito nang mahigpit. Sinabi nito kay Tobias, “Maaari na akong mamatay, anak, ngayong muli kitang nakita.” At naiyak siya sa laki ng tuwa.

Nagbalik ang Paningin ni Tobit

10 Sa pananabik ni Tobit sa kanyang anak, nagmamadali itong lumabas, ngunit nadapa siya sa may tarangkahan ng bulwagan. 11 Nilapitan ni Tobias ang kanyang ama, hawak ang apdo ng isda. Ibinangon niya ito at hinipan ang mga mata. “Lakasan ninyo ang inyong loob, Itay,” sabi niya. 12 Agad(X) niyang ipinahid sa mga mata nito ang hawak na apdo. 13 Pagkatapos, inalis niya ang katarata, at nakakitang muli ang kanyang ama. 14 Niyakap ni Tobit ang anak at umiiyak na nagsabi, “Maliwanag na ang aking paningin; nakikita na kita, anak!” Pagkatapos ay sinabi,

“Purihin ang Diyos! Purihin ang dakila niyang pangalan,
    pagpalain ang lahat niyang mga anghel.
Nawa'y purihin ang banal niyang pangalan sa lahat ng panahon.
15 Sapagkat siya ang nagparusa sa akin at siya rin ang nahabag.
    Narito, nakikita ko na ang aking anak, nakikita ko na si Tobias!”

Pumasok si Tobias sa loob ng bahay. Galak na galak siya at sumisigaw na nagpupuri sa Diyos. Isinalaysay nito sa ama ang kanyang naging tagumpay. Sinabi ni Tobias, “Nakuha ko po ang salapi at napangasawa ko pa si Sara, ang anak ng kamag-anak ninyong si Raguel. Kasunod po namin siya at marahil ay papasok na sila sa Nineve.”

Ang Pagdating ni Sara

16 Galak na galak si Tobit na nagpuri sa Diyos. Lumabas siya at nagpunta sa may pasukan ng Nineve upang salubungin ang kanyang manugang. Napansin ng mga tagaroon na mabilis ang paglakad ni Tobit kahit walang umaakay. Namangha silang lahat. 17 Sa harapan nila'y ipinaliwanag niya ang kagandahang-loob ng Diyos nang ibalik ang kanyang paningin.

Dumating nga ang manugang niyang si Sara, at binati niya ito, “Maligayang pagdating, anak! Purihin ang Diyos sa ginawa niyang ito. Kumusta ang iyong ama't ina? Pagpalain nawa sila at kayo ni Tobias! Maligayang pagdating!”

Lahat ng mga Judio sa Nineve ay nagdiwang nang araw na iyon. 18 Dumating din ang mag-amaing Ahikar at Nadab. Tuwang-tuwa sila para kay Tobit. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pag-aasawa ni Tobias [na tumanggap noon ng maraming regalo.][l]

Nagpakilala si Rafael

12 Natapos ang masayang pagdiriwang ng Israel. Tinawag ni Tobit si Tobias at sinabi, “Anak, huwag mong kalilimutang bayaran ang kasama mo. At dagdagan mo!”

“Magkano po ba ang ibabayad ko sa kanya?” tanong ni Tobias. “Kahit na po kalahati ng taglay kong kayamanan ay di ko panghihinayangang ipagkaloob sa kanya. Napakalaki po ng nagawa niyang tulong sa atin—ibinalik niya akong ligtas, ginamot ang aking asawa, dahil sa kanya'y napabalik ang ating salapi, at higit sa lahat, pinagaling kayo. Magkano nga kayang pabuya ang nararapat kong ibigay?”

“Tamang ibigay mo ang kalahati ng kayamanang taglay mo,” tugon ng kanyang ama.

Matapos ang kanilang pag-uusap, tinawag ni Tobias si Rafael, at sinabi rito, “Dalhin mo ang kalahati ng kayamanang dala natin at humayo kang payapa.”

Tinawag ni Rafael ang mag-amang Tobit at Tobias at sila'y nag-usap. Sinabi niya, “Salamat sa Diyos! Siya ang purihin natin at dakilain. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao ang kanyang ginawa sa inyo. Umawit kayo ng pagpupuri at pasasalamat. Ihayag ninyo't parangalan ang kanyang mga gawa at huwag kayong manghihinawa sa paggawa nito. Ang mga bagay na inililihim ng hari'y hindi dapat ibunyag ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ipahayag upang siya'y parangalan at kilanlin. Gawin ninyo ang mabuti at hindi kayo madadaig ng masama. Mas(Y) mainam ang manalanging may katapatan[m] at makatuwirang pagtulong sa mahihirap. Ang kaunting kabutihan ay higit na mainam kaysa kayamanang ginagamit sa masama. Mas mabuti ang magkawanggawa kaysa mag-impok ng ginto. Ang(Z) gumagawa nito ay naliligtas sa kamatayan at dinadalisay sa bawat kasalanan. Hahaba ang buhay niya, 10 ngunit ang nagugumon sa pagkakasala ay kaaway ng sarili niya.

11 “Kailangang malaman na ninyo ang katotohanan; wala akong ililihim sa inyo. Natatandaan ninyong sinabi ko na ang mga inililihim ng hari ay hindi dapat ibunyag, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ngang ipahayag. 12 Ngayon(AA) ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayundin ang ginagawa ko tuwing may inililibing ka. 13 Alam kong kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay. 14 Bumabâ ako rito para subukin ka. Ako rin ang isinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara. 15 Ako(AB) si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya.”

16 Sa takot ng dalawa, sila'y nagpatirapa. 17 “Huwag kayong matakot,” wika ni Rafael, “pumayapa kayo. Magpasalamat kayo sa Diyos habang kayo'y nabubuhay. 18 At huwag ninyo akong intindihin, hindi ninyo dapat kilalaning utang na loob ito sa akin. Sinusunod ko lamang ang kalooban ng Diyos. Patuloy kayong magpasalamat sa kanya, at umawit ng pagpupuri habang kayo'y nabubuhay. 19 Kung nakikita ninyo akong kumakain at umiinom, ang nakikita ninyo'y pangitain lamang. 20 Tumayo kayo at magpuri sa Diyos, sapagkat ako'y aakyat na sa kanya. Ang lahat ng nangyari sa inyo ay inyong isulat.”

21 Nang sila'y tumayo, wala na si Rafael. 22 Bunga ng lahat ng ito, patuloy silang nagpuri sa Diyos at umawit ng pasasalamat dahil sa mga ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na nagpakita sa kanila.

Awit ng Pagpupuri ni Tobit

13 Kaya't nanalangin si Tobit,

“Purihin ang Diyos na walang hanggan,
    purihin ang kanyang kaharian!
Siya'y nagpaparusa na taglay ang habag;
    kung tayo ma'y malibing, sa hukay masadlak,
    muling hinahango niya't binubuhay.
Walang makakatakas sa kanyang kapangyarihan.

“Kayong Israelita, papurihan ninyo ang Diyos
    sa harap ng mga bansang bumihag sa inyo.
    Doo'y(AC) ipinakita sa inyo ang kanyang kapangyarihan.
Siya ay purihin ng bawat nilalang
pagkat siya'y ating Panginoon at ating Diyos, ating Ama magpakailanman.

“Pinagdusa man kayo dahil sa inyong kasalanan,
    ngunit kahahabagan din niya kayo, at muling ibabalik sa inyong tahanan
    mula sa mga bansang umalipin sa inyo.

“Kung buong puso kayong manunumbalik
    at magiging masunurin sa kanya,
    kayo'y babalikan niya at kakalingain,
    at hindi na siya magkukubli sa inyo.
Kaya ngayo'y alalahanin ninyo ang ginawa ng Diyos,
    at isigaw ninyo ang pasasalamat sa kanya.
Purihin ang Panginoon ng katarungan!
    Parangalan ang Haring walang hanggan!
[Maging sa bansang pinagtapunan sa akin,
    pupurihin ko ang Panginoon.
    Maging sa bansang makasalana'y dadakilain ko siya.
Talikuran na ninyo ang inyong mga kasalanan at mamuhay kayo nang karapat-dapat sa harapan niya.
Kung magkagayon, ang habag ng Panginoon ay inyong madarama.

“Pinupuri ko ang aking Diyos at nagagalak ako sa kadakilaan niya;
    lubos kong pararangalan ang Hari ng kalangitan.

“Hayaang ihayag ng lahat ang kadakilaan niya,
    at doon sa Jerusalem siya ay papurihan.

“Ikaw,(AD) Jerusalem, lunsod na banal ng Diyos,
    paparusahan ka niya dahil sa kasalanan ng iyong mga mamamayan,
    ngunit mahahabag siya sa mga gumagawa ng may katapatan.
10 Kaya't magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti.
    Purihin ang Haring walang hanggan!][n]
    Muling matatayo ang iyong Templo
    at maghahari ang galak sa kanyang bayan.
11 Magniningning ang sinag mo sa buong daigdig,
    buhat sa malayo, maraming bansa ang lalapit sa iyo.
Jerusalem, ang iyong ilaw ay magliliwanag sa buong daigdig,
    kaya't lalapit ang mga tao at pararangalan ang Panginoong ating Diyos.
    May taglay silang mga kaloob para sa Hari ng kalangitan.
Sa mga lansangan, maraming lahi ang aawit at magpupuri.
    Sa habang panahon ang iyong pangalan ay mananatili.
12 Ang magsasalita ng laban sa iyo'y tatanggap ng sumpa,
    gayundin silang nagwasak sa iyo at ng iyong muog
    silang nagbagsak ng iyong mga tore, at nanunog ng inyong tahanan;
ngunit ang lahat ng nagparangal sa iyo ay pagpapalain kailanman.

13 “Magalak ka, Jerusalem, dahil sa mga taong matuwid.
    Mula sa bansang pinagbihagan, sila'y titipuning muli
    para purihin ang Panginoong walang hanggan.
14 Ang mga anak mong sa umiibig sa iyo ay dapat magalak;
    magalak nga sila sa iyong pag-unlad.
Magalak din silang sa kahirapan mo'y pawang nalulumbay,
    silang nalulungkot sa iyong tinamong mga kahirapan.
    Ang kagalakan mo'y magdudulot sa kanila ng tuwang walang katapusan.

15 “Pupurihin ko ang Panginoon, ang dakilang Hari,
16     muling itatayo ang Jerusalem
    at dito siya tatahan magpakailanman.
Ako'y magagalak, Jerusalem,
    kung may matitira sa aking angkan; kung makikita nila ang iyong kaningningan
    at magpupuri sila sa Hari ng kalangitan.
Ang gagamitin sa mga pader mo'y mahalagang bato,
    at lantay namang ginto ang mga tore at tanggulan mo.
17 Ang mga lansangan ng lunsod na ito ay lalatagan
    ng batong hiyas, ng rubi at ofir na pawang kumikinang.
18 Ang mga pintuan nitong Jerusalem aawit sa tuwa;
    mula sa mga tahanan lahat ay sisigaw dahilan sa galak!
    ‘Purihin ang Panginoon, purihin ang Diyos ng Israel!’

“Jerusalem, pagpapalain ng Diyos ang iyong mamamayan;
    Sa buong panahon, sa ngalan ng Panginoon papuri ay iukol.
    Pupurihin nila ang banal mong pangalan magpakailanman.”

Dito nagwakas ang awit ng pagpupuri ni Tobit.

Pangwakas na Payo

14 Si Tobit ay inabot ng 112 taon bago namatay. Napakaganda ng ginawang libing sa kanya sa Nineve; pinarangalan siya at pinapurihan. Animnapu't dalawang taon siya nang mabulag at nang gumaling ay umunlad nang gayon na lamang ang kanyang buhay. Patuloy ang kanyang pagkakawanggawa at pagpupuri sa kadakilaan ng Diyos.

Bago siya namatay, tinawag niya si Tobias at ang pitong anak nito. “Umalis kayong madali,” ang utos niya, “ang mga apo ko'y dalhin(AE) mo agad sa Media. Naniniwala ako sa sinabi ng Diyos kay Nahum tungkol sa Nineve. Ang sinabi ng kanyang mga propeta ay tiyak na mangyayari, at ang Asiria at Nineve ay parehong paparusahan. Lahat ng pahayag ay matutupad sa takdang panahon. Mapanganib sa Asiria at Babilonia kaya doon na kayo magpunta sa Media.

“Ang mga kababayan natin sa Israel ay paaalisin sa mabuting lupain at itatapon sa ibang bansa. Ang buong bansa ng Israel pati na ang Samaria at Jerusalem ay mangungulila. Matutupok ang Templo ng Diyos, at pansamantalang magiging mapanglaw! Ngunit ang Diyos ay mahahabag na muli sa mga Israelita at ibabalik sila sa Israel. Itatayo nilang muli ang Templo, ngunit hindi tulad ng dati, sapagkat hindi pa natatapos ang takdang panahon. Pagdating ng panahong iyon, kapag ang lahat ay nasa Israel na, pagagandahin na nila ang Jerusalem. Ang Templo ng Diyos ay gagawin nang maayos at panghabang-panahon, sang-ayon sa pahayag ng mga propeta ng Israel. Mahihikayat ang lahat ng bansa sa daigdig at ang Diyos ay sasambahin na nila sa tamang paraan. Tatalikuran na nila ang mga diyus-diyosan na luminlang sa kanila. Sa matuwid na paraa'y magpupuri na sila sa Diyos na walang hanggan. Magtitipon sa Jerusalem ang lahat ng Israelita na sa panahong iyon ay maghahangad na maligtas. Doon sa lupain ni Abraham na ibibigay sa kanila, hindi sila mababahala. Magagalak ang lahat ng tapat na umiibig sa Diyos, ngunit ang mga makasalanan at di-makatarungan ay lubos na lilipulin sa lupain.

“Mga anak, ito ang iiwan kong utos sa inyo: Maglingkod kayo nang tapat sa Diyos at mamuhay nang karapat-dapat sa harapan niya. Turuan ninyo ang inyong mga anak ng mabuting gawain at sanaying magkawanggawa. Huwag nilang kalilimutan ang Diyos, at buong puso at masigasig na magpuri sa kanyang pangalan.

“Tungkol naman sa iyo, Tobias, ito ang aking masasabi: Huwag kang mananatili rito, anak. Umalis ka agad sa Nineve 10 sa araw na ang iyong ina ay mailibing na kasunod ko. Kahit isang gabi'y huwag ka nang mananatili sa palibot ng lunsod na ito. Ang nakikita ko rito'y lahat ng uri ng kasamaan at panlilinlang na hindi man lamang ikinahihiya. Isip-isipin mo na lang ang ginawa ni Nadab kay Ahikar, ang taong nagpalaki sa kanya. Si Ahikar ay inilibing na buháy! Ngunit pinagbayaran ito ni Nadab; nasadlak siya sa walang hanggang kadiliman, samantalang si Ahikar ay umahong buháy. Iyon ang napala niya sa pagtatangka sa buhay nito. Sa patibong ni Nadab ay naligtas si Ahikar, sapagkat ito'y mapagkawanggawa. Si Nadab ang nahulog sa sariling bitag at siya ang namatay. 11 Iyan, mga anak, ang kabutihan ng pagkakawanggawa; samantalang ang kawalang-katarungan ay pumapatay sa sarili. Nararamdaman kong malapit na akong mamatay.”

Namatay si Tobit at si Tobias

Si Tobit ay dinala sa kanyang higaan at doon namatay. Binigyan siya ng isang marangal na libing. 12 Namatay rin ang ina ni Tobias at doon inilibing sa tabi ng libingan ng kanyang asawa. Nang maisaayos na ang lahat, isinama niya sa Ecbatana ang kanyang asawa't mga anak at nagpunta nga sila kay Raguel sa Media. 13 Inalagaan niya ang tumatanda nang mga biyenan, at nang mamatay ang mga ito, doon na rin nila inilibing. Ipinamana sa kanya ang lahat ng naiwang kayamanan ng kanyang magulang at biyenan. 14 Si Tobias ay umabot sa gulang na 117 taon. 15 Bago siya namatay, nasaksihan niyang lahat ang pagkawasak ng Nineve at ang pagkabihag ng mga mamamayan nito. Binihag sila ng Haring Cyaxares ng Media at dinala sa bansa nito. Dahil sa ginawang ito ng Diyos, pinuri ni Tobias ang Panginoon, ang walang hanggang Diyos. Amen!

Ang Pakikidigma Laban sa Media

Noong ika-12 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa mga taga-Asiria sa tanyag na Lunsod ng Nineve, si Arfaxad naman ang namumuno sa mga Medo sa Lunsod ng Ecbatana. Ang lunsod ay pinaligiran niya ng muog; bawat tipak ng batong ginamit dito ay mahigit isa't kalahating metro ang kapal at tatlong metro naman ang haba. Pinataas niya ng tatlumpu't isa't kalahating metro ang muog na ito at dalawampu't dalawa't kalahating metro naman ang kapal. Nagpagawa rin siya ng mga tore sa bawat pintuang-pasukan. Ang sukat nito'y apatnapu't limang metro ang taas at dalawampu't pitong metro ang kapal sa pinakapuno. Bawat pintuang-pasukan ay tatlumpu't isa't kalahating metro ang taas at labingwalong metro ang luwang upang madaling makapaglabas-masok ang mga hukbong nakakarwahe at mga sundalo.

Sa panahong iyon, nakipagdigma si Haring Nebucadnezar kay Haring Arfaxad sa malawak na kapatagang sakop ng Rages. Maraming bansa ang tumulong kay Haring Arfaxad—lahat ng naninirahan sa mga bulubundukin, lahat ng taga-Eufrates, Tigris, at Hidaspes, at ang mga naninirahan sa mga kapatagang nasasakupan ni Arioc, ang hari ng mga Elamita. Napakaraming bansa ang kumampi sa Babilonia sa digmaang iyon.

Huling Babala sa mga Taga-kanluran

Si Haring Nebucadnezar ay nagpadala ng mga sugo sa lahat ng naninirahan sa Persia at sa kanluran. Ito ang mga taga-Cilicia, Damasco, Lebanon at Anti-Lebanon, ang lahat ng naninirahan sa baybay-dagat, gayon din ang mga taga-Carmel, Gilead, hilagang bahagi ng Galilea, at ang mga nasa kapatagan ng Jezreel. Nagsugo rin siya sa mga taga-Samaria, sa mga lunsod sa paligid ng Samaria, at sa ibayo ng Jordan hanggang Jerusalem, Bethania, Quelus, Kades at Ilog ng Egipto, gayon din sa Tafnes, Rameses, sa buong lupain ng Goshen, 10 Tanis, Memfis at sa dakong nasa itaas ng Ilog Nilo hanggang sa hangganan ng Etiopia.[o]

11 Subalit hindi pinansin ng mga naninirahan sa lahat ng lupaing nabanggit ang panawagan ni Haring Nebucadnezar; ayaw nilang makiisa sa kanya sa pakikidigma. Hindi sila takot sa kanya; sapagkat sa palagay nila'y wala itong kakampi at itinuturing siyang nag-iisa ng kalaban niya. Napahiya ang mga sugo sapagkat wala silang tinanggap na anumang katugunan. 12 Nagalit ng husto si Nebucadnezar sa nangyari at isinumpang paghihigantihan ang lahat ng taga-Cilicia, Damasco, at Siria; lilipulin ng tabak ang mga taga-Moab, Ammon, ang buong Judea, at lahat ng naninirahan saanmang lugar sa Egipto hanggang sa dalampasigan ng Dagat Mediteraneo at Gulpo ng Persia.

Natalo si Arfaxad

13 Nang ika-17 taon ng paghahari niya, pinangunahan ni Nebucadnezar ang kanyang hukbo laban kay Haring Arfaxad at siya'y nagtagumpay. Nagapi niya ang buong hukbong katihan, ang hukbong kabayuhan, at ang hukbong nakakarwahe. 14 Sinakop niya ang mga lunsod ng Media, at pagkatapos, nagtuloy siya sa Ecbatana. Nakuha niya ang mga muog doon, nilimas ang mga pamilihan, at winasak niya ang dating napakagandang lunsod na iyon. 15 Hinabol niya si Arfaxad na tumakas patungong kabundukan ng Rages at nang abutan, pinatay niya ito sa pamamagitan ng sibat. 16 Bumalik siya sa Nineve kasama ang kanyang buong hukbo. Marami silang dalang samsam kaya't nagdiwang sila sa loob ng apat na buwan.

Ang Pulong Upang Digmain ang Kanluran

Noong ikadalawampu't dalawang araw ng unang buwan ng ikalabing walong taon ng paghahari ni Nebucadnezar, isang pulong ang idinaos sa palasyo. Pinag-usapan dito kung paano isasagawa ang banta ng haring maghihiganti sa mga bansang hindi tumulong sa kanya. Tinawag niya ang lahat ng kanyang ministro at mga maharlikang kagawad at inilahad ang isang lihim na panukala; nais niyang malipol nang lubos ang mga bansang nagtaksil sa kanya. Nagkasundo silang patayin ang lahat ng tumangging sumunod sa iniutos niya noon.

Pagkatapos ng pulong, tinawag ni Haring Nebucadnezar ang pangkalahatang tagapamuno ng kanyang hukbo. Ito'y si Holofernes na siyang kanang kamay ng hari. Sinabi sa kanya ng hari:

“Ako na dakilang hari at panginoon ng sanlibutan ang nag-uutos sa iyo: Lumakad ka at isama mo ang pinakamatatapang nating sundalo—120,000 sundalo at 12,000 nakakabayo. Salakayin ninyo ang lahat ng lupain sa kanluran na di sumunod sa aking utos. Sabihin mong ako'y ipaghanda ng lupa at tubig para mapatunayang sila'y lubusang sumusuko. Humanda rin sila sa gagawin kong pagsalakay dahil sa matinding poot ko sa kanila. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng mga kawal na ipadadala ko upang puksain sila. Malalatagan ng mga sugatan ang mga libis at lulutang ang mga bangkay sa mga ilog at sapa hanggang sa umapaw ang mga ito. Ang makakaligtas nama'y ipatatapon ko hanggang sa kasuluk-sulukan ng daigdig.

10 “Mauna ka sa akin at sakupin mo para sa akin ang kanilang lupain. Kung sila'y sumuko sa iyo, bantayan mo silang mabuti hanggang sa araw ng pagpaparusa ko sa kanila. 11 At kung sila'y magtatangkang lumaban, huwag mo silang kakaawaan. Patayin mo sila't samsaman ng ari-arian. 12 Isinusumpa kong anuman ang mangyari sa akin at sa kaharian, ang sinabi kong ito'y matutupad sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. 13 Huwag mong lalabagin ang alinmang iniutos ko. Tandaan mong ako ang hari mo. Gawin mo ang aking sinabi at huwag mo itong ipagpaliban pa!”

Lumusob si Holofernes

14 Nilisan ni Holofernes ang hari at ipinatawag ang lahat ng mga pinuno, mga heneral, at mga opisyal ng hukbo ng Asiria. 15 Nakatipon siya ng 120,000 piling sundalo gaya ng iniutos ng kanyang panginoon at 12,000 pang manunudla na nakakabayo. 16 Sila'y pinagpangkat-pangkat niya upang humarap sa labanan. 17 Nagsama siya ng napakaraming kamelyo, asno at kabayong tagadala ng mga kargamento nila. Marami rin silang dalang mga tupa, baka at kambing para makain nila. 18 Sagana sa pagkain ang lahat ng kawal at marami rin silang salaping ginto at pilak na galing sa palasyo ng hari.

19 Kaya't lumakad nga si Holofernes at ang buong hukbo upang ipakipaglaban si Haring Nebucadnezar. Ang buong hukbo, kabilang ang mga nakakarwahe, at mga hukbong kabayuhan ay naghanda upang salakayin ang mga bansa sa kanluran. 20 May sumama pa sa kanilang isang napakalaking pangkat na hindi mabilang sa dami, animo'y mga balang o alikabok sa lupa.

21 Pagkalipas ng tatlong araw na paglalakbay mula sa Nineve, nakarating sila sa kapatagan ng Bectilet. Nagkampo sila sa may paanan ng kabundukan sa hilaga ng Cilicia. 22 Mula roon, pinangunahan ni Holofernes ang buong hukbo paakyat sa kabundukan. 23 Winasak niya ang Libya at ang Lydia. Sinamsam niya ang mga ari-arian ng mga Rasita at Ismaelitang nakatira sa hangganan ng disyerto patungo sa timog ng Kelus.

24 Pagkatapos, tumawid sila ng Eufrates, nagdaan sa Mesopotamia, at ibinagsak ang bawat napapaderang lunsod sa baybayin ng Ilog Abron, hanggang sa makarating sa baybay-dagat. 25 Inagaw rin niya ang lupain ng Cilicia at pinuksa ang sinumang nagtangkang lumaban. Pagkatapos, nagpatuloy sila hanggang makarating sa hangganan ng Jafet sa timog papuntang Arabia. 26 Sinakop niya ang mga Midianita, sinunog ang kanilang mga tolda, at nilipol ang mga kawan ng tupa. 27 Anihan na noon ng trigo sa kapatagan ng Damasco nang sila'y sumalakay. Sinunog nila ang lahat ng bukirin. Nilipol nila ang mga kawan ng tupa at bakahan. Sinamsam nila ang mga ari-arian sa mga lunsod. Sinira nila ang kapatagan at pinatay sa tabak ang lahat ng kabataang lalaki.

28 Gayon na lamang ang takot at sindak sa kanya ng lahat ng naninirahan sa Sidon at Tiro, Sur at Osina, at sa Jamnia. Kinatakutan din siya ng mga taga-Azotos at Ashkelon.

Nasakop ni Haring Nebucadnezar ang mga Taga-kanluran

Kaya nga, ang mga ito'y nagpadala ng mga sugo para makipagkasundo kay Holofernes. Ang sabi nila, “Mga alipin ninyo kami, Haring Nebucadnezar; nagpapatirapa kami sa inyong harapan tanda ng aming pagpapailalim sa anumang mamarapatin ninyo. Nasa inyong pagpapasya ang lahat ng aming toldang tinatahanan, mga bukirin ng trigo, kawan ng mga alagang hayop, at ang buong lupaing sakop namin. Gawin ninyo ang anumang inyong nais. Kayo na rin ang bahala sa aming mga lunsod at sa mga mamamayan.”

Pagkaalis ng mga sugong nagdala ng pasabing ito, nagpunta si Holofernes sa baybay-dagat kasama ang kanyang hukbo, at naglagay ng mga kampo sa mga muog ng lunsod. Nagtakda rin siya ng mga piling kawal na magbabantay sa mga ito. Sa bawat lunsod, pumili siya ng ilang mga tagaroon bilang mga katulong na kawal. Ang mga naninirahan sa mga lunsod na ito at lahat ng nasa karatig-bayan ay sumalubong sa kanya na may dalang mga kuwintas ng tinuhog na bulaklak at sila'y nagsasayawan sa saliw ng mga tambol. Gayunman,(AF) winasak din niya ang buong lupain nila at sinira ang kanilang mga sagradong punongkahoy sapagkat iniutos sa kanyang wasakin ang lahat ng diyos ng lupain. Sa gayon, bawat bansa ay sasamba kay Nebucadnezar lamang, at siya ang dadalanginan bilang diyos ng bawat bayan.

Di nagtagal, nakarating si Holofernes sa Esdraelon, malapit sa Dotan—ito ang daan papunta sa pangunahing landas paakyat sa kabundukan ng Juda. 10 Nagkampo sila sa pagitan ng Geba at Sitopolis at isang buwang lumagi roon upang maghanda ng pangangailangan ng hukbo.

Humandang Magtanggol ang Israel

Nabalitaan ng mga Israelitang naninirahan sa Juda ang tungkol kay Holofernes na punong kawal ni Haring Nebucadnezar, kung paanong sinalakay ng kanyang hukbo ang mga bansa, at winasak ang kanilang mga templo matapos samsamin ang lahat ng magustuhan. Gayon na lamang ang takot nila sa kanya, at lubha silang nabahala, baka gayon din ang gawin sa Jerusalem at sa templo ng Panginoon na kanilang Diyos. Kababalik pa lamang nila mula sa pagkabihag. Noon lamang nila itinalaga ang Templo, ang mga kagamitan nito at ang altar, matapos itong lapastanganin ng kaaway. Kaya nga, nagpasabi sila sa buong Samaria, sa Kona, sa Beth-horon, sa Balmain at sa Jerico, gayon din sa Choba at Esora, hanggang sa kapatagan ng Salem. Ang mga tao ay nagtakda ng mga bantay sa taluktok ng mga burol. Naglagay sila ng mga muog sa mga nayon at nag-imbak ng maraming pagkain bilang paghahanda sa digmaan; katatapos pa lamang nilang mag-ani noon.

Nang panahong iyon, si Joakim na pinakapunong pari sa Jerusalem ay sumulat sa mga taga-Bethulia at Bethomestaim, sa kapatagan ng Esdraelon, malapit sa Dotan. Mahigpit niyang ipinagbilin na bantayang mabuti ang mga lagusang paakyat sa bundok sapagkat madaling mapapasok ang Judea mula rito. Hindi sila mahihirapang humarap sa mga hukbong sasalakay sapagkat sa kipot ng lagusan ay dalawang tao lamang ang nakakaraan. Tinupad naman ng mga Israelita ang utos ni Joakim, gayon din ang pasya ng mga kinatawan ng buong bansang Israel na nagpulong sa Jerusalem.

Nanalangin sa Diyos ang mga Israelita

Bawat lalaki ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, nag-ayuno at taimtim na nanalangin sa kanya. 10 Nagsuot(AG) silang lahat ng damit-panluksa, pati ang kanilang asawa, mga anak, bayarang manggagawa, bawat dayuhang nakikipamayan sa kanila, at ang mga alipin nila, pati ang mga alaga nilang hayop. 11 Lahat ng naninirahan sa Jerusalem—lalaki, babae at bata—ay nagpatirapa sa harap ng templo, may abo sa kanilang ulo, at nakadamit-panluksa. 12 Tinakpan din nila ng telang sako ang altar at nagkakaisa silang sumamo sa Diyos na iligtas ang kanilang mga anak at asawa sa pagkabihag, gayon din ang kanilang mga lunsod. Idinalangin nila na ang templo'y hindi malapastangan ng mga taong di kumikilala sa Panginoon. 13 At(AH) dininig ng Panginoon ang kanilang panalangin; sila'y kinaawaan sa gipit nilang katayuan.

Nag-ayuno ng matagal ang buong Juda at Jerusalem at nanatili sa santuwaryo ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Si(AI) Joakim na pinakapunong pari, ang mga paring humaharap sa Panginoon, at lahat ng naglilingkod sa templo ay nakadamit-panluksa kung nag-aalay ng mga handog na susunugin, mga kusang-loob na handog ng mga tao, at mga handog dahil sa panata. 15 Nilalagyan nila ng abo ang kanilang mga suot na putong sa ulo kung sila'y nananalangin para kalingain ng Panginoon ang buong sambahayan ng Israel.

Pinulong ni Holofernes ang mga Pinuno ng Hukbo

Nang makarating sa kaalaman ni Holofernes na handang makidigma ang mga Israelita, nilagyan ng harang ang mga lagusan, tinayuan ng matitibay na muog ang lahat ng dakong mataas, at naglagay ng barikada sa kapatagan, nagalit siya nang husto. Ipinatawag niya ang lahat ng pinuno sa Moab, mga pinunong Ammonita, at lahat ng pinuno sa mga baybaying-dagat. Nagsalita siya, “Magsabi kayo ng totoo. Anong uri ng mga tao ang naninirahan sa kaburulang iyon? Aling mga bayan ang tinitirhan nila? Gaano kalaki ang kanilang hukbo? Sino ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan at kalakasan? Sino ang hari nila? At bakit sila lamang ang taga-kanluran na tumangging makipagkita sa akin?”

Nagsalita si Aquior

Sumagot si Aquior na pinuno ng mga Ammonita, “Panginoon, kung mamarapatin ninyong makinig sa akin, sasabihin ko ang katotohanan tungkol sa bansang ito sa kaburulang hindi kalayuan dito. Isinusumpa kong hindi ako magsisinungaling sa inyo. Ang mga taong iyon ay buhat sa lahi ng mga taga-Babilonia. May panahong sa Mesopotamia sila namayan sapagkat ayaw nilang sumamba sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. At dahil tinalikuran nila ang turo ng kanilang mga ninuno at sinamba ang Diyos sa langit. Ito ang kinikilala nila ngayon. Noong itaboy nga sila ng mga hukbo ng Babilonia, sila'y lumikas sa Mesopotamia at doon matagal na namalagi. Pagkatapos,(AJ) iniutos ng kanilang Diyos na iwan nila ang lugar na iyon upang magpunta sa Canaan at doon nga sila tumira. Umunlad ang kanilang buhay at nakaipon sila ng maraming ginto, pilak, at dumami rin ang kanilang kawan ng hayop.

10 “Nang(AK) magkaroon ng taggutom na lumaganap sa buong Canaan, sila'y pumunta naman sa Egipto at doon tumira hangga't may pagkain doon. Samantalang naroon, dumami sila nang dumami na hindi na sila makayang bilangin. 11 At(AL) ang ganito'y ikinabahala ng hari ng mga Egipcio. Kaya pinahirapan sila, nilinlang at pinilit pagawain ng tisa. 12 Sa(AM) tindi ng hirap, sila'y dumaing sa kanilang Diyos at bilang tugon, nagpadala ang kanilang Diyos 13 ng(AN) maraming salot sa buong Egipto. Kaya't ipinagtabuyan sila ng mga Egipcio. 14 Pinatuyo rin ng Diyos na ito ang Dagat na Pula kaya nakatawid sila at nakarating sa Sinai at sa Kades-barnea. Pinaalis nila ang lahat ng naninirahan sa ilang 15 at sila'y nanirahan sa lupain ng mga Amoreo. Nilipol nila ang mga taga-Hesbon. Pagkatapos, tumawid sila ng Jordan 16 at nanirahan naman sa kaburulan matapos itaboy ang mga Canaanita, Perezita, Jebusita, ang mga taga-Shekem, at lahat ng Gergesita. Doon sila nanirahan nang mahabang panahon.

17 “Sumasagana(AO) sila habang sinusunod nila ang kanilang Diyos, sapagkat siya'y Diyos na namumuhi sa kasamaan. 18 Ngunit nang lumihis sila sa kanyang itinakdang landas na dapat nilang lakaran, naranasan nila ang maraming pagkatalo sa pakikidigma at sila'y dinalang-bihag sa ibang bansa. Winasak ng kaaway ang templo ng kanilang Diyos, at sinakop ang kanilang mga lunsod. 19 Subalit nang sila'y magbalik-loob sa kanilang Diyos, nakabalik sila mula sa mga pook na kanilang pinagkatapunan. Nakuha nilang muli ang Jerusalem na kinaroroonan ng kanilang templo, at nanirahan sila sa kaburulan sapagkat walang nananahan doon.

20 “Kaya nga, panginoon ko, kung may nagawang masama ang mga taong ito at sila'y sumusuway sa kanilang Diyos, at kung mapatunayan nga nating sila'y nagkasala, sumalakay tayo at digmain sila. 21 Ngunit kung wala silang kasamaang ginawa, hayaan natin sila sapagkat sila'y tiyak na tutulungan ng kanilang Diyos at tayo ang pagtatawanan ng lahat.”

22 Matapos magsalita si Aquior, marami ang tumutol. Hiningi ng mga tauhan ni Holofernes at ng lahat ng nanggaling sa Moab at sa lupain sa hangganan na ipapatay si Aquior. 23 Ang sabi nila, “Hindi kami natatakot sa mga Israelita. 24 Hindi nila kayang lumaban. Sumalakay na tayo, Holofernes. Madali silang matatalo.”

Nagsalita naman si Holofernes

Nang tumahimik ang pag-uusap-usap nila, sinabi ni Holofernes kay Aquior at sa lahat ng nagkakatipong Moabita at mga hukbong dayuhan na binubuo ng mga Ammonita,[p] “At sino ka ba, Aquior, ikaw at ang mga kasamahan mong angkan ni Efraim,[q] para magkunwang propeta sa amin, gaya ng ginawa mo ngayon? Bakit mo sasabihing huwag digmain ang Israel sapagkat iingatan sila ng kanilang Diyos? May iba pa bang diyos maliban kay Nebucadnezar? Sa taglay niyang kapangyarihan, maglalaho ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Hindi sila maililigtas ng diyos nila. Kaming naglilingkod kay Nebucadnezar ang magpapabagsak sa kanila na parang sila'y iisang tao lamang. Hindi sila makakatagal sa lakas ng aming hukbong nakakabayo. Susunugin namin sila. Dadanak ang masaganang dugo sa kanilang mga burol, at magkakapatung-patong ang mga bangkay nila sa kapatagan. Hindi sila makakapanaig sa amin; sa halip, malilipol silang lahat. Ito ang itinakda ni Haring Nebucadnezar, ang panginoon ng buong sanlibutan. Ito ang sinabi niya at siyang mangyayari. Ikaw naman, Aquior, ikaw na Ammonitang upahan, kataksilan ang sinabi mong ito. Kaya mula ngayon, hindi mo ako makikita hanggang sa mapaghigantihan ko ang lahing ito ng mga takas mula sa Egipto. At pagbabalik ko, ang espada ng aking mga kawal at ang sibat[r] ng aking mga pinuno ang papatay sa iyo, bilang karagdagan sa kanilang mga napatay. Dadalhin ka nila ngayon sa isa sa mga bayan sa kaburulan. Gayunman, hindi ka mamamatay hangga't hindi mo natitikman ang aking parusa sa iyo. Kung nakakatiyak kang hindi sila mahuhulog sa aming kamay, huwag kang magmukhang malungkot. Subalit ito ang tandaan mo: magkakatotoo ang lahat ng sinabi ko.”

Dinala si Aquior sa Bethulia

10 At iniutos ni Holofernes sa kanyang mga tauhang naghihintay sa labas ng tolda na dakpin si Aquior, dalhin sa Bethulia at ibigay sa mga Israelita. 11 Dinakip nga nila ito, inilabas ng kampo at dinala sa kaburulan sa may bukal sa gawing ibaba ng Bethulia. 12 Nang makita sila ng kalalakihan doon, ang mga ito'y kumuha ng mga sandata at umakyat sa burol at pinaulanan ng mga bato ang mga tauhan ni Holofernes upang hindi makaakyat. 13 Subalit kumubli naman ang mga ito sa isang panig ng burol. Iginapos nila si Aquior saka iniwan sa ibaba ng burol. Pagkatapos, nagbalik sila kay Holofernes.

14 Pagbaba ng mga Israelita, kinalagan nila si Aquior at dinala sa Bethulia, sa harapan ng mga punong-bayan. 15 Kabilang dito sina Uzias na anak ni Mikas na mula sa lipi ni Simeon, si Cabris na anak ni Gotoniel, at si Carmis na anak ni Malquiel. 16 Tinawag ng mga ito ang pinuno ng bayan, maging ang mga kabataan at mga kababaihan. Nagtakbuhan sila upang masaksihan ang magaganap. Nang maiharap na si Aquior, itinanong sa kanya ni Uzias kung ano ang nangyari. 17 Isinalaysay naman niya ang pakikipag-usap niya kay Holofernes, ang mga sinabi niya rito, at kung paanong ipinagmalaki ni Holofernes ang balak gawin sa Israel. 18 Nang marinig nila ito, ang mga tao'y nagpatirapa bilang pagsamba at pagsamo sa Diyos, 19 “Panginoon at Diyos sa langit, parusahan po ninyo ang kanilang kapalaluan. Kaawaan po ninyo ang inyong bayang niyuyurakan ang dangal. Mahabag po kayo sa amin at tulungan kami.” 20 Paulit-ulit nilang pinasalamatan si Aquior dahil sa kanyang ginawa. 21 Mula roon, siya'y isinama ni Uzias sa bahay nito, at doo'y nagdaos ng isang handaan para sa matatandang pinuno. Magdamag silang nanalangin upang hingin ang tulong ng Diyos ng Israel.

Kinubkob ang Bethulia

Kinabukasan, iniutos ni Holofernes sa kanyang mga hukbo at lahat ng kapanalig na iwan ang kampo at lumusob sa Bethulia upang agawin ang mga lagusang papasok sa kaburulan at salakayin ang mga Israelita. Kaya't humanda silang lahat nang araw na iyon. Ang hukbo'y binubuo ng 170,000 sundalo at 12,000 nakakabayo, hindi pa kabilang dito ang napakalaking pangkat ng mga tagadala ng mga kagamitan. Sila'y nagkampo sa kapatagang malapit sa Bethulia. Ang kampo'y napakalaki; ang luwang ay abot sa Balbaim patungong Dotan at ang haba'y hanggang Ciamon na paharap sa Esdreadan. Nang makita ng mga Israelita ang di mabilang na hukbong sandatahan, naligalig sila. “Lilipulin ng mga taong ito ang buong bayan! Mapupuno sa dami nila ang mga bundok, kapatagan, at burol,” sabi nilang labis na nababahala. Ngunit(AP) kahit nababahala, kumuha ng sandata ang mga lalaki, nagsindi ng mga ilawan sa mga tanggulan, at magdamag na nagbantay. Kinaumagahan, pinangunahan ni Holofernes ang kanyang hukbong kabayuhan. Kitang-kita sila ng mga Israelitang nasa Bethulia. Siniyasat niya ang mga lagusan ng bayan at ang mga bukal na iniigiban ng mga Israelita. Nang makitang mapapakinabangan ang mga bukal, inagaw niya ang mga ito. Matapos magtakda ng mga kawal na magbabantay doon, siya'y nagbalik na sa kanyang kampo.

Nagpuntahan kay Holofernes ang lahat ng pinuno ng mga Edomita, Moabita, at mga bayan sa baybayin ng dagat. Sabi nila, “Makinig po kayo sa aming payo, panginoon naming Holofernes, kung nais ninyong makaligtas sa mapait na pagkatalo ang inyong hukbo. 10 Ang mga Israelitang iyan ay hindi nananangan sa kanilang mga sibat kundi sa kataasan ng kaburulang kinalalagyan nila. Hindi madaling akyatin ang mga tuktok niyon. 11 Kaya, nakikiusap kami, huwag na nating tuwirang lusubin sila, nang huwag kayong malagasan kahit isang kawal. 12 Mamalagi na lamang po kayo sa inyong himpilan at ang mga kawal sa kanilang kampo. Ipakubkob na lamang po ninyo sa inyong mga kawal ang mga bukal sa paanan ng burol, 13 sapagkat doon umiigib ang lahat ng taga-Bethulia. Kapag uhaw na uhaw na sila ay isusuko rin nila ang bayan. Samantala, kaming lahat nama'y aakyat sa mga kalapit na burol at doon magbabantay para walang makalabas mula sa lunsod. 14 Mamamatay sa gutom ang kanilang asawa't mga anak. Bago pa sila abutin ng tabak, mahahandusay na ang kanilang mga bangkay. 15 Iyon ang magiging mabigat na parusa sa kanilang pagtanggi sa inyo, sa halip na makipagkasundo.”

16 Sinang-ayunan ni Holofernes at ng lahat ng kanyang tauhan ang mungkahing ito. 17 Agad niyang ipinatupad ang utos kaugnay nito. Ang pangkat ng mga Moabita ay lumakad kasama ng 5,000 taga-Asiria at nagkampo sa kapatagan. Pinigilan nila ang pagdaloy ng mga bukal na igiban ng mga Israelita. 18 Ang mga Edomita naman at mga Ammonita ay umakyat at nagbantay sa kaburulang nasa itaas ng Dotan. Pinapunta nila ang iba sa gawing timog-silangan papuntang Egrebel, malapit sa Kus sa may ilog ng Mocmur. Sa kapatagan tumigil ang natitirang hukbong Asirio. Malawak ang lugar na iyon at naging napakalaking kampo, halos mapuno ng kanilang mga tolda at mga kagamitan. Talagang napakalaking pangkat!

19 Nang ito'y makita ng mga Israelita, humingi sila ng tulong sa Panginoon na kanilang Diyos. Nasiraan sila ng loob sapagkat napapaligiran sila ng kaaway at wala silang makitang anumang paraan para makaligtas. 20 Hinarangan ng hukbong taga-Asiria ang pasukan at labasan ng mga Israelita sa loob ng tatlumpu't apat na araw. Naroon ang napakaraming sundalo at hukbong nakakabayo, at ang mga nakakarwahe. At naubos nga ang inipong tubig sa bawat tahanan sa Bethulia. 21 Tuyo na rin ang mga balon. Mahigpit ang pagrarasyon ng tubig kaya't hindi nakakasapat sa kanilang pangangailangan. 22 Nanghihina na rin ang mga bata dahil sa matinding uhaw. Nawawalan ng malay sa malabis na kauhawan ang mga babae at kabinataan. Nahahandusay na lamang sa mga lansangan at mga pintuan ang marami dahil sa kauhawan.

23 Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila, 24 “Diyos ang humatol sa atin kung di kayo nakagawa ng napakalaking kamalian sa hindi ninyo pakikipagkasundo sa mga taga-Asiria. 25 Tingnan ninyo, walang tumulong ngayon sa atin. Ipinailalim na tayo ng Diyos sa kanilang kapangyarihan. Mararatnan nila tayong patay bunga ng matinding pagkauhaw, at nakakalat sa buong lupain ang ating mga bangkay. 26 Sumuko na tayo! Hayaan na nating samsamin ng hukbo ni Holofernes ang lahat ng maibigan nila rito. 27 Mas mabuting magpabihag tayo; kahit tayo'y maging mga alipin ay buháy naman tayo. Hindi tulad nitong nakikita nating unti-unting namamatay ang ating mga anak at asawa. 28 Ang langit at pati na ang lupa ang siyang saksi; ang ating Diyos, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang saksi laban sa inyo—pinaparusahan tayo ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan at sa kasalanan ng mga ninuno natin. Nawa'y huwag magkatotoo ang aming babala sa araw na ito.”

29 Pagkasabi niyon, ang buong kapulungan ay nanaghoy nang malakas at tumawag sa Panginoong Diyos. 30 At sinabi naman sa kanila ni Uzias, “Magpakatatag kayo, mga kaibigan. Magtiis pa tayo ng limang araw, at ipadarama sa atin ng ating Panginoong Diyos ang kanyang pagkahabag. Sigurado kong hindi niya tayo pababayaan! 31 Ngunit kung wala tayong tanggaping tulong pagkalipas ng limang araw, saka ko gagawin ang inyong hinihiling sa akin.” 32 At pinabalik niya sa kanya-kanyang pook na binabantayan ang mga kalalakihan. Nagtungo na nga sila sa mga muog at pintong binabantayan. Ang mga babae at mga bata ay pinauwi sa kani-kanilang mga bahay, kaya't ang kalagayan nila'y larawan ng kawalang-pag-asa.

Iniligtas ni Judith ang Bansang Judio

Ang lahat ng nagaganap ay nakarating sa kaalaman ni Judith, anak na babae ni Merari, at apo ni Ox. Si Ox ang anak ni Jose na nagmula sa lahi nina Uziel, Elkias, Ananias, Gideon, Rafaim, Ahitub, Elias, Hilkias, Eliab, Nathanael, Salumiel, Sarasadai at Israel. Ang asawa ni Judith ay si Manases na mula rin sa kanyang lipi at sambahayan. Namatay ito noong panahon ng anihan ng sebada. Sa tindi ng init ng araw, bigla siyang nagkasakit samantalang pinamamahalaan niya ang pagbibigkis ng inaning sebada. Namatay siya sa Bethulia na kanyang bayan. Siya'y inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno sa isang bukiring nasa pagitan ng Dotan at ng Balamon.

Tatlong taon at apat na buwan nang biyuda si Judith. Nang(AQ) siya'y mabiyuda, pinalagyan niya ng bubong ang itaas ng kanyang bahay at doon siya namalagi at di nag-aalis ng damit-panluksa. Sa loob ng panahong iyon, nag-aayuno siya araw-araw, maliban kung bisperas ng Araw ng Pamamahinga at kung mismong Araw ng Pamamahinga, kung bisperas ng bagong buwan at kung mismong bagong buwan, at kapag may kapistahan at mga araw ng pagdiriwang ang Israel. Napakaganda at kaakit-akit si Judith. Naiwanan siya ni Manases ng mga ginto at pilak, mga aliping lalaki't babae, bakahan at lupain. Siya ang namamahala sa mga naiwang ari-ariang ito ng kanyang asawa. Walang sinumang makapagpaparatang ng masama kay Judith, sapagkat isa siyang babaing may takot sa Diyos at laging nananalangin.

Kinausap ni Judith ang mga Pinuno ng Bayan

Nang mabalitaan nga ni Judith ang matinding pagrereklamo ng mga tao kay Uzias at sa mga pinuno ng bayan dahil sa kakulangan ng tubig, at kung paanong ipinangako ni Uzias na isusuko na sa mga taga-Asiria ang lunsod pagkalipas ng limang araw, 10 tinawag niya ang isang alilang babae na namamahala sa lahat niyang ari-arian. Pinapunta niya ito sa pinuno ng lunsod upang hilingin kina Uzias,[s] Cabris, at Carmis na makipagkita sa kanya.

11 Nang dumating ang mga pinuno, sinabi ni Judith, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko, kayong mga pinuno ng Bethulia. Wala kayong karapatang sabihin sa mga tao at isumpa sa harapan ng Diyos na isusuko ninyo sa kaaway ang lunsod natin kung hindi tutulong ang Panginoon sa loob ng limang araw. 12 Bakit(AR) ninyo sinusubok ang Diyos? Itinaas ninyo ang inyong sarili at hindi ang Diyos. 13 Ano't sinusubok ninyo ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat? Hindi na ba kayo natuto? 14 Kung(AS) ang nasa loob ng isang tao ay di ninyo maunawaan, at di rin ninyo kayang unawain ang pag-iisip ng isang tao, gaano pa kaya ang Lumalang sa tao? Kaya ba ninyong tarukin ang pag-iisip ng Diyos? Hindi, mga kaibigan! Huwag ninyong udyukang magalit ang Panginoon nating Diyos. 15 Pagkat kung ayaw niyang tumulong sa atin sa loob ng limang araw, malaya pa rin niya tayong matutulungan kung kailan niya naisin, o kaya'y maipapasya rin niyang hayaan tayong mapahamak sa kaaway. 16 Hindi ninyo dapat limitahan ang Panginoon nating Diyos; hindi siya maaaring bantaan o pakitunguhang gaya ng isang tao lamang. 17 Kaya, hintayin natin ang kanyang pagliligtas sa atin. Samantala, manalangin tayo sa kanya. Kung kanyang mamarapatin, tutulungan niya tayo.

18 “Wala ni isa man ngayon sa ating lipi o sambahayan, purok o bayan, na sumasamba sa mga diyus-diyosang gawa ng tao bagaman iyon ay ginawa ng ating mga ninuno. 19 Nangyari ito nang nakaraang panahon at siya ngang naging dahilan ng pagkahulog ng ating mga ninuno sa kamay ng kaaway. Sila'y pinatay, sinamsaman ang kanilang lunsod at mga bahay; kahindik-hindik ang pagkawasak nila! 20 Subalit tayo'y walang ibang kinikilala kundi ang Panginoon nating Diyos, at nagtitiwala tayong hindi niya itatakwil ang sinuman sa ating lahi. 21 Sapagkat ang pagkabihag natin ay mangangahulugan ng pagkalipol ng buong Juda at pagkasira ng ating templo. Mananagot tayo sa Diyos kapag iyon ay nilapastangan. 22 Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain. 23 Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.

24 “Kaya nga, mga kaibigan, maging huwaran tayo sa ating mga kababayan, sapagkat nasa mga kamay natin ang kaligtasan nila, pati ng santuwaryo, templo, at altar. 25 Dapat tayong magpasalamat sa Panginoon nating Diyos; sinusubok lamang niya tayo, gaya ng ginawa sa ating mga ninuno. 26 Alalahanin(AT) ninyo ang pagsubok na ginawa kay Abraham at kay Isaac, at ang nangyari kay Jacob noong siya'y nasa Mesopotamia at naglilingkod bilang pastol ng kawan ni Laban na kanyang amain. 27 Hindi tayo ipinaiilalim ng Diyos sa mahigpit na kahirapan para subukin ang katapatan tulad ng nangyari sa ating mga ninunong iyon. At hindi rin siya naghihiganti sa atin; manapa'y dinidisiplina niya tayo para ituwid.”

28 At sumagot si Uzias, “Tama ang sinabi mo; totoong lahat ang iyong binanggit, at walang makapagpapabulaan diyan. 29 Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinatunayan mo ang iyong karunungan. Sapul pa sa iyong pagkabata, 30 napatunayan na namin ang matuwid mong paghatol. Subalit nagkakamatay na ang mga tao dahil sa uhaw, kaya't napilitan kaming mangako at sumumpang gayon ang gagawing hakbang. 31 Ikaw ay babaing may takot sa Diyos. Ipanalangin mo kami. Hingin mo sa Panginoon na magpaulan para mapuno ang ating mga balon nang hindi tayo manlupaypay sa kawalan ng tubig.”

32 Sumagot naman si Judith, “Pakinggan ninyo akong mabuti. Ako'y may gagawin at magugunita ito ng lahat ng salinlahi. 33 Magbantay kayo mamayang gabi sa pintuang-pasukan at ako nama'y lalabas na kasama ang aking lingkod. Bago sumapit ang araw na ipinangako ninyo upang isuko sa ating kaaway ang lunsod na ito, ililigtas ng Panginoon ang bansang Israel sa pamamagitan ko. 34 Subalit huwag ninyong sikapin pang malaman ang aking balak. Hindi ko sasabihin sa inyo hanggang hindi natutupad.” 35 Nang magkagayon, sinabi sa kanya ni Uzias at ng ibang pinunong-bayan, “Lumakad kang taglay ang pagpapala namin. Sumaiyo ang Diyos sa paghihiganting gagawin mo sa ating mga kaaway.” 36 At nilisan nila ang tahanan ng babae at nagbalik sa kanilang lugar.

Ang Panalangin ni Judith

Naglagay si Judith ng abo sa kanyang ulo, binuksan ang damit upang ipakita ang damit-panluksa na suot niya sa ilalim, saka nagpatirapa. Nang mga sandaling iyon, ginaganap ang paghahandog ng panggabing insenso sa templo ng Diyos sa Jerusalem. Malakas na nanalangin si Judith; sabi niya,

“Panginoong(AU) Diyos ng aking ninunong si Simeon, binigyan po ninyo siya ng tabak upang makapaghiganti sa mga dayuhang dumukot kay Dina, na isang birhen, at sumira sa kanyang damit, pinahiya siya, hinalay, at dinungisan ang kanyang dangal, bagama't ito'y iyong ipinagbabawal. Dahil dito, ibinigay ninyo sa kaaway ang kanilang mga pinuno; sila'y pinatay at natigmak ng dugo sa higaang ginamit nila sa kanilang pagsasamantala sa dalaga. Inyong pinatay ang mga alipin at ang kanilang mga panginoon sa kanilang mga luklukang trono. Hinayaan ninyong maagaw ang mga asawa nila at dalhing-bihag ang kanilang mga anak na dalaga. Ang kanilang kayamanan ay sinamsam at ipinamahagi sa inyong minamahal na mga anak na lalaki na masigasig na naglilingkod sa inyo. Ang mga kapatid ni Dina'y labis na nagulat sa kalapastanganang ito sa kanilang pamilya, kaya't sila'y napasaklolo sa inyo.

“O Diyos, aking Diyos, dinggin din ninyo ang samo ko, na isang biyuda. Lahat ng naganap noon, ang nangyayari ngayon, at ang susunod pang magaganap ay pawang may kapahintulutan ninyo. Kayo ang nagbalak ng mga umiiral, gayon din ng mangyayari pa; at ang itinakda ninyo'y nagaganap nga. Ang mga bagay na hinahangad ninyo ay nagsasabi ngayon, ‘Narito na kami.’ Sapagkat handa nang lahat ang inyong mga kapasyahan, at humahatol kayo ayon sa nababatid ninyo mula pa noong una. Inyong nakikita ang nagkakatipong mga taga-Asiria na nagyayabang dahil sa dami ng kanilang mga hukbong-lakad at nakakabayo, at dahil sa lakas ng taglay nilang mga sandata. Marami nga silang kalasag at sibat, pana't palaso, ngunit di nila kilala ang Diyos na nagpapahinto ng lahat ng digmaan; Panginoon ang inyong pangalan. Igupo ninyo ang kanilang hukbo, at durugin ng inyong galit ang kapangyarihan nila. Sapagkat balak nilang lapastanganin ang inyong templo, na doo'y sinasamba kayo, at tigpasin ang mga hawakan ng inyong altar. Masdan ninyo ang kanilang kapalaluan, ibuhos ninyo sa ulo nila ang inyong poot. Bagama't ako'y isang biyuda lamang, palakasin pa ninyo ako. Upang maisagawa ko ang aking binabalak. 10 Gamitin ninyo ang panlilinlang na sasabihin ko upang sila'y mapuksang lahat— ang alipin kasama ng kanyang panginoon! Ibagsak ninyo ang kanilang kataasan sa pamamagitan ng kamay ng isang babae, 11 sapagkat ang inyong kapangyarihan ay di nasasalig sa dami o sa lakas ng mga tao. Manapa'y kayo ang Diyos ng mapagpakumbaba, tumutulong sa mahihirap, umaalalay sa mahihina, lumilingap sa mga walang kakayahan, at nagliligtas sa mga nawawalan ng pag-asa. 12 Diyos ng aking ninuno, Diyos ng lahing Israel, Panginoon ng langit at lupa, lumikha ng karagatan, hari ng buong mundo—dinggin po ninyo ang aking dalangin. 13 Loobin(AV) po ninyong sila'y masugatan at masaktan ng aking mga salitang may pandaraya; sapagkat masama ang binabalak nila sa inyong tipan at banal na tahanan, sa bundok ng Zion, at sa mga tahanang minana ng inyong mga anak. 14 Loobin din po ninyo na maunawaan ng buong bansa at bawat lipi, na kayo ang Diyos na Makapangyarihan at nananaig sa lahat, at walang iba pang makapagsasanggalang sa sambayanan ng Israel kundi kayo lamang.”

Nagpunta si Judith sa Himpilan ni Holofernes

10 Matapos manalangin sa Diyos ng Israel, tumayo si Judith at tinawag ang kanyang lingkod na babae saka bumabâ at pumasok sa silid na tinitigilan niya kung Araw ng Pamamahinga at mga kapistahan. Hinubad niya ang damit-panluksa, gayon din ang kanyang kasuotang pambiyuda. Pagkatapos, naligo siya at nagpabango. Sinuklay niya ang kanyang buhok at nilagyan ng mga palamuti. Nagbihis siya ng pinakamagara niyang damit na ginagamit niya kapag may mga tanging kasayahan noong nabubuhay pa ang kanyang asawang si Manases. Nagsuot siya ng sandalyas, pulseras para sa binti at bisig, mga singsing at hikaw, at lahat ng panggayak. Nagpaganda siyang mabuti para maakit ang sinumang lalaking makakakita sa kanya. Pinapagdala niya ang kanyang lingkod ng sisidlang puno ng alak at isang lalagyang may langis. Kumuha siya ng isang bag at pinuno ito ng binusang trigo, tinuyong igos at pinakamasarap na tinapay, at ipinadala sa lingkod.

Sila'y lumabas sa pintuan ng Bethulia at doo'y naraanang nakatayo't nagbabantay si Uzias, kasama sina Cabris at Carmis na pinuno ng bayan. Pagkakita nila kay Judith na iba na ang anyo at kagayakan, gayon na lamang ang kanilang paghanga sa kanyang kagandahan. At sinabi nila rito, “Samahan ka nawa ng Diyos ng ating mga ninuno at matupad mong matagumpay ang iyong binabalak upang magwagi ang Israel at matanyag ang Jerusalem.”

Sumamba si Judith sa Diyos. Pagkatapos ay sinabi sa kanila, “Pabuksan na ninyo ang pinto at ako'y lalabas upang gawin ang napag-usapan natin.” Iniutos nga nila sa mga kabataang lalaki na buksan ang pinto 10 at lumabas si Judith, kasama ang kanyang lingkod. Sinundan siya ng tingin ng mga kalalakihan sa bayan habang bumababa ng burol hanggang sa makatawid ng kapatagan at hindi na nila makita.

11 Nang ang dalawang babae ay dumadaan sa kapatagan, nasalubong nila ang isang pangkat ng mga kawal na taga-Asiria na nagpapatrolya. 12 Pinigil nila si Judith at tinanong, “Anong lahi ka? Saan ka nanggaling, at saan ka pupunta?”

Sumagot si Judith, “Ako'y isang Hebreo, ngunit tumakas ako sa aking bayan sapagkat sila'y mahuhulog sa inyong mga kamay at masasawi. 13 Pupunta ako kay Holofernes na inyong pinuno; may dala akong ulat para sa kanya. Maituturo ko sa kanya ang daanan papasok sa lunsod na nasa burol upang masakop niya ang buong bayang iyon nang walang mamamatay ni isa man.”

14 Habang nakikinig kay Judith ang mga lalaki, minamasdan nila ang mukha niya dahil hangang-hanga sila sa taglay niyang kariktan. 15 “Ligtas ka na,” sabi nila, “sapagkat naisipan mong puntahan agad ang aming panginoon. Pumunta ka na sa kanyang tolda. Sasamahan ka ng ilan sa amin upang iharap sa kanya. 16 Huwag kang matatakot sa kanya. Sabihin mo ang iyong sinabi sa amin, at pagpapakitaan ka niya ng kabutihang-loob.” 17 Pinasamahan sa sandaang kawal ang dalawang babae at dinala ang mga ito kay Holofernes.

18 Kumalat sa bawat tolda ang balita tungkol sa pagdating ni Judith, at nagdatingan ang mga lalaki buhat sa lahat ng panig ng kampo. Pinagkalipumpunan nila si Judith na nakatayo sa labas ng tolda ni Holofernes at naghihintay hanggang sa maibalita rito ang tungkol sa kanya. 19 Dahil sa kanyang kagandahan, naisip nilang ang mga Israelita ay kahanga-hangang lahi. Ganito ang usap-usapan nila, “Paano mo hahamakin ang isang bansang may magagandang kababaihan? Huwag nating paligtasin kahit isang lalaki; kung hindi, makukuha nila ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng gayuma.”

20 Maya-maya, lumabas ang bantay ni Holofernes at lahat ng katulong niya at dinala si Judith sa loob ng tolda. 21 Nagpapahinga si Holofernes sa kanyang higaang may kulay ubeng kulambo na ginayakan ng ginto, esmeralda, at iba pang bato. 22 Nang sabihin sa kanya na naroon na ang babae, lumabas siya sa kanyang tulugan. Mayroong mga tagadala ng mga ilawang pilak sa unahan niya. 23 Lahat sila'y humanga sa kagandahan ni Judith. Nagpatirapa naman ito sa harapan ni Holofernes, subalit siya'y itinayo ng mga alipin.

11 “Pumanatag ka,” sabi ni Holofernes. “Huwag kang matakot. Hindi ko sinasaktan ang sinumang gustong maglingkod kay Nebucadnezar, na hari ng sangkalupaan. Hindi ko pag-iisipang digmain ang mga kababayan mong nakatira sa kaburulan kung di nila ako hinamak. Sila na rin ang nag-udyok sa akin na gawin ito. Ngayon, sabihin mo kung bakit ka humiwalay sa kanila at umaanib sa amin. Nailigtas mo ang iyong buhay sa iyong pagparito. Pumanatag ka. Ligtas ka na sa panganib. Walang sinumang mananakit sa iyo rito. Papakitunguhan ka tulad ng mga nasasakupan ng aking panginoon na si Haring Nebucadnezar.”

Sumagot si Judith, “Panginoon ko, pahintulutan po ninyong makapagsalita ang inyong abang alipin. Ang sasabihin ko sa inyo sa gabing ito'y siyang katotohanan. Kung susundin ninyo ang aking ipapayo, gagawa ang Diyos ng isang bagay sa pamamagitan ninyo, at tiyak na kayo'y hindi mabibigo. Mabuhay(AW) si Nebucadnezar, hari ng buong lupa, ang makapangyarihang nagsugo sa inyo upang magbigay-kaayusan sa lahat ng nilalang, at sumusumpa ako sa pangalan ng hari. Sa pamamagitan ninyo, hindi lamang mga tao ang naglilingkod sa kanya; maging ang maiilap na hayop, mga baka, at mga ibon ay naglilingkod din sa kanya. Utang nila sa inyong kapangyarihan ang kanilang buhay habang naghahari si Nebucadnezar. Nabalitaan namin ang tungkol sa inyong karunungan at kakayahan. Alam ng buong daigdig na sa buong Imperyo ng Asiria, kayo'y walang kapantay sa karunungan at kasanayan bilang mandirigma. Alam namin ang tungkol sa mga sinabi ni Aquior sa inyong kapulungan, sapagkat sinabi niya ito sa mga taga-Bethulia na nagligtas sa kanya. 10 Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang sinabi niya, panginoon. Paniwalaan po ninyo sapagkat iyon ay totoo. Talaga pong hindi dumaranas ng parusa ang aming lahi at hindi kami natatalo ng kaaway, maliban kung kami'y magkasala laban sa aming Diyos.

11 “Subalit hindi kayo mabibigo ngayon, panginoon, sapagkat nakatakda na silang mamatay. Nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng kasalanan, at kapag sila'y gumawa ng kamalian, mag-aalab sa kanila ang poot ng Diyos. 12 Dahil sa pagkaubos ng pagkain at inumin, ipinasya nilang patayin ang kanilang mga hayop, at kumain na rin ng mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos na kainin. 13 Ipinasya(AX) rin nilang kainin pati ang mga unang aning trigo at mga ikasampung bahagi ng alak at langis bagaman ito'y itinalaga at inilaan para sa mga pari na naglilingkod sa aming Diyos sa Templo ng Jerusalem—walang ibang dapat gumalaw niyon. 14 Nagsugo sila ng ilan para humingi ng pahintulot sa mga pinuno sa Jerusalem, sapagkat ang mga tagaroon ay gumawa na rin nito. 15 Sa sandaling tumanggap sila ng pasabi tungkol dito at kanilang isagawa ito, sa araw ring iyon ay ipalilipol sila sa inyo.

16 “Kaya't nang ito'y malaman ko, lumayo ako sa kanila. At dinala ako rito ng Diyos upang gawing kasama ninyo ang mga bagay na ikamamangha ng sanlibutan, kapag nabalitaan ng mga tao. 17 Ako na inyong alipin ay babaing relihiyosa. Araw-gabi, sinasamba ko ang Diyos na nasa langit. Mananatili ako rito, panginoon ko, at gabi-gabi, pupunta ako sa kapatagan at mananalangin sa Diyos. Ipapaalam niya sa akin kung nagkasala na sila. 18 Agad akong babalik at sasabihin ito sa inyo; at pangunahan na ninyo ang inyong mga kawal. Hindi makakalaban sa inyo ang sinuman sa kanila. 19 Ituturo ko sa inyo ang daang patawid sa Juda hanggang marating ninyo ang Jerusalem, at ilalagay ko ang inyong trono sa gitna ng lunsod. Susunod sila sa inyo na parang mga tupang nawalan ng pastol. Kahit na isang aso'y hindi tatahol sa inyo. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang mga magaganap na ito at isinugo ako upang ipahayag naman sa inyo.”

20 Nasiyahan si Holofernes at ang lahat ng kasama niya sa mga sinabing iyon ni Judith. Namangha sila sa kanyang karunungan. 21 Sabi nila, “Sa buong daigdig ay walang babaing makakapantay sa kagandahan at katalinuhan niya.”

22 At sinabi ni Holofernes, “Salamat sa Diyos sa pagsusugo sa iyo rito mula sa inyong bayan upang bigyan kami ng tagumpay at ng kapahamakan naman sa mga humamak sa aking hari! 23 Napakaganda mo at mabubuti ang iyong sinabi. Kung gagawin mo ang iyong ipinangako, ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos. Ikaw naman ay titira sa palasyo ni Haring Nebucadnezar at matatanyag sa buong daigdig!”

Nanatiling Tapat si Judith sa Kanyang Relihiyon

12 Pagkatapos, iniutos ni Holofernes na dalhin si Judith sa kinalalagyan ng kanyang hapag na may nakahanda nang mga kagamitang pilak. Nagpahanda siya ng pagkain para sa babae at nagpalabas din ng alak mula sa mga pagkain at inuming nakalaan para sa kanyang sarili. Subalit(AY) tumanggi si Judith, “Hindi po ako makakakain niyan, dahil susuway ako sa aming kautusan. Kakainin ko na lang po ang baon ko.”

Ngunit ang sabi ni Holofernes, “Kung maubos na ang baon mo, saan kami magpapakuha ng ganyan? Wala ka namang kalahi dito sa aming kampo.”

Sumagot si Judith, “Kung paanong ikaw ay buháy, panginoon ko, tinitiyak ko sa inyo na hindi mauubos ang dala kong pagkain bago gawin ng Panginoon sa pamamagitan ko ang kanyang itinakda.”

Dinala siya ng mga tauhan ni Holofernes sa isang tolda at doon siya natulog. Nang madaling-araw na, gumising si Judith at nagpasabi kay Holofernes, “Panginoon, maaari po bang iutos ninyong ako'y payagang lumabas at manalangin?” Iniutos naman ni Holofernes sa kanyang mga tauhan na palabasin sa kampo ang babae. Tatlong araw siyang namalagi sa kampo at gabi-gabi'y lumalabas siya sa kapatagan ng Bethulia upang maligo sa bukal. Pagkapaligo, nananalangin siya sa Panginoong Diyos ng Israel para pagpalain ang kanyang binabalak para sa kanyang bayan. Pagkaraan nito, nagbabalik na siyang malinis sa kampo, at nasa loob ng tolda hanggang sa dalhin sa kanya ang kanyang hapunan.

10 Nang ikaapat na araw, nagdaos si Holofernes ng isang salu-salo para sa matataas na pinuno ng kanyang hukbo, ngunit hindi kasama rito ang mga pinunong magbabantay noong araw na iyon. 11 Sinabi niya kay Bagoas, ang eunukong nakakaalam ng kanyang personal na kapakanan, “Puntahan mo ang babaing Hebreo na nasa ilalim ng iyong pangangalaga, at himukin mong makisalo sa atin at uminom kasama natin. 12 Kahiya-hiya tayo kung palalampasin natin ang pagkakataong makatalik ang isang babaing kasingganda niya. Pagtatawanan lang niya tayo kapag hindi natin siya nakuha.”

13 Pinuntahan nga ni Bagoas si Judith at sinabi rito, “Magandang dilag, inaanyayahan ka ng aking panginoon sa kanyang tolda bilang panauhing pandangal sa kanyang salu-salo. Halika't makipag-inuman sa amin at magpakasaya. Ipalagay mong ikaw ay isang babaing taga-Asiria na dumalo sa palasyo ni Nebucadnezar.”

14 “Sino akong tatanggi sa aking panginoon?” tugon ni Judith. “Ikagagalak kong gawin ang anumang makalulugod sa kanya. At iyon ay ikararangal ko hanggang sa araw ng aking kamatayan.”

15 Nagbihis nga si Judith ng magarang damit at isinuot ang lahat ng panggayak at alahas. Naunang lumakad ang kanyang kasamang lingkod at inilatag sa lupa, sa harapan ni Holofernes, ang mga balahibo ng tupa na bigay ni Bagoas para gamiting sandalan ni Judith kapag siya'y kumakain. 16 Nang dumating si Judith at maupo sa kanyang lugar, gayon na lamang ang paghanga ni Holofernes. Nakadama siya ng masidhing pagnanasang angkinin ang kagandahan nito. Katunayan, mula pa noong una niyang makita ito, naghahanap na siya ng pagkakataon para maangkin ito. 17 Kaya't ang sabi niya rito, “Uminom ka at makipagsaya sa amin.” 18 Sumagot si Judith, “Talagang iyan po ang gagawin ko, aking panginoon. Ito na ang pinakadakilang araw sa buong buhay ko.” 19 Pagkatapos, kinuha niya ang inihanda ng kanyang lingkod, at siya'y kumain at uminom sa harapan ni Holofernes. 20 Tuwang-tuwa naman si Holofernes sa babae at napakaraming alak ang nainom niya nang sandaling iyon, higit kailanman sa buong buhay niya.

Pinugutan ni Judith ng Ulo si Holofernes

13 Nang gumabi na, nagpaalam ang mga panauhin at umalis. Isinara ni Bagoas ang pinto ng tolda para wala nang makapasok na alipin. At natulog na silang lahat. Napakatagal ng handaan kaya't pagod na pagod sila. Naiwan si Judith sa loob ng tolda, walang kasama kundi si Holofernes na nakabulagta sa kanyang higaan dahil sa labis na kalasingan.

Sa labas ng tolda, naghihintay ang lingkod ni Judith sa kanyang paglabas upang manalangin, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Nasabi na rin ni Judith kay Bagoas bago ito lumabas, na siya ay lalabas at mananalangin gaya ng nakagawian.

Nang makaalis na ang lahat at walang natira kundi siya, si Judith ay tumayo sa tabi ng higaan ni Holofernes at tahimik na nanalangin. “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, pagpalain po ninyo ako sa aking gagawin upang maghatid ito ng kadakilaan sa Jerusalem. Sapagkat ngayon na ang panahon para tulungan ninyo ang inyong bayan at papagtagumpayin ang aking balak na paglupig sa mga kaaway na nakahandang sumalakay sa amin.” Pagkasambit nito, lumapit siya sa may ulunan ni Holofernes, at kinuha niya ang tabak nito sa kinasasabitan, at paglapit sa tabi ng higaan, dinaklot niya ang buhok ng lalaki. “Palakasin mo po ako, Panginoong Diyos ng Israel, para magawâ ko ito,” sabi niya. Pagkatapos, makalawang ulit niyang tinaga nang ubod-lakas ang leeg nito, at natigpas ang ulo. Iginulong niyang pahulog sa higaan ang katawan at kinuha ang kulambo sa kinasasabitan. Ilang sandali pa'y lumabas na siya at ibinigay sa lingkod ang ulo ni Holofernes. 10 Isinilid ito ng lingkod sa dala niyang sisidlan ng pagkain.

Bumalik si Judith sa Bethulia

Magkasamang lumabas ang dalawang babae, gaya ng karaniwan nilang ginagawa kapag patungo sa pananalangin. Tinawid nila ang kampo, bumabâ sa kapatagan, at umakyat sa burol papuntang Bethulia hanggang sa makarating sa pintuang-pasukan. 11 Nang malapit na sila, tumawag si Judith sa mga bantay sa pintuang-pasukan, “Buksan ninyo ang pinto! Ang Diyos, ang ating Diyos, ay sumasaatin. Ipinapakita pa rin niya sa Israel ang kanyang kalakasan at kapangyarihan laban sa ating mga kaaway. Ito'y pinatunayan niya ngayon!”

12 Nang marinig ng mga mamamayan ang kanyang tinig, nagmamadali silang pumunta sa pintuang-pasukan at tinawag ang pinuno ng bayan. 13 Nagtakbuhan ang lahat, matanda't bata, at hindi halos makapaniwalang si Judith ay nakabalik. Binuksan nila ang pinto at pinatuloy ang dalawang babae. Nagsindi pa sila ng sulo para siya makita, at pinagkalipumpunan ang dalawa. 14 Malakas na sinabi ni Judith, “Purihin ang Diyos! O purihin natin siya! Purihin ang Diyos na hindi nagkakait ng awa sa sambahayan ni Israel. Ngayong gabi'y dinurog niya ang ating mga kaaway sa pamamagitan ko.” 15 At kinuha niya ang sisidlan at ipinakita sa kanila ang laman. “Tingnan ninyo!” aniya, “Narito ang ulo ni Holofernes na punong tagapagpaganap ng mga taga-Asiria! Narito rin ang kulambong ginamit niya samantalang nakahiga siyang lasing na lasing! Ginamit ng Panginoon ang isang babae para patayin siya. 16 Bagama't ang aking mukha ang umakit sa kanya tungo sa kapahamakan, ang Panginoon ang nag-iingat sa akin kaya hindi niya ako nagalaw. Nanatiling walang dungis ang pagkababae ko.”

17 Namangha ang mga tao. At kasabay ng pagpapatirapa bilang pagsamba sa Diyos, sabay-sabay silang nagsabi, “Purihin ang Panginoon nating Diyos! Hiniya niya sa araw na ito ang mga kaaway natin.”

18 At(AZ) sinabi ni Uzias kay Judith, “Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa. Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa. Siya ang tumulong sa iyo para pugutan ang pinunong kaaway. 19 Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos. 20 Ang iyong ginawa ay maghatid nawa sa iyo ng karangalan sa habang panahon, at ng maraming pagpapala! Inilagay mo sa panganib ang iyong buhay alang-alang sa ating bayan nang ito'y nabibingit sa malaking kahihiyan. Matatag mong tinalunton ang matuwid na daan ng Diyos.”

Tumugon ang lahat, “Amen! Amen!”

Ang Panukala ni Judith

14 Pagkatapos ay sinabi ni Judith sa kanila, “Makinig kayo, mga kababayan. Kunin ninyo ang ulong ito at isabit sa labas ng pader. Pagsikat ng araw, ang bawat matapang na lalaki ay kumuha ng sandata at lumabas ng bayan. Pumili kayo ng isang tagapanguna nila at kumilos kayo na parang kayo'y bababâ sa kapatagan upang sumalakay sa kampo ng mga taga-Asiria, ngunit huwag kayong bababâ. Kukunin ng mga taga-Asiria ang kanilang mga sandata, at magtatakbuhan sa kampo nila upang gisingin ang kanilang mga pinuno. Pupunta naman ang mga ito sa tolda ni Holofernes subalit hindi nila siya matatagpuan. Malilito sila at magsisitakas. Sa gayon, habulin ninyo sila, kayong lahat na naninirahan sa loob ng mga hangganan ng Israel. Patayin ninyo ang lahat ng inyong aabutan. Ngunit bago ang lahat, dalhin ninyo sa akin ang Ammonitang si Aquior. Nais kong makita niya at kilalanin ang taong humamak sa Israel at nagsugo sa kanya rito sa paniniwalang siya'y mamamatay na kasama natin.”

Sumampalataya si Aquior sa Diyos ng Israel

Sinundo nga nila si Aquior mula sa bahay ni Uzias. Nang dumating ito at makita ang ulo ni Holofernes na hawak ng isa sa mga kalalakihang nagkakatipon, nawalan siya ng malay at bumagsak sa lupa. Itinayo nila siya at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Judith bilang pagbibigay-galang. “Ang papuri sa iyo ay aawitin sa lahat ng kampo sa Juda at sa gitna ng mga bansa. Manginginig sila kapag narinig ang iyong pangalan. Maaari bang isalaysay mo ngayon sa akin ang kabuuan ng iyong ginawa sa loob ng nagdaang mga araw?” ang wika niya. Kaya't sa harapan ng mga tao, isinalaysay ni Judith ang lahat ng ginawa niya mula nang siya'y umalis hanggang sa sandaling iyon na nag-uulat siya sa kanila. Pagkatapos niyang magsalita, nagsigawan sa pagbubunyi ang mga tao. Ang buong lunsod ay napuno ng kaligayahan. 10 Si Aquior naman, pagkarinig sa lahat ng ginawa ng Diyos ng Israel, ay sumampalataya na sa Panginoon. Siya ay nagpatuli bilang pagsunod sa utos na tinutupad ng mga Judio. Ganap siyang nakiisa sa sambahayan ni Israel hanggang wakas.

Nagkagulo sa Kampo ng mga Taga-Asiria

11 Nang magbukang-liwayway, isinabit ng mga Israelita sa labas ng pader ang ulo ni Holofernes. Pagkatapos, lahat ng lalaking Israelita ay kumuha ng sandata at pangkat-pangkat na nagpunta sa gilid ng bundok. 12 Nang makita sila ng mga taga-Asiria, mabilis na ipinagbigay-alam sa kanilang mga pinuno ang nagaganap. Ibinalita naman ito ng mga pinuno sa kanilang mga heneral, sa lider ng mga pangkat, at sa lahat ng tagapanguna. 13 At pumunta sila sa tolda ni Holofernes at sinabi kay Bagoas, “Gisingin mo ang ating panginoon! Ang mga alipin ay magtatangkang makipagdigma. Hinahanap lang nila ang ganap na pagkalipol.”

14 Pumasok sa tolda si Bagoas at tumawag sa kanyang panginoon na akala'y natutulog kasama si Judith. 15 Nang walang sumasagot, hinawi niya ang tabing, tumuloy sa loob, at nakita ang bangkay na walang ulo. 16 Bigla siyang nagpalahaw ng pag-iyak, nanaghoy, at winasak ang kanyang kasuotan. 17 Pinasok niya ang toldang tinutuluyan ni Judith at nang di niya ito natagpuan, patakbo siyang nagbalik sa pangkat na nasa labas, at ang sabi niya, 18 “Napaglalangan tayo ng mga alipin! Isang babaing Hebreo ang naghatid ng napakalaking kahihiyan sa sambahayan ni Haring Nebucadnezar. Nariyan sa loob si Holofernes, bangkay na walang ulo!” 19 Nang ito'y marinig ng mga pinuno ng hukbong taga-Asiria, winasak nila ang kanilang mga mahabang panloob na kasuotan at gayon na lamang ang panghihilakbot nila. At napakinggan sa kampo ang nakakatulig na tilian at hagulgulan.

Nagtagumpay ang mga Judio

15 Ang mga sundalong nasa loob ng mga tolda naman ay nabigla nang malaman ang nangyari, at nangatal silang lahat sa takot. At nagkagulu-gulo na. Nagkanya-kanya sila ng takbo patungo sa iba't ibang panig para makatakas. May nagtakbuhan sa mga daan, may nakarating sa kapatagan at sa kabundukan. Umatras din ang mga inatasang magbantay sa palibot ng mga burol ng Bethulia, at sa kanilang pagtakas, sinagupa sila ng mga taga-Israel.

Nagsugo si Uzias sa Bethomestaim, sa Bebai, sa Choba, sa Kola, at sa buong bayang Israel upang ibalita ang nangyari, at upang himukin silang lumabas para patayin ang mga kaaway. At nang matanggap ang balitang ito, nagkaisa silang harapin ang kalaban, at napatay nga nila ang mga ito hanggang sa Choba. Dumating din ang mga nasa Jerusalem at mga nakatira sa kaburulan sapagkat ibinalita rin sa kanila ang nangyari sa kampo ng kaaway. Pinakamaraming napatay ang mga taga-Gilead at Galilea, sapagkat lumabas sila hanggang sa hangganan ng Damasco.

Ang iba pang naninirahan sa Bethulia ay sumalakay sa kampo ng mga taga-Asiria at napakaraming nasamsam na kayamanan. Nang magbalik buhat sa pamumuksa ang mga lalaking Israelita, kinuha nila ang natirang masasamsam. Pati ang nasa mga nayon at bayan sa kaburulan ay maraming nakuha sapagkat talagang napakarami ng kayamanang naroon.

Nagdiwang ang Israel

Pagkatapos, dumating si Joakim, ang pinakapunong pari, at ang mga bumubuo ng sanggunian ng bansang Israel mula sa Jerusalem. Nakita nila ang kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel at nais din nilang makaharap at batiin si Judith. Nang makaharap na nga nila ito, nagkaisa sila sa pagpaparangal sa kanya. “Ikaw ang karangalan ng Jerusalem! Itinampok ang Israel dahil sa iyo. Ipinagkakapuri ka ng ating bansa. 10 Nagawa mong lahat ito nang nag-iisa. Napakalaking kabutihan ang nagawa mo para sa Israel. Ang Diyos ang lugod na lugod. Pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, habang ikaw ay nabubuhay!”

At sumagot ang mga tao, “Amen!”

11 Inabot ng tatlumpung araw bago natapos samsaman ng mga Israelita ang kampo ng mga taga-Asiria. Ibinigay nila kay Judith ang tolda ni Holofernes, lahat ng kasangkapang pilak, mga higaan, mga sisidlan, at lahat ng kagamitan nito. Kinuha niya ang mga ito at isinakay sa kanyang asno; ang iba'y inilagay sa mga kariton. 12 Nagtipon ang lahat ng babae sa Israel para makita at maparangalan si Judith. Nagpakita rin sila ng tanging sayaw para sa kanya. Si Judith nama'y kumuha ng mga sanga ng olibo at ibinigay sa mga babaing kasama niya. 13 Ipinutong nila sa kanilang ulo ang mga sangang ito, gayon din kay Judith. Pumunta siya sa unahan ng lahat ng nagsasayaw; sumunod sa kanya ang mga babae, at sumusunod sa likuran ang kalalakihan ng Israel, hawak-hawak ang kanilang sandata, nakasuot ng mga kuwintas na bulaklak at masayang umaawit ng papuri sa Diyos.

Ang Awit ng Papuri ni Judith

16 Pinangunahan ni Judith ang buong bansang Israel sa isang awit ng pasasalamat. Lahat ay ubos-lakas na umawit ng papuri. Ganito ang awit ni Judith:

“Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
    tugtugin ang tamburin, gamitin ang pompiyang,
isang bagong awit, siya'y papurihan,
    siya ay tawagin nang tayo'y tulungan.
Siya'y Panginoon, maging ng digmaan.
    Pinapatigil niya ito, kung kinakailangan;
ako'y iniligtas sa mga kalaban,
    muling ibinalik sa dating tirahan.
Mula sa hilaga, mga kabundukan, bumabâ't lumusob ang mga kaaway;
    hukbong libu-libo ang kasamang kawal,
halos ang mga ilog at mga kapatagan,
    maging mga bundok, lubos na nakalatan.
Tinangkang ang bansa natin ay sunugin,
    mga kabataan hangad ay lipulin;
maging mga bata, layon ay durugin,
    at ang mga dalaga'y kanilang bihagin.
Ngunit humadlang ang Panginoon natin
    babae'y ginamit, upang sila ay biguin.
Ang bayani nila'y nakitil ang buhay,
    ngunit ang pumatay ay di mga kawal;
anak ni Merari, babaing matapang,
    kagandahan nito ang siyang luminlang.
Dahil nga kay Judith, ang bansang Israel
    kanyang natubos sa pagkaalipin.
Hinubad niya ang kasuotang balo,
    nagsuot ng kasuotang lino,
    nagpahid ng pabango,
    naglagay ng mga palamuti.
Sa taglay niyang ganda at kagayakan,
    lubos na naakit ang pinunong kaaway.
Sandalyas na suot, kay gandang pagmasdan,
    lalong nagayuma, mabunying heneral,
    ang naging kapalit nito'y kanyang kamatayan.
10 Sa tapang ni Judith, ang taga-Persia ay namangha,
    nanginginig ang mga Medo sa kanyang ginawa.
11 Ang bayang Israel, sumigaw sa tuwa,
    nahango sa wakas, sa buhay na abâ.
Ang mga kaaway ay pawang nangalat,
    dahilan sa takot, sila'y nagsitakas.
12 Kami ay nagbuhat sa lahing alipin,
    ngunit ang kaaway, natakot sa amin,
maraming napatay nang aming tugisin,
    ang hukbo ng Diyos, ang kasama namin.

13 “Ako(BA) ay aawit ng bagong awitin,
ikaw, Panginoong Diyos, aking pupurihin;
    ang taglay mong lakas, di kayang lupigin.
14 Bayaang maglingkod ang mga nilalang,
    silang sa utos mo'y nagtamo ng buhay,
nang ang ilong nila ay iyong hingahan,
    kaya itong madla'y dapat kong igalang.
15 Kapag ika'y lumapit, bundok, karagatan,
    pawang manginginig, hindi mapalagay,
    maging mga bato'y pawang natutunaw.
Ngunit sa sinumang masunuring tunay,
    ika'y nahahabag, lubos na nagmamahal.
16 Panginoon(BB) nati'y lalong nagagalak, sa sinumang taong masunuri't tapat,
    higit pa sa handog, kahit na anong sarap, na kung sinusunog ay humahalimuyak.
17 Alinmang bansang sa ati'y lumaban,
    tiyak na hahantong sa kapahamakan.
    Sila'y hahatulan ng Diyos na Panginoon.
Pagsapit ng Araw nitong Paghuhukom;
    sila'y tutupukin, uod ay lilitaw,
    tatangis sa dusang walang katapusan.”

Pasasalamat

18 Pagkaraan nito, ang mga tao'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos. Nagsipaligo muna sila, saka nag-alay ng mga handog na susunugin, mga kusang-loob na handog at iba pang kaloob. 19 At bilang pag-aalay ng panatang hain sa Diyos, inihandog ni Judith ang lahat ng ari-arian ni Holofernes na ibinigay sa kanya ng mga tao, pati na ang kulambong kinuha niya sa higaan nito. 20 Tumagal ng tatlong buwan ang kanilang pagdiriwang sa Jerusalem, sa harap ng santuwaryo, at si Judith ay nakiisa sa kanila.

Ang Katanyagan ni Judith

21 Nang matapos ang pagdiriwang nagsiuwi na sila. Si Judith nama'y bumalik sa Bethulia at namalagi sa kanyang asyenda. At hanggang sa huling araw ng kanyang buhay, natanyag siya sa buong bansa magmula nang mangyari ang ginawa niyang kabayanihan. 22 Marami ang nanligaw sa kanya subalit hindi na siya nag-asawa pang muli nang mamatay ang asawa niyang si Manases. 23-24 Higit siyang naging tanyag sa paglipas ng panahon at umabot siya ng sandaa't limang taóng gulang. Hindi siya umalis sa tahanan ng kanyang asawa at siya'y namatay sa Bethulia kung saan inilibing siya sa tabi ng puntod ng asawa niyang si Manases. Pitong araw na tinangisan ng Israel ang kanyang pagkamatay. Bago siya namatay, ang mga ari-arian niya'y kanyang ipinamahagi sa mga kamag-anak ni Manases at sa sarili niyang kamag-anakan. Kanya ring pinalaya ang lingkod niyang babae.

25 Habang nabubuhay si Judith at sa loob ng matagal na panahon pagkamatay niya, walang sinumang nagtangka pang gumambalang muli sa mga Israelita.

Ang Panaginip ni Mordecai[t]

1-3 Si(BC) Mordecai, na isang Judiong kabilang sa lipi ni Benjamin, ay dinalang-bihag kasama ni Haring Jeconias ng Juda noong mahulog ang Jerusalem sa kamay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Si Mordecai ay anak ni Jair na anak ni Simei at apo ni Kis. Ngayo'y naninirahan siya sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Doon ay isa siyang mataas na pinuno sa kaharian ng Dakilang Haring Xerxes.

Noong unang araw ng unang buwan, ikalawang taon ng paghahari ni Haring Xerxes, si Mordecai ay nanaginip ng ganito: Maraming boses at matinding kaguluhan, kulog, at lindol sa buong daigdig. Walang anu-ano'y may lumitaw na dalawang dragong umaatungal nang malakas at handang maglaban. Nang marinig ang kanilang atungal, ang mga bansa ay humanda upang digmain ang matuwid na bayan ng Diyos. Naghari sa daigdig ang karimlan, kapanglawan, kaguluhan at pagkabahala. Nasira at gumuho ang lahat. Nagulo ang matuwid na bansa dahil sa takot sa kapahamakang nagbabanta sa kanila, ngunit handa silang mamatay. Subalit nanalangin sila sa Diyos, at ang panalangin nila'y naging parang isang napakalaking ilog na umagos mula sa isang maliit na bukal. 10 Sumikat ang araw at muling nagliwanag. Pinalakas ng Diyos ang mga mapagpakumbaba kaya nalipol nila ang mga mapagmataas nilang kaaway.

11 Sa panaginip na iyon, nakita ni Mordecai ang binabalak gawin ng Diyos. Nang siya'y magising, maghapon niyang pinilit na maunawaan ang panaginip na iyon.

Iniligtas ni Mordecai ang Buhay ng Hari

12 Noon, si Mordecai ay nagpapahinga sa bakuran ng palasyo, kasama sina Gabata at Tara na mga eunukong bantay roon. 13 Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa at nalaman niyang balak ng mga ito na patayin si Haring Xerxes. Kaya't siya'y nagpunta sa hari at ito'y kanyang ipinaalam. 14 Ang dalawa ay ipinatawag ng hari at tinanong kung totoo ang paratang ni Mordecai. Nang umamin ang dalawa, sila'y ipinabitay ng hari.

15 Ang buong pangyayari'y ipinasulat ng hari sa isang aklat. Isinulat din ni Mordecai ang mga pangyayaring ito. 16 Bilang gantimpala sa kanyang ginawa, si Mordecai ay binigyan ng hari ng tungkulin sa palasyo mula noon.

17 Ngunit si Haman na anak ni Hamedata na isang Agagita,[u] ay malapit sa hari. Gumawa siya ng paraan para ipahamak si Mordecai at ang mga kababayan nito dahil sa pagkamatay ng dalawang eunuko.

Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes

Si(BD) Haring Xerxes ay naghari sa 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[v] Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng kaharian ng Persia.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, naghanda siya ng isang piging para sa isang natatanging grupong tinatawag na “Mga Kaibigan”. Inimbitahan rin niya ang kanyang mga pinuno, mga lingkod, mga pinunong kawal ng Persia at Media, pati mga maharlikang tao at mga gobernador ng mga lalawigan. Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang maringal niyang pamumuhay. Ang handaan ay tumagal nang sandaan at walumpung araw.

Pagkaraan nito, pitong araw naman siyang nagdaos ng handaan para sa lahat ng mga naninirahan sa Susa, dayuhan man o katutubo. Ginanap ito sa bulwagang nasa hardin ng palasyo. Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at kulay ube, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Gawa naman sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay nalalatagan ng mga baldosang yari sa puting marmol, malalaking perlas, at mamahaling bato. Ang mga kopitang ginamit na inuman ay gawa sa ginto at pilak. Inilabas din ng hari ang isang kopitang punung-puno ng mamahaling hiyas na aabot ang katumbas na halaga sa tone-toneladang pilak. Napakarami ring ipinamahaging alak na tanging ang hari lamang ang nakakainom. Ipinag-utos ng hari sa mga tagapagsilbi na bigyan ng alak ang mga panauhin ayon sa kagustuhan ng bawat isa.

Samantala, nagdaos naman ng isang handaan para sa kababaihan si Reyna Vasti sa palasyo ng Haring Xerxes.

10 Nang ikapitong araw ng pagdiriwang, nalasing ang hari at ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetra at Carcas, ang pitong eunuko na personal na naglilingkod sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti sa mga ito upang humarap sa kanya na suot ang korona upang ipakita sa lahat ng naroon ang kagandahan ng reyna sapagkat ito naman ay tunay na napakaganda. 12 Ngunit tumangging sumama si Reyna Vasti sa mga sinugong eunuko. Napahiya ang hari kaya't labis itong nagalit.

13 Sa mga ganitong pangyayari sumasangguni ang hari sa mga pantas na dalubhasa sa batas at paghatol. 14 Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan, ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari,[w] at mga kilalang tagapanguna sa kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ba ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa aking utos na ipinasabi ko sa pamamagitan ng mga sugo?”

16 Sumagot si Memucan, “Nagkasala si Reyna Vasti, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ng Haring Xerxes. 17 Tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian ang pangyayaring ito. Dahil dito, may dahilan na sila para sumuway sa kani-kanilang asawa. Idadahilan nilang si Reyna Vasti mismo ay hindi humarap sa hari nang ipatawag ito. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, lalapastanganin na ng mga babae ang mga lalaki. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, mahal na hari, magpalabas kayo ng isang utos na magiging bahagi ng mga batas ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuti kaysa kanya. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa inyong malawak na kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kani-kanilang asawa, mayaman o mahirap man.”

21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan. 22 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop ayon sa kani-kanilang wika upang kilalanin na ang mga lalaki ang siyang pinuno ng kanilang sambahayan at dapat igalang.

Naging Reyna si Ester

Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Naalala niya si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. “Bakit di kayo magpahanap ng mga magagandang dalagang may ginintuang kalooban, Kamahalan?” tanong sa kanya ng kanyang mga lingkod. “Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa Lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang sinumang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang panukalang ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.

Noon ay may isang Judio na nakatira sa Lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Siya'y si Mordecai na anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Si Mordecai ay mula sa lipi ni Benjamin. Isa(BE) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may pinsang dalaga na ulilang lubos at siya ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester na anak ng tiyo ni Mordecai na si Aminadab. Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak.[x] Napakaganda at kabigha-bighani si Ester. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, binigyan din siya ng pitong piling katulong na mula sa palasyo upang paglingkuran siya. Halatang kakaiba ang turing ni Hegai kay Ester at sa mga katulong niya.

10 Subalit hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw namang nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.

12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. 13 Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa harem nito na pinapamahalaan ng eunukong si Hegai. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakakabalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito.

15 Dumating ang araw ng pagharap ni Ester sa hari. Lahat ng bagay na sinabi ni Hegai ay sinunod niya. Nabighani naman ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ikalabindalawang buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Haring Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito bilang reyna. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang ipagdiwang ang kanilang kasal ni Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, ipinag-utos din ng hari na bawasan ang buwis ng mga mamamayan sa buong kaharian.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari[y]

19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, sapagkat iyon ang bilin ni Mordecai. Sinusunod niya si Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata. Patuloy rin niyang sinasamba ang Diyos at sinusunod ang kautusan; hindi niya tinatalikdan ang kanyang pagiging Judio.

21 Dahil itinaas sa tungkulin si Mordecai, nagalit sa hari ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Gabata at Tara. Kaya't binalak nilang patayin ang hari. 22 Nang mapag-alaman ito ni Mordecai, sinabi niya ito kay Reyna Ester at pinabatid naman niya ito sa hari. 23 Ipinasiyasat ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabigti niya sina Gabata at Tara. Samantala, bilang parangal kay Mordecai, ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Ang Pakana ni Haman Laban sa mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita.[z] Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod at dinadahilan niyang siya'y isang Judio. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman. Nang malaman ni Haman na hindi yumuyukod si Mordecai, sumiklab ang kanyang galit. Dahil dito, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian.

Sa ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, iniutos ni Haman na gawin ang palabunutan upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumapat ito sa ikalabing apat[aa] na araw ng ikalabindalawang buwan.

Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat ng panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po sa inyo kung hahayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, Kamahalan, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong ito. At mula sa mga masasamsam ay maglalagak ako ng 340,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng hari.”

10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman upang maging opisyal ang kautusan laban sa mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila. Bahala ka na rin sa masasamsam mong salapi nila.”

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia.[ab] Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.[ac]

Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio[ad]

Ito ang nilalaman ng liham.

Ang Dakilang Haring Xerxes ay sumusulat sa mga gobernador at mga katulong na tagapamahala ng 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[ae]

“Bilang pinuno ng maraming bansa at panginoon ng buong daigdig, hindi ko ipinagmamalaki ang aking kapangyarihan. Ang hangad ko lamang ay maging matatag at mapagkalinga ang aking pamamahala. Nais ko na ang lahat ng aking nasasakupan ay mamuhay nang matiwasay at mapayapa; ligtas sa lahat ng panliligalig, at malayang makapaglakbay sa lahat ng panig ng kaharian.

“Nang isangguni ko sa aking mga tagapayo kung paanong maipagtatagumpay ang layuning ito, ganito ang naging payo ni Haman na pangunahin kong tagapayo at kilala ng lahat sa katalinuhan at katapatan sa hari. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan at pangalawa sa akin sa kapangyarihan. Sinabi niya sa amin na may isang lahing namamayan sa buong nasasakupan ng ating kaharian, kahalo ng iba't ibang bansa, ngunit namumukod sa lahat. Ang mga batas nila ay laban sa tuntunin ng bawat bansa, at lagi na lang sumusuway sa mga utos ng mga hari. At dahil dito'y hindi magkaisa ang kaharian. Nalaman naming tanging ang mga taong ito at sila lamang, ay laban sa lahat, may sariling tuntunin at paraan ng pamumuhay, at wala nang sinisikap kundi ang kapahamakan ng kaharian, kaya't hindi na tayo natahimik.

“Dahil dito, iniuutos namin na lahat ng taong tinutukoy sa sulat ni Haman, ang tagapamahala ng kaharian at pangalawa nating ama, ay ganap na lipulin, nang walang awa, pati kanilang mga anak at asawa. Ito'y isasagawa sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan ng taóng ito, upang ang mga taong ito na matagal nang lumalaban sa kaharian ay malipol sa isang araw at sabay-sabay na mahulog sa daigdig ng mga patay. Sa gayon, matatahimik na ang kaharian.”

14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng kopya ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit.

15 At ang utos ng hari ay ipinahayag sa Susa, ang kapitolyo ng Persia. Kaagad namang nagpadala ng mga kopya ng kautusan sa mga lalawigan. Masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, samantalang nagkakagulo naman sa buong Susa.

Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan

Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot ng damit-panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na isinisigaw, “Ang nais nilang lipulin ay isang lahing walang kasalanan!” Nang umabot siya sa pasukan ng palasyo huminto sapagkat hindi pinapayagang pumasok roon ang sinumang nakasuot ng damit-panluksa. Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis, nagsuot ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa ulo.

Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac,[af] isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon.[ag] Sinabi naman nito ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa hari mapatay lamang ang mga Judio. Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng utos ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari. Ipinasabi niya para kay Ester, “Alalahanin mo noong ikaw ay isa pang karaniwang mamamayan, noong ikaw ay nasa akin pang pangangalaga. Alalahanin mo iyon sapagkat ang punong ministrong si Haman ay gumawa ng plano laban sa atin; gusto niya tayong lipuling lahat. Kaya't manalangin ka sa Panginoon, at pagkatapos ay kausapin mo ang hari tungkol sa banta sa atin. Iligtas mo ang ating lahi!”

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinatatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Ester, huwag mo sanang aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ligtas ka na. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio ngunit malilipol ka at ang iyong sambahayan. Anong malay mo? Baka nga ang dahilan kung bakit ka naging reyna ay para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon?”

15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.

Ang Panalangin ni Mordecai[ah]

Dahil(BF) dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya: “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel. Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito. Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo. Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman. Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel. Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas. Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang. Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon. 10 Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”

11 Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.

Ang Panalangin ni Ester

12 Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon. 13 Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti. 14 At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:

“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang. 15 Haharap ako sa napakalaking panganib. 16 Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.

17 “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway, 18 sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon. 19 Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan 20 na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana. 21 Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.

22 “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.

23 “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. 24 Bigyan(BG) mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. 25 Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.

26 “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito. 27 Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae. 28 Ako(BH) na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan. 29 Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham. 30 “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”

Dumulog si Ester sa Hari[ai]

Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit. Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae. Lumakad siyang akay ng isang lingkod, habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit. Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba. Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo. Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod. Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna. Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa. 10 Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan. 11 Lumapit ka.” 12 Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”

13 Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan. 14 Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”

15 Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay. 16 Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.

Ang Piging para sa Hari at kay Haman[aj]

Itinanong(BI) ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Ester, “Ang araw na ito ay natatanging araw para sa akin. Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo kayo ni Haman mamayang gabi sa piging na inihanda ko para sa inyo.”

Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa handaan ni Ester. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa handaan bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”

Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan

Masayang-masaya si Haman nang umalis siya sa palasyo. Subalit nang makita niya si Mordecai na noo'y nasa pasukan ng palasyo, sumiklab muli ang kanyang galit. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkakatalaga sa kanya bilang punong ministro. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng piging. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nasa pasukan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng asawa niya't mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na pitumpu't limang talampakan ang taas sa may pintuan ng palasyo, at hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Bukas ay malaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa nga siya ng bitayan.

Pinarangalan si Mordecai

Nang gabing iyon, hindi hinayaan ng Panginoon na makatulog si Haring Xerxes. Kaya't pinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito sa kanyang personal na kalihim habang siya'y nakikinig. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Gabata at Tara na patayin ang Haring Xerxes. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”

Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po, Kamahalan.”

Nagtanong ang hari, “Sino ba ang pumapasok sa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa pinagawa niyang bitayan.

Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”

At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”

Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”

Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, kaya sinabi niya, “Ganito po: Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Magaling! Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pasukan ng palasyo.”

11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”

12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga kaibigan. Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya. Hindi mo siya madadaig sapagkat ang buháy na Diyos ay sumasakanya.”

14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.

Binitay si Haman

Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Reyna Ester, “Kung kayo po ay nalulugod sa akin, at kung mamarapatin po ninyo, Mahal na Hari, hihilingin ko po sanang ako at aking mga kababayan ay inyong iligtas, sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako, at hindi na kayo gagambalain pa.”

Itinanong ng hari, “Sino ang may pakana ng mga bagay na ito?”

Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”

At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari. Nang(BJ) magbalik ang hari, nakita niya si Haman na nakadapa sa higaan ng reyna at nagmamakaawa. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay!” Nang marinig ito ni Haman, tinakpan niya ang kanyang mukha dahil sa kahihiyan.

Pagkatapos, sinabi ni Harbona,[ak] isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, mahal na hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”

“Doon siya bitayin!” utos ng hari.

10 Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.

Hinirang si Mordecai

Nang araw ding iyon, ang lahat ng mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi na ni Ester na magkamag-anak sila. Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai. Itinalaga naman ni Ester si Mordecai bilang katiwala niya sa lahat ng mga ari-arian ni Haman.

Ang Bagong Kahilingan ni Ester

Minsan pang lumapit si Ester sa Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung inyong mamarapatin at kung ako'y kalugud-lugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong pawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi po maatim ng aking damdamin na makitang nililipol ang aming lahi.”

Sinabi ng Haring Xerxes kay Reyna Ester, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na sa iyo. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio. Kung iyon ay hindi pa sapat, gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”

Nang ikadalawampu't tatlong araw ng unang buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[al] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala ito sa mga tagahatid-sulat. 11 Sa pamamagitan ng sulat na iyon, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin ang kanilang mga kalaban. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.[am]

Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio[an]

Ito ang kopya ng sulat ng hari:

“Pagbati mula sa Dakilang Haring Xerxes. Ang sulat na ito ay para sa mga gobernador ng 127 lalawigan, magmula sa India hanggang Etiopia,[ao] at sa lahat kong mga tapat na nasasakupan.

“Maraming tao ang nagiging palalo kapag pinagkakalooban ng karangalan at kapangyarihan. Palibhasa'y hindi marunong magdala ng karangalan at kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila, ang pinipinsala nila'y ang aking nasasakupan. Hindi lamang iyan; binabalak pa nilang ipahamak pati ang nagkaloob sa kanila ng karangalan at kapangyarihang iyon. Hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob. Dala ng kanilang kapalaluan, naniniwala sila sa mga pakunwaring papuri sa kanila ng mga mangmang at masasama. At inaakala nilang sila'y makakaligtas sa hatol ng Diyos na nakakakita ng lahat at namumuhi sa masama.

“Malimit mangyari na ang mga namumuno ay nadadala ng ilang tauhang malapit sa kanila at pinagkatiwalaang humawak ng kapangyarihan. Dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga ito, nadadamay sila sa mga pagpatay sa walang sala at sa iba pang mga kapahamakang pagsisihan ma'y wala nang lunas. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling at iba pang pandaraya, pinagsasamantalahan ng ganitong mga tauhan ang kagandahang-loob ng namumuno.

“Ang ganyang pagsasamantala ay di lamang natutunghayan sa kasaysayan. Nagaganap pa rin iyan hanggang ngayon, gaya ng pinapatunayan ng ilang malagim na pangyayaring naganap sa inyo. Kaya mula ngayon ay sisikapin kong umiral ang katahimikan at kapayapaan sa ating kaharian. Babaguhin ko ang ilang pamamalakad, at ako mismo ang buong ingat at katapatang susuri at hahatol sa bawat pangyayaring darating sa aking kaalaman.

10 “Tingnan ninyo ang ginawa ni Haman na anak ni Hamedata. Isa siyang Macedonio, isang ganap na dayuhan. Tinanggap ko siya, bagaman wala ni bahid ng dugong Persiano na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Wala rin siya ni anino ng kagandahang-loob na ipinakita ko sa kanya. 11 Pinag-ukulan ko siya ng kalinga at malasakit na ipinapakita ko sa lahat ng lahing namamayan sa ating kaharian, hanggang sa tinawag siyang Ama ng ating bayan at itinaas sa isang tungkuling pangalawa sa hari.

12 “Ngunit hindi pa siya nasiyahan sa gayong kapangyarihan. Sa paghahangad niyang maagaw sa akin ang pamumuno, pinagtangkaan niya ang aking buhay. 13 Sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang ay sinikap niyang ipapatay si Mordecai, na walang ginagawa kundi pawang kabutihan at minsan ay nagligtas sa akin sa kamatayan. Pinagtangkaan rin niyang ipapatay si Reyna Ester, ang butihin kong kabiyak, at ang lahat ng mga Judio sa kaharian. 14 Ang nais niya'y alisan ako ng mga tauhang makapagsasanggalang sa akin at sa gayo'y malupig ng mga Macedonio ang kahariang Persia. 15 Subalit napatunayan kong hindi masasamang tao ang mga Judiong pinaratangan at binabalak lipulin ni Haman. Bagkus, ang mga batas na sinusunod nila ay pinakamakatarungan sa lahat ng mga batas. 16 Ang Diyos na sinasamba nila ay ang Diyos na buháy, ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos. Siya ang Diyos na pumatnubay at nagpadakila sa ating kaharian buhat pa noong panahon ng aking mga ninuno hanggang sa ngayon.

17 “Dahil dito, ipinag-uutos ko na huwag ninyong isasagawa ang sinasabi sa sulat ni Haman. 18 Ang taong ito ay nabitay na sa pintuan ng Susa, kasama ang buo niyang angkan. Ipinalasap sa kanya ng Diyos, na namamahala sa lahat, ang parusang nararapat sa kanya.

19 “Ipinag-uutos ko rin na ilathala sa lahat ng lugar na ihayag ang mga kopya ng batas na ito. Hayaan ninyong mamuhay ang mga Judio ayon sa kanilang sariling kaugalian. 20 Tulungan ninyo sila sa pagtatanggol laban sa mga taong sasalakay sa kanila sa araw na itinakda para sa pagpuksa sa kanila—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. 21 Niloob ng Diyos, na namamahala sa lahat ng bagay, na ang araw na itinakda para sila'y lipulin ay maging araw ng pagdiriwang.

22 “Ibilang ninyo ang araw na ito sa inyong mga pista opisyal, at ipagdiwang ninyo nang buong kasiyahan. 23 Maging paalala ito sa atin at sa ating mga mamamayan kung paanong kinakalinga ng Diyos ang ating kahariang Persia. Maging babala naman ito ng parusang inilalaan niya sa sinumang mangangahas magbalak ng ating kapahamakan.

24 “Bawat lalawigan at bansa na hindi susunod sa utos na ito ay makakaranas ng bagsik ng aking galit. Mamamatay sa patalim ang kanilang mamamayan, at susunugin hanggang mapatag sa lupa ang kanilang mga lunsod. Wala nang mga taong maninirahan doon. Pati mga hayop at mga ibon ay lalayo sa mga pook na iyon at di magbabahay o magpupugad doon sa habang panahon.”[ap]

13 “Bawat lalawigan ay padadalhan ng kopya nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na iyon laban sa kanilang mga kaaway.”

14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling umalis, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ipinakalat din sa Lunsod ng Susa.

15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at koronang ginto. 16 Nagbigay ito ng malaking karangalan at kagalakan sa mga Judio. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, maraming Hentil ang nagpatuli at naging Judio dahil sa takot nila sa mga ito.

Ang Tagumpay ng mga Judio

Nang(BK) dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon, ang utos ng hari ay ipinatupad. Nang araw na iyon, nalipol ang mga kalaban ng mga Judio; natakot nang husto ang mga tao sa kanila kaya wala ni isa mang nagtangkang lusubin sila. Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4-5 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.[aq] Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. Kasama sa napatay sina Farsanestain, Delfon, Fasga, Faradata, Barea, Sarbaca, Marmasima, Arufeus, Arseus, at Zabuteus, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. At sinamsam nila[ar] ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.

11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”

13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi nila sinamsam ang kanilang ari-arian.

16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kalaban. Umabot sa labing limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Kinabukasan, ang ikalabing apat na araw, nagpahinga ang mga Judio at masayang nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan samantalang ang mga naninirahan sa mga malalaking lunsod ay sa ikalabing limang araw. Maghapon silang nagpipista at nagbibigayan ng mga pagkain sa bawat isa.

20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.

24 Ang(BL) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes; si Haman at ang kanyang mga anak ay pinabitay ng hari. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng lahat ng sambahayan, at ng bawat salinlahi sa lahat ng lunsod at mga bayan. 28 Ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiriwang ng lahat ng mga Judio magpakailanman.

29-30 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Aminadab.[as] 31 Mismong sina Mordecai at Reyna Ester ang nagtakda ng desisyong ito, at nangako silang ipatutupad ito ano man ang mangyari. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.

Ang Kadakilaan ni Mordecai

10 Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga mamamayan sa kanyang kaharian, sila ma'y naninirahan sa mga pulo o sa mga lalawigan. Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. Si Mordecai ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.

Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip[at]

At sinabi ni Mordecai: “Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. Naalala ko tuloy ang aking panaginip, at nagkatotoo ang lahat. Ang batis ay naging ilog, dumaloy ang tubig at sumikat ang araw. Ang batis na naging ilog ay si Ester na napangasawa ng hari at naging reyna. Ang dalawang dragon ay si Haman at ako. Ang mga bansa ay ang mga taong naghangad lipulin ang mga Judio. Ang aking bansa ay ang Israel. Tumawag siya sa Diyos na siya ay iligtas. Iniligtas nga siya ng Panginoon sa kapahamakan, sa pamamagitan ng maraming himala na kailanma'y di nangyari sa mga bansa. Nangyari ito sapagkat magkaiba ang kapalarang itinalaga niya para sa kanyang bayan at para sa mga bansa. Dumating ang sandali ng pagpapasya sa dalawang kapalarang ito, at kailangan nang hatulan ang mga bansa. Naalala ng Diyos ang kanyang bayan at iniligtas niya sila sa kapahamakan. 10 Kaya mula ngayon, tuwing ikalabing apat at ikalabing lima ng ikalabindalawang buwan, magtitipon sila at ipagdiriwang ang mga araw na iyon nang buong kagalakan. Patuloy na gaganapin ang pagdiriwang na ito taun-taon, sa habang panahon.”

Pahabol

Ang nasabing sulat tungkol sa Kapistahan ng Purim ay dala ni Dositeo, isang paring Levita, noong ika-4 na taon ng paghahari ni Tolomeo at Cleopatra. Kasama niya ang anak niyang si Tolomeo, at pinatotohanan nilang tunay ang sulat na iyon. Ang nagsalin ng sulat ay si Lisimaco na anak ni Tolomeo, na taga-Jerusalem.

Si Alejandro ay anak ni Haring Felipe ng Macedonia, at nagbuhat sa lupain ng Macedonia. Siya ay nakipagdigma laban kay Dario na hari ng Persia at ng Media, at siya ay nagtagumpay. Naparagdag ang Persia at Media sa imperyo ng Grecia. Marami pa siyang kahariang sinalakay at nasakop. Ipinapapatay niya ang mga hari ng mga bansang nasasakop niya. Ang malaking bahagi ng daigdig ay nalupig niya at sinamsam ang kayamanan ng maraming bansa. Nang masakop niya ang daigdig, siya ay naging palalo. Pinamahalaan niya ang mga bansa at ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng isang napakalakas na hukbo. Lahat ng bansang sakop niya ay pinapagbayad niya ng buwis.

Pagkatapos ng lahat ng ito, nagkasakit siya nang malubha. Nang malapit na siyang mamatay, tinawag niya ang mga kababata niya na ngayo'y matataas na pinuno ng hukbo. Pinaghati-hati niya sa kanila ang buong kaharian samantalang siya'y buháy pa. At matapos ang labindalawang taong paghahari, siya ay namatay.

Nang siya'y mamatay, hinati nga ng kanyang mga opisyal ang kaharian ayon sa kanilang pook na pinananahanan. Bawat isa'y ginawang hari ang kanyang sarili sa kanyang nasasakupan. Naghari ng mahabang panahon ang kanilang mga salinlahi at katakut-takot na pahirap ang ginawa nila sa daigdig.

Si Antioco Epifanes at ang mga Taksil na Judio(BM)

10 Sa(BN) lahi ng mga ito'y may lumitaw na masamang hari. Ito'y si Antioco Epifanes, na anak ni Haring Antioco III ng Siria. Siya'y isa lamang bihag sa Roma bago siya naging hari ng Siria. Nagsimula siyang maghari nang taóng 137.

11 Noong kapanahunan ni Antioco Epifanes, may lumitaw sa Israel na masasamang Judio na ayaw sumunod sa Kautusan, at inaakit pa ang mga mamamayan na makipagkasundo sa mga Hentil sa palibot nila. “Makipagkasundo na tayo sa kanila; wala naman tayong napapala sa hindi pakikipagkasundo kundi pawang kapahamakan,” pang-aakit nila. 12 Ang ganitong panukala ay nagustuhan ng marami 13 at ang ilan sa kanila'y agad nagpunta sa hari upang humingi ng pahintulot na sumunod sa mga tuntunin ng mga bansang dayuhan. Pumayag naman ang hari. 14 Nagtayo sila ng isang malaking palaruan sa Jerusalem, tulad ng nasa mga lunsod ng mga Griego. 15 Gumawa(BO) sila ng paraan upang maalis ang bakas ng kanilang pagiging tuli, at pati ang banal na kasunduan ay kanilang tinalikuran. Nakiisa[au] sila sa mga Hentil at ginawa nila ang lahat ng uri ng masasamang gawain.

Nilusob ni Antioco ang Egipto

16 Nang matatag na ang kanyang kaharian, hinangad ni Antioco na sakupin din ang Egipto. 17 Naghanda siya ng isang malakas na hukbo na binubuo ng mga karwahe, elepante, kabayo at mga sasakyang pandagat. Matapos mabuo ito, lumusob siya. 18 Nakasagupa niya si Haring Tolomeo ng Egipto, at nang makita ni Tolomeo ang hukbo ni Antioco, umatras ito at tumakas. Marami sa mga tauhan nito ang nasugatan at napatay. 19 Dahil dito, lahat ng napapaderang lunsod ng Egipto ay nasakop ni Antioco at ang buong bansa ay nawasak.

20 Ang Egipto ay nasakop ni Antioco nang taóng 143. Pagbalik niya, ang hinarap naman ay ang Israel at Jerusalem. Isa ring malakas na hukbo ang ginamit niya sa paglusob dito. 21 Nagtagumpay rin siya at pagdating sa Jerusalem ay buong kayabangang pinasok ang Templo. Kinuha niya ang gintong altar at ang ilawan, at ang lahat ng kagamitan dito. 22 Kinuha rin niya ang hapag na pinaghahandugan ng tinapay para sa Panginoon, ang mga kopang pinaglalagyan ng handog na inumin, ang mga mangkok at ang gintong sunugan ng insenso. Inalis niya ang kurtina, ang mga korona at lahat ng palamuting ginto sa harap ng Templo, at walang itinirang anumang mahalaga. 23 Kinuha niya ang lahat ng mamahaling kasangkapan, lahat ng ginto at pilak; pati ang mga nakatagong kayamanan ay tinangay rin. 24 Lahat ng ito ay iniuwi niya sa kanyang bayan. Marami siyang ipinapatay at ito ay ipinagmalaki pa niya.

25 Bawat isa sa Israel ay nagdalamhati;
26 ang mga pinuno doon ay nagsitangis.
Nawalan na ng sigla ang mga binata't dalaga;
ganda ng kababaihan ay kumupas na.
27 Ang lalaking ikakasal, panaghoy ang inaawit,
ang dalaga nama'y tumatangis sa kanyang silid.
28 Ang buong bayan ay nayanig, at ang Israel ay nanliit.
Dahil sa kahihiyang kanilang sinapit.

29 Pagkalipas ng dalawang taon, ang hari ay nagsugo ng isang mataas na pinunong tagalikom ng buwis[av] sa mga bayan ng Judea. Dumating ito sa Jerusalem na may kasamang isang malaking hukbo. 30 Sa pamamagitan ng panlilinlang, napapaniwala niya ang mga tao na ang dala niya'y kapayapaan. Ngunit nang makuha na niya ang kanilang tiwala, bigla niyang sinalakay ang lunsod, at marami ang napatay sa Israel. 31 Sinamsam niya ang ari-arian ng mga tao at tinupok ang lunsod. Winasak niya ang mga bahay at mga pader nito. 32 Binihag niya ang mga babae at mga bata. Inagaw din niya ang kanilang mga kawan.

33 Ang lunsod ni David ay ipinagawa nilang tanggulan—pinataas ang mga tore at pader nito at lalong pinatibay. 34 Ginawa nilang pinuno roon ang masasamang tao, ang mga nagtaksil na Judio. Ito ang lalong nagpalakas sa kanilang kalagayan. 35 Ginawa rin itong imbakan ng mga sandata't pagkain, at ng mga kagamitang nasamsam nila sa Jerusalem. Ang tanggulan ay kinatakutan ng lahat sa bayan.

36 Mula roo'y nagmamasid sila sa mga dumaraan, kaya't sa Templo sila'y kinatatakutan,
at sa Israel ay malaking kapinsalaan.
37 At sa Templong dalanginan, ang mga sumasamba'y pinapaslang kahit walang kasalanan,
at ang dambana'y nilapastangan nitong mga makasalanan.
38 Mga mamamayan nitong lunsod ay tumakas dahil sa takot,
at mga dayuhan ang dito'y nanirahan nang lubos;
at ang lunsod ng Jerusalem ay naging dayuhan,
sa mga anak niyang sa kanya'y nang-iwan.
39 Dakong Kabanal-banalan parang disyerto sa panglaw,
naparam ang kapistahan, naging lungkot at kahihiyan.
Ang Araw ng Pamamahinga ay hindi na iginagalang,
ang dating karangalan, ngayo'y naging kahihiyan.
40 Kung ano ang dating ganda, siya ngayong pagkaaba;
kung ano ang dating galak, ngayo'y luksang alaala.

Ipinagbawal ang Relihiyon

41 Ang hari ay nagpalabas ng isang kautusan para sa buong imperyo. Iniutos niyang maging iisa ang tuntunin sa bansa, 42 kaya't ipinagbawal niya ang dating kautusan at ang relihiyon. Lahat ng Hentil ay sumang-ayon 43 at marami ring Israelita ang sumunod sa relihiyon ng hari. Naghandog din sila sa mga diyus-diyosan at nilabag ang Araw ng Pamamahinga.

44 Kaugnay nito, nagpahatid ang hari ng liham sa Jerusalem at sa mga bayan ng Judea. Dito'y iniutos niyang ang dapat sundin ay ang kaugalian ng mga banyaga sa lupain. 45 Ipinagbawal niya ang paghahain ng mga handog na susunugin at handog na pagkain sa Templo. Iniutos niyang huwag nang pahalagahan ang Araw ng Pamamahinga at ang mga takdang kapistahan. 46 Iniutos din niyang huwag nang igagalang ang Templo at ang mga pari.[aw] 47 Sa halip, mga baboy at iba pang maruruming hayop ang kanilang ihahandog, at dapat ang itatayo nila'y mga templo at mga altar ng pagano. 48 Ipinagbawal din niya ang pagtutuli sa mga batang lalaki. Dapat nilang gawing kasuklam-suklam ang kanilang sarili. 49 Sa ganitong paraan, malilimutan nila ang utos ng Diyos at ang dati nilang kaugalian. 50 Binantaan pa niyang ang sinumang lumabag sa utos ng hari ay papatayin.

51 Ganon nga ang sulat na ipinadala ng hari sa lahat ng kanyang nasasakupan. Naglagay siya ng mga espiya, at iniutos na hali-haliling maghandog ang lahat ng lunsod ng Judea. 52 Marami nga ang lumimot sa kautusan at nakiisa sa paggawa ng kasamaan sa lupain. 53 Ang mga tapat na Israelita ay nagtago sa lahat ng pook na maaari nilang mapuntahan.

54 Nang(BP) taóng 145, ikalabing limang araw ng ikasiyam na buwan, si Haring Antioco ay nagpagawa ng rebultong tinatawag na “Kalapastanganang Walang Kapantay” sa altar na pinagsusunugan ng mga handog. Nagpatayo rin siya ng mga altar ng pagano sa lahat ng lunsod sa palibot ng Judea. 55 Kahit sa mga harap ng bahay at mga lansangan, ang mga tao ay pinagsusunog ng insenso. 56 Lahat ng makitang mga balumbon ng Kautusan ng Diyos ay sinira at sinunog, 57 at ang sinumang mahuling nagtataglay ng balumbon ng tipan o sumusunod sa Kautusan ay ipinapapatay. 58 Ganito nila pinahihirapan ang mga Israelita na nahuhuli sa mga lunsod sa bawat buwan. 59 Tuwing sasapit ang ikadalawampu't limang araw ng bawat buwan, naghahandog sila sa altar na itinayo sa dating pinaghahandugan ng mga Israelita. 60 Ang(BQ) mga ina ng mga batang tinuli ay pinapatay ayon sa utos ng hari. 61 Ang mga batang tinuli ay tinatalian at isinasabit sa leeg ng kanilang mga ina. Pati mga kamag-anak ng mga batang ito at ang gumanap ng pagtutuli ay pinapatay rin. 62 Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa ring mga Israelita ang nanatiling tapat at hindi kumain ng anumang pagkaing marumi. 63 Matamis pa sa kanila ang mamatay kaysa maging marumi dahil sa pagkain ng mga hindi ipinahihintulot ng kautusan o kaya'y sumuway sa banal na kasunduan. Marami nga ang namatay sa kanila. 64 Katakut-takot na hirap ang dinanas ng buong Israel.

Ang Katapatan ni Matatias

Noong panahong iyon, isang pari mula sa angkan ni Joarib ang umalis sa Jerusalem at nanirahan sa Modein. Siya'y si Matatias na anak ni Juan at apo ni Simeon na pari. May lima siyang anak na lalaki. Ang mga ito ay si Juan na tinatawag ding Gaddi; si Simon na tinatawag namang Tassi; si Judas na tinatawag na Macabeo; si Eleazar na tinatawag na Avaran; at si Jonatan na tinatawag namang Afu. Nasaksihan ni Matatias ang kalapastanganang nangyayari sa Judea at sa Jerusalem. Nasabi niya ang ganito:

“Bakit pa ako ipinanganak para masaksihan ko,
    ang kaapihan ng aking mga kababayan at ang pagkawasak ng banal na lunsod?
Magwawalang bahala na lamang ba ako
    samantalang ganito ang ginagawa ng kaaway sa lunsod at sa templo?
Parang lalaking walang dangal ang templo ng Diyos.
Mga gamit ay sinimot.
Mga sanggol ay dinurog
    at kabataan ay tinuhog.
10 Mga palasyo'y kinamkam
    ng lumupig na dayuhan.
11 Palamuti ay sinamsam, kalayaan ay inagaw,
    at sila'y inalipin pang lubusan.
12 Dating kay gandang dambana, tingnan ninyo ngayon at sira,
    kanilang nilapastangan ang templo nating dakila.
13 Ano pa ang halaga ng mabuhay?”

14 Sa tindi ng dalamhati, sinira ni Matatias at ng kanyang limang anak ang kanilang kasuotan. Nagsuot sila ng damit-panluksa at nanangis ng buong pait.

Tumangging Sumamba sa Diyus-diyosan

15 Ang mga opisyal ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyosan ay nagtungo sa lunsod ng Modein upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga altar ng pagano. 16 Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak. 17 Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kamag-anak. 18 Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya ng ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lang ito ay tiyak na mapapabilang ka at ang iyong mga anak sa mga ‘Kaibigan ng Hari’, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang regalo.”

19 Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng bansa ay sumunod sa hari at dahil dito'y nilabag nila ang pananampalatayang ipinamana ng kanilang mga ninuno, 20 kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa kasunduang ibinigay sa aming mga ninuno. 21 Huwag nawang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos. 22 Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!”

23 Katatapos pa lang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modein at naghandog bilang pagsunod sa utos ng hari. 24 Nang makita ito ni Matatias, napoot siya gayunma'y makatuwiran ang pagkapoot niya. Nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana. 25 Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana. 26 Sa(BR) ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finehas nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.

Ang Pakikipaglaban ni Matatias

27 Matapos gawin ito, isinigaw ni Matatias sa buong lunsod ang ganito: “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!” 28 Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lunsod.

29-30 Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan, kasama ang kani-kanilang sambahayan. Dinala rin nila ang kanilang mga kawan sapagkat abut-abot na ang kasamaang nararanasan nila. 31 Ang ganitong paglikas ay nakarating sa kaalaman ng mga opisyal ng hari na nasa Lunsod ni David, sa Jerusalem. Nalaman nila na ang mga ayaw sumunod sa utos ng hari ay nagsipagtago sa ilang. 32 Maraming(BS) mga tauhan ang humabol at inabutan nila ang mga ito. Humimpil muna ang mga ito sa ibayo at humandang salakayin ang mga tumakas pagdating ng Araw ng Pamamahinga. 33 Bago sumalakay ay binabalaan muna sila, “May panahon pa. Lumabas kayo at sundin ang utos ng hari, at hindi namin kayo papatayin.”

34 Sa panawagan nila'y ganito ang sagot: “Hindi kami lalabas; hindi kami susunod sa utos ng hari na lapastanganin ang Araw ng Pamamahinga.”

35 Kaya't lumusob agad ang mga kawal ng hari. 36 Ngunit hindi lumaban ang mga Judio; ni isang bato'y hindi sila naghagis. Hindi rin nila nilagyan ng pananggalang ang bungad ng mga yungib na pinagtataguan nila. 37 Ang sabi nila, “Mamamatay kaming malinis ang aming budhi. Ang langit at lupa ang saksi namin sa walang katarungang paglipol ninyo sa amin.” 38 Sa Araw nga ng Pamamahinga nang sumalakay ang mga kawal ng hari. May isang libong tao ang napatay, kabilang ang mga ina at mga bata. Pati ang kawan nila ay nalipol rin.

39 Ang nangyaring ito'y nabalitaan ni Matatias at ng kanyang mga kaibigan, at ipinagdalamhati nila ito. 40 Napag-usapan nila, “Kung hindi tayo magtatanggol sa ating sarili at sa ating relihiyon gaya ng ginawa ng ating mga kababayan, mauubos tayo.” 41 Kaya noon di'y nagkaisa sila. “Mula ngayon, kahit Araw ng Pamamahinga, lalaban tayo upang hindi tayo matulad sa mga kababayan nating napatay nang walang laban sa kanilang taguan.”

42 Isang pangkat ng matatapang na Hasideo ang sumanib sa kanila. Ang mga ito'y mga tapat na tagasunod ng Kautusan. 43 Naragdagan pa sila ng maraming tumatakas dahil sa nangyari. Nagkasundo silang magsama-sama at bumuo ng isang hukbo. 44 Sa matinding galit ng mga ito, pinagpapatay nila ang mga nagkakasala at lumalabag sa utos ng Diyos. Ang mga nakatakas ay napilitang sumama na sa mga Hentil para maligtas. 45 Ang mga altar ng mga Hentil ay winasak nina Matatias at ng kanyang mga kasama. 46 Lahat ng batang hindi tuli na matagpuan sa Israel ay pilit nilang ipinatuli. 47 Tinugis nila ang mga mapagmataas at mga hambog na pinuno ng mga Hentil na tumakas. Kaya't ang kilusan nina Matatias ay lumaganap sa buong bansa. 48 Sa ganitong paraan, ang utos ng Diyos ay napangalagaan, at hindi nagtagumpay ang hangarin ng mga Hentil at ng hari nila na wasakin ito.

Namatay si Matatias

49 Ang takdang panahon ng kamatayan ni Matatias ay dumating. Ngunit bago siya namatay, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Laganap ngayon ang karahasan at paghihirap. Mga mapagmataas ang nasa kapangyarihan at tayo'y hinahamak. 50 Kayo, mga anak, ay dapat maging matapat sa Kautusan at kung kinakailangan ay handang ibuwis ang buhay para sa tipan ng Diyos sa ating mga ninuno.

51 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng ating mga ninuno noong kanilang kapanahunan. Sundin ninyo ang kanilang halimbawa, at kayo'y gagantimpalaan ng karangalan at lubos na katanyagan. 52 Hindi(BT) ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid? 53 Sa(BU) panahon ng kahirapan, sinunod naman ni Jose ang Kautusan, at siya ay naging tagapamahala ng Egipto. 54 Dahil sa maalab na paglilingkod ng ating ninunong si Finehas, natamo naman niya ang kasunduan ng walang hanggang pagkapari. 55 Sa(BV) pagtugon ni Josue sa utos ng Diyos sa kanya, siya'y naging hukom ng bayang Israel. 56 Natamo naman ni Caleb ang bahagi ng lupain bilang pamana, sapagkat katotohanan ang kanyang ibinalita sa kapulungan ng Israel. 57 Sapagkat(BW) si David ay mapagmalasakit, natanggap niya ang pangako ng Diyos na mananatili bilang hari ang kanyang sambahayan. 58 Sa(BX) masigasig na pagpapatupad sa Kautusan, si Elias ay iniakyat sa kalangitan. 59 Dahil(BY) sa pananampalataya nina Hananias, Azarias at Misael, sila'y naligtas sa maningas na apoy. 60 Si(BZ) Daniel ay iniligtas naman mula sa bibig ng mga leon dahil siya ay isang taong matapat. 61 Kaya nga pakakatandaan ninyo, ang lahat ng salinlahi na nagtiwala sa Diyos ay hindi nanghina kailanman. 62 Huwag kayong matakot sa banta ng mga makasalanan, sapagkat ang kanilang katanyagan ay magwawakas; mamamatay sila at uubusin ng mga uod ang kanilang bangkay. 63 Maaaring sila'y lubos na kinatatakutan ngayon, ngunit tiyak na darating ang panahon na anumang bakas nila ay hindi na makikita; ang kanilang mga masamang plano'y kasamang maaagnas ng kanilang mga bangkay. 64 Mga anak, magpakatatag kayo, at patuloy ninyong ipagtanggol ang kautusan; kayo ay dadakilain sa pamamagitan nito.

65 “Si Simon ay ituring ninyong ama, kahit siya'y inyong kapatid. Ang anak kong ito ay marunong, kaya't siya ay inyong pakinggan lagi. 66 Si Judas Macabeo ay kilanlin ninyong puno ng hukbo. Siya'y mandirigma na mula pa sa pagkabata, at siya ang mangunguna sa inyong pakikidigma laban sa mga kaaway. 67 Tipunin ninyo ang lahat ng sumusunod sa Kautusan at ipaghiganti ninyo ang ginawang paglapastangan sa inyo. 68 Gumanti kayo sa mga Hentil dahil sa ginawa sa inyo, at tuparin ninyo ang isinasaad sa utos ng Diyos.”

69 Matapos basbasan ni Matatias ang kanyang mga anak, namatay siya. 70 Namatay siya noong taóng 146, inilibing sa Modein, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Israel ay nagdalamhati sa kanyang pagkamatay.

Ang mga Unang Pagtatagumpay ni Judas(CA)

Pagkamatay ni Matatias, ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay ang anak niyang si Judas na tinatawag ding Macabeo. Lahat ng kanyang kasama ay nagkaisa sa pagkapili sa kanya. Dahil dito, masigla silang nakikipaglaban alang-alang sa Israel.

Ipinakilala niyang may dangal ang kanyang bayan.
Tulad niya'y higante sa kanyang kasuotang bakal.
Suot niya ay pandigma sa kanyang pakikilaban,
    sa tabak na kanyang hawak, hukbo niya'y pinangunahan.
Mabangis na leon ang kanyang nakakawangis, siya'y parang batang leon sa kanyang paninibasib.
Masasamang tao'y kanyang hinahanap at tinutugis;
    parusa niya ay sunugin ang sa baya'y nang-aapi.
Masasamang tao sa kanya'y pawang may takot,
    ang mga masasama, sa kanya'y di makakilos.
Ang kaligtasang hatid niya sa lahat ay nakaabot, at lumaganap itong tunay sa lahat ng mga pook.
Mga hari'y nagngingitngit dahil sa kanyang paglaban,
    ngunit sambahayan ni Jacob sa tagumpay niya ay nasiyahan.
Alaala niyang dakila'y pinupuri kailanman; lagi siyang ikinararangal at hindi malilimutan.
Sa mga lunsod ng Juda
    kalaba'y kanyang pinuksa,
Israel ay hinango niya at sa dusa'y pinalaya.[ax]
Sa lahat ng lugar ang pangalan niya'y dakila,
    ang mga pinagbabantaang patayin ay kanyang kinakalinga.

10 Sa ganitong kalagayan, bumuo si Apolonio ng isang malakas na hukbo. Tinipon niya ang mga Hentil, at mula sa Samaria, lumabas sila upang salakayin ang Israel. 11 Nang malaman ito ni Judas, nilusob niya at pinatay si Apolonio; nagapi niya ang hukbo nito. Marami ang napatay sa kanyang mga kaaway at ang mga walang sugat ay tumakas. 12 Marami silang nasamsam sa kaaway. Pati na ang espada ni Apolonio ay nakuha rin, at mula noon, ito na ang ginamit ni Judas Macabeo sa pakikipagdigma hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

13 Nabalitaan ni Seron, isa ring puno ng hukbo ng Siria na si Judas ay marami nang tapat na kawal. 14 Kaya't sinabi niya, “Pasisikatin ko ang aking pangalan at ang kaharian. Lulupigin ko si Judas at ang mga tauhan nitong sumusuway sa hari.” 15 Isang malakas na pangkat ng mga pagano ang sumanib upang tulungan siyang gumanti sa mga Israelita. 16 Nang sila'y umaahon na sa Beth-horon, lumabas si Judas kasama ang ilang tauhan. 17 Nang makita ng mga tauhan ni Judas na napakalaki ng hukbong kanilang haharapin, sinabi nila, “Anong magagawa natin sa dami ng ating kalaban? Iilan na tayo'y mahina pa ang ating katawan sapagkat hindi pa tayo kumakain sa araw na ito.”

18 “Huwag kayong mag-alala,” tugon ni Judas. “Madaling talunin ng iilan ang marami. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi nababatay sa dami. 19 Ang tagumpay sa labanan ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo, kundi sa lakas na nanggagaling sa langit. 20 Iba ang layunin nila ng paglaban. Ang taglay nila'y dahas at pagmamataas sa hangad na lipulin ang ating mga asawa't anak. 21 Ang ipagtatanggol naman nati'y ang ating buhay at ang ating kautusan. 22 Huwag kayong matakot. Tutulungan tayo ng Diyos sa paglupig sa kanila.”

23 At nilusob nila si Seron at ang hukbo nito. Nalito ang mga ito at nagsitakas. 24 Hinabol sila nina Judas pababa sa Beth-horon hanggang sa kapatagan. Walong daan ang napatay sa mga kaaway; ang iba'y tumakas patungo sa lupain ng mga Filisteo. 25 Bunga ng tagumpay na ito, si Judas at ang kanyang mga kapatid ay kinatakutan ng mga Hentil mula noon. 26 Nakaabot sa kaalaman ng hari ang pangyayaring ito at wala nang bukambibig ang mga Hentil kundi ang kahusayan ni Judas sa pakikipaglaban.

Si Lisias Bilang Gobernador

27 Nang malaman ni Haring Antioco ang nangyari, nag-alab ang kanyang galit. Tinipon niya ang lahat ng kanyang hukbong sandatahan. 28 Pinabuksan niya ang kanyang kabang-yaman at binigyan ng santaong sweldo ang bawat kawal. Pinahanda niya ang hukbo sa biglaang pangangailangan. 29 Hindi nagtagal at naubos ang laman ng kabang-yaman, sapagkat mahina ang pasok ng salapi dahil sa kaguluhang idinulot ng kanyang pagpapawalang-halaga sa mga dating batas. 30 Nag-alala ang hari na kakapusin siya ng panustos sa kanyang mga gugulin at karangyaang hindi ginagawa ng mga haring nauna sa kanya. 31 Labis niya itong ikinabahala, kaya nagpasya siyang pumunta sa Persia upang maningil ng buwis sa paniwalang doon siya makakakuha ng halagang kailangan niya.

32 Bago siya umalis, tinawag niya si Lisias, isang taong kilala at nagmula sa maharlikang angkan. Ginawa niya itong gobernador upang mamahala sa lupain mula Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto. 33 Kay Lisias din niya ipinagkatiwala ang anak niyang si Antioco. 34 Matapos pagbilinan, iniwan ng hari ang mga elepante at ang kalahati ng hukbo upang magamit ni Lisias sa kanyang pangangailangan. Tungkol naman sa mga taga-Judea at Jerusalem, 35 ang utos ng hari ay salakayin ito upang wasakin nang lubusan, 36 pagkatapos ay patirahan at ipamahagi sa mga dayuhan ang kanilang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. 37 Noong taóng 147, umalis ang hari sa Antioquia, ang punong-lunsod, dala ang kalahati ng hukbo. Tumawid sila sa Ilog Eufrates at nagpunta sa mga lalawigan sa hilaga.

Ang mga Pagtatagumpay ni Judas(CB)

38 Samantala, si Lisias ay pumili ng kanyang makakatulong. Kinuha niya si Tolomeo na anak ni Dorimenes at ang dalawa sa mga kaibigan ng hari, sina Nicanor at Gorgias. 39 Sila ang pinamahala sa 40,000 sundalo at 7,000 na hukbong nakakabayo upang lusubin at wasakin ang Juda bilang pagsunod sa utos ng hari. 40 Nang handa na ang lahat, lumakad ang hukbo at pagdating sa kapatagan ay humimpil muna sa malapit sa Emaus. 41 Ang kahusayan ng hukbong ito'y nabalitaan ng mga mangangalakal doon, at hindi pa ma'y pumunta na sila sa himpilan. May dala silang mga tanikala at malaking halaga ng pilak at ginto upang bilhin ang mga Israelita bilang mga alipin. Isang pangkat ng mga taga-Siria[ay] at Filistia ang sumama sa kanila.

42 Nabalitaan ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang utos ng hari na sila'y dapat nang lipulin at lubos na wasakin ang bansa. Kaya't sa harap ng malaking hukbo ng mga kaaway na nakahimpil na sa kanilang paligid, alam nilang mapanganib na ang kanilang katayuan. 43 Nagkaisa silang ipagsanggalang ang bansa at ang Templo. 44 Humanda ang lahat para makipaglaban at bago lumusob, sila'y sama-samang nanalangin upang hingin ang patnubay at tulong ng Diyos.

45 Ang Jerusalem ay ulila,
wala na ang mamamayan.
Ang Templo ay winasak, mga banyaga ang bantay.
Mga nananahan dito ngayon ay pawang dayuhan;
ang Israel ay mapanglaw,
nawala na pati ang mga tugtugan.

46 Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel. 47 Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan. 48 Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan. 49 Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo. 50 At silang lahat ay nanalangin, “Ano po ang aming gagawin sa mga lalaking ito at saan namin sila dadalhin? 51 Hindi po nila iginalang ang inyong Templo, at ang inyong mga pari ay nagluluksa sa tinamong kahihiyan. 52 Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin. 53 Paano namin maipagtatanggol ang aming mga sarili kung hindi po ninyo kami tutulungan?” 54 Pagkatapos, hinipan nila ang mga trumpeta at sila'y nagsigawan.

55 Nagtakda si Judas ng mangunguna sa bawat pangkat na sanlibo, sandaan, limampu, at sampu. 56 Ayon(CC) sa Kautusan, pinauwi niya ang mga bagong kasal, mga bago pa lamang nagtayo ng bahay o nagtanim ng ubasan, o kaya'y natatakot, at hindi na pinasama sa labanan. 57 Nang magawâ ito, ang kanilang hukbo ay lumabas at humanay sa timog ng Emaus. 58 Ito ang utos ni Judas: “Magpakalalaki kayo, at humanda sa paglaban. Bukas ng umaga, lulusubin natin ang mga Hentil na gustong pumuksa sa atin at magwasak ng ating Templo. 59 Mabuti pa ang tayo'y mamatay kaysa makitang wasak ang bansa at nilapastangan ang ating Templo. 60 Kung ano ang kalooban ng Diyos, iyon ang mangyayari!”

Sa kabilang panig, si Gorgias ay naghanda naman ng 5,000 sundalo at 1,000 hukbong nakakabayo. Kinagabihan, lumakad sila upang salakayin ang kampo ng mga Judio. Sa pangkat niya'y may isinama pa siyang mga tagapagturo ng landas mula sa pader. Ngunit hindi ito nalingid kay Judas kaya't sila nama'y umalis sa kampo upang salakayin ang hukbo ng hari na nasa Emaus, samantalang wala si Gorgias at ang kanyang hukbo. Kaya't nang gabing sumalakay si Gorgias sa kampo ni Judas, wala siyang inabot isa man. Ginalugad niya ang kaburulan sa paniwalang tumakas ang mga kalaban.

Ngunit nang magbubukang-liwayway, si Judas, kasama ang kanyang 3,000 tauhan ay lumitaw sa kapatagan, bagaman kulang sa mga sandata. Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan. Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway. Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon. 10 Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway. 11 Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”

12 Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo, 13 humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli, 14 at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan. 15 Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.

16 Pagkatapos ng labanan, bumalik ang hukbo ni Judas, 17 at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan. 18 Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.” 19 Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan. 20 Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang. 21 Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay. 22 Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo. 23 Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan. 24 Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” 25 Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.

Ang Pagtatagumpay Laban kay Lisias(CD)

26 Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas. 27 Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.

28 Upang malunasan ang kabiguang ito, nang sumunod na taon ay naghanda siya ng 60,000 sundalo at 5,000 hukbong nakakabayo. 29 Isinama niya sa Edom ang kanyang hukbo at humimpil sila sa Beth-sur. Naghanda naman si Judas ng 10,000 kawal para harapin ang mga kaaway. 30 Palibhasa'y(CE) higit na marami ang kaaway, siya'y dumalangin sa Diyos. Sinabi niya, “Kapuri-puri po kayo, Tagapagligtas ng Israel, na tumulong kay David upang biguin ang pagsalakay ng higante. Niloob po ninyong ang kampo ng mga Filisteo ay isuko kay Jonatan, anak ni Saul, at sa tagadala nito ng sandata. 31 Sa gayon ding paraan ibigay ninyo sa kamay ng inyong mga pinili ang hukbo ng mga kaaway. Hiyain po ninyo sila bagaman malaki ang kanilang hukbo at maraming mangangabayo. 32 Paghariin po ninyo sa kanila ang takot; panghinain ninyo sila. Hayaan ninyong manginig sila sa darating nilang kapahamakan. 33 Kami po ay nagmamahal at sumasamba sa inyo kaya itulot ninyong lipulin namin ang aming mga kaaway para makaawit kami ng papuri sa inyo.”

34 Matapos manalangi'y sumalakay sila, at 5,000 kawal ni Lisias ang nasawi sa labanang iyon. 35 Nang makita ni Lisias na natatalo sila dahil sa ibayong katapangan ni Judas at ng mga kawal nitong walang takot mamatay, umatras sila sa Antioquia. Doo'y nangalap siya ng mga upahang kawal upang bumuo ng isang lalong malakas na hukbo; balak niyang salakaying muli ang Juda.

Ang Paglilinis ng Templo(CF)

36 Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.” 37 Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion. 38 Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari. 39 Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo, 40 at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.

41 Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo. 42 Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan 43 upang siyang maglinis ng Templo. Hinakot nila ang mga batong karumal-dumal at dinala sa isang tambakan. 44 Pinag-usapan nila kung ano ang mabuting gawin sa dambanang nilapastangan ng kaaway. 45 Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil. 46 Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon. 47 Samantala,(CG) kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar. 48 Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan. 49 Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob. 50 Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo. 51 Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.

52 Nang(CH) ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taóng 148, 53 maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos. 54 Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo. 55 Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.

56 Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos. 57 Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari. 58 Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil. 59 Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.

60 Pagkatapos, pinatibay nila ang muog ng Bundok ng Zion. Tinayuan nila ito ng matataas na pader at matitibay na tore sa palibot, upang hindi na maulit ang ginawa sa kanila ng mga Hentil. 61 Nagtalaga si Judas ng isang pangkat na magtatanggol sa muog. Nagtayo rin siya ng matibay na muog sa Beth-sur upang magkaroon ng matibay na kuta ang mga tao sa katapat ng Edom.

Pakikipaglaban sa mga Karatig-bansa(CI)

Nang mabalitaan ng mga Hentil sa mga karatig-bansa na muling itinayo at itinalaga ang altar at ang Templo, nag-alab ang kanilang galit. Ang napagbuntunan nila ng galit ay ang mga Israelita na kahalubilo nila. Ipinasya nilang lipulin ang mga ito.

Nang ang mga ito'y pinapatay na, sinalakay ni Judas ang mga taga-Edom sapagkat inaabangan ng mga ito ang mga Israelita. Doon sila sa Akrabatene nagsagupa; nalupig ni Judas ang mga Hentil at sinamsam niya ang ari-arian ng mga ito. Naalala niya ang masamang balak ni Baean at ng kanyang mga anak na laging nag-aabang sa daraanan ng mga Israelita upang patayin ang mga ito. Kinulong niya sila sa kanilang mga kuta at sumumpa na lubusan niyang lilipulin sila. Sinunog niya ang kanilang mga kuta at natupok silang lahat. Matapos gawin ito, tumawid si Judas sa ibayo upang lusubin ang mga Ammonita. Doo'y nakaharap niya ang isang malakas na hukbo na pinamumunuan ni Timoteo. Maraming paglalaban nila ang pinanalunan ni Judas, hanggang sa lubusan niyang nalupig ang mga ito. Bago siya nagbalik sa Judea, sinalakay niya at nilupig ang Jazer, pati ang mga karatig-bayan nito.

Bilang ganti, ang lahat ng mga Hentil sa Gilead ay nagtipon at nagkaisang salakayin at lipulin ang mga Israelita na nakatira sa kanilang lupain. Ngunit ang mga ito'y tumakas at nagtago sa mga kuta ng Datema. 10 Mula doo'y sumulat sila kay Judas at ibinalita ang balak ng mga Hentil na sila'y lipulin. 11 Sabi pa nila,

“Sa pangunguna ni Timoteo, sila'y sasalakay sa kutang pinagtataguan namin. Kaya saklolohan agad ninyo kami, 12 sapagkat marami na sa amin ang nasawi. 13 Lahat ng mga kasamahan namin sa Tob ay napatay. May 1,000 lalaki ang pinaslang doon. Ang kanilang mga asawa't anak, at mga ari-arian ay tinangay lahat ng mga kaaway.”

14 Samantalang binabasa ang sulat, may dumating na mga sugo galing sa Galilea na gayon din ang ibinalita; punit-punit ang kanilang mga kasuotan. 15 Sinabi nilang ang mga taga-Tolemaida, Tiro, Sidon at Galilea ay nagsama-sama para puksain sila. 16 Dahil dito, tinawag ni Judas ang lahat ng mamamayan upang pag-usapan ang dapat nilang gawin. 17 Sinabi niya kay Simon, “Pumili ka ng mga tauhan mo at iligtas ang mga nasa Galilea. Kami ni Jonatan ang pupunta sa Gilead.” 18 Ang pangangalaga sa Judea ay ipinagkatiwala sa nalalabi pang mga tauhan sa pangunguna nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias. 19 Bago umalis si Judas, nag-iwan siya ng ganitong utos: “Huwag kayong lulusob sa mga Hentil hanggang hindi kami nakakabalik. Basta't pangangalagaan ninyo ang mga mamamayan.” 20 Tatlong libong tauhan ang kasama ni Simon sa pagsalakay sa Galilea, at 8,000 naman ang kay Judas na pupunta sa Gilead.

21 Sinalakay nga ni Simon ang mga Hentil sa Galilea at pagkatapos ng maraming pagsasagupa ay nagapi niya ang mga ito. 22 Tinugis niya ang mga ito hanggang sa pagpasok ng Tolemaida. Tatlong libo ang kanilang napatay sa mga tumakas, at marami rin silang nasamsam na ari-arian. 23 Ang mga Judio sa Galilea at Arbata, kasama ang buong sambahayan at mga ari-arian ay ibinalik niya sa Judea, at gayon na lamang ang tuwa ng lahat.

24 Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang. 25 May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead. 26 Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan. 27 Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.

28 Pagkarinig nito'y hindi na nag-aksaya ng panahon si Judas. Sa halip na tumuloy sa Gilead, bumagtas sila ng ilang at tinungo ang Bozra. Naagaw nila ang lunsod, at pinatay ang lahat ng mga kaaway na lalaki roon. Sinamsam niya ang lahat ng ari-arian at sinunog ang lunsod. 29 Kinagabihan, nagmartsa sila papunta sa kuta ng Datema. 30 Kinaumagahan ay nakita nila ang hindi mabilang na mga taong lumulusob sa kuta. Ang mga ito'y may dalang mga hagdanan at iba't ibang kagamitang panalakay upang makuha ang kuta. 31 Nabatid ni Judas sa narinig niyang umalingawngaw na tunog ng tambuli at sigawang halos umabot sa langit, na nagsimula na ang labanan. 32 Sinabi niya sa kanyang hukbo, “Lumaban tayo, alang-alang sa ating mga angkan.”

33 Pinagtatlong pangkat ni Judas ang kanyang hukbo, at mula sa likura'y sumugod sila na hinihipan ang mga tambuli at pasigaw na nagdarasal. 34 Nakita ng mga kawal ni Timoteo na hukbo pala ni Judas ang kanilang kalaban kaya't sila'y umatras na. Sa labanang ito'y nalupig si Timoteo at humigit-kumulang sa 8,000 kawal nito ang napatay nang araw na iyon.

35 Mula roon, nilusob naman nila ang Alema[az] at nasakop rin ito. Pinatay nila ang lahat ng lalaki roon, sinamsam ang mga ari-arian, at sinunog ang lunsod. 36 Sunud-sunod nilang sinalakay at nalupig ang Casfo, Maked, Bosor, at iba pang mga lunsod sa Gilead.

37 Pagkatapos, si Timoteo ay nagtipon ng panibagong hukbo at nagkampo sa tapat ng Rafon, sa kabilang ibayo ng ilog. 38 Hindi ito nalingid sa kaalaman ni Judas kaya't nagsugo siya roon ng mga espiya. Ganito ang ulat nila: “Napakalaki ng hukbo nila, sapagkat sumama sa kanila ang mga Hentil sa palibot natin. 39 Bukod doon, umupa pa sila ng mga Arabo. Nagkampo sila sa kabilang ibayo ng ilog at naghahanda na sa paglusob.” Pagkabatid nito, lumabas agad si Judas upang harapin sila.

40 Nakita ni Timoteo si Judas at ang kanyang hukbo na tumatawid sa umaagos na ilog, kaya sinabi niya sa mga pinuno ng kanyang hukbo, “Kung sila ang unang tatawid, tiyak na tayo'y matatalo; hindi natin kaya ang lakas nila. 41 Ngunit kung sila'y matakot at humimpil sa kabila ng ilog, tayo ang tatawid at matatalo natin sila.” 42 Pagdating sa pampang ng ilog, ganito ang iniutos ni Judas sa mga pinuno ng kanyang mga kawal: “Huwag nang magtatayo ng tolda ang sinuman, sapagkat ang lahat ay lalaban.” 43 Pagkasabi nito'y nauna siyang tumawid kasunod ang kanyang hukbo. Sa takot ng mga Hentil, itinapon na nila ang kanilang sandata, tumakas, at nagtago sa napapaderang templo nila sa Carnaim. 44 Ngunit nakuha ng mga Judio ang lunsod na ito at sinunog ang Templo pati ang mga nagtatago roon. Dahil sa pagkasakop sa lunsod na ito, wala nang nangahas lumaban kay Judas.

45 Nang maging payapa na ang lahat, tinipon ni Judas ang lahat ng mga Israelitang nasa Gilead. Iniutos niyang isama ang lahat ng sambahayan pati ang mga ari-arian at dalhin sa Judea. Napakarami nila, 46 at pagsapit sa Efron, hindi sila agad nakalampas. Ang Efron ay malaki at napapaderang lunsod, at wala silang ibang madadaanan kundi sa gitna nito. 47 Ngunit ayaw silang paraanin ng mga tagaroon. Isinara ng mga ito ang mga pintuan ng lunsod at tinambakan ng bato. 48 Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.

49 Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan. 50 Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod. 51 Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama. 52 Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san. 53 Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea. 54 Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.

55 Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea, 56 nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan. 57 Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.” 58 Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia. 59 Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito. 60 Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon. 61 Ang pagkatalong ito ay bunga ng hindi nila pakikinig kay Judas at sa mga kapatid niya. Sa hangad na umani ng pansariling karangalan, 62 ngunit hindi nila natamo ang kanilang layunin sapagkat hindi sila kabilang sa mga piling sambahayan na pinagkalooban ng karangalang magligtas sa Israel.

63 Si Judas at ang kanyang mga kapatid ay natanyag at iginagalang ng mga Israelita at maging ng mga Hentil. Kapag nababalitaan ng mga tao ang kanilang kabayanihan, 64 pinagkakaguluhan sila at pinaparangalan.

65 Napagkaisahan ni Judas at ng mga kapatid niya na salakayin ang mga Edomita na nasa timog. Nakuha nila ang Hebron at ang mga bayan nito. Winasak nila ang mga kuta nito at sinunog ang mga tore. 66 Mula roon, sinalakay nila ang mga Filisteo at tinawid ang Marisa.[ba] 67 May mga paring lumabas upang makipaglaban sa hangad na matanyag subalit inabot sila ng kasawian. 68 Patuloy si Judas sa kanyang pagsalakay, at ang hinarap naman ay ang Asdod, sa lupain ng mga Filisteo. Nagtagumpay rin siya at winasak ang mga altar roon, at sinunog ang mga diyus-diyosan. Nilimas nila ang mga bayan nito bago sila magbalik sa lupain ng Judea.

Ang Pagkamatay ni Haring Antioco IV(CJ)

Minsa'y naglalakbay ang Haring Antioco IV sa mga lalawigan sa loob ng bansa. Nabalitaan niya na ang Elymas sa Persia ay kilala dahil sa dami ng pilak at ginto. Ang templo nito ay napakayaman at may mga gintong helmet, kasuotang bakal, at mga sandata. Ang mga ito ay iniwan doon ni Alejandrong anak ni Haring Felipe ng Macedonia, ang kauna-unahang hari sa Grecia. Sa paghahangad ni Antiocong matamo ang mga kayamanang ito, binalak niyang lusubin ang lunsod. Ang balak na ito ay umabot sa kaalaman ng mga tagaroon. Nabigo ang kanyang plano, sapagkat nilabanan siya ng mga tagaroon. Malungkot siyang umatras at nagbalik sa Babilonia.

Nasa Persia ang Haring Antioco nang may magbalita sa kanya na nasindak at umatras ang mga hukbong pinasalakay sa Judea. Nabalitaan din niya na si Lisias at ang malaking hukbo nito ay napaatras din ng mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita'y bantog na sa lakas dahil sa nabihag nilang mga tauhan at kagamitan ng mga hukbong kanilang nalupig. Umabot(CK) din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.

Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit. Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay. 10 Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, “Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala. 11 Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala. 12 Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan. 13 Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain.”

14 Tinawag niya si Felipe, isa sa kanyang matalik na kaibigan, at ipinagkatiwala rito ang pangangasiwa sa buong kaharian. 15 Ibinigay niya rito ang korona, mga kasuotan at ang singsing ng kapangyarihan, ipinagkatiwala sa kanya ang pangangalaga at pagtuturo sa anak niyang si Antioco hanggang sa ito'y maging ganap na hari. 16 Matapos maipagbilin ang lahat, namatay sa Persia si Haring Antioco nang taóng 149.

17 Nang malaman ni Lisias ang pagkamatay ng hari, pinutungan niya agad ang anak ng hari na si Antioco, ang batang pinalaki niya at sinanay upang maghari kung sakaling mamatay na ang matandang hari. Binigyan niya ito ng titulong Eupator.

Ang Paglalaban nina Antioco V at Judas Macabeo(CL)

18 Sa kabilang dako, ang mga Israelita ay patuloy na ginugulo ng mga kaaway na nasa kuta ng Jerusalem. Sila rin ang humahadlang sa mga Israelita sa pagpunta sa Templo, at tumutulong sa mga Hentil. 19 Kaya, tinipon ni Judas ang lahat ng mga kasamahan, at pinalibutan at kinubkob nila ang muog. 20 Matapos gumawa ng kanilang tanggulan at iba pang sandatang kailangan, sinalakay nila ang muog noong taóng 150.

21 May mga nakulong sa muog na nakatakas at sinamahan ng mga nagtaksil na Israelita. 22 Ang mga ito'y nagpunta sa hari, at ganito ang sinabi: “Kailan pa ninyo igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming mga kababayan? 23 Naglingkod kami sa inyong ama nang maluwag sa aming kalooban at sinunod ang lahat ng kanyang utos. 24 Ngunit anong napala namin? Kinalaban kami ng aming mga kababayan,[bb] at marami sa amin ang pinatay saka inagawan ng ari-arian. 25 Hindi lamang kami ang pinag-initan nila, kundi lahat ng mga kalapit nilang lupain. 26 Pati ang muog ng Jerusalem ay kinubkob nila para sakupin. Maging ang Templo at ang Beth-sur ay nilagyan nila ng kuta. 27 Kapag hindi ito napigil, higit diyan ang kanilang gagawin, at hindi na ninyo sila mapipigil.”

28 Nang marinig ito ng hari, nagalit siya. Tinawag niyang lahat ang kanyang mga kaibigan, ang mga pinuno ng hukbo at lahat ng pinuno ng mangangabayo. 29 Kumuha pa siya ng mga upahang kawal mula sa mga bansang Griego. 30 Nakabuo siya ng napakalakas na hukbo na binubuo ng 100,000 hukbong-lakad, 20,000 hukbong nakakabayo, at 32 sinanay na mga elepante. 31 Lumabas sila at tumawid sa lupain ng Edom at nagkampo sa tapat ng Beth-sur. Gumawa sila ng mga sandatang panalakay. Pagkatapos, sinalakay nila ang Beth-sur. Maraming araw nila itong nilusob, ngunit ubos-lakas na nagtanggol ang mga Judio; lumabas ang mga ito at sinunog ang mga kagamitang panalakay ng hari.

32 Iniwan ni Judas ang muog at nagkampo sa Beth-Zacarias para hadlangan ang hukbo ng hari. 33 Hindi ito nalingid sa kaalaman ng hari, kaya't maaga siyang bumangon para ihanda ang kanyang hukbo sa daang patungo sa Beth-Zacarias. Ang mga tambuli'y hinipan habang naghahanda ang mga hukbo sa napipintong labanan. 34 Ipinakita nila sa mga elepante ang katas ng ubas at iba pang alak para magalit ang mga ito, at inihanda sila sa paglaban. 35 Isang elepante ang itinalaga sa bawat isang libong kawal na pawang sandatahan at may mga kasuotang bakal. Sa bawat pangkat, 500 nakakabayo naman ang isinama. 36 Ang mga ito ay itinalaga sa elepante upang mangalaga dito at sundan ito saanman pumunta. 37 Sa likod ng bawat elepante ay nagtayo sila ng isang toreng bantayan. Ito'y yari sa kahoy at nakatali para hindi maalis. Tatlong[bc] kawal ang nakasakay dito, bukod pa sa rumirenda rito. 38 Ang mga mangangabayo ay nakaagapay sa magkabilang panig ng hukbo upang sila'y mapangalagaan ng mga kasamahan habang sinasagupa ang kaaway. 39 Kung masinagan ng araw ang mga ginto at tansong kasuotan, ang kinang ng mga ito ay parang nagniningas na mga sulo sa kabundukan. 40 Sa kahabaan ng hanay ng hukbo, ito'y umaabot mula sa kaburulan hanggang sa kapatagan, ngunit ito'y maayos na lumalakad. 41 Sa lakas ng hukbong ito, lahat ng makarinig sa ingay at kalansing ng sandata ng mga kawal habang nagmamartsa ay nanginginig sa takot.

42 Hinarap ng hukbo ni Judas ang mga kaaway at 600 agad sa kawal ng hari ang nasawi. 43 Ang pinakamalaking elepante na tinatawag ding Avaran ay nakita ni Eleazar. Palibhasa'y nababalutan itong mabuti, inisip niyang dito nakasakay ang hari. 44 Ipinasya niyang ialay ang sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kababayan at upang siya'y mabantog. 45 Kaya't sumugod siya at lahat ng maraanan niya sa kaliwa't kanan ay kanyang pinapaslang. 46 Pagsapit niya sa elepante, nagtuloy siya sa ilalim nito upang saksakin ang tiyan ng hayop. Nabagsakan siya nito at kapwa sila namatay. 47 Nang makita ng mga Israelita ang lakas ng hukbo ng hari at handang makipagdigma nang husto, umatras sila.

48 Isang pangkat ng hukbo ng hari ang tumuloy sa Jerusalem upang sila'y salakayin. Ang hari ay humimpil sa Judea at sa Bundok ng Zion. 49 Nakipagkasundo siya sa mga taga-Beth-sur na noo'y umalis sa lunsod sapagkat naubusan na ng pagkain. Noon ay taon ng pamamahinga ng mga bukirin. 50 Sinakop ng hari ang Beth-sur at naglagay siya doon ng mga kawal upang magbantay. 51 Matagal nilang pinalibutan upang sakupin ang Templo. Nagtayo sila ng mga kuta at lumusob na may iba't ibang sandatang pandigma tulad ng kasangkapang panghagis ng apoy, bato, at mga pana. 52 Gumanti ang mga Judio na may mahuhusay ding kagamitang pandigma. Matagal silang lumaban. 53 Ngunit kinapos ang mga Israelita ng pagkain. Noon ay taon ng pamamahinga ng mga bukirin at ubos na ang pagkain sa bodega sapagkat kasama rin sa pagkain ang mga Judiong dinala sa Judea pagkatapos na iniligtas sa mga Hentil. 54 Madalang na ang tao sa Templo. Nagkawatak-watak ang marami at ang iba nama'y nagsiuwi na dahil sa gutom.

55 Samantala, si Felipe na pinagkatiwalaan ng Haring Antioco na magturo sa kanyang anak at ito'y ihanda sa pagiging hari, 56 ay dumating mula sa Persia at Media, kasama ang hukbo ng namatay na hari. Balak niyang agawin ang pamahalaan. 57 Nabalitaan ito ni Lisias, kaya sinabi niya sa hari, sa mga pinuno at sa buong hukbo, “Umuwi na tayo. Nadarama kong humihina tayo araw-araw. Kakaunti na ang ating pagkain. Malakas ang ating sinasakop. Mabuti pa'y ang ating kaharian na lamang ang pangalagaan natin. 58 Makipagkasundo na tayo sa mga taong ito. 59 Pabayaan na natin silang sumunod sa kanilang mga kautusan at kaugalian, tulad noong araw. Nagagalit sila sapagkat ipinagbawal natin ang pinaniniwalaan nilang mga utos ng Diyos.”

60 Ang mungkahing ito'y sinang-ayunan ng hari at ng mga pinuno. Nagpahatid sila ng alok na makipagkasundo sa mga Judio at pumayag naman ang mga ito. 61 Nang maisaayos ang kasunduan, lumabas ang mga Judio sa kanilang mga kuta. 62 Ngunit natuklasan ng hari nang siya ay pumasok dito na malakas ang tanggulan ng Bundok ng Zion. Sinira niya ang kanyang pangakong sinumpaan at ipinawasak ang pader na nakapaligid dito. 63 Pagkatapos, nagdudumali siyang bumalik sa Antioquia na noo'y hawak na ni Felipe. Sinalakay niya ito, at makaraan ang mahigpit na labanan, naagaw niya ang lunsod.

Naglayag sina Baquides at Alcimo(CM)

Noong taong 151, naglayag si Demetrio na anak ni Seleuco mula sa Roma kasama ng ilang piling tauhan. Dumaong sila sa isang lunsod sa baybay-dagat at itinalaga ang sarili bilang hari. Nang papunta na siya sa palasyo ng kanyang mga ninuno, dinakip ng mga kawal sina Antioco at Lisias para iharap sa kanya. Ngunit nang ipagbigay-alam ito kay Demetrio, sinabi niya, “Ayokong makita ang mga taong iyan.” Kaya't pinatay ang dalawa at naupo sa trono si Demetrio.

Ang pamamahala niya'y sinamantala ng masasamang loob. Sa pangunguna ni Alcimo na gustong maging Pinakapunong Pari, sila'y nagpunta sa hari at sinabi ang ganitong paratang laban sa ibang Judio: “Mahal na hari, pinatay po ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang lahat ng pumapanig sa inyo. Pati kami ay pinalayas sa aming bansa. Para maniwala kayo, magpadala kayo ngayon ng inyong pinagkakatiwalaang tao at alamin ang lahat ng ginawang ito ni Judas sa amin at sa inyong lupain. Kailangang parusahan ninyo siya at lahat ng kanyang mga tauhan.”

Bilang tugon, pumili agad ang hari ng mapagkakatiwalaan niyang tao. Ang napili ay si Baquides, isa sa mga kaibigan ng hari. Siya ay gobernador sa ibayo ng Eufrates, kinikilala sa kaharian at napakatapat sa hari. Pinasama niya rito ang hindi kumikilala sa Diyos na si Alcimo na ginawa niyang Pinakapunong Pari. Ang utos niya sa dalawa ay paghigantihan ang Israel. 10 Umalis sila sa Antioquia kasama ang isang malaking hukbo. Pagdating sa Judea, nagsugo agad si Baquides ng mga kinatawan kay Judas at mga kapatid nito upang kunwa'y makikipagkaibigan. 11 Ang layuning ito'y hindi nila pinaniwalaan nang makitang malaki ang dala nilang hukbo.

12 Isang pangkat ng mga dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kina Baquides at Alcimo upang humingi ng katarungan. 13 Ang mga deboto at makabayang lalaking ito ang una sa mga Judiong nakipag-ugnay sa kanila, 14 sapagkat ganito ang usapan nila: “Isang pari mula sa lipi ni Aaron ang dumating na kasama ng hukbo; hindi nila tayo pipinsalain.” 15 Mapayapang nakipag-usap si Alcimo sa kanila, at ganito ang pangako: “Kayo at ang inyong mga kaibiga'y hindi namin gagambalain.” 16 Dahil sa pangakong ito, nagtiwala sila. Ngunit walang anu-ano'y hinuli ang animnapu sa kanila at pinaslang noon din. Ganito ang sinasabi ng kasulatan:

17 “Ikinalat(CN) nila ang bangkay ng inyong mga hinirang,
ang dugo nila'y dumanak sa paligid ng Jerusalem,
at wala isa mang natira upang maglibing.”

18 Dahil dito, takot at pangamba ang nadama ng mga tao. Sabi nila, “Hindi dapat pagtiwalaan ang mga taong ito. Mga sinungaling sila at walang katarungan. Sila na rin ang sumira sa kanilang pangako.” 19 Matapos gawin ang pamamaslang, si Baquides ay umalis sa Jerusalem at humimpil sa Beth-Zait. Mula roo'y iniutos niyang dakpin ang lahat ng mga takas na Judiong sumama sa kanya. Ang mga ito'y ipinapatay at ipinatapon sa isang malaking hukay. 20 Ipinagkatiwala niya kay Alcimo ang pamamahala sa mga lalawigan at nag-iwan siya rito ng isang bahagi ng hukbo bago nagbalik sa hari.

21 Ipinaglabang mabuti ni Alcimo ang kanyang hangaring manatiling Pinakapunong Pari. 22 Lahat ng mahilig sa gulo ay lumapit sa kanya. Sila ang nanungkulan sa Judea, ginulo ng mga ito ang buong Israel. 23 Hindi nalingid sa kaalaman ni Judas ang kasamaang ito na higit pa sa ginawa ng mga Hentil. 24 Nilibot niya ang buong Judea at pinaghigantihan ang lahat ng pumanig kay Alcimo, kaya ang mga ito'y hindi nakatakas. 25 Sa unti-unting paglakas ng pangkat ni Judas, nangamba si Alcimo na hindi na niya ito kayang harapin. Kaya, nagsumbong siya sa hari at pinaratangan ng pagmamalabis sina Judas.

26 Nang marinig ng hari ang ginagawa ni Judas, isinugo niya si Nicanor, isa sa bantog niyang pinuno ng hukbo at mahigpit na kaaway ng mga Israelita, upang lipulin ang mga ito. 27 Dumating si Nicanor sa Jerusalem kasama ang isang malaking hukbo. Nagkunwari siyang makikipagkaibigan kay Judas. Ang sabi niya, 28 “Huwag na tayong maglaban. Magsasama ako ng ilan lamang tauhan at mag-usap tayo nang mapayapa.” 29 At pumunta nga siya kay Judas at sila'y nagbatian nang mapayapa. Ngunit nakahanda ang mga tauhan niya upang hulihin si Judas. 30 Naramdaman ni Judas na nais lang siyang linlangin ni Nicanor, kaya sa takot niya'y hindi na siya nakiharap uli rito. 31 Nalaman ni Nicanor na hindi kumagat si Judas sa kanyang pain, kaya lumabas siya para salakayin ito sa Cafar-Salama. 32 Ngunit nagapi si Nicanor. Limandaang kawal niya ang nasawi at ang iba'y nagtago sa Lunsod ni David.

33 Samantala, umakyat naman sa Bundok ng Zion si Nicanor. Pinatuloy siya ng ilang pari mula sa Templo, kasama ang ilang matatanda, upang ipakita sa kanya ang handog para sa hari. 34 Ngunit hindi nasiyahan si Nicanor. Kinutya, hinamak, at dinuraan niya ang mga ito. 35 Sa galit niya'y sinabi niya, “Kapag hindi sumuko sa akin si Judas at ang kanyang hukbo, babalik ako matapos magtagumpay at susunugin ko ang Templong ito.” At umalis siyang galit na galit.

36 Nanangis na pumasok sa Templo ang mga pari at sa harap ng dambana ay nanalangin, 37 “Panginoon, pinili mo ang Templong ito para magtaglay ng iyong pangalan, upang dito ka katagpuin at dalanginan ng mga hinirang mo. 38 Ipaghiganti mo kami sa taong ito at sa kanyang hukbo. Bayaan mo silang malipol sa labanan. Huwag mong pahintulutan na lagi ka nilang lapastanganin.”

39 Iniwan ni Nicanor ang Jerusalem at doon nagkampo sa Beth-horon. Sumama sa kanya roon ang hukbo ng Siria. 40 Samantala, si Judas, kasama ang tatlong libong tauhan ay humimpil sa Adasa. Nanalangin siya ng ganito: 41 “Panginoon,(CO) nang lapastanganin ka ng mga isinugo ng hari, pinatay ng anghel mo ang 185,000 sa kanila. 42 Gayon din sana ang gawin mo ngayon sa hukbong kalaban namin para malaman ng lahat na pinarusahan mo si Nicanor dahil sa paglapastangan sa iyo.”

43 Ikalabintatlong araw noon ng ikalabindalawang buwan nang sagupain ng hukbo ni Judas ang hukbo ni Nicanor. Nagapi ang hukbo ni Nicanor at namatay ito sa labanang iyon. 44 Nang mamatay si Nicanor, iniwan ng kanyang mga kawal ang kanilang sandata at nagsitakas. 45 Maghapon silang tinugis ng mga Judio, mula sa Adasa hanggang Geza. Hinihipan nila ang kanilang trumpeta habang tinutugis ang mga kaaway. 46 Ang buong palibot ng Judea ay tumulong sa pagtugis kaya walang matakbuhan ang mga kaaway, at ang mga ito ay napatay na lahat.

47 Ang naiwang mga ari-arian ay sinamsam ng mga Judio. Pinugot nila ang ulo ni Nicanor at pinutol ang kanyang kanang kamay, na labis niyang ipinagpasikat sa taglay na kapangyarihan. Dinala nila ang mga ito sa Jerusalem at ipinakita sa mga tao. 48 At nagpista ang mga tao sa tuwa. 49 Lahat ay nagkaisang magdiwang taun-taon tuwing ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 50 At sandaling natahimik ang lupain ng Judea.

Ang Pakikipagkasundo sa mga Romano

Nabalitaan ni Judas ang lakas at tapang ng mga kawal ng Roma. Bantog na bantog sila at nagmamalasakit sa alinmang bansang maging kakampi nila. Nabalitaan din ni Judas ang pakikipaglaban at paglupig nila sa mga taga-Galia, at ang pagpapabuwis sa mga ito. 3-4 Sa mabisang pamamaraa'y nasakop din ng hukbo ng Roma ang buong Espanya, bagaman malayo ito, at ang lahat ng mina ng pilak at ginto ay kanilang nakuha. Nalupig nila ang mga haring galing pa sa malalayong lugar at ang nakaligtas sa kanila'y pinagbabayad nila ng buwis taun-taon. Kahit sina Haring Felipe at Perseo ng Macedonia at iba pang tumulong sa kanilang harapin ang mga taga-Roma ay pawang nalupig at naging alipin. Wala ring nagawa ang balitang-balitang si Antiocong Dakila, hari ng Asia, na nangahas lumaban sa mga taga-Roma, kasama ang malaking hukbo niyang binubuo ng mga mangangabayo, mga karwahe at 120 elepante. Nahuli nilang buháy ang hari; siya at ang susunod pang mga hari ay itinakdang magbayad ng kaukulang buwis. At kinakailangang magbigay sila ng mga alipin at isuko ang ilang pangunahing lalawigan nila nang panahong iyon kasama ang India, Media at Lidia. Ang mga ito'y kinuha ng mga taga-Roma at ibinigay kay Haring Eumenes.

Tinangka ng mga taga-Grecia na salakayin sila at lipulin. 10 Ngunit natuklasan ito ng mga taga-Roma, at isa lamang heneral nila ang isinugo para lumaban. Sa magiting na pangunguna nito, tinalo ang mga kaaway at nabihag ang mga asawa't anak nila. Pinasok ng mga taga-Roma ang Grecia, sinamsam ang mga ari-arian, sinakop ang lupain, winasak ang mga tanggulan at inalipin ang mga mamamayan hanggang sa mga panahong ito. 11 Nawasak din at naging alipin nila ang lahat ng mga bansa at kahariang nagtangkang lumaban. 12 Ngunit sa mga kumakampi at umaasa sa kanila, sila'y nanatiling kaibigan. Walang haring di nila nalupig at ang makabalita nito'y natatakot sa kanila. 13 Sinumang gusto nilang maging hari ay tinutulungan nilang maging hari, at sinumang hari na gustong ibagsak ay ibinabagsak nila. Kaya kinilala ang kapangyarihan nila. 14 Sa kabila ng lahat ng ito, wala isa mang taga-Roma na nagtangkang magputong ng korona sa sarili at magsuot ng damit ng hari. 15 Ang binuo nila ay isang Senado na binubuo ng 320 lalaki at nagpupulong ito araw-araw upang pag-usapan ang mga bagay sa ikauunlad ng bayan. 16 Taun-taon, ipinagkakatiwala nila sa isang tao ang pangangasiwa sa bansa. Sinusunod nila ito nang walang inggitan o panibugho.

17 Dahil(CP) sa magandang balitang ito, isinugo ni Judas si Eupolemo na anak ni Juan at apo ni Acco. Pinasama niya si Jason na anak ni Eleazar at pinapunta sila sa Roma para makipagkaibigan sa bansang ito. 18 Naisip niyang ito ang paraan upang makaiwas sa napipintong pang-aalipin ng mga Griego. 19 Pagkatapos ng mahabang paglalakbay, dumating ang mga sugo sa Roma. Nagtuloy sila agad sa Senado at nagsalita ng ganito sa harap ng kapulungan: “Kami po'y mga sugo ng aming bansang Judio 20 at ipinadala rito ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid para makipagkaibigan sa inyo. Nais naming makipagkaibigan sa inyo.”

21 Ang alok na ito'y ikinatuwa ng mga taga-Roma. 22 Ang(CQ) tugon nila'y iniukit sa isang tapyas na tanso at ipinadala sa Jerusalem upang maging alaala ng kapayapaan at pakikipagkaisa. Ganito ang isinasaad:

23 “Manatili nawang matiwasay at matagumpay ang Roma at ang bansang Judio sa karagatan at sa lupain magpakailanman. Nawa'y malayo sa kanila ang tabak at mga kaaway! 24 Ngunit kung unang digmain ang Roma o alinman sa kanyang mga kapanalig saanmang pook na nasasakop nito, 25 buong pusong sasaklolo ang mga Judio sa abot ng kanilang makakaya. 26 Sa sinumang kaaway niya ay hindi magbibigay ang mga Judio ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-dagat, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma; gagampanan nila ang kanilang tungkulin na walang inaasahang kabayaran.

27 “Gayon din, kung ang mga Judio naman ang unang digmain, buong puso silang sasaklolohan ng mga taga-Roma sa abot ng kanilang makakaya ayon sa hinihingi ng pangyayari. 28 Sa mga sumalakay, hindi sila magbibigay ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-pandagat man, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma. Tutuparin ng mga Romano ang kanilang tungkulin nang walang panlilinlang.

29 “Ganito ang kasunduan ng mga taga-Roma at ng mga Judio. 30 Sa kasunduang ito, anumang mapagkasunduang idagdag o bawasin ng alinmang panig ay maaaring pagpasyahan at bigyan ng bisa.

31 “Tungkol naman sa kapinsalaang ginagawa ni Haring Demetrio sa mga Judio, may liham na kaming ipinadala sa kanya upang itanong ito, ‘Bakit mo pinahihirapan ang mga kaibigan naming Judio? 32 Kapag nagsumbong pa silang muli sa amin, ipaglalaban na namin ang kanilang karapatan at didigmain namin kayo, sa lupa man o sa dagat.’”

Ang Pagkamatay ni Judas

Nakarating kay Demetrio ang balitang si Nicanor ay napatay at ang hukbo nito ay natalo sa labanan. Kaya't tinawag niya sina Baquides at Alcimo at sinugong muli sa Judea kasama ang hukbo ng Siria. Dumaan sila sa Galilea at humimpil sa tapat ng Arbela. Nasakop nila ang Arbela at marami silang napatay. Noong unang buwan ng taóng 152, humimpil sila sa tapat ng Jerusalem. Mula roon, nagpunta sila sa Berea, kasama ang 20,000 kawal na lakad at 2,000 kawal na nakakabayo.

Samantala, si Judas ay nakahimpil naman sa Elasa, kasama ang 3,000 piling kawal. Natakot ang mga ito nang makitang napakarami ng kanilang kaaway. Marami ang tumakas at 800 lang ang natira sa kanila. Nabahala din si Judas sapagkat habang nalalapit ang labanan, umuunti ang kanyang tauhan, at wala na siyang panahong tipuning muli ang mga ito. Sa kabila ng kanyang pangamba, sinabi niya sa mga natira, “Humanda tayo sa paglaban; maaaring matalo pa rin natin ang kaaway.”

“Wala tayong laban sa kanila,” ang sagot ng marami. “Mabuti pa'y iligtas natin ang ating sarili. Umuwi na lang tayo at saka na bumalik. Isama natin ang ating mga kababayan. Iilan na lamang tayo.”

10 Ngunit sumagot si Judas, “Hindi ko magagawang umurong sa mga kaaway! Kung ito na ang ating oras, sama-sama tayong mamamatay alang-alang sa ating bayan. Huwag nating dungisan ang ating karangalan!”

11 Humanda ngang sumalakay ang hukbo ni Baquides. Pinagdalawang pangkat niya ang mangangabayo, at pinauna niya sa hukbo ang mga may tirador at pana. Inilagay niya sa unang hanay ang lahat ng mga bihasang mandirigma. 12 Si Baquides ay sa kanang pangkat sumama. Ang lumulusob na pangkat ng kawal na lakad ay may kaagapay na mga mangangabayo sa magkabilang panig nila, at sabay-sabay na sumugod sa hudyat ng kanilang mga trumpeta. Ang panig ni Judas ay umihip din ng kanilang mga trumpeta. 13 Yumayanig ang lupa sa lakas ng sagupaan ng dalawang hukbo. Ang labanan ay nagsimula sa umaga at tumagal hanggang gabi.

14 Nakita ni Judas na si Baquides ay nasa gawing kanan, kasama ng tagapanguna ng kanyang hukbo, 15 kaya't ito ang pinag-ukulan niya nang puspusang pagsalakay. Ang pinakamatatapang niyang kawal ay dito niya iniharap at napaurong nila ang kaaway hanggang sa paanan ng bundok. 16 Maagap na sumaklolo ang pangkat ni Baquides na nasa kaliwang hanay at sinalakay sina Judas mula sa hulihan. 17 Naging mainitan ang kanilang labanan at marami ang nasawi sa magkabilang panig. 18 Pati si Judas ay nasawi, kaya't ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay tumakas na.

19 Ang bangkay ni Judas ay kinuha ng kanyang mga kapatid na sina Jonatan at Simon. Inilibing nila iyon sa Modein, sa libingan ng kanilang mga ninuno. 20 Sina Jonatan at Simon, kasama ang buong Israel, ay lubos na tumangis sa pagpanaw ni Judas. Maraming araw silang nagdalamhati, at sinabi nila, 21 “Pumanaw ang dakilang lalaki, ang tagapagtanggol ng Israel!”

22 Ang iba pang ginawa ni Judas tulad ng pakikidigma, mga gawaing di pangkaraniwan, at ang kanyang kadakilaan ay hindi na maitala sa dami.

Si Jonatan ang Humalili kay Judas

23 Nang mamatay si Judas, lumitaw na naman ang mga taksil sa utos ng Diyos. Sa lahat ng dako ng Israel, naglipanang muli ang masasamang-loob. 24 Nagkaroon din ng matinding taggutom sa panahong iyon, kaya't ang mamamayan ay pumanig sa mga taksil. 25 Ang kinuha ni Baquides para mamahala sa bansa ay mga taong hindi kumikilala sa Diyos. 26 Hinanap ng mga ito ang lahat ng mga kaibigan ni Judas, dinakip at dinala kay Baquides upang paghigantihan at hiyain. 27 Hindi pa nararanasan ng bansang Israel ang ganitong kahirapan mula noong panahong wala nang lumitaw na propeta sa Israel.

28 Ang mga kaibigan ni Judas ay lumapit kay Jonatan. Sabi nila, 29 “Mula nang mamatay ang iyong kapatid, wala pang nangahas sumalungat sa mga kaaway natin. Walang makaharap kay Baquides at sa mga bansang kumakalaban sa atin. 30 Ikaw ang aming napili na kapalit niya upang pangunahan kami sa pakikipaglaban sa mga kaaway.” 31 Tinanggap ito ni Jonatan, at mula noo'y siya na ang gumanap ng tungkuling naiwan ni Judas.

Ang mga Pakikipaglaban ni Jonatan

32 Hindi nalingid sa kaalaman ni Baquides ang bagay na ito, kaya ipinasya niyang patayin si Jonatan. 33 Ngunit ang masamang balak na ito'y nalaman din ni Jonatan at ni Simon na kanyang kapatid. Tumakas sila at nagtago sa ilang ng Tekoa. Doon sila humimpil sa tabi ng tipunan ng tubig sa Asfar. 34 Nalaman din ito ni Baquides nang Araw ng Pamamahinga. Isinama niya ang kanyang hukbo at tumawid sila sa Jordan. 35 Sa gitna ng malaking panganib na ito, inutusan ni Jonatan ang kanyang kapatid na si Juan upang pangunahan ang isang pangkat na makikipagkaibigan sa mga taga-Nabatea para pahintulutan silang ilagak doon ang marami nilang kagamitan. 36 Ngunit mula sa Medaba ay sumalakay ang mga Jambrita at dinakip si Juan at sinamsam ang ari-arian nito.

37 Makalipas ang ilang panahon, dumating sa magkapatid na Jonatan at Simon ang balitang ang mga Jambrita ay magdiriwang ng isang kasalan. Ang ikakasal ay isang prinsesa sa Canaan na maglalakbay mula sa Nadaba. 38 Nais ng dalawa na ipaghiganti ang pagkamatay ng kapatid nilang si Juan, kaya nagtago sila at ang kanilang mga tauhan sa isang bundok at nag-abang sa pagdaraan ng ikakasal. 39 Dumating ngang nagkakaingay ang pangkat na may dalang kagamitan. Sinalubong sila ng lalaking ikakasal, ng mga kamag-anak at mga kaibigan na dala ang iba't ibang instrumento sa pagtugtog at mga sandata. 40 Mula sa kanilang pinagtatagua'y lumabas ang mga Judio at sinalakay ang pangkat. Marami ang napatay at ang iba nama'y nakatakas sa bundok. Sinamsam nila ang naiwang mga kagamitan. 41 Ang pagdiriwang na iyon ay naging pagdadalamhati. 42 Naipaghiganti rin nila ang kaapihan ng kanilang kapatid, at nagbalik ang mga Judio sa may latian ng Ilog Jordan.

43 Nalaman ni Baquides ang nangyari, kaya nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagsama siya ng isang malakas na hukbo at nagpunta sa may Ilog Jordan. 44 Sa harap ng ganitong panganib, sinabi ni Jonatan sa mga kasamahan, “Kailangang lumaban tayo kung gusto nating mabuhay. Mas mapanganib ang kalagayan natin ngayon kaysa noong mga araw na nagdaan. 45 Hindi natin maiiwasan ang hukbong ito sa ating harapan; sa likuran naman nati'y ang Ilog Jordan at sa magkabila naman ay mga latian. Wala tayong tatakasan. 46 Manalangin tayo ngayon sa Diyos para tayo maligtas sa ating mga kaaway.”

47 Nagsagupa ang dalawang pangkat at nang sugurin ni Jonatan si Baquides, ito'y umurong at di lumaban. 48 Dahil dito, lumangoy si Jonatan at ang kanyang mga kasamahan patungo sa kabilang pampang ng Jordan. Hindi naman sila sinundan ng kanilang kaaway. 49 May isang libong kawal ni Baquides ang nasawi nang araw na iyon.

50 Si Baquides at ang hukbo niya'y nagbalik sa Jerusalem. Nagpagawa siya ng matitibay na kuta sa buong Judea. Kabilang sa mga lunsod na tinayuan niya ng matataas na pader at matitibay na pinto ang mga sumusunod: Jerico, Emaus, Beth-horon, Bethel, Timnat, Paraton at Tefon. 51 Sa bawat lunsod na ito ay naglagay siya ng mga kawal na handang lumaban sa Israel. 52 Pinatibay rin niya ang muog at toreng bantayan ng lunsod ng Beth-sur, Gezer at Jerusalem. Nagtalaga rin siya ng mga kawal doon at nagtayo ng mga kamalig ng pagkain. 53 Ang mga anak ng mga pangunahing mamamayan ng bansa ay binihag niya at ikinulong sa kuta ng Jerusalem.

54 Nang ikalawang buwan ng taong 153, iniutos ni Alcimo na wasakin ang pader ng bulwagan ng Templo na ipinagawa ng mga propeta. Ngunit bago pa lang sinisimulan ang pagsira 55 ay dinapuan siya ng karamdaman at natigil ang pagwawasak niyon. Hindi niya maibuka ang kanyang bibig at siya'y naging lumpo. Bunga nito, hindi siya makapag-utos ng anuman sa kanyang sambahayan. 56 Hindi nagtagal, namatay siya sa tindi ng hirap. 57 Nang mamatay na si Alcimo, bumalik na sa hari si Baquides. Mula noon, dalawang taóng natahimik ang Judea.

58 Sa pagkabigong ito, nagpulong ang mga taksil sa Kautusan. Sinabi nila, “Matatag at tahimik na ngayong namumuhay sina Jonatan at ang kanyang mga kasama. Kung tawagin natin si Baquides at ipalusob sila ngayon, tiyak na sa isang gabi lamang ay mabibihag silang lahat.” 59 Lumabas nga sila at nakipag-usap kay Baquides. 60 Sumang-ayon naman ito at lumakad kasama ang isang malaking hukbo. Lihim siyang nagpadala ng liham sa kanyang mga kapanalig sa buong Judea upang sabihin sa kanilang dakpin si Jonatan at ang mga tauhan nito. Ngunit nabigo ang balak na ito sapagkat natuklasan agad. 61 Sa katunayan, limampu sa mga nanguna sa masamang hangad na iyon ang nahuli nina Jonatan at kanilang pinatay. 62 Pagkatapos nito, sina Jonatan at Simon ay nagpunta sa ilang ng Bethbasi kasama ang kanilang mga tauhan. Ang kutang sinira doon ay muli nilang itinayo at pinatibay. 63 Nabalitaan din ito ni Baquides at ito'y ipinaalam sa mga kapanalig niya sa Judea. Tinipon niya ang kanyang hukbo. 64 Lumakad sila at nagkampo sa tapat ng Bethbasi. Gumawa siya ng mga kasangkapang pandigma at puspusang sinalakay sina Jonatan. Ilang araw na naging mahigpitan ang labanan. 65 Ang pagtatanggol sa lunsod ay iniwan ni Jonatan kay Simon. Lumabas siya, kasama ang isang maliit na pangkat, 66 at sinalakay si Odomera. Nang magapi niya ito, isinunod ang kampo ni Fasiron. Pagkatapos ay nagbalik sila sa kuta nina Simon. 67 Sa kabilang dako, mula sa lunsod ay lumabas sina Simon at sinunog ang mga kuta't kagamitang panalakay ni Baquides. 68 Puspusan silang lumaban sa pangkat nito, at ito'y nagapi nila. Labis na dinamdam ni Baquides ang kanyang pagkatalo sapagkat nabigo ang kanyang hangarin. 69 Ang pinagbuntunan niya ng galit ay ang mga sumusuway sa utos ng Diyos dahil ang mga taong ito ang nagpayong lusubin niya ang lalawigan. Pinatay niya ang marami sa kanila, at pagkatapos, ipinasya niyang umuwi na.

70 Nalaman ito ni Jonatan, kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo kay Baquides at tuloy sikaping mapalaya ang kanilang mga kasamang nabilanggo. 71 Pumayag si Baquides sa alok na ito ni Jonatan at nangako pang hahayaan siyang mabuhay ng mapayapa. 72 Gaya nang napagkasunduan, pinalaya niya ang mga bilanggong nabihag sa Judea. Nagbalik siya sa sariling bansa at mula noo'y hindi na nagpakita sa Judea. 73 Buhat noon, natigil na ang digmaan sa Israel. Si Jonatan ay nanirahan sa Micmas. Ginawa siyang hukom[bd] ng mga tao at nilipol niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos ng bansang Israel.

Ginawang Pinakapunong Pari si Jonatan

10 Noong taong 160, ang Tolemaida ay sinakop ni Alejandro Epifanes na anak ni Haring Antioco IV. Naghari siya roon, at nagustuhan naman ng bayan ang kanyang pamamahala. Nabalitaan ito ni Haring Demetrio, kaya't bumuo siya ng malaking hukbo at hinamon si Alejandro sa isang labanan. Sumulat si Demetrio kay Jonatan upang ito'y kaibiganin at parangalan. Nasabi niya sa sarili, “Kailangang makipagkaibigan ako kay Jonatan bago maisipan nitong makipag-ugnay kay Alejandro laban sa akin. Kung hindi ako kikilos agad ay baka maalala pa niya ang masamang ginawa ko sa kanya, sa kanyang mga kapatid at sa bansang Israel.” Kaya't binigyan niya ng karapatan si Jonatan na bumuo ng hukbo at binigyan ito ng mga sandata. Iniutos din niya na ang lahat ng mga bihag na Judio sa kuta ay ibigay kay Jonatan. Pagkatanggap ng sulat, pumunta agad sa Jerusalem si Jonatan at ibinalita ito sa mga tao. Ang mga tao sa kuta ay natakot nang malamang si Jonatan ay binigyan ng hari ng karapatang makabuo ng malaking hukbo. Ibinigay nga kay Jonatan ang lahat ng mga bihag at pinauwi niya ang mga ito sa kanilang mga magulang.

10 Mula noon, sa Jerusalem na naninirahan si Jonatan at muli niyang inayos ang lunsod. 11 Nagpakuha siya ng mga batong parisukat at ginawang pader sa palibot ng Bundok ng Zion. 12 Lahat ng mga dayuhang naninirahan sa kutang ipinagawa ni Baquides ay nagsitakas, 13 at nagsiuwi sa kani-kanilang bansa. 14 Tanging sa Beth-sur lamang may nakatira pang kalaban ng Kautusan, sapagkat doon sila lumikas.

15 Ang mga pangako ni Demetrio kay Jonatan ay umabot sa kaalaman ni Alejandro. Nabalitaan din nito ang kagitingan ni Jonatan at ng kanyang mga kapatid, lalo na sa pakikidigma at ang maraming pagsubok na tiniis na nito. 16 Nasabi ni Alejandro, “Wala na akong makikitang tulad niya. Kailangang maging kaibigan ko siya at kakampi.” 17 Kaya't sumulat din siya kay Jonatan na ganito ang isinasaad:

18 “Mula kay Haring Alejandro ay ipinaaabot kay kapatid na Jonatan ang maalab na pagbati!

19 Napakaganda ng balita namin tungkol sa iyong kagitingan, kaya't karapat-dapat kang maging kaibigan ng hari. 20 Kaya mula ngayo'y ikaw na ang Pinakapunong Pari ng iyong bansa. Ang itatawag sa iyo'y ‘Kaibigan ng Hari.’ Kapanalig ka namin sa aming adhikain at tutulungan ka namin.”

Bukod sa sulat, pinadalhan din niya si Jonatan ng isang maharlikang damit at koronang ginto.

21 Isinuot ni Jonatan ang kasuotan ng Pinakapunong Pari noong ikapitong buwan ng taóng 160 sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo at ng maraming sandata.

Tinulungan ni Jonatan si Alejandro Epifanes

22 Nang ito'y mabalitaan ni Demetrio, nabagabag siya at nag-isip, 23 “Paano nangyaring tayo'y naunahan ni Alejandro? Napalakas niya ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Judio. 24 Ang mabuti'y sulatan ko rin ang mga Judio at makipagkaibigan sa kanila; aalukin ko sila ng matataas na tungkulin at mga handog para tulungan nila ako.”

25 Ganito ang ipinadala niyang sulat: “Bumabati si Haring Demetrio sa bansang Judio. 26 Ikinagagalak naming malaman na tinutupad ninyo ang inyong bahagi sa ating kasunduan, at hindi kayo pumanig sa aming mga kaaway kundi nananatiling tapat sa amin. 27 Kung patuloy kayong magiging tapat sa amin, kayo'y aming gagantimpalaan. 28 Hindi na namin kayo pagbabayarin ng maraming buwis at bibigyan pa ng ibang karapatan. 29 Sa pamamagitan ng liham na ito'y ipinagbibigay-alam ko sa inyo na mula ngayo'y hindi na kayo kailangang magbayad ng karaniwang buwis, buwis sa asin, at iba pang tanging buwis. 30 Bukod(CR) dito, mula sa araw na ito'y malaya na kayo sa pananagutang magbigay sa akin ng ikatlong bahagi ng inyong aning trigo at ng kalahati ng aning bungangkahoy. Mula ngayon, hindi ko na hihingin ang mga kabayarang ito mula sa Judea o sa tatlong purok na napadagdag sa Judea mula sa Samaria at sa Galilea. 31 Ang Jerusalem, kasama ang mga lupaing nasa paligid nito, ay kikilalaning isang banal na lunsod at hindi magbabayad ng anumang buwis. 32 Inaalis ko na rin ang aking kapangyarihan sa kuta ng Jerusalem at ipinaiilalim ito sa Pinakapunong Pari at siya ang magtatakda ng sinumang nais niyang maging bantay roon. 33 Pinalalaya ko na rin ang lahat ng Judiong bihag ng digmaan saanmang panig ng aking kaharian. Lahat sila'y hindi rin magbabayad ng buwis, maging para sa kanilang mga baka. 34 Hindi hihingan ng buwis ang sinumang Judio saanman sa aking kaharian kung Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan, at iba pang sagradong araw. Gayon din, hindi na lilikom ng buwis tatlong araw bago sumapit o makalipas ang mga pangunahing sagradong araw. 35 Walang sinumang maaaring humingi sa inyo ng kabayaran o manligalig sa inyo sa alinman sa mga naturang araw.

36 “Maaaring ipatala sa hukbo ng hari ang mga Judio hanggang sa bilang na 30,000 katao, at babayaran sila gaya ng ibang hukbo ng hari. 37 Ang ilan sa kanila'y maaaring itakdang magbantay sa malalaking kuta ng palasyo, at ang iba nama'y bibigyan ng mahahalagang katungkulan sa pamahalaan. Mga Judio rin ang kanilang magiging pinuno at tagapanguna, at papayagan silang sundin ang kanilang sariling kautusan at kaugalian, tulad ng ipinahintulot ng hari sa mga taga-Judea.

38 “Ang tatlong purok na idinagdag sa Judea buhat sa lupaing sakop ng Samaria ay isasama na nang lubusan sa Judea at ipapailalim lamang sa kapangyarihan ng Pinakapunong Pari. 39 Ibinibigay ko para panustos sa Templo sa Jerusalem ang mga buwis na makukuha sa lunsod ng Tolemaida at sa mga lupaing sakop nito. 40 Nangangako rin ako na magbibigay ng taunang handog na 15,000 salaping pilak na manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo. 41 Ang kabuuang tulong ng pamahalaan na hindi namin naibigay nitong nakalipas na ilang taon, ay ibibigay; magpapatuloy ang pagbabayad na ito mula ngayon para sa gawain ng templo. 42 Bukod dito, hindi na namin hihingin ang limanlibong salaping pilak mula sa kinikita ng templo. Ang salaping ito'y para sa mga pari na naglilingkod sa templo. 43 Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon. 44 Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo. 45 Gayundin naman, ang gugugulin sa pagpapaayos ng mga pader ng Jerusalem at ng mga kuta sa paligid nito, pati ang mga pader ng itinakdang mga lunsod sa Judea, ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.”

46 Nang marinig ni Jonatan at ng bayan ang mga alok ni Haring Demetrio, ayaw nilang maniwala o tanggapin man ang mga iyon, sapagkat naalala nila ang malupit na pakikitungo nito sa kanila at ang mga kahirapang idinulot sa bansang Judio. 47 Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.

48 Si Haring Alejandro ay nagtatag ng isang malaking hukbo at humandang makipagdigma sa hukbo ni Demetrio. 49 Subalit nang magkaharap na ang mga hukbo ng dalawang hari, umatras at tumakas ang hukbo ni Alejandro.[be] Tinugis sila ni Demetrio[bf] at nagwagi ito sa digmaang iyon. 50 Nakipaglaban si Alejandro hanggang sa paglubog ng araw, at nasawi si Demetrio nang araw na iyon.

51 Pagkatapos, nagsugo si Alejandro kay Haring Tolomeo VI ng Egipto at ganito ang kanyang ipinasasabi:

52 “Nakabalik na ako sa aking kaharian at nakaluklok na sa trono ng aking mga ninuno. Ako na ang namamahala sa buong bansa. 53 Nakipaglaban ako kay Demetrio, tinalo ko siya at ang kanyang hukbo, at nasakop ko ang kanyang kaharian. 54 Ngayon, ako'y handa nang makipagkaisa. Ipakasal mo sa akin ang iyong anak na dalaga at kayong dalawa'y bibigyan ko naman ng mga handog na karapat-dapat sa inyo.”

55 Ito ang naging tugon ni Haring Tolomeo, “Isang dakilang araw na maituturing ang pagbabalik mo sa iyong bansa at pagluklok sa trono ng iyong mga ninuno. 56 Sumasang-ayon ako sa iyong mga mungkahi, subalit magkita muna tayo sa Tolemaida para magkakilala tayo nang mabuti. Saka ko ipakakasal sa iyo ang aking anak na dalaga.”

57 Kaya nang taóng 162, umalis ng Egipto si Haring Tolomeo at ang anak niyang dalaga na si Cleopatra at pumunta sa Tolemaida. 58 Sinalubong sila ni Haring Alejandro, at ipinakasal nga sa kanya ni Tolomeo ang anak niyang dalaga. Buong karangyaang ipinagdiwang sa Tolemaida ang pag-iisang-dibdib nila.

59 Sinulatan ni Haring Alejandro si Jonatan na makipagkita sa kanya. 60 Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan. 61 Ngunit may ilang taksil na Judio na nais manira kay Jonatan, at nagpahatid sila ng mga maling paratang laban sa kanya, subalit hindi ito pinansin ni Haring Alejandro. 62 Ipinag-utos pa nga niya na pagsuotin si Jonatan ng kasuotang hari 63 at pinarangalan pa sa pamamagitan ng pagpapaupo rito sa kanyang tabi. Iniutos ni Alejandro sa kanyang mga pinuno na dalhin si Jonatan sa sentro ng lunsod at ipahayag na walang sinumang dapat magparatang laban dito sa anumang kadahilanan, at wala ring dapat magsimula ng anumang gulo para isangkot ito. 64 Nang makita ng mga naiinggit at naninira ang karangalang iniuukol kay Jonatan, at matapos marinig ang pahayag na ito, lahat sila'y tumakas. 65 Pinarangalan pa rin ng hari si Jonatan nang ilista siya bilang isa sa mga pangunahing kaibigan ng hari at gawing heneral at gobernador ng kanyang lalawigan. 66 Si Jonatan ay mapayapa at masayang nagbalik sa Jerusalem dahil sa tinamong tagumpay.

Nagtagumpay si Jonatan kay Apolonio

67 Nang taóng 165, si Demetrio II na anak ni Demetrio I ay umalis sa Creta at dumating sa Siria, na lupain ng kanyang mga ninuno. 68 Nang mabalitaan ito ni Haring Alejandro, siya'y nabahala at nagbalik sa Antioquia, ang kapitolyo ng Siria. 69 Muling pinili ni Demetrio si Apolonio bilang gobernador ng Kalakhang Siria. Nagtatag si Apolonio ng isang malaking hukbo, nagkampo sa malapit sa Jamnia, at ipinasabi ang ganito kay Jonatan, ang Pinakapunong Pari:

70 “Dahil sa iyo, ako'y pinagtatawanan, ngunit bakit ka naglalagi riyan sa kabundukan at patuloy sa paghihimagsik gayong wala namang tumutulong sa iyo? 71 Kung talagang may tiwala ka sa iyong hukbo, bumabâ ka rito sa kapatagan at makipaglaban; sa gayon, mapapatunayan mo na nasa panig ko ang mga hukbo mula sa mga lunsod. 72 Makikilala mo kung sino ako at kung sinu-sino ang aking mga kapanalig; sa gayon, matutuklasan mong hindi ka maaaring makatagal sa pagsalungat sa akin. Dalawang ulit nang natatalo sa sarili nilang lupain ang mga nauna sa iyo; 73 kaya paano mo maaasahang talunin ang aking hukbong mangangabayo at ang uri ng hukbong itinalaga ko sa kapatagan? Dito'y wala kahit munting batong mapagtataguan, at wala kang matatakasan.”

74 Nang matanggap ni Jonatan ang pasabing ito ni Apolonio, siya'y nagalit. Tinipon niya ang sampung libong piling kawal mula sa Jerusalem; nagdala rin ng mga kawal ang kapatid niyang si Simon, at ang dalawang pangkat 75 ay humimpil sa labas ng Joppa. Ayaw silang papasukin ng mga kalalakihan ng lunsod sapagkat may isang pangkat doon ng mga kawal ni Apolonio. Ngunit sumalakay si Jonatan, 76 at sa pagkasindak ng kalalakihan ng lunsod, binuksan nila ang mga pintuan at hinayaang masakop ni Jonatan ang Joppa. 77 Nang mabalitaan naman ni Apolonio ang nangyari, nagsama siya ng tatlong libong mangangabayo at isang malaking hukbong-lakad at nagkunwang tatakas patimog papuntang Asdod. Subalit nagtuloy siya sa kapatagan na kasama ang kanyang pangunahing hukbo dahil tiwala siya sa lakas ng kanyang mangangabayo. 78-79 Inilagay niya ang isang libong mangangabayo sa isang lugar na sadyang pinili para sumalakay sa hukbo ni Jonatan mula sa hulihan. Tinugis sila ni Jonatan hanggang Asdod at doon nagkaharap ang dalawang hukbo. 80 Noon lamang nabatid ni Jonatan na siya'y tinambangan. Napaligiran ang kanyang hukbo, at pinaulanan sila ng mga palaso mula umaga hanggang gabi. 81 Ngunit nanatiling matatag ang mga tauhan ni Jonatan, gaya ng kanyang iniutos, at napagod ang sumalakay na hukbong mangangabayo ng kaaway. 82 At nang manlupaypay na ang mga iyon, dumating naman si Simon na kasama ang kanyang hukbo at sumalakay sa mga kalaban. Sa takot ng mga iyon, sila'y nagkawatak-watak at nagtakbuhan. 83 Ang mga mangangabayo na nangalat na sa kapatagan ay tumakas patungong Asdod at doon nagtago sa templo ni Dagon na kanilang diyus-diyosan. 84 Subalit sinunog ni Jonatan ang lunsod at ang templo ni Dagon, kaya natupok ang lahat ng nagtatago roon. Sinunog din niya ang mga bayan sa palibot at sinamsam ang mga ari-arian. 85 Nang araw na iyon humigit-kumulang sa walong libong katao ang namatay sa labanan at sa pagkatupok. 86 Pagkatapos, umalis si Jonatan at humimpil sa Ascalon. Dito'y lumabas ang kalalakihan ng lunsod na iyon at sinalubong siya para parangalan. 87 Nagbalik sa Jerusalem si Jonatan at ang kanyang mga tauhan na maraming uwing nasamsam.

88 Nabalitaan ni Haring Alejandro ang ginawa ni Jonatan at lalo pa niya itong pinarangalan. 89 Pinadalhan niya ito ng isang gintong hibilyang pang-balikat na karaniwa'y ibinibigay lamang sa kamag-anak ng hari. Ibinigay rin sa kanya ang Lunsod ng Ekron at ang mga lupain sa paligid nito.

Ang Pagbagsak ni Alejandro Epifanes

11 Si Haring Tolomeo, ikaanim na hari ng Egipto, ay nagtipon ng isang malaking hukbo na marami pa kaysa buhangin sa baybay-dagat. Nagtatag din siya ng isang malaking hukbong-dagat. Tangka niyang agawin ang kaharian ni Alejandro sa pamamagitan ng pandaraya para idagdag sa kanyang sariling kaharian. Kaya't nagpunta siya sa Siria upang makipagkaibigan. Malugod naman siyang pinapasok at tinanggap ng mga mamamayan doon. Ito ang utos sa kanila ni Alejandro sapagkat si Tolomeo ay biyenan niya. Habang patungo sa hilaga, nag-iiwan si Tolomeo ng isang pangkat ng kawal sa bawat lunsod na daanan. Pagdating niya sa Asdod, ipinakita sa kanya ng mga tagaroon ang tupok na templo ni Dagon at lahat ng wasak na bahagi ng lunsod at mga karatig-nayon. Naghambalang sa lansangan ang mga bangkay. Ang mga sunog na bangkay ng mga nilipol ni Jonatan nang nagdaang paglalaban ay nakabunton sa dinaraanan ni Tolomeo. Isinalaysay sa kanya ng mga tao ang ginawa ni Jonatan, sa pag-asang iyon ay pananagutin ng hari, ngunit hindi man lang umimik si Tolomeo. Sinalubong pa siya ni Jonatan sa Joppa ng isang maringal na seremonya. Nagbatian sila at doon nagpalipas ng gabi. Sinamahan pa siya ni Jonatan hanggang sa Ilog Eleutero bago ito nagbalik sa Jerusalem. Sa ganitong paraan nakuha ni Tolomeo ang mga lunsod sa baybayin hanggang hilaga sa Seleucia sa tabing-dagat; ito'y isang hakbang sa ikatatagumpay ng kanyang balak laban kay Alejandro.

Mula roon, nagpasabi si Haring Tolomeo kay Haring Demetrio, “Gumawa tayo ng isang kasunduan. Ang anak kong ngayo'y asawa ni Alejandro ay babawiin ko at sa iyo ipakakasal. Ikaw ang pamamahalain ko sa kaharian ng iyong ama. 10 Nagsisisi ako sa pagbibigay ko sa kanya kay Alejandro na nagtangkang pumatay sa akin.” 11 Ito ang ginawang paratang ni Tolomeo laban kay Alejandro sapagkat nais niyang makuha ang kaharian nito. 12 Binawi nga niya kay Alejandro ang kanyang anak at ipinakasal ito kay Demetrio. Pinutol niya ang lahat ng kaugnayan kay Alejandro at sila'y naging hayag na magkaaway. 13 Pagkatapos, pumasok si Tolomeo sa Antioquia at isinuot ang korona ng hari ng Asia. Kaya suot niyang pareho ang korona ng Egipto at ang korona ng Asia.

14 Noon naman ay nasa Cilicia si Haring Alejandro sapagkat naghihimagsik ang mga tao roon. 15 Nang mabalitaan niya ang ginawa ni Tolomeo, kumilos siya para lusubin ito. Ngunit napakalaking hukbo ang kasama ni Tolomeo kaya't natalo siya. 16 Habang nasa tuktok ng kapangyarihan si Tolomeo, si Alejandro nama'y tumakas patungong Arabia at doon nagtago. 17 Ngunit pinugutan siya ng ulo ng isang Arabo na nagngangalang Zabdiel, at ipinadala kay Tolomeo ang kanyang ulo. 18 Pagkalipas ng dalawang araw, namatay rin si Tolomeo, at ang mga kawal na naiwan niya sa mga kuta ay pinagpapatay ng mga mamamayan doon. 19 Kaya noong taong 167, naging hari si Demetrio II.

Si Jonatan ay Kinalugdan ni Demetrio II

20 Nang panahong iyon naman, tinipon ni Jonatan ang mga kalalakihan ng Judea upang lusubin ang kuta ng Jerusalem. Gumawa sila ng maraming plataporma para sa pagsalakay at pagsakop dito. 21 Ngunit may ilang taksil na Judio na namumuhi sa sariling bansa ang nagtungo kay Haring Demetrio II at ibinalita ang ginagawang paghahanda ni Jonatan para kubkubin ang kuta ng Jerusalem. 22 Pagkarinig nito, galit na galit si Demetrio at agad inilipat sa Tolemaida ang kanyang kwartel. Nagpadala siya ng sulat kay Jonatan na nag-uutos na alisin nito ang mga kagamitan sa pagsalakay at makipagtagpo agad sa kanya sa Tolemaida.

23 Pagkabasa sa utos, lalo pang ipinagpatuloy ni Jonatan ang paghahanda sa pagkubkob, saka pumili ng mga pinuno at paring Judio upang sumama sa kanya. Kahit nanganganib, 24 siya'y nagpunta sa hari na nasa Tolemaida. Nagdala siya ng mga balabal, pilak at ginto, at iba pang mga handog. Siya'y nagpakitang-gilas sa hari. 25 Bagaman siniraan ng ilang taksil na Judio si Jonatan, 26 siya'y tinanggap pa rin ng hari na gaya ng mga nauna sa kanya. Pinarangalan siya sa harapan ng lahat ng tagapayo, 27 at pinagtibay bilang Pinakapunong Pari. Ibinalik sa kanya ang lahat ng dati niyang karangalan at itinalaga pa bilang isa sa pangunahing kaibigan ng hari.

28 Hiniling ni Jonatan sa hari na huwag nang pagbayarin ng buwis ang Judea at ang tatlong lunsod ng Samaria,[bg] at nangako siya na kung ito'y gagawin ni Demetrio, babayaran niya ito ng 10,500 kilong pilak. 29 Pumayag ang hari, at gumawa siya ng isang sulat na nagpapatunay kay Jonatan ng lahat ng ito. Isinaad niya sa sulat,

30 “Bumabati si Haring Demetrio kay Haring Jonatan, na kanyang kapatid, at sa bansang Judio.

31 “Para sa inyong kaalaman, inilakip ko ang isang sipi ng sulat ko sa Kagalang-galang na Lastenes tungkol sa inyo:

32 “Bumabati si Haring Demetrio sa kanyang ama, Kagalang-galang na Lastenes. 33 Ipinasya kong bigyan ang bansang Judio ng ilang karapatan sapagkat sila'y matapat na kapanalig at tumutupad sa kasunduan. 34 Pinapagtibay(CS) ko ang kanilang karapatan sa lupain ng Judea at sa mga lunsod ng Efraim, Lida, at Arimatea, na idaragdag na ngayon sa Judea mula sa Samaria, kasama ang lahat ng lupain nila. Dahil dito, makikinabang ang sinumang nagpupunta sa Jerusalem para maghandog dahil ang taunang buwis sa mga ani mula sa mga lupaing ito ay hindi na ibibigay sa hari kundi sa Templo. 35 At inaalis ko na rin sa kanila ang pataw na buwis mula sa mga ikasampung bahagi, sa upa, sa asin, at mga tanging buwis. 36 Alinman sa binabanggit sa liham na ito ay hindi na maaaring baguhin pa kahit kailan. 37 ‘Kailangang tiyakin mo na ang buong sipi ng batas na ito ay maipadala kay Jonatan para isabit sa isang hayag na lugar sa Templo sa kaburulan.’”

Tinulungan ni Jonatan si Demetrio II

38 Nang makita ni Haring Demetrio na payapa na ang lupaing kanyang pinamamahalaan, binuwag niya ang hukbo at pinauwi ang lahat ng kawal, maliban sa mga swelduhang kinuha sa mga pulo ng Griego. Bunga nito, nagalit sa kanya ang lahat ng kawal na naglingkod sa mga haring nauna sa kanya sapagkat nawalan sila ng hanapbuhay. 39 Nakita ni Trifo, isa sa dating tagapagtaguyod ni Alejandro, na inirereklamo ng lahat ng kawal si Demetrio. Kaya't pinuntahan niya si Imalkue, ang Arabong nagpalaki kay Antioco na anak ni Alejandro. 40 Matagal na namalagi roon si Trifo at inuudyukan si Imalkue na ibigay sa kanya ang bata upang gawing hari, kapalit ng ama nito. Sinabi rin niya kay Imalkue ang tungkol sa mga batas ni Demetrio at kung paano ito kinamumuhian ng mga kawal.

41 Nagpasabi si Jonatan kay Haring Demetrio na alisin na rin ang mga kawal nito sa kuta ng Jerusalem at sa mga kuta ng Judea, sapagkat ginugulo lamang nila ang mga Judio. 42 Tumugon si Demetrio, “Gagawin ko ang hinihiling mo, at sa tamang pagkakataon, ibibigay ko sa iyo at sa iyong bansa ang pinakamataas na karangalan. 43 Subalit kailangang tulungan mo ako ngayon; magpadala ka ng mga kawal na makikipaglaban para sa akin, dahil naghimagsik na lahat ang aking mga kawal.”

44 Nagpadala si Jonatan ng tatlong libong piling kawal sa Antioquia. Gayon na lamang ang tuwa ng hari nang dumating sila 45 sapagkat nagtipon na sa lunsod ang 120,000 katao para siya'y patayin. 46 Ngunit siya'y nakatakas sa palasyo samantalang nagkakagulo sa lansangan ang mga tao at nagpapasimula nang manggulo. 47 Hinudyatan ng hari ang mga kawal na Judio para tumulong, at sumugod silang lahat upang siya'y ipagtanggol. Pinasok nila ang buong lunsod at napatay nila ang hindi kukulangin sa 100,000 katao. 48 Nailigtas nila ang hari ngunit sinamsam nila ang mga ari-arian doon at sinunog ang lunsod. 49 Nang makita ng mga tao na ganap nang nasa kapangyarihan ng mga Judio ang lunsod, natakot sila at nagsumamo sa hari 50 na pansamantalang itigil ang labanan at ang pagsalakay ng mga Judio. 51 Ibinabâ ng mga rebelde ang kanilang mga sandata at sumuko. Mula sa hari, ang buong kaharian ay nagkaroon ng malaking paggalang sa mga Judio. Bumalik naman ang mga Judio sa Jerusalem na dala ang maraming nasamsam.

52 Matatag na ang paghahari ni Demetrio at naging mapayapa ang bansa sa pamamahala niya; 53 ngunit sinira niya ang lahat ng pangako kay Jonatan. Hindi niya ito ginantimpalaan sa matapat na paglilingkod. Sa halip, patuloy pa niya itong ginulo.

Tinulungan ni Jonatan si Antioco VI

54 Pagkaraan ng ilang panahon, si Trifo ay nagbalik na kasama ang batang si Antioco at pinutungan ito bilang hari. 55 Lahat ng kawal na pinaalis ni Demetrio ay dumating para maglingkod sa batang hari. Tinalo nila si Demetrio hanggang sa ito'y tumakas. 56 Kinuha ni Trifo ang mga elepante at siya ang namahala sa Antioquia. 57 Ang batang si Haring Antioco ay sumulat kay Jonatan at pinagtibay ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari at tagapamahala ng apat na lunsod; ginawa rin siyang kaibigan ng hari. 58 Pinadalhan pa niya ito ng mga kagamitang ginto at binigyan ng pahintulot na uminom sa mga kopang ginto, magsuot ng balabal ng hari, at maglagay sa balikat ng gintong hibilya na ibinibigay lamang sa mga kamag-anak ng hari. 59 Itinalaga din niya si Simon na kapatid ni Jonatan bilang gobernador ng lupain mula sa baybayin ng Fenicia hanggang sa hangganan ng Egipto.

60 Si Jonatan ay naglakbay sa mga lunsod ng Kalakhang Siria kasama ang kanyang hukbo, at sumama sa kanya ang lahat ng hukbo ng Siria bilang mga kapanalig. Nagpunta siya sa Askelon, at doo'y pinarangalan ng mga mamamayan. 61 Nagtuloy siya sa Gaza, subalit sinarhan ng mga tao roon ang lahat ng pintuan. Kaya't kinubkob niya ang lunsod at sinunog; sinamsaman nila ang mga bayan sa paligid. 62 Sa gayon, nakipagkasundo para sa kapayapaan ang mga taga-Gaza, at pumayag si Jonatan na pansamantalang itigil ang labanan. Kinuha niya ang mga anak ng mga pinuno roon at ipinadala sa Jerusalem bilang mga bihag. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglilibot hanggang Damasco.

63 Nalaman ni Jonatan na ang mga pinuno ni Demetrio kasama ang isang malaking hukbo ay nagtungo sa Kades sa Galilea upang hadlangan siya sa kanyang balak. 64 Kaya iniwan niya sa Judea ang kanyang kapatid na si Simon at humandang makipagdigma sa kanila. 65 Si Simon naman ay lumusob sa Beth-sur at matagal na nakipaglaban doon. 66 Humingi ng kasunduang pangkapayapaan ang mga tao at pumayag si Simon. Sinakop niya ang bayan, pinalayas ang mga tao at naglagay roon ng isang malaking hukbo.

67 Si Jonatan at ang kanyang hukbo naman ay humimpil sa tabi ng Lawa ng Galilea. Kinaumagahan, maaga pa'y nagtuloy na sila sa kapatagan ng Hazor, 68 na kinaroroonan ng hukbo ng dayuhan na ngayo'y pasalubong sa kanila. Lingid kay Jonatan, isang pangkat ng kaaway ang naiwan sa kaburulan upang tambangan sila. 69 Kaya't nang sumalakay ang mga ito, 70 ang buong hukbo ni Jonatan ay umatras at tumakas. Walang natira kundi dalawang pinuno, si Matatias na anak ni Absalom, at si Judas na anak ni Calfi. 71 Napahiya si Jonatan kaya sinira niya ang kanyang kasuotan, naglagay ng abo sa ulo at nanalangin. 72 Pagkatapos, nagbalik siya sa labanan, tinalo ang kaaway at tumakas ang mga ito. 73 Nang makita ito ng kanyang hukbo na tumatakas, nagbalik sila at sumama sa kanya sa paghabol. Naitaboy nila ang kaaway hanggang sa kanilang kampo sa Kades at sinakop ang kampo. 74 May tatlong libong kawal ng kaaway ang napatay nang araw na iyon. Pagkatapos, si Jonatan ay nagbalik sa Jerusalem.

Pakikipagkaisa sa Roma at sa Esparta

12 Nang makita ni Jonatan na ang mga nagaganap ay nakakabuti sa kanya, pumili siya ng mga sugo at ipinadala sa Roma upang pagtibayin at sariwain ang pakikipagkaibigan sa mga tagaroon. Nagpadala rin siya ng mga liham na may gayong pahayag sa mga taga-Esparta at sa iba pang lugar. Ang mga sugo ay nagtungo sa Roma at tinanggap sa bulwagan ng Senado. Sinabi nilang sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Jonatan at ng bansang Judio upang sariwain ang dating pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa Roma. Binigyan sila ng mga taga-Roma ng mga sulat para sa mga maykapangyarihan sa bawat bansang daraanan nila, na tumitiyak sa ligtas na paglalakbay nila pabalik sa lupain ng Judea.

Narito ang sipi ng sulat ni Jonatan sa mga taga-Esparta:

“Si Jonatan na Pinakapunong Pari, ang pambansang konseho ng mga pinuno, mga pari, at ang mga mamamayan ng Judea, ay bumabati sa aming mga kapatid sa Esparta. Noong nakaraang panahon, ang inyong Haring Arios ay sumulat sa aming Pinakapunong Paring si Onias at sinabing may kaugnayan ang ating mga bansa, gaya ng isinasaad ng kalakip na sipi. Buong pagpaparangal na tinanggap ni Onias ang inyong sugo at ipinaalam ang pagkatanggap ng inyong liham na nagpapahayag ng ating kasunduan at pagkakaibigan. At ngayon, bagaman hindi namin kailangan ang ganitong kasunduan, sapagkat sa aming mga banal na aklat natatagpuan namin ang aming kalakasan, 10 sumulat kami upang sariwain ang ating pagkakapatiran at pagkakaibigan. Hindi namin nais na kami'y lubusan ninyong makalimutan; marami na ring taon ang nakakalipas buhat nang kayo'y makipag-ugnayan. 11 Sa mga nagdaang taon, sa lahat ng pagkakataon tuwing ipinagdiriwang namin ang aming kapistahan at iba pang tanging araw, kayo'y aming ginugunita kapag naghahandog kami at nananalangin, gaya ng nararapat gawin ng magkakapatid. 12 Ikinagagalak din naming kayo'y napatanyag. 13 Ngunit sunud-sunod ang aming pakikipagdigma sapagkat palagi kaming sinasalakay ng mga bansa sa paligid. 14 At sa panahon ng digmaan, hindi namin ninais na gambalain kayo o sinuman sa aming mga kapanalig at kaibigan, 15 sapagkat kami'y tinutulungan ng Panginoon na siyang lumupig sa aming mga kaaway at nagligtas sa amin. 16 Ngayo'y isinugo namin si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, upang sariwain ang tali ng pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa mga taga-Roma. 17 Inutusan din namin silang dalhin sa inyo ang aming pagbati at ang liham na ito tungkol sa pagsasariwa ng ating pagkakapatiran. 18 Ngayon nga, hinihiling namin ang inyong tugon sa liham na ito.”

19 Kasunod nito ang sipi ng naunang sulat:

20 “Pagbati ni Haring Arios ng Esparta kay Onias, ang Pinakapunong Pari. 21 Natagpuan namin ang isang kasulatan tungkol sa mga taga-Esparta at mga Judio; ito'y nagsasaad na may kaugnayan tayo, na ang ating bansa ay kapwa nagbuhat kay Abraham. 22 Ngayong natuklasan namin ito, mangyaring magpadala kayo sa amin ng ulat tungkol sa inyong katayuan. 23 Bilang tugon, padadalhan namin kayo ng isang liham na nagsasaad na kami ay nakahandang magbahagi ng aming ari-arian, pati mga kawan, kung gayon din ang gagawin ninyo. Binigyan na namin ng utos ang aming mga sugo para mag-ulat sa inyo nang naaayon sa mga bagay na ito.”

Ang mga Pakikipaglaban nina Jonatan at Simon

24 Nalaman ni Jonatan na nagbalik ang mga pinuno ni Demetrio upang sumalakay, at higit na marami ang kanilang kawal kaysa dati. 25 Hindi niya nais na bigyan sila ng pagkakataong makapasok sa kanyang lupain, kaya't lumabas siya sa Jerusalem at sinalubong sila sa Hamat. 26 Nagsugo siya ng ilang tauhan upang manmanan ang kampo ng kaaway. Iniulat nila sa kanya na nagbabalak sumalakay kinagabihan ang mga kaaway. 27 Paglubog ng araw, pinahanda ni Jonatan ang lahat ng kawal at ang kanilang mga sandata para sa biglaang pagsalakay anumang oras ng gabi. Naglagay rin siya ng mga bantay sa palibot ng kampo. 28 Nang malaman ng mga kalaban na handang makipaglaban si Jonatan, natakot sila at tumakas. Iniwan nila ang kanilang mga siga sa kampo. 29 Nakita ni Jonatan at ng mga tauhan niya ang mga siga ngunit hindi nila nalaman ang nangyari kundi nang mag-umaga na. 30 Hinabol sila ni Jonatan ngunit hindi inabutan sapagkat sila'y nakatawid na sa Ilog Eleutero. 31 Nang magkagayon, sinalakay naman ni Jonatan ang isang lipi ng mga Arabo na tinatawag na mga Zabadeano. Tinalo niya ang mga ito at sinamsam ang kanilang ari-arian. 32 Pagkatapos, humiwalay siya sa kampo at nagtungo naman sa Damasco para siyasatin ang buong lugar na iyon.

33 Samantala, si Simon ay naglunsad din ng isang sunud-sunod na pananalakay, at umabot siya hanggang Askelon at sa mga kuta sa paligid. Pagkatapos, siya'y nagpunta sa Joppa 34 at nag-iwan ng mga kawal doon sapagkat nabalitaan niya na binabalak ng mga tagaroon na ibigay sa mga kawal ni Demetrio ang kuta ng Joppa.

35 Pagbalik ni Jonatan, pinulong niya ang mga pinuno. Nagkasundo sila na magtayo ng mga kuta sa Judea, 36 pataasan ang mga pader ng Jerusalem, at magpagawa ng mataas na pader para ihiwalay sa lunsod ang kuta. Kapag nakahiwalay ang kuta, mahirap nang bumili o magtinda ang kaaway ng anumang bagay. 37 Magkakasamang gumawa ang lahat para mapatibay ang tanggulan ng lunsod sapagkat gumuho ang bahagi ng pader sa silangan sa may Libis ng Kidron; pati ang bahagi ng Kafenata ay kailangan ding ayusin. 38 Muli ring itinayo ni Simon ang bayan ng Adida sa paanan ng bundok. Nilagyan niya ito ng kuta at ng mga pintuang may tarangka.

Nabihag ni Trifo si Jonatan

39 Binalak ni Trifo na maghimagsik laban kay Haring Antioco upang siya ang maging hari ng Asia. 40 Ngunit natakot siya na baka hindi pumayag si Jonatan at siya'y digmain para hadlangan ang kanyang balak. Kaya pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbo at nagtungo sa Beth-san sa pag-asang mabibihag si Jonatan at maipapapatay. 41 Ngunit nagpunta rin si Jonatan sa Beth-san na may kasamang apatnapung libong piling kawal. 42 Nang makita ni Trifo ang napakaraming kawal na kasama ni Jonatan, natakot siyang gumawa ng anuman. 43 Kaya tinanggap niya at pinarangalan si Jonatan, binigyan ng mga handog, ipinakilala sa kanyang mga tagapayo, at sinabi pa sa kanyang mga tagapayo at mga kawal na sundin si Jonatan, gaya ng pagsunod nila sa kanya. 44 Tinanong niya si Jonatan, “Bakit mo pinahanda ang napakaraming kawal gayong hindi naman tayo nakikipagdigma? 45 Pauwiin mo na sila. Pumili ka na lamang ng ilan para makasama mo at samahan ninyo ako sa Tolemaida. Ibibigay ko sa iyo ang lunsod na iyon pati na ang mga kuta, mga hukbo, at lahat ng pinuno roon. Pagkatapos, ako'y aalis na. Iyan nga ang dahilan kaya ako narito.” 46 Naniwala naman si Jonatan, at sinunod ang kanyang payo. Pinauwi nga niya sa Judea ang kanyang mga kawal. 47 Nagtira lamang siya ng tatlong libo para makasama niya, ngunit iniwan ang dalawang libo nito sa Galilea, kaya isang libo lamang ang talagang sumama sa kanya sa paglalakbay. 48 Ngunit nang makapasok sa Tolemaida si Jonatan, isinara ng mga tao ang lahat ng pintuan, dinakip siya at pinatay ang lahat niyang kasama.

49 Nagpadala si Trifo ng mga sundalo at mga mangangabayo sa Galilea at sa Libis ng Jezreel[bh] upang patayin ang iba pang mga kawal ni Jonatan doon. 50 Ngunit nalaman ng hukbong Judio na nabihag at napatay si Jonatan, kasama ng mga kawal niya, kaya nag-usap-usap sila at humandang makipagdigma. 51 Nang makita ng dumarating na hukbo ng kalaban na handang mamatay sa pakikipaglaban ang mga Judio, sila'y nagbalik. 52 Sa gayon, ligtas na nakabalik sa Judea ang mga kawal na Judio, ngunit takot na takot sila. Nagdalamhati ang buong bansa, sa pag-aakalang pinatay si Jonatan at ang lahat ng tauhan niya. 53 Tinangka ng mga bansa sa paligid na sila'y puksain. Sa akala nila, wala nang pinuno o kapanalig ang mga Judio at iyon na ang angkop na panahon upang lipulin sila at wakasan ang kanilang kasaysayan.

Pinangunahan ni Simon ang mga Judio

13 Nalaman ni Simon na nagtipon si Trifo ng malaking hukbo at nagbabalak na wasakin ang Judea. Naisip din niya na ang balitang ito ang naghasik ng takot at sindak sa mga tao, kaya nagpunta siya sa Jerusalem at tinipon ang mga tao. Sinikap niyang palakasin ang kanilang loob. Sinabi niya, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ng aming pamilya, mga kapatid, at pati na ako, alang-alang sa Kautusan ni Moises at ng Templo. Alam din ninyo ang mga digmaang sinuong namin. Napatay na lahat ang mga kapatid ko sa pagtatanggol sa ating Kautusan, sa ating Templo, at sa ating bansa. Ako na lamang ang natitira ngayon. Subalit huwag sabihin ninuman na iniligtas ko ang aking sarili sa panahon ng panganib. Hindi ko ipinapalagay na mas mabuti ako kaysa mga kapatid ko. Totoo na nagkaisa ang lahat ng bansang Hentil para puksain tayo dahil sa kanilang galit, ngunit lalaban ako upang ipagtanggol ang aking bansa, ang Templo, at ang inyong mga mahal sa buhay.”

Nabuhayan ng loob ang mga tao dahil sa mga pananalitang ito, at malakas silang sumagot, “Ikaw na ngayon ang aming pinuno, kapalit ng mga kapatid mong sina Judas at Jonatan. Makipagdigma ka para sa amin, at susundin namin ang lahat ng iuutos mo.” 10 Kaya tinipong lahat ni Simon ang mga kawal at mabilis na tinapos ang pagpapataas sa pader ng Jerusalem at ang pagpapatibay sa lahat ng tanggulan. 11 Isinugo niya sa Joppa si Jonatan na anak ni Absalom kasama ang isang malaking hukbo. Ang Jonatang ito ang nagtaboy sa mga tagaroon at sumakop sa naturang bayan.

12 Nilisan naman ni Trifo ang Tolemaida na may kasama ring isang malaking hukbo upang lusubin ang Judea. Isinama niya ang bihag niyang si Jonatan na kapatid ni Simon. 13 Si Simon ay humimpil sa Adida sa gilid ng kapatagan. 14 Nang malaman ni Trifo na si Simon ang pumalit kay Jonatan at handa na itong humarap sa kanya sa digmaan, ito ang ipinasabi niya, 15 “Ipinadakip ko ang kapatid mong si Jonatan sapagkat hindi siya nagbayad ng kanyang utang sa kabang-yaman ng palasyo noong siya'y nanunungkulan. 16 Ngunit palalayain ko siya kung babayaran mo ako ng 3,500 kilong pilak at ipadadala ang dalawa niyang anak bilang kapalit na bihag para garantiya na hindi siya maghihimagsik laban sa amin kung siya ay palayain na.”

17 Alam ni Simon na panlilinlang lamang iyon. Gayunman, nagpadala siya ng naturang halaga at pinasama rin ang dalawang anak sapagkat hindi niya nais na magsiklab ang galit ng mga Judio. 18 Nangangamba siya na baka masabi nilang pinatay si Jonatan dahil hindi ipinadala ni Simon ang salapi at ang dalawang bata. 19 Kaya nga, ibinigay niya ang hinihingi ni Trifo, ngunit hindi ito tumupad sa pangako; hindi niya pinalaya si Jonatan.

20 Kumilos na si Trifo para lusubin ang lupain at wasakin. Pinaligiran niya ito sa daan patungong Adora. Ngunit kahit saan sila magpunta ay sinasalubong sila ng pangkat ni Simon. 21 Ang mga kawal ng kaaway na nakatalaga sa kuta ng Jerusalem ay patuloy na nagpapasabi kay Trifo na puntahan sila agad at dalhan ng kanilang mga pangangailangan. Ipinasabi pa na sa ilang sila dumaan pagpunta roon. 22 Pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbong nakakabayo para sa paglusob, ngunit umulan ng niyebe nang gabing iyon at hindi siya makaakyat sa kaburulan. Kaya't umatras siya at sa Gilead nagtuloy. 23 Nang malapit na siya sa Basama, ipinapatay niya si Jonatan at doon ipinalibing, 24 saka siya nagbalik sa sariling bayan.

25 Ipinakuha ni Simon ang bangkay ng kapatid niyang si Jonatan at ipinalibing sa Modein, sa libingan ng kanilang mga ninuno. 26 Nagdalamhati ang buong Israel sa pagkamatay ni Jonatan at maraming araw silang nagluksa. 27 Sa ibabaw ng libingan ng kanyang ama at mga kapatid ay nagpagawa si Simon ng isang mataas na bantayog na nakikita kahit sa malayo. Iyon ay nababalutan ng pinakinang na bato. 28 Nagpagawa rin siya ng pitong piramid na magkakatabi, para sa kanyang ama, ina, at apat na kapatid. 29 Ang mga piramid ay binubuo ng matataas na haliging may nakaukit na larawan; may larawan ng baluti ng kawal, mayroon ding larawan ng mga sasakyang-dagat. Ito'y bantayog ng kanilang mga tagumpay at maaaring madalaw ng mga panauhin mula sa ibayong dagat. 30 Ang libingang ipinagawa niya sa Modein ay naroon pa hanggang ngayon.

31 Samantala, pinatay ni Trifo ang batang haring si Antioco VI, 32 at siya ang naghari sa Asia. Maraming kaguluhan ang nilikha niya sa bansang iyon.

33 Muling ipinagawa ni Simon ang mga kuta ng Judea at pinalagyan ng matataas na tore, matitibay na pader, at pintuang may kandado. Pagkatapos, naglagay siya roon ng maraming pagkain. 34 Nagpasugo siya kay Haring Demetrio II para hilingin na huwag na silang papagbayarin ng buwis, sapagkat walang ginawa si Trifo kundi ang pagnakawan sila. 35 Ganito ang sinasabi ng sulat na ipinadala ni Haring Demetrio bilang tugon:

36 “Pagbati mula kay Haring Demetrio para sa Pinakapunong Paring si Simon, ang kaibigan ng mga hari, at sa bansang Judio kasama ang kanilang mga pinuno. 37 Natanggap ko ang gintong korona at gintong sanga ng palma na ipinadala mo, at ako'y nahahandang makipagkasundo sa inyo at atasan ang mga pinuno na huwag na kayong hingan ng buwis. 38 Pinapagtibay ko ang nauna nating mga kasunduan. Mananatiling pag-aari ninyo ang mga tanggulang ipinagawa ninyo. 39 Pinatatawad ko rin ang inyong mga paglabag sa kasunduan, at hindi na rin kayo magbibigay ng mga tanging buwis at iba pang buwis na dating nililikom sa Jerusalem. 40 Lahat ng Judiong makakapasa ay maaaring magpatala para maglingkod sa palasyo. Pairalin natin ang kapayapaan.”

41 Kaya noong taong 170, inalis sa mga Judio ang pamatok ng mga mapang-aping Hentil. 42 Ang mga kasulatan at kasunduan ay pinalagyan ng ganitong petsa: “Sa unang taon ni Simon, ang dakilang Pinakapunong Pari, tagapanguna at pinuno ng mga Judio.”

43 Nang(CT) panahon ding iyon, nilusob ni Simon ang Gazara at pinalibutan ito ng kanyang hukbo. Gumawa siya ng platapormang panlusob na maaaring tanggalin at dinala ito sa gilid ng pader ng lunsod. Matapos salakayin ang isang tore at masakop ito, 44 ang mga tauhang nasa platapormang panlusob ay pumasok sa lunsod. Gayon na lamang ang kaguluhang nilikha nila. 45 Dahil sa kalituhan, sinira ng kalalakihan sa lunsod at ng kanilang asawa't mga anak ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, umakyat sila sa pader ng lunsod at malakas na nakiusap kay Simon na itigil na ang labanan. 46 “Maawa kayo sa amin! Huwag ninyo kaming parusahan,” pakiusap nila.

47 Pumayag naman si Simon at itinigil ang labanan. Pinaalis niya sa lunsod ang mga tao. Pagkatapos, nilinis niya ang mga bahay na may diyus-diyosan. Pagkaraang gawin iyon, pumasok siya at ang kanyang mga tauhan sa gitna ng lunsod. Nag-awitan sila ng mga himno at awit ng pagpupuri. 48 Inalis niya ang lahat ng bagay na nagpaparumi sa lunsod alinsunod sa utos ng Diyos, at pinatira roon ang mga taong matapat na tumupad sa Kautusan ni Moises. Pinatibay niya ang mga tanggulan at doon na rin nagpagawa ng palasyo para sa kanyang sarili.

49 Ang mga nasa kuta ng Jerusalem ay hindi na makalabas para bumili o magbili ng anuman. Nagdaranas na sila ng matinding pagkagutom at marami ang namatay sa gutom. 50 Sa wakas, nagsumamo sila kay Simon na makipagkasundo na. Pumayag ito, inalis sila sa kuta, at ito'y nilinis pagkatapos. 51 Nang ika-23 araw ng ika-2 buwan, taong 171, nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa lunsod sapagkat nagwakas na ang kahindik-hindik na banta sa Israel. Pumasok sa kuta si Simon at ang kanyang mga tauhan na umaawit ng himno ng pagpupuri at pasasalamat habang may hawak na mga sanga ng palma, at tumutugtog naman ng alpa, pompiyang at lira ang iba. 52 Nagpalabas ng utos si Simon nang araw na iyon na ang naturang araw ay dapat ipagdiwang taun-taon. Pinatibay niya ang mga tanggulan ng Templo sa gawing kaburulan paharap sa kuta at doon sila humimpil ng mga tauhan niya. 53 Malaki na noon si Juan na anak ni Simon, kaya ginawa itong tagapanguna ng buong hukbo; sa Gezer humimpil si Juan.

Parangal kay Simon

14 Noong taong 172, tinipon ni Haring Demetrio II ang kanyang hukbo at nagpunta sa Media upang humingi ng tulong sa pakikipaglaban kay Trifo. Nang mabalitaan ni Arsaces VI na hari ng Persia at ng Media na nasa kaharian niya si Demetrio, isinugo niya ang isa niyang pinuno upang dakpin ito. Sinalakay nila at ginapi ang hukbo ni Demetrio. Binihag ito at dinala kay Haring Arsaces, at siya'y ipinabilanggo nito.

Mapayapa ang lupain ng Judea habang nabubuhay si Simon. Sa buong panahon ng kanyang paghahari, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at lakas para sa ikabubuti ng bayan. Sila nama'y nasiyahan sa kanya bilang kanilang tagapanguna. Nadagdagan ang kanyang katanyagan nang sakupin niya ang daungan ng Joppa at buksan ang daan papunta sa mga pulo ng Grecia. Pinalawak niya ang lupaing nasasakop ng kanyang bansa, at nag-uwi pa ng maraming bihag at sinakop ang Gezer, Beth-sur, at ang tanggulan ng Jerusalem. Nilinis niya ang lahat ng karumihan doon.

Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy. Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap. 10 Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako. 11 Dinulutan niya ng kapayapaan ang bansa, at walang katapusan ang kagalakan ng Israel. 12 Lahat ay mapayapang namumuhay sa kanilang ubasan at taniman ng igos at walang gumagambala sa kanila. 13 Lahat ng kaaway na hari ay natalo na nang mga panahong iyon at walang natirang isa man para kumalaban sa Israel. 14 Tinulungan ni Simon ang lahat ng mahihirap niyang kababayan. Sa patnubay ng Kautusan ni Moises, inalis niya ang lahat ng masasamang taong sakit ng ulo sa lipunan. 15 Pinalagyan niya ng magagarang kasangkapan ang Templo at dinagdagan ang mga kagamitan sa pagsamba.

16 Nang makarating sa Roma at sa Esparta ang balitang namatay si Jonatan, gayon na lamang ang kanilang pagkalungkot. 17 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Esparta na si Simon ang pumalit sa kapatid bilang Pinakapunong Pari at siyang namamahala sa bansa at mga karatig-bayan, 18 nagpagawa(CU) sila ng mga kasulatang tanso at ipinaukit dito ang kasunduan ng pakikipagkaibigan na ginawa nila noon kina Judas at Jonatan, saka ipinadala kay Simon. 19 Binasa ito sa kapulungan sa Jerusalem. 20 Ganito ang nakasaad sa liham na ipinadala ng mga taga-Esparta:

“Ang mga mamamayan ng Esparta at ang kanilang mga pinuno ay bumabati kay Simon, ang Pinakapunong Pari at sa mga pinuno at mga paring Judio, at sa lahat ng aming kapatid na Judio. 21 Ang delegasyong isinugo ninyo sa amin ay nagbalita sa amin kung paano kayo iginagalang at kinikilala ng lahat. Isang malaking kagalakan namin ang kanilang pagdalaw, 22 at ang ulat ng kanilang pagdalaw ay nakasulat sa aming talaang bayan nang ganito: ‘Si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, marangal na mga kinatawang Judio, ay naparito upang sariwain ang kanilang pakikipagkaibigan. 23 May galak na tinanggap sila ng bayan at pinarangalan. Ang sipi ng kanilang ulat ay inilagay sa aklatang bayan. Sa gayon, ang ulat tungkol sa kanilang pagdalaw ay nakatala para sa mga mamamayan ng Esparta. Isang sipi ng kasulatang ito ay ipinadala kay Simon na pinakapunong pari.’”

24 Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.

25 Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak? 26 Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”

Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion. 27 Ganito ang mababasang nakaukit doon:

“Nang ikalabing walong araw ng ikaanim na buwan ng taóng 172, na siyang ikatlong taon ni Simon, ang Pinakapunong Pari, 28 sa harap ng nagkakatipong mga pari, mamamayan, pinuno, at matatanda ng bayan, ang sumusunod na katotohanan ay ipinabatid sa amin: 29 Madalas, kapag may digmaan sa bansa, itinataya ni Simon, anak ni Matatias na isang pari mula sa pamilya ni Joiarib, at ng kanyang mga kapatid ang kanilang buhay sa pagliligtas sa ating bansa, ating templo, at ating Kautusan laban sa mga kaaway. Sila ang naghatid ng malaking karangalan sa ating bansa. 30 Si Jonatan ang kumilos upang magkaisa tayo at siya'y naging Pinakapunong Pari bago namatay. 31 Nang balakin ng mga kaaway ng mga Judio na lusubin ang lupain at lapastanganin ang templo, 32 si Simon naman ang nanguna at nakipaglaban para sa bansa. Ginamit niya ang sariling salapi para magkaroon ng mga sandata at pambayad para sa hukbo ng bansa. 33 Pinalagyan niya ng mga tanggulan ang buong Judea, lalo na ang Beth-sur sa hangganan na dati'y taguan ng mga sandata ng kaaway. Naglagay rin siya roon ng mga kawal na bantay. 34 Pinalagyan din niya ng tanggulan ang daungan ng Joppa at ang lunsod ng Gazara sa hangganan ng Azotus, na dating nasasakop ng mga kaaway. Pinatira niya roon ang mga Judio at ibinigay ang lahat ng kanilang kailangan para sa pagsasaayos. 35 Nang makita ng bayan ang pagiging makabayan ni Simon at kung paano niya ninasang parangalan ang kanyang bansa, siya'y ginawa nilang pinuno at Pinakapunong Pari. Ginawa nila ito dahil sa kanyang katapatan at dahil din sa pagpapairal niya ng katarungan at pagsisikap na maparangalan ang kanyang bansa.

36 “Sa kanyang pangunguna, naitaboy ang mga Hentil. Napaalis din ang mga hukbo ng kaaway sa gawing hilaga ng Templo. Nagtayo rito ng tanggulan ang kaaway, at mula roo'y pinapasok ang banal na Templo at nilalapastangan ito. 37 Naglagay si Simon ng mga bantay na Judio sa tanggulan, pinatibay ito para sa kaligtasan ng bansa at ng lunsod ng Jerusalem. Pinataasan din niya ang mga pader ng lunsod. 38 Bunga nito, pinagtibay ni Haring Demetrio ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari, 39 at tinawag siyang kaibigan ng hari, at pinarangalan. 40 Ginawa ito ni Demetrio sapagkat nabalitaan niya na tinatawag ng mga taga-Roma na kaibigan, kapanalig, at kapatid ang mga Judio, at tinanggap nila't pinarangalan ang mga kinatawang isinugo ni Simon.

41 “Kaya nga, nagagalak ang mga Judio at ang kanilang mga pari na maging pinuno at Pinakapunong Pari si Simon at ang kanyang mga anak hanggang lumitaw ang isang tunay na propeta. 42 Si Simon ang mamamahala sa bansa, sa templo, at sa hukbo. Siya rin ang mamamahala sa mga kagamitang panghukbo, pagpapatibay ng tanggulan, at pagawaing bayan. 43 Susundin siya ng lahat. Ang kanyang pangalan ang dapat gamitin sa lahat ng kasunduang pampamahalaan. Binibigyan siya ng karapatang magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.

44 “Walang sinuman, maging pari o mamamayan, ang bibigyan ng karapatang magpawalang-bisa sa anumang pagpapasya, o magbago ng alinmang utos ni Simon, o tumawag ng pulong nang wala siyang pahintulot, o kaya'y magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat. 45 Ang sinumang lumabag o magwalang-bahala sa mga tuntuning ito ay paparusahan.

46 “Nagkaisang pinagtibay ng bayan na bigyan si Simon ng karapatang kumilos ayon sa mga tuntuning ito. 47 Pumayag at sumang-ayon si Simon na maging pinakamataas na pinuno, Pinakapunong Pari, tagapanguna ng lahat ng hukbo, at gobernador ng mga Judio at ng mga pari.”

48 Napagkaisahan ding iukit sa kasulatang tanso ang pahayag na ito at ilagay sa isang hayag na lugar sa loob ng templo 49 at maglagak ng mga sipi nito sa kabang-yaman ng Templo para madaling mabasa ni Simon at ng kanyang mga anak.

Hiningi ni Haring Antioco VII ang Tulong ni Simon

15 Mula sa kapuluang Griego ay sumulat si Antioco na anak ni Haring Demetrio sa buong bansa at kay Simon, ang Pinakapunong Pari at gobernador ng mga Judio. Ganito ang isinasaad ng sulat:

“Mula kay Haring Antioco, pagbati sa bansang Judio at kay Simon na Pinakapunong Pari at gobernador. Alam ninyo na ang kaharian ng aking mga ninuno ay inagaw ng mga taksil. Ipinasya kong kunin itong muli at ibalik sa dating kadakilaan. Naghanda na ako ng isang malaking hukbo at mga barkong pandigma. Binabalak kong lusubin ang lupain at salakayin ang nagwasak sa maraming lunsod at sa bansa.

“Kaya ngayon, pinapagtibay ko ang ginawa ng mga naunang hari na pag-aalis ng lahat ng buwis at pagbabayad. Binibigyan ko kayo ng karapatang gumawa ng sarili ninyong salapi na gagamitin sa inyong bansa. Hindi magbabayad ng buwis ang Jerusalem at ang Templo. Lahat ng sandatang inyong ginawa at mga tanggulang ipinatayo at nilagyan ng mga bantay ay mananatiling inyo. Bukod dito, lahat ng pagkakautang sa kabang-yaman ng palasyo, o magiging utang sa hinaharap, ay pinatatawad ko ngayon. Sa sandaling manumbalik sa akin ang aking kaharian, ibibigay ko sa iyo, sa iyong bansa, at sa Templo, ang malaking pagpaparangal upang makilala ng buong mundo ang inyong kadakilaan.”

10 Nang taóng 174, nilusob nga ni Antioco ang lupain ng kanyang mga ninuno. Pumanig sa kanya ang karamihan sa mga kawal, kaya iilan ang natira kay Trifo. 11 Nang habulin ni Antioco, si Trifo ay tumakas patungo sa lunsod ng Dor sa baybay-dagat, 12 sapagkat nakita niya na wala na siyang pag-asang makaligtas pa dahil iniwan siya ng kanyang mga tauhan. 13 Pinahanda ni Antioco ang 120,000 sanay na kawal at walong libong mangangabayo at nilusob ang Dor. 14 Ang mga sasakyang-pandagat niya ay sumalakay din, at napaligiran niya nang husto ang lunsod kaya walang sinumang makapasok o makalabas doon.

Tinulungan ng Roma ang mga Judio

15 Samantala,(CV) nakarating na sa Jerusalem mula sa Roma si Numenio at ang mga kasama nito, dala ang sumusunod na liham para sa iba't ibang hari at bansa:

16 “Pagbati mula kay Lucio, konsul ng Roma, para kay Haring Tolomeo. 17 Ilang kinatawan ng aming mga kaibigan at kapanalig na Judio ang naparito upang sariwain ang dating kasunduan ng pakikipagkaibigan. Sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Simon at ng bansang Judio, 18 at nagdala sila ng handog na gintong kalasag na may bigat na kalahating tonelada. 19 Kaya ipinasya naming sulatan ang iba't ibang hari at mga bansa at sabihin sa kanilang huwag sasaktan ang mga Judio, ang kanilang mga lunsod, o ang kanilang bansa, sa anumang kaparaanan. Huwag nilang didigmain ang mga Judio o tulungan ang mga sumasalakay sa kanila. 20 Tinatanggap namin ang kalasag at ipinangangako sa kanila ang aming pangangalaga. 21 Kaya nga, kung may mga taksil na tatakas mula sa Judea at magtatago sa inyong lupain, ibigay ninyo siya kay Simon, ang Pinakapunong Pari, upang maparusahan ayon sa batas ng mga Judio.”

22 Ang sulat na ito ay ipinadala ni Lucio sa mga Haring sina Demetrio, Atalo, Ariarte, at Arsaces, 23 at sa mga bansang Samsames, Esparta, Delos, Mindos, Sicyon, Caria, Samos, Pamfilia, Licia, Halicarnaso, Rodes, Faselis, Cos, Side, Arado, Gortina, Nido, Cyprus, at Cirene. 24 Pinadalhan din niya ng isang kopya si Simon, ang Pinakapunong Pari.

Nakipagkalas si Haring Antioco VII kay Simon

25 Sa pangalawang pagkakataon, nilusob ni Haring Antioco ang Dor at hindi tinigilan ang pagsalakay rito. Nagpagawa siya ng mga platapormang panlusob at dahil sa kanyang paghadlang sa daanan, hindi makapasok o makalabas ang mga tauhan ni Trifo. 26 Nagpadala si Simon ng pilak, ginto, at maraming kagamitan at dalawang libong piling kawal para tulungan si Antioco. 27 Subalit hindi ito tinanggap ni Antioco, bagkus pinawalang-bisa ang lahat ng naunang kasunduan nila ni Simon, kaya siya'y naging kaaway nito. 28 Pagkatapos, isinugo ni Antioco ang pinagkakatiwalaan niyang pinuno na si Atenobio para makipag-usap kay Simon. Sinabi nito kay Simon, “Ang nasasakop mong Joppa, Gezer, at kuta ng Jerusalem ay mga lunsod ng aking kaharian. 29 Winasak mo ang mga lupaing iyon at dinalhan ng kaguluhan ang bansa. Maraming lupain sa aking kaharian ang iyong sinakop. 30 Ngayon, ibalik mo sa akin ang mga lunsod na nasakop mo, at ibigay mo rin sa akin ang buwis na kinuha mo sa mga lugar na iyong sinakop, na di kabilang sa lupain ng Judea. 31 Kung ayaw mong gawin ito, bayaran mo ako ng 17,500 kilong pilak, at karagdagang 17,500 kilong pilak bilang kabayaran para sa nawala sa aking lupain at mga buwis. Kung ayaw mo pa ring gawin ito, didigmain namin kayo.”

32 Nang dumating sa Jerusalem si Atenobio at makita ang magarang palasyo ni Simon, ang kasangkapang ginto at pilak sa bulwagang pinagdarausan ng mga malaking salu-salo, at ang nakahanay na malaking kayamanan, siya'y manghang-mangha. Ibinigay niya kay Simon ang sulat ng hari, 33 at sumagot si Simon, “Wala kaming inaagaw na lupain mula sa ibang bansa o kinukuhang anuman sa ibang tao. Ang totoo'y amin lamang binawi ang ari-ariang minana namin sa aming mga ninuno, mga lupaing inagaw ng aming mga kaaway. 34 Ngayon pa lamang namin nagagamit ang pagkakataong ito para mapanumbalik ang pamana ng aming mga magulang. 35 Para sa Joppa at Gezer na inyong inaangkin, bibigyan namin kayo ng 3,500 kilong pilak, bagaman ang mga tao sa mga lunsod na iyon ang gumawa ng napakalaking kapinsalaan sa aming bansa.”

Hindi umimik si Atenobio, 36 ngunit nagbalik siya sa hari na nagngingitngit. Nang sabihin niya sa hari ang tugon ni Simon at ibinalita rin dito ang magarang palasyo ni Simon at lahat ng kanyang nakita, lubos na nagalit ang hari.

Nagtagumpay si Juan Laban kay Cendebeo

37 Samantala, si Trifo ay sumakay naman sa isang sasakyang-pandagat at tumakas patungong Ortosia. 38 Itinalaga ni Haring Antioco si Cendebeo bilang tagapamahala ng mga lupain sa baybay-dagat, at binigyan ng mga sundalo at hukbong nakakabayo, 39 saka inutusang lumusob sa Judea. Iniutos din niya rito na muling itayo ang Lunsod ng Kidron at patibayin ang mga pintuan nito, para sa pakikipaglaban sa mga Judio. Ang hari nama'y nagpatuloy ng pagtugis kay Trifo.

40 Dumating sa Jamnia si Cendebeo at ginulo ang mga Judio sa pamamagitan ng paglusob sa Judea, pagbihag sa mga tao, at pagpatay sa marami. 41 Muli niyang itinayo ang Kidron at naglagay roon ng mga bantay na kawal at mangangabayo, para ipagpatuloy ang pagsalakay sa Judea, gaya ng utos ng hari.

16 Umalis sa Gezer si Juan na anak ni Simon at iniulat sa kanyang ama ang ginawa ni Cendebeo. Sinabi ni Simon kina Juan at Judas, na dalawa niyang pinakamatandang anak, “Ang buong pamilya ng aking ama, ang aking mga kapatid, at ako ay nakipagdigma sa pagtatanggol sa Israel at marami kaming tagumpay na natamo sa hangaring iligtas ang ating bansa. Ako'y matanda na, ngunit salamat sa Diyos, kayo ay nasa kasibulan. Kailangang kayo ang pumalit sa akin at sa aking kapatid sa pakikipaglaban para sa ating bansa. At sumainyo nawa ang Diyos.”

Nagtipon si Juan ng 20,000 piling kawal na Israelita at mga mangangabayo, at lumabas sila upang harapin si Cendebeo. Sa Modein sila nagpalipas ng magdamag, at maagang-maaga pa kinabukasan ay tumuloy sila sa kapatagan. Sinalubong sila roon ng isang malaking hukbong sundalo at mangangabayo, subalit may nakapagitan sa kanila na isang ilog. Humanda si Juan at ang kanyang hukbo sa pakikipaglaban at humarap sa kalaban, ngunit nang makita niyang takot lumusong sa tubig ang kanyang mga kawal nauna siyang tumawid. Nang makita ito ng mga kawal, sumunod na sila. Hinati ni Juan ang kanyang hukbo at ipinagitna ang mga kabayuhan sapagkat mas marami ang mangangabayo ng kaaway. Inihudyat ng mga trumpeta ang pagsalakay at nalupig si Cendebeo at ang kanyang hukbo; maraming nasawi sa kanila. Ang natirang buháy ay tumakas na pabalik sa kanilang tanggulan sa Kidron. Si Judas ay nasugatan sa labanan, ngunit ang kapatid niyang si Juan ay humabol sa mga tumatakas na kaaway hanggang sa Kidron, ang lunsod na muling itinayo ni Cendebeo. 10 Ang iba pang tumatakas na mga kawal ay nagpunta sa mga tore sa bukirin ng Asdod. Sinunog ni Juan ang lunsod at nang araw na iyon, dalawang libong kawal ng kaaway ang nasawi. Si Juan ay ligtas na nagbalik sa Judea.

Pinatay si Simon at ang Dalawa Niyang Anak

11 Hinirang ni Simon na Pinakapunong Pari ang anak ni Abubo na si Tolomeo upang manguna sa hukbong nasa kapatagan ng Jerico. Napakayaman na ni Tolomeo 12 sapagkat siya'y manugang ni Simon, ang pinakapunong pari. 13 Ngunit lumabis ang kanyang paghahangad at nais pa niyang makuha ang bansa. Kaya umisip siya ng pakana para mapatay si Simon at ang mga anak nito. 14 Noo'y dumadalaw sa ilang lunsod si Simon, kasama ang mga anak niyang sina Matatias at Judas upang tingnan ang pangangailangan doon. Dumating sila sa Jerico noong ikalabing isang buwan ng taóng 177. 15 Pinatuloy sila ni Tolomeo sa maliit na muog ng Dok na ipinagawa niya. May balak pa rin siyang patayin si Simon at ang dalawang anak nito. Nagpahanda si Tolomeo ng isang malaking salu-salo para sa mag-aama, subalit may mga tauhan siyang nagkukubli sa muog. 16 Nang malasing si Simon at ang mga anak nito, lumabas si Tolomeo at ang kanyang mga tauhan, hawak ang kanilang tabak. Pumasok sila sa bulwagan ng handaan at pinatay si Simon at ang dalawang anak nito, pati ilang alipin. 17 Sa ganitong nakahihindik na kataksilan, kasamaan ang isinukli ni Tolomeo sa kabutihan.

18 Pagkatapos, isinulat ni Tolomeo ang kanyang ginawa at ipinadala sa hari. Sa sulat, hiniling niya na padalhan siya ng mga kawal para tulungan siya. Hiniling din niya na ibigay sa kanya ang bansa at mga lunsod. 19 Sinulatan din niya ang mga pinuno ng hukbo at inanyayahang sumama sa kanya at pinangakuang bibigyan sila ng pilak, ginto, at iba pang handog. Pagkatapos, pinapunta niya sa Gezer ang ilan niyang tauhan upang patayin si Juan. 20 Ang iba nama'y inutusan niyang sakupin ang Jerusalem at ang kaburulan ng Templo. 21 Subalit may isang nagtatakbo at nauna sa Gezer sa mga tauhan ni Tolomeo. Ibinalita nito kay Juan ang pagkakapatay sa kanyang ama't mga kapatid at ang pagpapasugo ni Tolomeo ng mga kawal upang siya naman ang patayin. 22 Nagulantang si Juan sa balitang iyon ngunit dahil sa nabigyan siya ng babala, naipahuli niya at naipapatay ang mga taong isinugo upang pumatay sa kanya.

23 Ang iba pang ginawa ni Juan mula nang palitan niya ang kanyang ama—ang kanyang mga pakikidigma, kabayanihan, pagpapaayos ng mga pader, at iba pang nagawa 24 ay nakasulat lahat sa aklat ng kanyang pamamahala bilang Pinakapunong Pari.

Ang Liham sa mga Judiong Nasa Egipto

Ang(CW) mga Judio sa Jerusalem at Judea ay bumabati sa kanilang mga kababayan sa Egipto,

“Hangad namin ang inyong lubos na kapayapaan!

“Pagpalain nawa kayo ng Diyos at alalahanin nawa niya ang kanyang tipan sa matatapat niyang lingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob. Bigyan nawa niya kayong lahat ng pusong masigasig sa pagsamba sa kanya at sa pagsunod nang buong puso at pagsang-ayon sa kanyang kalooban. Tulungan nawa niya kayo na maunawaan ang kanyang mga utos, at pagkalooban nawa niya kayo ng kapayapaan. Dinggin nawa ng Diyos ang inyong mga dalangin at patawarin ang inyong mga pagkakasala. Nawa'y huwag niya kayong hiwalayan sa panahon ng kahirapan. Dito(CX) sa Juda, kayo'y aming idinadalangin ngayon.

“Noong taong 169, nang si Demetrio II ang naghahari sa Siria, sumulat kami sa inyo sapagkat noon ay dumating sa amin ang kahirapan at pag-uusig. Naranasan namin ang lahat ng ito mula nang si Jason at ang kanyang mga kapanalig ay maghimagsik laban sa Lupaing Banal at sa kaharian. Sinunog nila ang mga pintuan ng Templo at pinatay ang mga taong wala namang kasalanan. Ngunit kami ay tumawag sa Panginoon at dininig naman niya ang aming panalangin, kaya't kami ay nag-alay ng handog na hayop at harina, nagsindi ng mga ilawan, at naghain ng tinapay sa altar. Ngayon ay ipinapaalala namin sa inyo na ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda sa ikasiyam na buwan. Isinulat ito ngayong taóng 188.”

Ang Sulat kay Aristobulo

10 “Ang mga taga-Jerusalem at taga-Judea, ang Senado, at si Judas, ay bumabati kay Aristobulo na tagapayo ni Haring Tolomeo at mula sa angkan ng mga hinirang na pari. Binabati rin namin ang mga Judio sa Egipto. Nawa'y patuloy na maging masagana ang inyong buhay.

11 “Nagpapasalamat kami sa Diyos sa pagliligtas niya sa amin sa panganib at pamamatnubay sa aming pakikidigma laban sa hari. 12 Siya ang nagpalayas sa mga nangahas lumusob sa banal na lunsod. 13 Nang(CY) dumating sa Persia si Haring Antioco, kasama ang isang hukbong parang hindi matatalo, sila'y pinatay at pinagputul-putol sa Templo ng diyosang si Nanea. Ito'y isinagawa ng mga tusong pari ng diyosa. 14 Si Antioco ay pumunta sa Templo kasama ang mga tagapayo niya at nagkunwang pakakasal sa diyosa upang makamkam ang kayamanan doon bilang regalo sa kanilang pag-iisang-dibdib. 15 Nang mailabas ng mga pari ang mga kayamanan, pumunta sa templo si Antioco at ang mga kaibigan niya para kunin ang mga iyon; ngunit nang nasa loob na sila, isinara ng mga pari ang mga pinto. 16 At isang lihim na lagusan sa kisame ang kanilang binuksan at mula roo'y binato nila ang mga panauhin hanggang sa mamatay. Pinagputul-putol nila ang mga bangkay at inihagis ang mga ulo sa labas. 17 Purihin ang ating Diyos na naglalapat ng parusa sa mga lapastangan.

Tinanggap ang Handog ni Nehemias

18 “Sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, ipagdiriwang namin ang pagdalisay sa Templo, kaya naisip naming balitaan kayo, upang ipagdiwang naman ninyo ang Pista ng mga Tolda at inyong maalala ang paglitaw ng apoy na tumupok sa inialay na handog ni Nehemias matapos na muli niyang itayo ang Templo at ang altar. 19 Nangyari ito noong panahong bihagin sa Persia ang ating mga ninuno. Ang mga tapat na pari noong panahong iyon ay kumuha ng apoy sa altar at itinago ito sa isang tuyong balon nang walang nakakaalam. 20 Lumipas ang mga taon, at niloob ng Diyos na si Nehemias ay mapag-utusan ng hari ng Persia na hanapin ang nawawalang apoy na iyon. Mga salinlahi ng mga paring nagtago ng apoy ang isinugo ni Nehemias para hanapin ang nasabing apoy. Ibinalita nila sa aming wala nang apoy sa balon kundi putik lamang. Iniutos ni Nehemias sa mga pari na kumuha ng putik na iyon 21 at ibuhos sa handog sa altar at sa kahoy na kinapapatungan nito. 22 Ginawa nga nila ito, at paglitaw ng araw na noo'y natatakpan ng ulap, isang malaking siga ang sumiklab sa ibabaw ng altar. Namangha ang lahat sa kanilang nasaksihan. 23 Habang natutupok ang handog, pinangunahan sila ni Jonatan sa pananalangin at tumugon naman si Nehemias at ang mga tao.

Ang Panalangin ni Nehemias

24 “Ganito ang panalangin ni Nehemias:

‘Panginoon naming Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay; kahanga-hanga ka, makapangyarihan, makatarungan at mahabagin. Ikaw lamang ang hari. Ikaw lamang ang mahabagin, 25 makatarungan at makapangyarihan. Ikaw ang walang hanggang tagapagligtas ng Israel. Ikaw ang humirang at nagpala sa aming mga ninuno. 26 Tanggapin mo ang handog naming ito para sa Israel. Ingatan mo at pabanalin ang iyong bansang pinili. 27 Tipunin mo po ang nagkawatak-watak na mga Judio, na inalipin ng mga Hentil. Kahabagan mo po ang mga kinamumuhian at inaapi, upang malaman ng mga Hentil na ikaw ang aming Diyos. 28 Parusahan mo ang labis na nagpapahirap sa amin at nagmamalaki pa sa pag-api sa amin. 29 At gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ni Moises, itatag mo ang iyong bansa sa iyong lupang banal.’

Nabalitaan ng Hari ng Persia ang tungkol sa Apoy

30 “Pagkatapos manalangin, ang mga pari ay nag-awitan. 31 Natupok nga ang handog, ngunit may natira pang putik na buhat sa balon, kaya't iniutos ni Nehemias na ibuhos ito sa malalaking bato. 32 Pagkabuhos, isang malaking ningas ang sumiklab, ngunit mas maliwanag pa rin ang ningning ng liwanag buhat sa altar.

33 “Nabalitaan ito ng mga tao at umabot din sa kaalaman ng hari ng Persia. 34 Ang dakong pinagkunan ng putik na ginamit ni Nehemias at ng mga kasamahan niya para sunugin ang handog ay pinabakuran ng hari ng Persia, at ipinahayag niyang banal ang pook na iyon. 35 Malaking salapi ang kinikita ng dakong iyon, at sinumang naisin ng hari ay hinahatian niya sa kinikita. 36 Neftar ang itinawag nina Nehemias sa putik na iyon, na ang kahulugan ay ‘paglilinis,’ ngunit tinatawag itong nafta[bi] ng karamihan.

Itinago ni Jeremias ang Tolda

“Sa talaan ng kasaysayan ay mababasa na hindi lamang inutusan ni Propeta Jeremias ang mga dinalang-bihag na magdala ng apoy na nabanggit. Itinuro din niya sa kanila ang Kautusan at pinaalalahanan sila na maaaring mailigaw ang kanilang isipan kapag nakita nila ang mga napapalamutiang mga rebultong pilak at ginto. Sinabi niya na mag-ingat sila upang huwag mapalayo sa utos ng Diyos.

“Nakatala rin sa kasaysayang iyon na, dahil sa utos ng Diyos, ipinag-utos ng propeta na dalhin kasunod niya ang Toldang Tagpuan at ang Kaban ng Tipan. Pagkatapos, humiwalay siya at umakyat sa bundok na inakyat ni Moises upang matanaw ang lupang pangako. Sa bundok ay nakakita si Jeremias ng isang yungib at doon niya dinala ang Tolda, ang Kaban ng Tipan at ang altar na sunugan ng insenso. Tinakpan niya ang yungib matapos maipasok ang mga dala niya.

“May ilan siyang kasamahan na nagtangkang sumunod sa kanya para tandaan ang landas na kanyang dinaanan, ngunit hindi nila matunton iyon. Nalaman ni Jeremias ang kanilang ginawa at nagalit siya. Sinabi niya, ‘Ang pook na iyon ay hindi ninyo dapat malaman hanggang hindi natitipong muli ng Diyos ang kanyang mga lingkod at hanggang sila'y hindi niya kinahahabagan. Kapag(CZ) sila'y natipon na, saka pa lamang niya iyon ipapaalam, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay makikita sa alapaap tulad sa kapanahunan ni Moises, at gaya din noong manalangin si Solomon at hilingin niyang dakilain at pabanalin ng Diyos ang dakong iyon.’

Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista

“Nabanggit din sa kasaysayan na ang matalinong si Haring Solomon ay nag-alay ng handog nang maganap ang pagtatalaga sa nayaring templo. 10 Nakatala rin sa kasaysayan na pagkatapos niyang manalangin, bumabâ ang apoy mula sa langit at tinupok ang kanyang handog, tulad ng nangyari nang si Moises ay manalangin noong unang panahon. 11 Noo'y sinabi ni Moises, ‘Natupok ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan sapagkat hindi ito kinakain.’ 12 Walong araw ding ipinagdiwang ni Solomon ang Pista.

Ang Aklatan ni Nehemias

13 “Ang mga pangyayaring ito'y nababanggit din sa talaang bayan at sa pansariling talaan ni Nehemias. Nagtayo si Nehemias ng isang aklatan at doo'y tinipon niya ang mga aklat tungkol sa hari, at ang mga sinulat ng mga propeta at ni David; mayroon pang mga sulat buhat sa palasyo tungkol sa mga banal na handog. 14 Tinipon naman ni Judas ang mga aklat na nagkahiwa-hiwalay dahil sa digmaan, kaya mayroon tayo ngayong mga sipi ng mga iyon. 15 Magpadala lamang kayo ng kukuha, kung inyong kakailanganin ito.

Ang Pagdiriwang ng Pagdalisay ng Templo

16 “Malapit(DA) na ang pagdiriwang ng pagdalisay sa Templo kaya kami'y sumulat sa inyo upang ipaalala na ipagdiwang din ninyo ito. 17 Ang Diyos ang nagligtas sa kanyang mga lingkod at siya rin ang nagbigay na muli sa atin ng lupaing banal, ng ating kaharian, ng paglilingkod sa kanya bilang pari, at ng pagsamba sa templo 18 ayon sa ipinangako niya sa kautusan. Tayo'y iniligtas niya sa napakalaking kapahamakan at kanyang pinadalisay ang banal na templo. Kaya nagtitiwala kami sa Diyos na siya'y mahahabag sa atin, at sa lalong madaling panahon ay titipunin sa kanyang dakong banal ang lahat niyang mga lingkod, saanman sila naroon.”

Pambungad na Pananalita ng May-akda

19 Ito ang kasaysayan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid, na itinala ni Jason ng Cirene sa limang sulat. Kasama rin dito ang ulat tungkol sa pagdalisay sa templo, ang pagtatalaga ng altar, 20 ang pakikibaka laban kay Antioco Epifanes at sa anak nitong si Eupator, 21 at ang pangitain ng kalangitan na nakita ng mga bayaning nagtanggol sa pananampalatayang Judio. Totoong iilan nga sila, subalit naagaw nila sa mga kaaway ang buong lupain at napalayas nila ang mga Hentil. 22 Nabawi nila ang templong naging bantog sa daigdig. Sila rin ang nagpalaya sa lunsod ng Jerusalem at nagpaalala tungkol sa mga kautusang halos hindi na sinusunod. Hindi ipinagkait ng Panginoon ang kanyang tulong sa kanila.

23 Napakahaba ng kasaysayang ito na sinulat ni Jason sa kanyang limang aklat, ngunit sisikapin kong mailagay sa isa lamang aklat. 24 Ang sinumang naghahangad umunawa ng kasaysayang ito ay lubhang mahihirapan dahil sa napakaraming pangyayaring iniuulat. 25 Kaya't sisikapin kong ayusin upang hindi ito mahirap basahin, at para madaling sauluhin ng sinumang nais magsaulo nito. 26 Hindi magaang gampanan ang gawaing ito; nakakapagod ito at madalas kang puyat. 27 Katulad ko'y isang naghahanda ng malaking salu-salo na nais dulutan ng kasiyahan ang lahat. Ngunit sa ikasisiya ng madla, handa akong magtiis ng hirap. 28 Sa gagawin kong ito'y hindi ko sisikaping ilahad ang maliliit na sangkap ng salaysay ng unang sumulat, kundi iyon lamang buod ng mga pangyayari. 29 Ang arkitekto'y nag-uukol ng pansin sa buong gusali, subalit binibigyang-pansin lamang ng nagpapalamuti ang mga kailangang pagandahin. At ganito nga ang aking gagawin. 30 Ang mananalaysay ay nagsasaliksik at nagsisiyasat nang lubusan bago isulat ang kasaysayan. 31 Ngunit ang naglalahad lamang ng buod ng isang kasaysayan ay dapat bigyang laya na paikliin ang salaysay. 32 Ngayon nga'y magsisimula na ako. Sapat na ang pambungad na pananalitang ito, sapagkat hindi makatarungan na pahabain ang pasimula ng isang pinaikling kasaysayan.

Nagtalo si Onias at si Simon

Noong si Onias ang Pinakapunong Pari sa Jerusalem, naghari sa banal na lunsod ang ganap na katahimikan, at ang mga utos ng Diyos ay matapat na sinunod ng mga tao. Ito'y sa dahilang si Onias ay isang taong mahigpit na kalaban ng kasamaan. Kahit ang mga hari ng Siria at Egipto ay gumalang sa Templo, at bilang pagpaparangal ay nagpadala sila roon ng mahahalagang kaloob. Sa katunayan, si Seleuco na hari ng buong Asia ang nagbibigay ng lahat ng panustos ng Templo sa pagsamba at paghahandog sa Diyos. Kinukuha niya ito sa mga nalilikom niyang buwis.

Ngunit ang ganitong kalagayan ay hindi nagtagal. Isang nagngangalang Simon, mula sa lipi ni Benjamin,[bj] ang nakaaway ng Pinakapunong Pari. Si Simon, na siyang tagapamahala sa Templo, at si Onias, na Pinakapunong Pari, ay hindi nagkaunawaan tungkol sa patakaran sa pamilihang bayan. Alam ni Simon na hindi siya mananalo kay Onias, kaya't nagpunta siya kay Apolonio na anak ni Tarseo at gobernador noon sa Celesiria at Fenicia. Nagsumbong si Simon kay Apolonio tungkol sa napakalaking kayamanang nasa Jerusalem. Ang kayamanan at salapi roon ay hindi mabibilang. Ayon sa kanya, labis-labis iyon sa kinakailangan para sa paghahain, kaya't maaaring angkinin ng hari.

Isinugo si Heliodoro sa Jerusalem

Pagkarinig ni Apolonio sa ulat ni Simon, kaagad siyang nakipagkita sa hari at ibinalita ang tungkol sa kayamanang iyon. Isinugo agad ng hari ang kanyang punong tagapagpaganap na si Heliodoro at inutusang samsamin ang kayamanang iyon. Umalis si Heliodoro ngunit hindi nagpahalata ng tunay niyang pakay sa pag-alis. Ang ginawa niyang dahilan ay ang pagdalaw sa mga lunsod ng Celesiria at Fenicia. Dumating siya sa Jerusalem at doon ay malugod na pinatuloy ng Pinakapunong Pari. Tinanong ni Heliodoro kung totoo ang balitang tinanggap ng hari tungkol sa kayamanang nasa Templo. 10 Ipinaliwanag naman ni Onias na ang labis na salapi roon ay halagang nakalaan para sa mga biyuda at mga ulila. 11 Kasama rin sa salaping naroon ang kayamanan ni Hircano na anak ni Tobias na may mataas na katungkulan. Sinabi niya na ang ulat ng sinungaling na si Simon ay hindi totoo, sapagkat ang kabuuan lamang ng salaping nasa kaban ay 14,000 kilong pilak at 7,000 kilong ginto. 12 Sinabi pa niyang ni sa isipa'y di dapat pagsamantalahan ang mga taong naglagak ng pagtitiwala sa banal na pook at sa di mapag-aalinlanganang kabanalan ng Templong tanyag sa buong daigdig.

13 Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito. 14 Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod. 15 Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo. 16 Nabagbag ang kalooban ng bawat makakita sa Pinakapunong Pari, sapagkat sa mukha niya'y nababakas ang labis na pagdaramdam. 17 Nanginginig siya sa takot at makikitang labis na nasasaktan ang kanyang kalooban. Halatang-halata ang pagkabalisang namamayani sa katauhan ng Pinakapunong Pari. 18 Nang mabalitaan ito ng mga tao, lumabas sila sa kanilang mga tahanan at pangkat-pangkat na tumawag sa Diyos. Nakita nila ang napipintong paglapastangan sa banal na dako. 19 Nagsisiksikan sa lansangan ang mga babaing may mga damit-panluksa. Ang mga dalagang dati-rati'y hindi pinalalabas ng bahay ay nakita ng madla; may tumakbong papunta sa mga pintuan, at may nagtipun-tipon sa tabi ng mga pader ng lunsod; ang iba'y nanonood lamang mula sa bintana ng kanilang mga tahanan. 20 Nakataas ang mga kamay ng lahat na dumadalangin sa Diyos. 21 Nakasubsob sa lupa ang mukha ng bawat isa at kalunus-lunos tingnan, lalo't kung makikita ang kahabag-habag na anyo ng Pinakapunong Pari.

Namagitan ang Panginoon

22 Habang nananalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan sa lahat upang ingatan ang nakalagak na salapi, 23 patuloy naman si Heliodoro sa pagsasagawa ng binabalak. 24 Ngunit nang siya at ang kanyang mga tauha'y papalapit na sa kabang-yaman, nagpakita ng isang nakakatakot na pangitain ang Panginoon ng lahat ng espiritu at kapangyarihan. Lahat ng naglakas-loob na sumama kay Heliodoro ay hinimatay sa takot dahil sa ipinakitang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa pangitain ay lumitaw ang isang kabayong nagagayakan para lumaban. Nakakatakot ang anyo ng sakay nito at nakasuot ng gintong baluti. Biglang sumugod ang kabayo at dinamba si Heliodoro. 26 Dalawa pang bihis na bihis, makisig at matipunong binata ang humarap sa kanya. Tumayo ang isa sa kaliwa niya at ang isa nama'y sa kanan, at hindi siya tinigilan nang kagugulpi. 27 Nang bumagsak si Heliodoro at nawalan ng malay, binuhat siya ng kanyang mga tauhan at inilagay nila sa isang higaan. 28 Ang lalaking kanina lamang ay pumasok sa Templo para lusubin ang kabang-yaman, kasama ang kanyang mga tauhan, ngayon ay inilabas na walang malay-tao. Dahil doo'y hayagan nilang[bk] kinilala ang kapangyarihan ng Diyos.

Ipinanalangin ni Onias si Heliodoro

29 Sa gayong kalagayan, wala nang pag-asang makabangon pa si Heliodoro dahil sa ginawang paghadlang sa kanya ng Diyos. 30 Samantala, pinuri naman ng mga Judio ang Panginoon sa kababalaghang ginawa niya sa kanyang Templo. Ang takot at pangamba ay napalitan ng tuwa at kagalakan dahil sa pagkilos ng makapangyarihang Panginoon.

31 Dahil sa nangyaring ito, naglakas-loob ang ilang kasama ni Heliodoro na lumapit kay Onias. Hiniling nila na ipanalangin sa Kataas-taasang Diyos na loobing si Heliodoro ay mabuhay. 32 Upang huwag akalain ng hari na may kinalaman ang mga Judio sa sinapit ni Heliodoro, naghandog si Onias sa Panginoon upang iyon ay gumaling. 33 Habang naghahandog ang Pinakapunong Pari, lumitaw na naman sa harapan ni Heliodoro ang dalawang kabataang gayon pa rin ang kasuotan. “Dapat kang magpasalamat sa Punong Paring si Onias,” wika ng dalawa. “Siya ang nanalangin sa Panginoon kaya ka nabuhay. 34 Ang Diyos ang nagparusa sa iyo, kaya kailangang sabihin mo sa mga tao ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.” Matapos masabi ito, ang dalawa'y naglaho.

Ang Patotoo ni Heliodoro

35 Bilang pagtanaw ng utang na loob, si Heliodoro ay naghandog sa Panginoon at gumawa ng panata sa tagapagligtas ng buhay niya. Matapos niyang tupdin ito, siya'y nagpaalam kay Onias, at nagbalik sa hari kasama ang kanyang mga tauhan. 36 Pinatotohanan niya sa harap ng madla ang nakita niyang mga ginawa ng Kataas-taasang Diyos.

37 Tinanong ng hari kay Heliodoro kung sino sa akala niya ang dapat na ipadalang sugo sa Jerusalem, at sumagot siya, 38 “Kung may kaaway po kayo o may sinumang laban sa inyong pamahalaan, siya ang inyong ipadala. Makikita ninyo na kung makakabalik pa siyang buháy, siya'y nasa kalagayang hindi na makakalaban pa. Mayroon pong banal na kapangyarihan doong magpaparusa sa kanya. 39 Ang Diyos sa kalangitan ang nangangalaga sa pook na iyon, at sinumang mangahas manakit doon ay napapahamak.” 40 Ito ang ulat ng kasaysayan ni Heliodoro at kung paano iningatan ang kayamanan sa Templo.

Si Onias ay Nanawagan sa Hari

Si Simon, na nabanggit na noong una na siyang nagsumbong sa hari tungkol sa labis-labis na kayamanan sa templo, ay gumawa na naman ng pagmamalabis. Pinaratangan niyang si Onias ang nagbanta kay Heliodoro at siya ring pinagmulan ng sinapit nitong kapahamakan. Pinagbintangan niya ng paghihimagsik si Onias, na kilalang mapagkawanggawa sa lunsod, tagapagtanggol ng mga kababayan at matapat sa pagtupad ng mga utos ng Diyos. Naging malubha ang alitan, at ang mga tauhan ni Simon ay pumapatay na. Ang paglakas ng panig ng mga sumasalungat ay nadama na ni Onias, sapagkat kasabwat na rin ni Simon pati si Apolonio na anak ni Menesteo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia. Kaya't nagpunta siya sa hari, hindi upang paratangan ang mga kababayan niya kundi upang makiusap para sa kapakinabangan ng lipunan at ng bawat mamamayan. Naisip niyang gawin ito sapagkat kung hindi mamamagitan ang hari, tiyak niyang hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa at hindi titigil si Simon sa kanyang pag-abuso.

Ang Maling Pangunguna ni Jason

Sa(DB) kasamaang palad, namatay si Haring Seleuco, at si Antioco na tinatawag ding Epifanes ang siyang humalili dito. Inagaw naman ni Jason ang pagiging Pinakapunong Pari mula sa kanyang kapatid na si Onias sa pamamagitan ng masamang paraan. Lumapit[bl] ito sa bagong hari at nangakong magbibigay dito ng halagang 12,600 kilong pilak at hahanap pa siya ng ibang pagkukunan para madagdagan pa ng 2,800 kilo. Hindi lamang ito, nangako pa rin si Jason ng karagdagang 11,250 libra, kung bibigyan siya ng pahintulot na magtayo ng isang palaruan at bumuo ng samahan ng mga kabataang manlalaro; nais din niyang gawing mamamayan ng Antioquia ang mga taga-Jerusalem.

10 Sumang-ayon ang hari. Kaya't pag-upo ni Jason bilang Pinakapunong Pari, agad niyang sinimulang akitin ang kanyang mga kababayan na umayon sa pamumuhay Griego. 11 Pinawalang-saysay(DC) niya ang mga tanging karapatang ipinagkaloob ng hari sa mga Judio noong panahon ni Juan, ama ni Eupolemo. Si Eupolemo ang sugong nagtagumpay na makuha ang kasunduan ng pagkakaibigan ng mga Judio at ng mga taga-Roma. Pinalitan ni Jason ang umiiral na batas at ang inihalili'y mga kaugaliang salungat sa Kautusan. 12 Ipinagawa niya agad ang palaruan at doon niya ito ipinatayo sa paanan ng tanggulang tinatawag na Acropolis. Pinagsuot niya ang mga piniling kabataang Judio ng sumbrerong Griego na gamit sa paglalaro. 13 Mula noon, ang pamumuhay Griego at mga kaugaliang dayuhan na ang kinahumalingan ng marami. Ito'y bunga ng labis na kasamaan ng mapagpanggap na paring si Jason. 14 Wala nang paring naghangad na maglingkod sa altar. Ang templo at ang paghahandog ay pinabayaan na rin at ang kinahumalingan ay ang pagsasanay para sa palakasan upang makasali sa mga paligsahang hindi ayon sa Kautusan ng Diyos. 15 Ang mga bagay na pinarangalan ng kanilang mga ninuno ay itinakwil nila, at ang pinahalagahan ay ang mga bagay na itinuturing na dakila ng mga Griego. 16 Subalit hindi ito nakabuti sa kanila, sapagkat naging kaaway nila ang mga taong nais nilang tularan sa kilos at pag-uugali. Binusabos sila ng mga ito. 17 Tunay ngang ang paglapastangan at paglabag sa Kautusan ng Diyos ay nagbubunga nang di mabuti. Patutunayan ito ng sumusunod na mga pangyayari.

Ang Jerusalem sa Pamamahala ng Siria

18 Sa lunsod ng Tiro ay may idinaraos na paligsahang pampalakasan. Ginaganap ito tuwing ikalimang taon[bm] at pinanonood ito ng hari. 19 Samantalang idinaraos ito, ang tusong si Jason ay nagpadala ng mga sugo bilang kinatawan ng samahan ng mga Judiong naging mamamayan ng Antioquia. Nagdala sila ng 22,500 librang pilak para gugulin sa paghahandog sa diyus-diyosang si Hercules. Naisipan ng mga sugo na hindi tamang gastusin ang ganito kalaking halaga para sa paghahandog, 20 kaya't sa ibang bagay nila ito iniukol. Sa halip na ihandog kay Hercules, ang salapi ay ginugol nila sa pagpapagawa ng mga sasakyang-dagat na pandigma.

21 Nang si Apolonio na anak ni Menesteo ay ipadala sa Egipto bilang kinatawan sa idaraos na pasinaya sa pagluklok ni Filometor bilang hari, nalaman ni Antioco na ang bagong hari ay laban sa kanyang mga patakaran. Nabahala siya, kaya't nagpunta siya sa Joppa at mula roo'y nagtuloy sa Jerusalem. 22 Malugod siyang tinanggap ni Jason at ng buong lunsod na pawang may dalang sulo sa kanilang pagdiriwang. Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, isinama niya ang kanyang hukbo at pinasok nila ang Fenicia.

Pinalitan ni Menelao si Jason Bilang Pinakapunong Pari

23 Lumipas ang tatlong taon at ipinatawag ni Jason si Menelao na kapatid ni Simon. Inutusan niya itong magdala ng salapi sa hari at tuloy sumangguni dito tungkol sa ilang mahahalagang bagay. 24 Pagdating sa palasyo'y ipinakilala siya sa hari, at pinapaniwala niya ito sa taglay niyang kakayahan at kapangyarihan. Inalok niya ang hari ng napakalaking halaga—10,500 kilong pilak ang kahigitan sa ibinigay ni Jason—kaya't naagaw niya rito ang pagka-Pinakapunong Pari. 25 Bumalik siya sa Jerusalem taglay ang tungkuling ito na pinagtibay ng hari, ngunit wala naman siyang kakayahan; ang taglay niya'y kabagsikan at pagiging asal-hayop. 26 Kaya't si Jason, na nagtaksil sa sariling kapatid ay pinagtaksilan din ng ibang tao. Sa takot niya, nagtago siya sa lupain ng mga Ammonita.

27 Nagpatuloy si Menelao sa pagiging Pinakapunong Pari ngunit sinira niya ang kanyang pangako sa hari na babayaran niya ito. 28 Si Sostrat na namamahala sa kuta at tagapaningil ng buwis ang naatasang maningil kay Menelao, ngunit kahit anong paniningil ni Sostrat ay walang nangyari. Dahil sa pagkukulang na ito, silang dalawa'y ipinatawag ng hari. 29 Agad lumakad si Menelao at iniwan sa kanyang kapatid na si Lisimaco ang pansamantalang tungkulin ng Pinakapunong Pari. Si Sostrat nama'y lumakad din at iniwan naman ang pamamahala sa kuta kay Crates na pinuno ng mga upahang kawal sa Cyprus.

Pinaslang si Onias

30 Ang mga lunsod ng Tarso at Mallo ay ibinigay ng hari sa kanyang kinakasamang si Antioquis. Sa galit ng mga mamamayan, sila ay naghimagsik. 31 Nang malaman ito ng hari, hindi siya nag-aksaya ng panahon. Iniwan niya ang pamamahala ng kaharian kay Andronico, isa sa kanyang punong katiwala at nagmamadaling nagpunta sa nagkakagulong mga lunsod upang payapain ang mga tao. 32 Ang pagkakataong ito'y sinamantala naman ni Menelao. Ninakaw niya ang ilang mga kagamitang ginto sa templo at ipinagmagandang-loob kay Andronico. Bago niya ginawa ito'y may mga ibang kagamitan siyang naipagbili na sa Tiro at mga karatig-lunsod. 33 Nang malaman ito ni Onias, nagtago siya sa Dafne, malapit sa Antioquia at doo'y ibinunyag niya sa madla ang ginawang pagsasamantala ni Menelao. 34 Sa(DD) galit naman ni Menelao, lihim nitong kinausap si Andronico at inudyukang patayin si Onias. Pinuntahan nga ni Andronico si Onias at hinimok siyang lumabas na sa kanyang pinagtataguan. Sa simula'y naghinala si Onias, subalit sa pamamagitan ng mga sinumpaang pangako'y napasang-ayon ding lumabas si Onias; at siya'y walang awang pinatay ni Andronico.

Pinarusahan si Andronico

35 Sa nangyaring ito'y nagalit at nagluksa hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang ibang mga bansa dahil sa walang katarungang pagpatay kay Onias. 36 Nang dumating ang hari buhat sa Cilicia, pinuntahan agad siya ng mga Judiong taga-Antioquia at nagharap sila ng demanda tungkol sa nangyari. Sumama rin ang mga Griego na nagalit din sa nangyaring pagpatay kay Onias. 37 Gayon na lamang ang kalungkutan ni Antioco. Nahabag siya at tumangis lalo na nang magunita ang napakagandang pag-uugali ni Onias. 38 Sa galit ni Antioco, pinunit niya ang kanyang maharlikang kasuotan hanggang sa siya'y mahubaran. Sa ganitong ayos, si Andronico ay ipinarada sa lunsod hanggang sa dakong pinagpatayan niya kay Onias. Pagdating doon, pinatay rin siya at sa gayo'y tinanggap niya ang kaukulang parusang niloob ng Panginoon.

Pinatay si Lisimaco

39 Si Lisimaco naman ay nakikipagsabwatan kay Menelao sa maraming pagnanakaw sa lunsod. Nabalitaan ng mga tao na marami nang kasangkapang ginto ang nawawala sa templo, kaya agad silang nagtipun-tipon at pinuntahan si Lisimaco. 40 Sa galit nila'y hindi naiwasang di magkagulo kaya't nagkaroon ng dahilan si Lisimaco para harapin sila. Kumuha siya ng tatlong libong tauhan at nilusob ang mga tao sa pangunguna ng malupit at tumatanda nang si Aurano. 41 Lumaban ang mga tao. Anumang mahagip—bato, kahoy o dakut-dakot na abo mula sa altar—ay ipinupukol nila sa nalilitong si Lisimaco at sa kanyang mga tauhan. 42 Marami ang nasaktan, at may ilan pa sa mga tauhan ni Lisimaco ang napatay. Sa takot ng iba'y tumakas na sila. Ang magnanakaw ng mga banal na kagamitan na si Lisimaco ay napatay malapit sa kabang-yaman.

Nilitis si Menelao

43 Dahil sa nangyaring ito, si Menelao ay isinakdal ng mga mamamayan. 44 Kaya't nang dumating sa Tiro ang hari, nagsugo roon ang Senado ng mga Judio ng tatlong kinatawan upang magharap sa hari ng sakdal laban kay Menelao. 45 Nakita ni Menelao na wala siyang panalo, kaya't sinuhulan niya ng malaking halaga si Tolomeo na anak ni Dorimenes para himuking pumanig sa kanya ang hari. 46 Ang hari ay ipinasyal ni Tolomeo sa liwasan para sumagap ng sariwang hangin. Nahimok nga niyang magbago ng isip ang hari. 47 Dahil dito, si Menelao ay pinatawad ng hari sa halip na parusahan. Ang pinarusahan pa ng kamatayan ay ang tatlong walang kasalanang sugo, na kung ang malulupit na Escita ang lumitis sa kanila ay tiyak na makakalaya. 48 Iyon ang sinapit ng mga nagmamalasakit sa lunsod, sa kapakanan ng mga mamamayan,[bn] at alang-alang sa dangal ng mga sagradong kagamitan. 49 Ilan sa mga taga-Tiro ang nagalit sa pangyayaring ito; binigyan nila ng isang maringal na libing ang mga sugo. 50 Dahil sa mga gahaman sa kapangyarihan, si Menelao ay nanatili sa tungkulin. Naging masama siyang higit kaysa dati, at naging utak ng kapahamakan ng mga kababayan niya.

Mga Pangitain ng Isang Labanan

Halos kasabay ng pangyayaring ito ang ikalawang pagsalakay ni Antioco IV sa Egipto. Apatnapung araw na may pangitaing nakikita sa kalangitan ang mga taga-Jerusalem. Sa pangitain ay may nakikitang mga mangangabayo na lumulusob sa papawirin; nakasuot sila ng mga ginintuang baluti. Ang mga mangangabayo ay may mga nakaambang sibat at tabak. Nakahanay sila nang magkaharap; sila-sila'y naglalaban-laban. Nagkikintaban ang mga kalasag at mga sibat nila. Nagliliparan ang mga palaso. Nagkikislapan ang mga ginintuang baluti at lahat ng uri ng kanilang sandata. Lahat ng nakasaksi nito'y nanalanging nawa'y nagpapahiwatig ito ng magandang hinaharap.

Ang Pagkamatay ni Jason

Kumalat ang maling balita na si Antioco ay patay na, kaya't si Jason ay nagtipon ng 1,000 kawal at naglunsad ng biglaang pagsalakay sa lunsod. Walang nagawa ang nagtatanggol ng pader. Sila ay umurong kaya't nakuha ang lunsod. Nagkubli si Menelao sa kuta, habang patuloy naman ang pagpatay ni Jason sa kanyang mga kababayan. Hindi man lang niya naisip na ang pang-aapi sa sariling kababayan ay magkakaroon ng pinakamasaklap na bunga. Ang tanging hangad niya ngayon ay maging tanyag at magtagumpay kahit ang sariling mga kababayan ang kalabanin. Ang wakas ng ginawa niya'y malaking kahihiyan. Sa kabila ng lahat, hindi rin siya nagtagumpay sa pag-agaw sa pamamahala. Sa halip ay napilitan siyang tumakas na muli at magtago sa lupain ng mga Ammonita. Walang kinahinatnan ang kanyang masamang balak kundi pawang kabiguan lamang. Kahabag-habag ang naging wakas ng kanyang buhay. Ipinakulong siya ni Aretas, hari ng mga Arabo. Siya'y ibinilang na isang kriminal at tinugis ng lahat, kaya't nagtago sa iba't ibang lunsod. Kinamuhian siya dahil sa pagsuway niya sa kautusan at sa pagtataksil niya sa kanyang sariling bayan. Nagtago siya sa Egipto, at mula roo'y tumawid ng dagat at nagpunta sa Esparta sa pag-asang siya'y ipagsasanggalang doon dahilan sa kaugnayan ng mga Judio at mga taga-Esparta. Ang taong ito, na naging sanhi ng pagkakatapon sa malalayong lupain ng marami niyang kababayan ay sa malayong bayan namatay. 10 Marami siyang napatay at ni hindi niya ipinalibing; ngayong namatay siya ay hindi man lamang ipinagdalamhati ninuman. Hindi siya binigyan ng maayos na libing o kaya'y ipinalibing sa piling ng kanyang mga ninuno.

Nilusob ni Antioco ang Jerusalem(DE)

11 Nang mabalitaan ito ng hari, akala niya'y naghihimagsik na ang mga taga-Judea. Kaya't mula sa Egipto'y nagsama siya ng hukbo, at parang mabangis na hayop na sinalakay niya ang Jerusalem. 12 Iniutos niya sa mga kawal na huwag maaawa sa mga mamamayan; lahat ng matagpuan sa lansangan o kaya'y nagtatago sa mga tahanan ay pagtatagain at patayin. 13 Matanda't bata'y walang kinaawaan. Mga babae, mga bata, mga dalaga at kahit batang pasusuhin pa ay kanilang pinaslang. 14 Sa loob ng tatlong araw, 80,000 tao ang nasawi sa Jerusalem—40,000 rin ang pinatay agad at 40,000 naman ang ipinagbili bilang alipin.

15 Hindi pa nasiyahan ang hari; pinasok din niya ang pinakabanal na Templo sa buong daigdig, sa pangunguna ng taksil na si Menelao. 16 Walang iginalang ang hari sa loob ng Templo. Kinuha ng marumi niyang kamay ang mga banal na sisidlan at ang makasalanan ding kamay na iyon ang lumimas ng lahat ng handog ng mga hari para sa karangala't ikadadakila ng templong iyon. 17 Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala. 18 Kung hindi nga lamang maraming kasalanan ang mga taga-Jerusalem, marahil si Antioco'y pinarusahan agad ng Diyos bago niya nagawa ang kalapastanganang iyon. Dapat sana'y nangyari din sa kanya ang nangyari kay Heliodoro, na isinugo ng hari para magsiyasat sa kabang-yaman, subalit pinarusahan ng Diyos kaya hindi nagtagumpay sa kanyang masamang balak. 19 Ngunit ang pinipili ng Panginoon ay ang lugar para sa mga tao at hindi ang mga tao para sa lugar. 20 Kaya't nadamay ang Templo sa kapahamakang sumapit sa mga tao. Gayon pa man, ang mga tao ay nakahati rin sa naging pagtatagumpay ng bansa. Ang Templong pinabayaan ng Makapangyarihang Diyos sa panahon ng kanyang galit ay maluwalhating naibalik sa dating kadakilaan nang mapawi ang poot niya.

Muling Sinalakay ang Jerusalem

21 Kinuha ni Antioco ang 360,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng Templo at nagmamadaling dinala ito sa Antioquia. Ang kapalaluan niya'y umabot sa sukdulan; pati na ang dagat ay inisip na kaya niyang gawing lupa at gawing lupa naman ang dagat, para madaanan ng mga kawal. 22 Pumili siya ng mga tagapamahala na magbibigay-ligalig sa mga Judio. Sa Jerusalem, inilagay niya si Felipe, tubong Frigia na lalo pang malupit kaysa kanya. 23 Sa Bundok ng Gerizim, ang pinili niyang mangasiwa ay si Andronico, ngunit naroon din si Menelao, ang pinakamalupit sa kanilang lahat. Ganyan ipinadama ng hari ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio. 24 Sa galit sa kanila, ipinadala niya sa Jerusalem ang isang hukbo ng 22,000 kawal sa pamumuno ni Apolonio, ang pinuno ng mga taga-Misia. Inutusan silang patayin ang lahat ng mga lalaking nasa hustong gulang na; ang mga babae't mga kabataang lalaki naman ay ipagbili bilang alipin. 25 Pagdating sa Jerusalem, nagkunwari si Apolonio na kapayapaan ang kanyang layon. Nang Araw ng Pamamahinga, wala isa mang Judio na lumabas ng bahay upang gumanap ng anumang gawain, kaya't pinalabas niya para magparada ang buong hukbong sandatahan. 26 Ngunit ipinapatay niya ang lahat ng lumabas para manood. Pangkat-pangkat ang mga kawal na lumusob sa lunsod at maraming tao ang napatay nang araw na iyon.

27 Si Judas Macabeo, kasama ang siyam niyang tauhan, ay tumakas patungo sa ilang at doon nanirahan na parang mga hayop na ligaw. Upang hindi sila mahawa sa masamang pamumuhay sa lunsod, ang kinakain nila'y mga halamang gubat lamang.

Nilapastangan ang Templo at Inusig ang mga Judio

Hindi nagtagal, naisipan ni Haring Antioco na pilitin ang mga Judio na iwaksi ang kanilang mga kaugalian at relihiyon. Isinugo niya ang isang matandang taga-Atenas[bo] para ipatupad ito; inutusan pa itong lapastanganin ang templo sa Jerusalem at italaga ito sa diyus-diyosang si Zeus ng Olimpo. Ang templo namang nasa Bundok ng Gerizim ay tinawag na “Templo ni Zeus, ang Diyos na Mapagmalasakit sa mga Banyaga,” alinsunod sa mga kahilingan ng mga mamamayan doon.

Lalo namang lumaganap ang kasamaan at pang-aapi na halos ay hindi na makayang tiisin ninuman. Ginamit ng mga Hentil ang loob ng templo para maglasingan at magpasasa sa kahalayan. Kumuha sila ng masasamang babaing aaliw sa kanila at kahit sa banal na pook ay nagtatalik sila. Maging mga bagay na ipinagbabawal ihandog ay dinadala sa templo, anupa't ang altar ay nasalaula ng mga handog na itinuturing na nakakapandiri ayon sa Kautusan. Dahil dito, hindi na maipangilin ng mga Judio ang Araw ng Pamamahinga at ang mga katutubong pista; ni ayaw aminin ng isang Judio na siya nga'y Judio. Bawat buwan ay ipinagdiriwang ang kaarawan ng hari, at sa pagkakataong ito'y sapilitang pinapakain ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan. Sa kapistahan naman ng diyus-diyosang si Dionisio, hindi maaaring hindi sila sasama sa prusisyon na nakakorona ng dahon ng yedra. Dahil sa payo ni Tolomeo,[bp] nahimok ang hari na iutos sa iba pang mga lunsod na Griego na sapilitan ding pakainin ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan at piliting makiisa sa pamumuhay Griego. Iniutos ding ang lahat ng ayaw makiisa sa pamumuhay Griego ay patayin. Maliwanag na marami pang kasamaan ang mangyayari. 10 Halimbawa,(DF) dalawang ina ang minsa'y pinarusahan dahil tinuli nila ang kanilang bagong silang na mga anak. Ibinitin sa kanilang dibdib ang mga bata at ipinarada sila sa lunsod. Pagkatapos, iniakyat sila sa pinakamataas na tore at saka inihulog mula roon. 11 Minsan(DG) naman, mayroong mga nagtago sa mga yungib para lamang makasamba sa Diyos sa Araw ng Pamamahinga. May nagsumbong kay Felipe tungkol dito, kaya't sila'y hinuli at sinunog. Sa laki ng paggalang nila sa Araw ng Pamamahinga, hindi na nila inisip na ipagtanggol ang sarili.

Nagparusa ang Panginoon

12 Sa sinumang bumabasa ng aklat na ito, ang pakiusap ko'y huwag masisiraan ng loob. Isipin lamang ninyo na ito'y paraan ng Panginoon upang disiplinahin at sa gayo'y ituwid ang kanyang bansa, at hindi upang ganap na wasakin ito. 13 Sa katunayan, ang agarang pagpaparusa sa makasalanan sa halip na pagtagalin pa sila sa gayong katayuan ay pagpapakita ng habag. 14 Sa ibang bansa'y hindi ganito ang pakikitungo ng Panginoon—matiyaga siyang naghihintay hanggang sa sumapit sa sukdulan ang kanilang kasalanan, saka siya nagpaparusa. 15 Ngunit tayo'y kanyang pinaparusahan agad bago umabot sa sukdulan ang ating mga kasalanan. 16 Lagi niya tayong kinahahabagan, at kung tayo ma'y nakakaranas ng iba't ibang kahirapan, hindi nangangahulugang tayo'y nililimot niya o pinababayaan. 17 Itong mga sinabi ko'y isa lamang paalala. Ngayon, ipagpatuloy natin ang kasaysayan.

Naging Martir si Eleazar

18 Noong(DH) panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito. 19 Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya. 20 Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

21 Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya't dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakainin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakainin. 22 Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

23 Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalala niyang sapul pagkabata'y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya't sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din. 24 Sa gulang kong ito'y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikuran ang aking relihiyon! 25 Kung ako'y magtataksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan. 26 Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makakaiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat. 27 Kaya't tatanggapin ko na ngayon ang marangal na kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan. 28 Sa gayon, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan—ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”

Matapos niyang sabihin ito, pumunta agad siya[bq] sa inihandang pagpapatayan sa kanya. 29 Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila'y kaululan lamang ang mga sinabi niya. 30 Kaya't ginulpi nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito'y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking paggalang sa kanya.”

31 Namatay nga si Eleazar, ngunit siya'y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa katapangan at di malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

Ang Mag-iinang Naging Martir

Sa isa namang pagkakataon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila'y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Kautusan. Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang nais ninyong mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno!”

Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa. Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid. Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buháy pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa, “Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, ‘Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.’”

Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, “Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?”

Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, “Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!” Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay. Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”

10 Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. 11 Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.” 12 Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.

13 Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. 14 Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”

15 Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid. 16 Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, “Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa. 17 Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi.”

18 Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: “Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito. 19 Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos.”

20 Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunud-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon. 21 Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya: 22 “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay. 23 Ang lumikha ng buong sansinukob ang siya ring lumikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, sapagkat hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan.”

24 Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pagyurak sa kanya, kaya't sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikuran ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin ito at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari. 25 Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya't nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito'y mabuhay. 26 Sa kahihimok ng hari, napahinuhod ang ina na kausapin ang anak. 27 Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, “Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita at inaruga hanggang ngayon. 28 Masdan mo ang kalangitan at ang daigdig at lahat ng bagay na naroon. Alam mong ang lahat ng iyan ay hindi nilikha ng Diyos mula sa mga bagay na naririto, tulad din naman ng sangkatauhan. 29 Huwag kang matakot sa berdugong ito. Ipakita mong karapat-dapat ka sa iyong mga kapatid na nagdusa hanggang kamatayan, upang sa muling pagkabuhay ay makapiling kita kasama nila.”

30 Hindi pa man natatapos magsalita ang ina, sinabi ng anak, “Ano pang iyong hinihintay, Haring Antioco? Hindi ko susundin ang utos mo; ang susundin ko'y ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises! 31 Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng pagpapahirap na ito sa mga Judio! Ngunit tandaan mo: hindi ka makakatakas sa parusa ng Diyos! 32 Oo nga't naghihirap kami ngayon sapagkat kami'y makasalanan. Ipinahihintulot lamang ito ng Diyos sapagkat itinutuwid niya ang aming buhay. 33 Hindi ito magtatagal at mababalik na muli ang kanyang pagtingin sa aming lahat na mga lingkod niya. 34 Ngunit ikaw na ubod ng sama sa lahat ng tao ay huwag umasa sa wala, ni masilaw sa kinang ng katanyagan sa ginagawa mong pagpapahirap na ito sa mga anak ng Diyos! 35 Hindi ka makakaiwas sa hatol ng Makapangyarihang Diyos na nakakakita ng lahat. 36 Tiniis ng mga kapatid ko ang iyong pagpaparusa alang-alang sa tipan ng Diyos ngunit ngayo'y natamo nila ang buhay na walang hanggan. Ikaw na ubod ng yabang ay tatanggap ng parusang nauukol sa iyo. 37 Tulad ng mga kapatid ko, inihahandog ko rin ang aking sarili, ang aking buhay, alang-alang sa utos ng Diyos na sinusunod ng aming mga ninuno. Idinadalangin kong kahabagan nawa ng Diyos ang aming bansa sa lalong madaling panahon, at danasin mo naman ang kahirapan at kaparusahan niya upang kilalanin mong siya lamang ang Diyos. 38 Sa sinapit naming magkakapatid, maglubag nawa ang galit ng Makapangyarihan sa aming bansang nagtitiis ngayon alinsunod sa makatarungan niyang kalooban.”

39 Nang marinig ito ng hari, lalong nag-ibayo ang kanyang galit, at pinarusahan siya nang lalo pang mabigat kaysa sa mga nauna. 40 Namatay siyang lubos na nagtitiwala sa Diyos at hindi sumusuway sa kanyang mga utos.

41 Matapos mamatay ang pitong anak ay pinatay naman ang ina.

42 Sapat na ito tungkol sa mga Judiong pinahirapan at pinilit na kumain ng mga bituka ng inihandog na hayop.

Naghimagsik si Judas Macabeo(DI)

Si Judas Macabeo at ang kanyang mga kaibigan ay lihim na nagpunta sa mga bayan. Inisa-isa nila ito hanggang sa sila'y makatipon ng anim na libong kababayan na nananatiling tapat sa pananampalatayang Judio. Nanalangin sila sa Panginoon na kahabagan ang mga tao, lalo na ang mga pinahihirapan sa lahat ng dako. Hiniling din nilang kahabagan ang Templo na nilalapastangan ng mga taong hindi kumikilala sa tunay na Diyos. Idinalangin din nilang kaawaan ang lunsod na winasak at pinaguho ng mga Hentil, at pakinggan ang daing ng mga patay na humihinging ipaghiganti ang kanilang kaapihan. Nagsumamo sila sa Diyos na alalahanin ang walang katarungang pagpatay sa mga walang malay na sanggol at ang paglait sa pangalan niya, at tuloy ipadama ang kanyang pagkamuhi sa kasamaan.

Nang mabuo ang pangkat ni Judas, ito'y napakalakas, anupa't hindi makayang labanan ng mga Hentil, sapagkat ang dating galit ng Diyos ay naging pagkahabag sa mga Judio. Walang anu-ano'y sumalakay na lamang sina Judas sa mga bayan at nayon at sinunog ang mga ito. Nakuha nila ang mahahalagang kuta ng kaaway at marami sa mga naroroon ang tumakas. Madalas ay sa gabi sila lumulusob, sapagkat dito sila lalong nagtatagumpay. Ang katapangan ni Judas ay napabalita sa lahat ng dako.

Ang Balak na Paglipol sa mga Judio(DJ)

Nabalitaan ni Felipe na gobernador ng Jerusalem ang madalas na pagtatagumpay ni Judas sa iba't ibang dako, kaya't sumulat siya kay Tolomeo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia, upang tulungan siyang pangalagaan ang kapakanan ng hari. Tinawag agad ni Tolomeo si Nicanor na anak ni Patroclo at isa sa mga malapit na kaibigan ng hari. Binigyan siya ng 20,000 kawal buhat sa iba't ibang bansa para lipulin ang mga Judio. Pinasama rin si Gorgias, isang bihasang kawal at batikang mandirigma, bilang pangalawang pinuno. 10 Ang hangad ni Nicanor ay malikom ang halagang 70,000 kilong pilak upang ipambayad sa pagkakautang ng hari sa mga taga-Roma. Balak niyang ipagbili bilang alipin ang mga Judiong mabibihag niya.

11 Hindi pa ma'y ipinamalita na niya sa mga lunsod sa baybaying-dagat na hindi mag-aatubiling magbenta ng siyamnapung alipin sa halagang 35 kilong pilak. Wala siyang kamalay-malay sa parusang itinakda na ng Diyos para sa kanya.

Nalaman ni Judas ang Balak ni Nicanor(DK)

12 Nabalitaan ni Judas na papalapit na para sumalakay si Nicanor at ang kanyang hukbo, at ipinaalam niya ito sa kanyang mga tauhan. 13 Ang mga duwag at kulang ang pagtitiwala sa Diyos ay humiwalay sa kanya at tumakas. 14 Ngunit ipinagbili ng iba ang nalalabi nilang ari-arian at nakiusap sa Diyos na iligtas sila kay Nicanor, sapagkat hindi pa man sila naglalaban ay tiniyak nang ipagbibili sila. 15 Hiniling nila sa Panginoon na gawin ito—kung hindi man para sa kanila ay alang-alang sa mga tipang ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at sapagkat tinawag niya sila upang maging kanyang bansa. 16 Tinipon nga ni Judas ang kanyang 6,000 tauhan at pinalakas ang loob nila. Sinabi niyang huwag silang mababahala ni matatakot man sa maraming Hentil na wala namang dahilan para salakayin sila, manapa'y lakas-loob na lumaban, 17 at alalahanin ang mga pagmamalabis ng mga Hentil sa Templo at sa banal na Lunsod, pati ang pagyurak sa matandang kaugaliang minana nila sa kanilang mga ninuno. 18 “Ang pinananaligan nila'y ang kanilang sandata at lakas,” wika ni Judas, “ngunit tayo'y sa Makapangyarihang Diyos nagtitiwala. Sa isang tango lamang ay maaari niyang wasakin hindi lamang ang sumasalakay sa atin kundi maging ang buong daigdig.”

19 Ipinaalala rin niya kung paano tinulungan ng Diyos ang kanilang mga ninuno, lalo na nang panahon ni Senaquerib nang 185,000 kawal nito ang pinatay ng Panginoon. 20 Ipinagunita rin niya ang nangyari sa Babilonia nang 8,000 Judio ang tumulong sa 4,000 taga-Macedonia laban sa 120,000 taga-Galacia. Sa tulong ng Diyos, nalupig nila ang mga taga-Galacia, at marami pa silang nasamsam.

Tinalo ni Judas si Nicanor(DL)

21 Sa ganitong mga pangungusap ni Judas ay lumakas ang loob ng kanyang mga tauhan at humanda silang ihandog ang kanilang buhay para sa Kautusan at sa bansa. Hinati ni Judas ang kanyang hukbo sa apat na pangkat. 22 Bawat pangkat ay may 1,500 katao at pinamumunuan ng isa sa kanilang magkakapatid; siya at sina Simon, Jose at Jonatan ay may kanya-kanyang pangkat. 23 Inutusan(DM) niya si Eleazar na basahin nang malakas ang banal na aklat at ibinigay sa kanyang mga tauhan ang sigaw na pandigma, “Tutulungan tayo ng Diyos!” Ang pangkat niya ang nanguna sa paglusob laban kay Nicanor.

24 Sa tulong ng Makapangyarihang Diyos, napatay nila ang mahigit na 9,000 kaaway. Marami ang sugatan; tumakas naman ang iba. 25 Sinamsam nila ang salaping dala ng mga taong bibili sana ng mga bihag na Judio. Tinugis nila ang tumakas na mga kaaway, 26 ngunit hindi na nila hinabol nang tuluyan sapagkat gumagabi na. Ang isa pang dahilan ay bisperas na ng Araw ng Pamamahinga, kaya hindi na nila ipinagpatuloy ang pagtugis. 27 Bago dumating ang Araw ng Pamamahinga, natipon na nilang lahat ang mga sandata at ari-arian ng mga kaaway, kaya't masiglang-masigla silang nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon, sapagkat nagpakita siya ng pagkahabag, at sa tulong niya ay sinapit nila ang araw na iyon na pawang mga buháy pa. 28 Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, ang ibang mga samsam nila'y ipinamahagi sa mga biktima ng pag-uusig, sa mga balo at mga ulila. Ang natira'y ipinamahagi sa kanilang mga pamilya. 29 Pagkatapos, sama-sama silang nanalangin, at hiniling sa Diyos na sila'y kahabagan at lubusang ibalik sa kanila na kanyang mga lingkod ang dati nilang kaugnayan sa kanya.

Tinalo ni Judas sina Timoteo at Baquides

30 Nagkasagupa ang mga Judio at ang hukbo nina Timoteo at Baquides. Sa labanang iyo'y 20,000 kaaway ang napatay nila at naagaw pa nila ang ilang matataas na tanggulan. Tulad ng dati, hinati nila ang kanilang mga nasamsam, ang kalahati ay para sa kanila at ang kalahati'y para sa mga pinag-usig, mga balo at ulila at sa matatanda. 31 Tinipon din nila ang mga sandata ng kaaway[br] at itinago sa mga piling lugar upang madaling makuha kung kakailanganin. Ang iba pang ari-ariang nasamsam ay dinala nila sa Jerusalem. 32 Pinatay nila ang pinuno ng hukbo ni Timoteo, isang taong ubod ng sama at nagpahirap nang labis sa mga Judio. 33 Ipinagdiwang nila sa kanilang lunsod ang kanilang pagtatagumpay. Sa pagdiriwang na iyo'y sinunog nila ang mga taong sumunog sa mga pintuan ng Templo. Isa sa mga iyon ay si Calistenes na nagtago sa isang maliit na bahay. Sa kanyang sinapit, tinanggap niya ang parusang nauukol sa ginawa niyang kasamaan.

34 Ang kasumpa-sumpang si Nicanor na sa kahambuga'y nagsama ng sanlibong mangangalakal para bumili ng mga aliping Judio, 35 ay nabigo at napahiya sa mga taong kanyang hinamak ngunit tinulungan naman ng Panginoon. Dala ng kahihiyan, hinubad niya ang kanyang maharlikang kasuotan at mag-isang tumakas na parang takas na alipin. Doon siya nagtago sa Antioquia. Nagtagumpay lamang siya sa pagwasak sa sarili niyang hukbo. 36 Iyan ang lalaking nagtangkang bumihag sa mga Judio para ipagbili, at ibayad ang pinagbilhan sa mga taga-Roma. Siya ang nagpatotoo na ang mga Judio'y may makapangyarihang Tagapagtanggol. Hindi sila maaaring magapi sapagkat sumusunod sila sa mga kautusang ibinigay niya.

Pinarusahan ng Panginoon si Antioco(DN)

Nang panahong iyo'y nabigo rin si Antioco at umalis sa Persia. Ganito ang pangyayari: pinasok ni Antioco ang lunsod ng Persepolis at tinangkang pagnakawan ang templo at sakupin ang lunsod, ngunit ang mga mamamaya'y kumilos agad. Nagtanggol silang mabuti at nagapi nila ang pumasok na kaaway. Walang nagawa si Antioco kundi tumakas dahil sa kahihiyan. Dumating siya sa Ecbatana, at nabalitaan niya doon ang nangyari kay Nicanor at sa pangkat ni Timoteo. Sa laki ng galit, binalak niyang gumanti sa mga Judio dahil sa masaklap na pagkatalo. Kaya't iniutos niya sa nagmamaneho ng kanyang karwahe na huwag titigil hangga't hindi sila dumarating sa Jerusalem. Sa kanyang kahambuga'y sinabi niya, “Pagdating ko sa Jerusalem, gagawin ko itong libingan ng lahat ng Judio!” Ngunit hindi niya alam na patungo na siya sa parusang itinakda ng Diyos. Pagkasabing-pagkasabi nito ay pinarusahan siya ng Diyos ng Israel na nakakaalam ng lahat ng bagay. Dinapuan siya ng sakit na walang lunas at namilipit sa matinding sakit ng tiyan. Ang parusang ito'y angkop lamang sa nakakahindik na pagpapahirap na ginawa niya sa mga Judio. Subalit sa halip na magpakumbaba sa sinapit na ito, lalo siyang naging palalo. Galit na galit siyang nagbabanta laban sa mga Judio, at iniutos na pabilisin pa ang takbo ng karwahe. Sa bilis ng takbo ng sasakyan, tumilapon siya at nalamog ang kanyang buong katawan. Kaya't si Antioco, na ang akala sa sarili'y hindi siya karaniwang tao, at nag-akala rin na mauutusan niya ang alon sa dagat at matitimbang ang matataas na bundok, ay bumagsak sa lupa at kinailangang buhatin na nakahiga. Maliwanag na nahayag dito ang kapangyarihan ng Diyos. Inuod ang kanyang katawan at dumanas siya ng napakatinding paghihirap. Nabulok na ang kanyang laman kahit buháy pa siya, anupa't ang buong hukbo ay nasusuka dahil sa kanya. 10 Dahil sa baho ay wala nang lumapit upang dalhin siya kung saan niya gusto. Ito ang taong dati'y naniniwalang maaabot niya ang mga bituin sa langit.

Nangako sa Diyos si Antioco(DO)

11 Sa tindi ng hirap, nagpakumbaba rin siya sa wakas. Sa gitna ng pagpaparusang iyon ng Diyos at sa hirap na kanyang dinaranas, unti-unti niyang nakita ang liwanag. 12 Nang hindi na siya makatagal sa sariling baho, nasabi niya ang ganito: “Matuwid na ang tao'y pasakop sa Diyos at ang sarili'y hindi dapat ipantay sa kanya.” 13 Ang masamang taong ito'y nangako sa Panginoon, ngunit hindi na siya kinahabagan. 14 Nangako siya na sa halip na wasakin ang banal na lunsod at gawing libingan gaya ng binabalak niya noon, ay palalayain niya ito. 15 Dati, ang palagay niya sa mga Judio kung namamatay ay di na dapat ilibing kundi itapon na lamang ang bangkay nila at ng kanilang mga anak para kainin ng mga buwitre at mababangis na hayop. Ngunit ngayon, nangako siyang ipapantay sa mga taga-Atenas ang kanyang pagtingin sa mga Judio. 16 Nangako rin siyang pupunuin ng pinakamagagandang handog ang templong niyurakan niya, at ibabalik doon ang inalis na mga banal na kasangkapan at dadagdagan pa niya ang mga iyon. Ang lahat ng magugugol sa paghahandog ay ipinangakong kukunin sa sarili niyang kaban. 17 At hindi lamang ito, nangako pa siya na magiging Judio at kahit saa'y ipapahayag niya ang kapangyarihan ng Diyos.

18 Subalit huli na ang lahat! Dumating na kay Antioco ang angkop na parusa sa kanya, kaya't patuloy ang kanyang paghihirap at wala siyang makamtang ginhawa kahit kaunti man. Nang nawawalan na siya ng pag-asa, sumulat siyang nakikiusap sa mga Judio: 19 “Pinagpipitagan kong mga mamamayang Judio, akong si Antioco na inyong hari ay bumabati sa inyo. Hangad ko ang inyong kalakasan at kasaganaan. 20 “Kung kayo at ang inyong mga pamilya ay nasa mabuting kalagayan, at natatamo ang nais ninyo sa buhay, ako'y nagagalak. Ang aking pag-asa'y inilagak ko na sa langit, at naaalala ko ang inyong pagdamay, pagpapahalaga at mabuting layunin para sa akin. 21 “Dumating sa akin ang karamdamang taglay ko ngayon nang ako'y pabalik buhat sa Persia kaya't naisip ko na dapat akong gumawa ng hakbang para sa kapakanan ninyong lahat. 22 Hindi ito nangangahulugang nababahala ako sa aking kalagayan. Malaki pa ang pag-asa kong ako'y gagaling. 23 Ngunit naaalala ko ang ginagawa ng aking ama noong araw, tuwing pupunta siya sa silangan ng Eufrates. Pumipili agad siya ng kahalili 24 upang kung may mangyaring hindi inaasahan, alam na agad ng mga tao kung sino ang mamamahala sa kanila. Sa gayon, hindi sila mababahala. 25 Ang isa pa, alam kong ang mga kaharian sa paligid natin ay laging nag-aabang sa anumang mangyayari. Dahil dito, inilalagay kong kapalit ang aking anak na si Antioco bilang hari, kung saka-sakaling may mangyari sa akin. Siya ang aking pinagkakatiwalaan at laging ipinagmamalaki sa inyo na hahalili sa akin tuwing ako'y biglaang umaalis para dumalaw sa mga karatig na lalawigan. Padadalhan ko rin siya ng isang sipi ng sulat na ito. 26 Nakikiusap ako na sana'y panatilihin ninyo ang mabuting pakikisama ninyo sa akin at sa aking anak, at alalahanin ang mga kabutihang ibinabahagi ko sa inyo, hindi lamang sa bawat isa sa inyo kundi sa buong bansa. 27 Nananalig akong susundin ng aking anak ang mga patakaran ko sa pamamahala at magiging maunawain siya at mabait sa pakikitungo sa inyo.”

28 At namatay nga si Antioco, ang mamamatay-tao at manlalait sa Diyos. Namatay siyang naghihirap, tulad ng paghihirap na tiniis ng iba dahil sa kagagawan niya. Kahabag-habag ang pagkamatay niya sa kabundukan ng ibang bansa. 29 Ang nag-uwi ng bangkay niya ay ang matalik niyang kaibigang si Felipe. Ngunit sa takot nito sa bagong hari, umalis agad at nagpunta sa Egipto, kay Tolomeo Filometor.

Muling Itinalaga ang Templo(DP)

10 Sa tulong ng Panginoon, napalaya ang Jerusalem at nabalik ang Templo nang lusubin ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang lunsod ng Jerusalem. Winasak nila ang mga altar na itinayo ng mga Hentil sa pamilihan, gayon din ang ibang mga dakong sambahan. Pagkatapos, nilinis nila ang Templo at nagtayo sila ng bagong altar. Sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, naghandog sila at tinupok ito ng apoy na mula sa kiniskis na bato. Nagsunog din sila ng insenso, nagsindi ng mga ilawan, at naglagay ng itinalagang tinapay. Nang maihanda ang lahat, nagpatirapa sila at nanalangin sa Diyos at hiniling sa kanya na huwag na sana nilang danasin ulit ang kanilang sinapit. Hiniling din nila na kung magkakasala silang muli, sana'y maging banayad ang parusang tatanggapin nila at huwag na silang ibibigay sa kamay ng malulupit at walang habag na mga Hentil. Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, araw rin nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo, idinaos nila ang muling pagtatalaga sa Templo. Walong araw na masayang nagdiwang ang mga Judio tulad din ng pagdiriwang sa Pista ng mga Tolda. Naalala nila na di pa lubhang nagtatagal, idinaos nila ang Pista ng mga Tolda habang naggagala sila na parang maiilap na hayop sa kabundukan at naninirahan sa mga yungib. Sa kanilang pagdiriwang ngayon ay may dala silang mga dahon ng palma at mga tungkod na napapalamutian ng magagandang dahon habang kumakanta ng mga awiting pasasalamat at papuri sa Diyos na nagdulot ng pagkakataon upang linising muli ang Templo. Nagpalabas din sila ng kautusan na ang araw na ito ay ipagdiwang ng buong bansang Judio taun-taon.

Nagpakamatay si Tolomeo

Ganyan nagwakas ang buhay ni Haring Antioco na tinawag ding Epifanes. 10 Ang(DQ) ilalahad ko naman ngayon ay ang kasaysayan ng anak niyang si Antioco Eupator, at ang kasamaang ibinunga ng kanyang mga pakikidigma. 11 Pagkaupung-pagkaupo ni Eupator bilang hari, inilagay niya si Lisias bilang punong-pangkalahatan upang magpalakad ng pamahalaan ng Celesiria at Fenicia. 12 Si Tolomeo Macron, ang kauna-unahang gobernador na naging mabuti ang pakikitungo sa mga Judio. Nasaksihan niya ang mga kalupitang ginawa sa mga Judio. Kaya't ibinalik niya ang mapayapang pagsasamahan nila, upang kahit papaano'y mabayaran ang kalupitang dinanas nila. 13 Nang malaman ito ng mga kaibigan ng hari, isinumbong siya kay Haring Eupator. Sinabi nilang nagtaksil siya sapagkat iniwan niya ang Cyprus na ipinagkatiwala sa kanya ni Filometor, at kay Antioco Epifanes siya pumanig. Dahil dito, hindi na siya iginagalang ng mga tao, kaya't nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.

Nagapi ni Judas Macabeo ang mga Idumeo(DR)

14 Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio. 15 Kasabay nito, ang mga Edomita naman mula sa kanilang matitibay na tanggulan ay patuloy na nanggigipit sa mga Judio. Tinanggap nila ang mga takas na rebelde mula sa Jerusalem at hindi tinigilan ang pakikipaglaban sa mga Judio. 16 Sa kabilang dako, si Judas Macabeo at ang pangkat niya ay nanalangin upang tulungan sila ng Diyos, pagkatapos ay agad nilang sinalakay ang tanggulan ng mga Edomita. 17 Hindi nila nilubayan ang pagsalakay hanggang sa napasakamay nila ang mga tanggulan ng kaaway. Lahat ng makitang kaaway ay pinatay; umabot sa bilang na dalawampung libo ang mga kaaway na napatay.

18 May 9,000 nagkubli sa dalawang napakatibay na tore na may sapat na pagkain at kagamitan sakali mang sila ay kubkubin. 19 Upang hindi makatakas ang mga ito, itinalaga ni Judas Macabeo sina Simon at Jose at pinatulungan pa sa pangkat ni Zaqueo para kubkubin ang mga tanggulan. Si Judas ay umalis at nagpunta sa lugar na lalo siyang kailangan. 20 Sa pangkat ni Simon ay may ilang mga tao na mukhang pera. Nilapitan sila ng mga kaaway mula sa tanggulan at inalok ng 140 librang pilak para pabayaan silang makatakas. 21 Ang ganitong pagtataksil ay nakarating kay Judas. Tinawag niya ang mga pinuno, at ang mga nagtaksil ay isinakdal niya sa kasalanang pagbibili ng mga kababayan sapagkat pinatakas nila ang mga kaaway para maipagpatuloy ang paglaban sa kanila. 22 Ipinapatay niya ang mga taksil, at sinalakay agad ang dalawang tanggulan. 23 Nagtagumpay na naman siya, at sa dalawang tanggulang iyon ay mahigit na dalawampung libong kaaway ang kanilang napatay.

Tinalo ni Judas si Timoteo

24 Si Timoteo ay minsan nang natalo ng mga Judio. Kaya't upang makaganti, nagtipon siya ng isang malaking hukbo ng upahang kawal. Kabilang din ang isang malaking hukbong nakakabayo mula sa Asia. Nang handa na ang lahat, umalis sila para salakayin ang Judea. 25 Habang papalapit ang mga kaaway, si Judas at ang kanyang pangkat naman ay nanalangin sa Diyos. Nagdamit sila ng panluksa, naglagay ng abo sa ulo, 26 at nagpatirapa sa harap ng altar. Hiniling nila na kahabagan sila ng Panginoon at tulungan sa paglaban sa kanilang kaaway, gaya ng ipinangako niya sa Kautusan.

27 Pagkatapos manalangin, kinuha nila ang kanilang mga sandata, lumabas ng lunsod, at humimpil kinagabihan sa pook na malapit sa mga kaaway. 28 Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan. 29 Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio. 30 Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak. 31 Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.

32 Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas. 33 Apat na araw itong kinubkob nina Judas. 34 Palibhasa'y matibay ang tanggulan, ang mga kawal na nagtatanggol nito ay sumigaw ng mga panlalait sa mga Judio at sa Diyos. 35 Sa galit ng mga tauhan ni Judas, nang nagbubukang-liwayway na noong ikalimang araw, dalawampu sa kanila ang buong tapang na pumasok sa tanggulan at sinumang makasalubong na kaaway ay pinapatay. 36 Ang iba nama'y lumigid at doon umakyat sa likuran. Sinigaan nila ang mga tore at sinunog ang mga nanlalait na kaaway. Winasak naman ng iba ang pinto at nakapasok ang mga kawal na nasa labas pa ng lunsod. 37 Si Timoteo, na nagtago sa isang balon, ay napatay kasama ang kapatid niyang si Quereas at isa pang nagngangalang Apolofanes.

38 Sa pagtatagumpay na ito, sina Judas ay nagpasalamat sa Panginoon. Umawit sila ng mga awit ng pasasalamat dahil kinahabagan niya ang Israel at pinagtagumpay sila.

Nagapi ni Judas si Lisias(DS)

11 Dahilan sa mga pangyayari, may isang labis na nagalit at nagtangkang maghiganti. Ito'y si Lisias, bantay at katiwala ng hari at pinuno ng pamahalaan. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo na binubuo ng 80,000 sundalo, at ng lahat niyang kawal na nakakabayo. Sinalakay niya ang mga Judio. Nais niyang makuha ang Jerusalem upang gawing kolonya ng Griego ang lunsod na ito. Kung magkagayon, sisingilan niya ng buwis ang Templo gaya ng ginagawa niya sa mga banal na dako sa ibang bansang kanyang nasakop, at taun-taon ay ipagbibili niya ang tungkulin ng Pinakapunong Pari. Tuwang-tuwa siya sa dami ng kanyang sundalo, sa libu-libong mangangabayo at walumpung elepante. Hindi na niya binigyang-halaga ang kapangyarihan ng Panginoon. Sa pamamagitan ng hukbong ito'y nilusob niya ang Judea. Pagsapit sa Beth-sur, isang napapaderang lugar na dalawampung milya ang layo sa Jerusalem, sinimulan niya ang walang humpay na pagsalakay.

Nang mabalitaan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang pagsalakay ni Lisias, sila at ang buong bayan ay lumuluhang nanalangin sa Panginoon na sana'y padalhan sila ng isang anghel na magliligtas sa Israel. Si Judas Macabeo ang unang kumuha ng kanyang sandata upang lumaban; hinikayat niya ang iba na sumama sa kanya at isuong ang kanilang buhay sa panganib alang-alang sa mga kababayan. Kaya't masigla silang lumabas para harapin ang mga kaaway. Hindi pa sila nakakalayo sa Jerusalem nang walang anu-ano'y may lumitaw sa unahan nila na isang mangangabayong nakaputi at may mga ginintuang sandata. Sa nakitang ito, lahat sila'y nagpasalamat sa mahabaging Diyos. Lumakas ang kanilang loob; sa pakiramdam nila, hindi lamang tao kundi maging mababangis na hayop o tanggulan mang bakal ay kaya nilang harapin. 10 Sa tulong ng mahabaging Diyos na nagpadala ng tagapanguna mula sa kalangitan, ang hukbo ni Judas ay nakahanay na tumungo sa labanan. 11 Parang mga leon silang dumaluhong sa mga kaaway at 11,000 kawal bukod pa sa 1,600 kawal na nakakabayo ang napatay nila kaagad. Ang karamihan ay nagsitakas. 12 Sa mga nakatakas, marami ang sugatan at nasamsaman ng kanilang sandata. Maging si Lisias ay hiyang-hiyang tumakas upang iligtas ang sarili.

Nakipagkasundo ang mga Taga-Siria(DT)

13 Palibhasa'y matalino, pinag-isipang mabuti ni Lisias ang kanyang pagkatalo at napag-isip-isip niyang mahirap talunin ang mga Judio sapagkat tinutulungan sila ng makapangyarihang Diyos. Kaya't nagpadala siya ng sulat sa mga Judio 14 para makipagkasundo. Nangako rin siyang gagawin ang lahat upang maging kaibigan ng mga Judio ang hari. 15 Sumang-ayon si Judas Macabeo sa lahat ng panukala ni Lisias sapagkat naisip niyang ito'y sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Ipinagkaloob naman ng hari ang lahat ng kahilingan na ipinadala ni Judas kay Lisias.

Ang Sulat ni Lisias sa mga Judio

16 Ganito ang nilalaman ng sulat ni Lisias sa mga Judio:

“Bumabati si Lisias sa sambayanang Judio. 17 Ang inyong mga sugo na sina Juan at Absalom ay nagharap ng inyong nilagdaang liham at hiniling nilang sang-ayunan ko ang inyong mga kahilingan. 18 Lahat ng kahilingan para sa hari ay dinala ko sa kanya at ipinagkaloob niya ang mga bagay na nararapat. 19 Maging tapat lamang kayo sa pamahalaan, gagawin ko ang lahat alang-alang sa inyong kapakanan sa hinaharap. 20 Para lalong maging maliwanag, iniutos ko sa aking mga kinatawan na makipag-usap sa inyo at sa inyong mga sugo. 21 Hangad ko ang ikabubuti ninyo. Isinulat ngayon, ikadalawampu't apat na araw ng buwan ng Dioscorintio, taong 148.”

Ang Sulat ng Hari kay Lisias

22 Ganito naman ang sulat ng hari:

“Pagbati sa kapatid kong Lisias, mula kay Haring Antioco. 23 Ngayong patay na ang aking ama, at kasama na ng mga diyos, nais kong bigyang laya ang aking mga nasasakupan na mamahala sa kanilang sarili. 24 Alam kong ang mga Judio ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad ng aking yumaong ama tungkol sa mga kaugaliang Griego na ipinipilit sa kanila. Nais nilang mamuhay ayon sa kanilang sariling kaugalian, at iyan ang kahilingan nila ngayon. 25 Nais kong mamuhay sila nang walang gumagambala, tulad ng iba kong nasasakupan, kaya't ibinabalik ko sa kanila ang Templo at pinahihintulutan kong mamuhay sila ayon sa kaugalian ng kanilang mga ninuno. 26 Magsugo ka ng mga kinatawan upang ipaalam sa kanila ito at patunayan ang hangad kong makipagkaibigan. Sa gayon, hindi na sila mababahala at magiging panatag na sila sa kanilang gawain.”

Ang Sulat ng Hari sa mga Judio

27 Ganito naman ang sulat ng hari sa mga mamamayang Judio:

“Pagbati buhat kay Haring Antioco, para sa pamahalaang Judio at sa buong mamamayan. 28 Nawa, kayo'y nasa mabuting kalagayan tulad namin. 29 Ibinalita ni Menelao na nais na raw ninyong bumalik sa sariling tahanan at mamuhay ayon sa inyong kaugalian. 30 Kung gayon, ang lahat ng gustong umuwi bago dumating ang ikatatlumpung araw ng buwan ng Xantico ay aming pinahihintulutan. 31 Masusunod na ninyo ang inyong mga tuntunin sa pagkain at iba pang kautusan. Walang sinumang Judiong paparusahan dahil sa pagkakasalang nagawa niya dahil sa hindi niya alam na ito'y pagkakasala. 32 Si Menelao mismo ang isinugo ko sa inyo para ipaliwanag ang tungkol dito. 33 Hangad ko ang inyong ikabubuti. Sinulat ngayon, ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taong 148.”

Ang Sulat ng mga Taga-Roma sa mga Judio

34 Ang mga taga-Roma ay nagpadala rin ng liham sa mga Judio na ganito naman ang nilalaman:

“Pagbati sa mga Judio, mula kina Quinto Memmio at Tito Manio, mga kinatawan ng Roma. 35 Pinapagtibay namin ang anumang ipahihintulot sa inyo ni Lisias na kamag-anak ng hari. 36 Pag-aralan ninyo ang mga kahilingan ninyo na ipinadala ni Lisias sa hari. Matapos ninyong mapag-aralan, ipadala ninyo agad sa amin ang inyong kapasyahan upang aming maipaglaban ang inyong kapakanan, sapagkat kami ay pupunta sa Antioquia. 37 Kaya huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Magpadala agad kayo ng mga sugong magbabalita sa amin ng inyong kapasyahan. 38 Hangad namin ang inyong ikabubuti. Ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taong 148.”

Pinatay ang mga Judio sa Joppa

12 Matapos mapagtibay ang kasunduan ng mga Judio at ng Siria, si Lisias ay nagbalik sa hari at hinarap naman ng mga Judio ang pagsasaka ng kanilang bukirin. Ngunit may mga gobernador na tutol sa kasunduang ito; ayaw nilang mapanatag ang mga Judio. Kabilang sa mga pinunong ito si Timoteo, si Apolonio na anak ni Geneo, si Jeronimo, si Demofon at si Nicanor na gobernador ng Cyprus.

Ang mga taga-Joppa ay tutol din. Kaya't ang ginawa nila ay nagkunwari silang makikipagkaibigan sa mga Judio na nakatira sa kanilang lupain. Inanyayahan nila ang mga Judio, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, na sumakay sa mga barkong inihanda nila. Walang sinumang naghinala na masama ang tangka nila, sapagkat ang paanyayang ito ay hayag na pinagkasunduan ng buong lunsod. Sa hangad ng mga Judio na ipakitang nais nilang makipagkaibigan, tinanggap nila ang paanyaya nang walang agam-agam. Subalit pagdating sa laot, lahat ng dalawang daang Judio na sumakay ay nilunod ng mga taga-Joppa.

Gumanti si Judas

Ang kataksilang ito sa kanyang mga kababayan ay labis na ikinagalit ni Judas. Tinipon niyang muli ang kanyang mga tauhan. Pagkatapos manalangin sa Diyos, ang makatarungang hukom, nilusob nila ang mga pumaslang sa kanilang mga kababayan. Sumalakay sila ng gabi at tinupok ang daungan. Sinunog din nila ang mga barko at pinatay ang lahat ng nagtago roon. Nang sandaling iyon, ang mga pintuang-pasukan ng lunsod ay nakapinid kaya't umatras muna sina Judas, ngunit balak nilang bumalik para lipulin ang lahat ng mamamayan ng Joppa.

Nabalitaan din ni Judas na ang mga Judio sa Jamnia ay binabalak ding patayin ng mga tagaroon. Gaya ng ginawa sa Joppa, sinalakay ni Judas ang Jamnia sa gabi, tinupok ang daungan niyon at sinunog ang mga barko, anupa't ang sunog ay tanaw hanggang Jerusalem, na ang layo ay tatlumpung milya.

Mga Tagumpay ni Judas sa Gilead(DU)

10 Lumakad sina Judas upang harapin naman si Timoteo. Halos isang milya pa lamang ang kanilang nalalakad mula roon nang salakayin sila ng isang pangkat ng mga Arabo na di kukulangin sa limanlibong kawal, bukod pa sa limandaang mangangabayo. 11 Naging mahigpitan ang kanilang paglalaban, ngunit sa tulong ng Diyos, nagtagumpay sina Judas. Ang nagaping mga Arabo ay nagsumamong makipagkaibigan sa mga Judio. Nangako silang magbibigay ng mga baka at tutulong sa mga Judio sa iba pang paraan. 12 Naisip ni Judas na malaki nga ang maitutulong ng mga kawal na Arabo, kaya't pumayag siyang makipagkaibigan sa mga ito. Pagkatapos ng kanilang kasunduan, nagbalik na ang mga Arabo sa kanilang mga tolda.

13 Ang sumunod na nilusob ni Judas ay ang Caspin, isang lunsod na napapaligiran ng matibay na pader. Ang mga naninirahan dito ay mga Hentil na buhat sa iba't ibang bansa. 14 Palibhasa'y sagana sa pagkain at nananalig sa tibay ng kanilang pader, hindi naligalig ang mga mamamayan doon sa paglusob nina Judas. Pinagtawanan pa nga nila sina Judas at nilait pati ang kanilang Diyos. 15 Ngunit tulad ng dati, tinipon ni Judas ang kanyang mga tauhan at nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan sa daigdig, ang Diyos na tumulong kay Josue, kaya kahit wala silang mga kagamitan sa paglusob ay nakuha nila ang Jerico. Pagkatapos, buong tapang at lakas na nilusob nila ang mga kuta. 16 Sa kalooban nga ng Diyos, nakuha nila ang lunsod at sa dami ng kanilang napatay na kaaway, pati ang karatig na lawa na halos isang milya ang luwang ay parang umapaw sa dugo.

Tinalo ni Judas si Timoteo(DV)

17 Mula sa Caspin, tinahak nina Judas ang layong siyamnapu't limang milya hanggang sa dumating sila sa Caraca, isang lugar na malapit sa lunsod ng Tob, na ang naninirahan ay mga Judio. 18 Si Timoteo na kanilang hinahanap ay di nila nasumpungan doon, sapagkat nakaalis na ito. Wala naman itong nagawa roon maliban sa pagtatayo ng kuta at mag-iwan doon ng isang malakas na pangkat ng kawal. 19 Dalawang matapang na kapitan ni Judas, sina Dositeo at Sosipatro, ang nangahas lumusob sa kuta na iniwan ni Timoteo. Napatay nila ang buong pangkat ng sampung libong kawal na nagtatanggol doon. 20 Pinagpangkat-pangkat ni Judas ang kanyang hukbo at ipinailalim sa isang pinuno ang bawat pangkat. Nang handa na ang lahat, humayo sila para tugisin si Timoteo at ang hukbo nito na binubuo ng 120,000 sundalo at 2,500 mangangabayo. 21 Nang malaman ni Timoteo na tinutugis siya ni Judas, pinauna na niya ang mga babae at mga bata, pati ang mga dala-dalahan nila, sa Lunsod ng Carnaim, isang dakong napakahirap puntahan at kubkubin dahil sa makikipot na daan. 22 Ngunit siya namang pagdating ng unang pangkat ni Judas at gayon na lamang ang takot ng mga kaaway sapagkat nakita nila ang kapangyarihan ng Diyos na nakakakita ng lahat ng bagay. Nagtakbuhan sila sa lahat ng dako at sa kalituhan, marami sa kanila ang nasaksak ng kanilang kasamahan. 23 Hindi tinigilan ni Judas ang pagtugis, anupa't may 30,000 kaaway ang kanilang napatay. 24 Si Timoteo'y nabihag nina Dositeo at Sosipatro, ngunit sa pamamagitan ng panlilinlang ay nahimok silang siya'y pakawalan. Sinabi niyang hawak niya ang buhay ng maraming kamag-anakan ng mga Judio. 25 Dahil sa pangako niyang hindi sasaktan ang mga ito at pakakawalan agad, pinalaya siya ng dalawa.

Patuloy ang Pagtatagumpay ni Judas(DW)

26 Nagpatuloy sa pananalakay sina Judas hanggang sa umabot sila sa Carnaim. Pinasok nila ang templo ng diyosang si Atargatis, at pinatay doon ang may 25,000 katao. 27 Matapos wasakin ang templo at ang lunsod, ang kanyang hukbo'y dinala niya sa Efron, isang lunsod na napapaderan—doon namamayan si Lisias at ang iba pang mga taong buhat sa iba't ibang bansa. Mula sa pader ay buong giting na lumaban ang mga kabataang matipuno. Sa loob ng pader ay naroon ang maraming kagamitang pandigma. 28 Ang mga Judio nama'y nanalangin sa Panginoon na nagbabagsak ng kapangyarihan ng kanyang mga kaaway, at sa tulong niya'y nakuha nila ang lunsod, matapos mapatay ang 25,000 mamamayan doon. 29 Iniwan nila ang lugar na iyon at nagpatuloy sa kanilang pananalakay. Sinapit nila ang Beth-san, na pitumpu't limang milya ang layo sa hilaga ng Jerusalem. 30 Sasalakayin na sana ito ngunit sila'y sinaway ng mga Judiong naninirahan doon. Pinatotohanan ng mga ito ang mabuting pakikitungo sa kanila ng mga tagaroon, maging sa panahon ng kahirapan. 31 Sa halip na salakayin, pinasalamatan nina Judas ang mga tagaroon at pinakiusapang ipagpatuloy ang gayong mabuting pakikisama sa kanilang lahi. Mula roo'y nagpatuloy na sila sa Jerusalem, at dumating doon bago ipinagdiwang ang Pista ng mga Sanlinggo.

Tinalo ni Judas si Gorgias

32 Matapos(DX) ipagdiwang ang Pentecostes, lumabas sina Judas at nilusob si Gorgias, ang gobernador ng Edom. 33 Sinalubong sila nito na may kasamang hukbo na binubuo ng 3,000 sundalo at 400 mangangabayo. 34 Sa labanang ito, may ilang Judio ang nasawi. 35 Isang ubod ng lakas na mangangabayong Judio na tauhan ni Bacenor[bs] na nagngangalang Dositeo ang nakahagip kay Gorgias. Hinawakan niya ito sa uniporme at kinaladkad, sapagkat gusto niyang mahuli nang buháy. Walang anu-ano'y isang mangangabayong taga-Tracia ang mabilis na tinagpas ang balikat ni Dositeo, kaya't nakatakas si Gorgias at nagtago sa Maresa.

36 Ang mga tauhan ni Esdrin ay pagod na pagod na sa paglaban, kaya't si Judas ay nanalangin sa Diyos at hiniling na ipakilala niyang siya ay tumutulong sa kanila at siyang nangunguna sa kanila sa labanan. 37 Umawit sila ng mga awit-pandigma at mga himno sa wika ng kanilang mga ninuno bilang hudyat sa paglaban, at pagkatapos ay bigla nilang sinalakay ang hindi nakahandang mga kawal ni Gorgias, kaya't nagtakbuhan ang mga iyon.

Pagtubos sa Kasalanan ng mga Namatay

38 Matapos ito, dinala ni Judas ang kanyang hukbo sa lunsod ng Adulam. Malapit na ang Araw ng Pamamahinga kaya't ayon sa kaugalia'y naglinis sila ng sarili, at ipinangilin ang araw na ito. 39 Kinabukasan, kinailangang tipunin na nila agad ang bangkay ng mga nasawi sa labanan at ilibing ang mga ito sa libingan ng kanilang mga ninuno. 40 Samantalang(DY) tinitipon nila ang mga bangkay, napuna nila na sa ilalim ng panloob na kasuotan ng bawat bangkay ay may nakasabit na mga medalyang larawan ng mga diyus-diyosan sa Jamnia. Sa batas ng mga Judio, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot nito. Napag-isip-isip nilang ito ang dahilan kung bakit namatay ang mga taong ito. 41 Kaya't pinuri nila ang Panginoon, ang makatarungang hukom na nagsisiwalat ng mga lihim. 42 Idinalangin nilang sana'y patawarin ang ganitong pagkakasala. Sa ganitong nasaksihan, ang magiting na si Judas ay nagbabala sa kanyang mga kababayan na umiwas sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nakita na nila ang nangyari sa mga kababayang nagkasala. 43 Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. 44 Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. 45 Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

Pinatay si Menelao

13 Nang taóng 149, nabalitaan ni Judas na lulusubin ni Antioco Eupator ang Judea kasama ang isang malaking hukbo. Kasama rin niya si Lisias, na kanyang guro at tagapamahala ng kaharian. Bawat isa ay namuno sa hukbong binubuo ng mga kawal Griego: 110,000 sundalo, 5,300 mangangabayo, dalawampu't dalawang elepante at 300 karwahe na may matatalas na karit sa gulong.

Sumama sa pagsalakay si Menelao, at sinulsulan si Antioco na huwag titigilan ang pagsalakay. Ginawa niya ito hindi dahil sa bayan kundi dahil sa hangad niyang maging Pinakapunong Pari. Ngunit siya'y nabigo, sapagkat ginalit ng Diyos na Hari ng mga hari si Antioco laban kay Menelao. Nalaman ng hari mula kay Lisias na si Menelao ang dahilan ng mga kaguluhang iyon, kaya't iniutos niyang dalhin ito sa Berea at patayin ayon sa kaugalian doon. Sa lunsod na iyo'y may isang tore na mahigit dalawampu't dalawang metro ang taas at halos puno ng abo. Mula sa itaas nito pababa at sa taluktok ng tore ay may platapormang hugis imbudo. Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito. Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing. Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.

Ang Labanan sa Modein

Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama. 10 Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo. 11 Hiniling nila na ang kanilang bansa na bago pa lamang nababalik sa dati ay huwag na sanang mahulog sa mga kamay ng mga mapanlait na Hentil na hindi kumikilala sa Diyos. 12 Nagkakaisa silang dumulog sa mahabaging Diyos at tatlong araw na nagpatirapa, dumadalangin at walang tigil ng pag-iyak at pag-aayuno. Nang matapos ito, pinalakas ni Judas ang loob ng bawat isa, at sinabing humanda sila para sa anumang mangyayari.

13 Pagkatapos, pinulong niya ang mga matatandang pinuno ng bayan at ipinasyang sa tulong ng Diyos ay lalabas sila at haharapin ang kaaway na hari bago ito sumalakay sa Judea at masakop ang lunsod. 14 Ang kapalaran nila'y ipinagkatiwala na nila sa Lumikha ng daigdig. Hinikayat ni Judas ang mga tauhan niya na lumaban hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanilang mga kautusan, sa Templo, sa lunsod, sa bayan, at sa kanilang uri ng pamumuhay. Pagkatapos, lumakad sila at humimpil malapit sa Modein. 15 “Sa Diyos ang tagumpay!” ang sigaw na pandigmang ibinigay ni Judas sa kanyang mga tauhan. Nang gabing iyon, sinalakay ng isang pangkat ng mga pili niyang tauhan ang kampo ng hari, at 2,000 kaaway ang kanilang napatay agad. Pati ang pangunahing elepante at ang sakay nito ay napatay rin nila. 16 Sa ginawa nilang ito, naghari ang takot at pagkalito sa kampo ng mga kaaway, kaya't matagumpay silang nagbalik 17 bago pa lamang nababa ang araw sa silanganan. Nangyari ang lahat ng ito sa tulong at pagkalinga ng Panginoon.

Nakipagkasundo si Antioco V(DZ)

18 Sa nasaksihang tapang ng mga Judio ay napag-isip-isip ng hari na dapat siyang gumawa ng mas mabuting paraan para magapi sila. 19 Sinalakay niya ang Beth-sur, isang matibay na tanggulan ng mga Judio. Ngunit hindi siya nakapasok; nagapi siya at naitaboy. 20 Nagpadala si Judas ng mga pangangailangan ng mga nagtatanggol ng tanggulan, 21 ngunit may isang Judio sa hukbo roon na naging kasangkapan ng kaaway. Ito'y si Rodoco na nagbunyag sa kaaway ng mga lihim militar. Ngunit nalaman ito, kaya't siya'y hinuli at ibinilanggo. 22 Sinubukan ni Haring Antioco na makipag-ugnay sa mga taga Beth-sur. Nagkaroon nga sila ng kasunduan at siya'y umurong. Sinalakay niya uli si Judas at ang mga tauhan nito ngunit natalo na naman siya. 23 Samantala, si Felipe, na iniwan niyang mamahala sa Antioquia, ay naghimagsik, at ito'y nakarating kay Antioco. Hindi malaman ni Antioco ang gagawin, kaya't nakipagkasundo siya sa mga Judio at sumang-ayon sa kanilang kagustuhan. Nangako rin siyang igagalang ang karapatan ng mga ito. Bilang katibayan, naghandog siya sa dambana at nagkaloob pa ng malaking halaga bilang tanda ng kanyang paggalang. 24 Malugod niyang tinanggap si Judas at hinirang si Hegemonides bilang gobernador ng lupain mula sa Tolemaida hanggang Gerar. 25 Tumuloy siya sa Tolemaida. Ang mga tagaroo'y tutol sa kanyang ginawang kasunduan at nais nilang ito'y pawalang-bisa. 26 Sa gitna ng ganoong pagtutol, tumayo si Lisias sa plataporma at ipinagtanggol ang kasunduan sa abot ng kanyang makakaya. Sa kanyang magandang paliwanag, mapayapa pa niyang napasang-ayon ang mga mamamayan. Nakuha niya ang kanilang pagtitiwala, kaya't umuwi na siya sa Antioquia.

Sa ganitong paraan, ang paglusob ng hari ay nauwi sa pag-atras.

Nagsalita si Alcimo Laban kay Judas(EA)

14 Pagkalipas ng tatlong taon, nalaman ni Judas at ng mga tauhan nito na si Demetrio, kaanak ni Seleuco ay nagdala ng isang malaking hukbong-lakad at hukbong-dagat na pumasok sa daungan ng Tripolis. Nalaman niyang nakuha nito ang lupaing iyon matapos mapatay si Antioco at si Lisias.

May isang dating Pinakapunong Pari na ang pangala'y Alcimo na nakikiisa sa pamumuhay Griego noong panahon ng paghihimagsik. Alam niyang sa ginawa niyang ito'y hindi siya mababalik bilang Pinakapunong Pari, at dahil galit ang mga Judio sa kanya, nabahala siya. Kaya't naisipan niyang lumapit kay Haring Demetrio. Noo'y taong 151. Nagdala siya ng isang gintong korona at mga sanga ng palma at olibo buhat sa Templo at inihandog ito sa hari. Ngunit wala siyang sinabing anuman tungkol sa kanyang mga binabalak. Dumating ang isang magandang pagkakataon na matupad ang masama niyang binabalak nang anyayahan siya ni Demetrio sa isang pulong ng konseho upang hingan ng kuru-kuro tungkol sa mga binabalak ng mga Judio.

Ganito ang kanyang sinabi: “Ang mga Judiong tinatawag na Hasideano at pinamumunuan ni Judas Macabeo ay mapanghimagsik. Sila ang nagsusulsol ng pagrerebelde kaya laging magulo sa kaharian. Iyan nga po ang dahilan kaya ako naparito at iniwan ko ang aking marangal na tungkulin bilang Pinakapunong Pari. Nais kong ipadama sa inyo ang aking pagmamalasakit sa inyong kapakanan; pangalawa, alang-alang na rin ito sa aking mga kababayan. Alam po ninyo, ang aming bansa'y labis na naghihirap dahil sa mga taong aking binanggit sa inyo. Pagkatapos ninyong siyasatin ang mga bagay na ito, ayon sa inyong kagandahang-loob na iniuukol sa lahat, gawin po ninyo mahal na hari, kung ano ang makakabuti sa aming bansa at sa mga mamamayang naghihirap. 10 Maniwala po kayo na hanggang buháy si Judas, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.”

Isinugo si Nicanor Para Salakayin si Judas

11 Matapos masabi ni Alcimo ang lahat ng ito, ang ibang mga kaibigan ng hari na galit din kay Judas ay nagsulsol sa hari upang lalong mag-ibayo ang galit nito. 12 Dahil dito, mabilis na kumilos ang hari. Pinili niya agad si Nicanor, ang pinuno ng pangkat na nakasakay sa mga elepante, at ginawa itong gobernador ng Judea. Pinapunta agad ito doon 13 para patayin si Judas, lansagin ang pangkat nito, at ibalik si Alcimo sa tungkulin bilang Pinakapunong Pari sa Templong pinakadakila sa buong daigdig. 14 Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.

15 Ang(EB) pagdating ni Nicanor at ang pagsama sa kanya ng maraming Hentil ay ikinabahala ng mga Judio. Kaya't naglagay silang muli ng abo sa kanilang ulo at nanalangin sa Diyos na siyang pumili sa kanila upang maging kanya at hindi nagpapabaya sa kanila sa panahon ng kagipitan. 16 Sa isang salita ni Judas, lahat ay lumabas agad para harapin ang mga kaaway na nasa nayon ng Desau. 17 Si Simon na kapatid ni Judas, at si Nicanor ay nagsagupa, ngunit naging hadlang ang biglang pagdating ng mga kaaway. 18 Gayunman, binagabag si Nicanor ng napabalitang tapang ni Judas at ng kanyang hukbo sa pakikipaglaban alang-alang sa kanilang bayan. Nag-atubili siyang makipagtuos sa pamamagitan ng lakas. 19 Ipinasya niyang isugo sina Posidonio, Teodoto at Matatias upang makipagkasundo.

20 Matagal nilang tinalakay ang mga kondisyon at nang magkasundo, ang bawat pinuno ay nagpaliwanag sa kanya-kanyang pangkat. Lahat ay sumang-ayon sa kasunduan. 21 Ang mga pinuno ay nagtakda ng isang araw para mag-usap na muli. Inihandang mabuti ang lugar na pagdarausan ng pulong. Bawat panig ay nagpadala ng karwahe at naglagay ng upuan doon. 22 Bilang pag-iingat, naglagay si Judas ng mga sandatahang tauhan niya sa mga lugar na kailangan para nakahanda sila kung sakaling gumawa ng kataksilan ang kaaway. Ngunit naging maayos at mapayapa naman ang pagpupulong ng dalawa. 23 Nang matapos ang pagpupulong, nanatili si Nicanor sa Jerusalem. Hindi siya sumira sa kasunduan. Umiwas siya sa mga karaniwang mamamayan 24 na laging dumudulog sa kanya. Ngunit naging napakalapit niya kay Judas, at naging mabuti silang magkaibigan. 25 Pinayuhan ni Nicanor si Judas na mag-asawa na ito para magkaanak. Nag-asawa nga si Judas at namuhay na gaya ng pangkaraniwang mamamayan.

Nasira ang Pagkakaibigan nina Judas at Nicanor

26 Napansin ni Alcimo ang magandang samahan nina Judas at Nicanor at hindi niya ito ikinasiya. Kaya't kumuha siya ng sipi ng kasunduan at dinala kay Haring Demetrio. Siniraan niya si Nicanor at sinabing ito'y nakipagkasundo kay Judas para ibagsak ang pamahalaan at itinakda nang ito ang kanyang makakahalili. 27 Naniwala naman ang hari sa ulat ng taksil, kaya't nagsiklab siya sa galit. Sumulat ito kay Nicanor tungkol sa kasunduan at sinabing hindi siya nasisiyahan sa ginawang kasunduan at sa lalong madaling panahon ay dalhing bilanggo sa Antioquia si Judas.

28 Nang matanggap ni Nicanor ang sulat na ito, nanlumo siya at hindi malaman ang gagawin, sapagkat ayaw niyang sumira sa kasunduang ginawa niya sa isang taong wala namang ginagawang labag sa kasunduan. 29 Ngunit hindi niya maipagwawalang-bahala ang utos ng hari, kaya't naghintay siya ng magandang pagkakataon para ito'y maisagawa. 30 Samantala, nahahalata ni Judas na nanlalamig ang pakikisama ni Nicanor sa kanya, at alam niyang ito'y isang masamang tanda. Kaya't tinipon niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nagtago.

31 Napahiya(EC) si Nicanor dahil napaglalangan siya ni Judas, kaya't pumasok siya sa dakila at banal na Templo, at pinilit ang mga pari na isuko nila si Judas. Noo'y naghahandog ng pangkaraniwang handog ang mga pari. 32 Sumumpa ang mga ito na hindi nila nalalaman kung nasaan si Judas. 33 Sa galit ni Nicanor, nagbanta siya na ang kamay ay nakaturo sa Templo, “Kapag hindi ninyo ibinigay sa akin si Judas, ipaguguho ko ang Templong ito. Wawasakin ko ang inyong altar, at sa dako ring ito'y magtatayo ako ng isang magandang Templo upang parangalan si Dionisio.” 34 Pagkasabi nito, siya'y umalis. Nabahala ang mga pari, kaya't nanalangin silang lahat na nakataas ang kamay sa di-nagmamaliw na Tagapagtanggol ng kanilang bansa, 35 “Panginoon ng lahat, alam naming di ka nangangailangan ng anuman; gayon pa man, sumang-ayon kang magtayo kami ng Templong iyong matitirhan sa gitna namin. 36 Dahil dito, O Kabanal-banalan, ingatan mong walang dungis ang tahanang ito na hindi pa natatagalang nalilinis!”

Naging Martir si Razis

37 May isang matandang pinuno ng Jerusalem na ang pangalan ay Razis. May nagsumbong kay Nicanor na ang taong ito ay labis na iginagalang at itinuturing na “Ama ng mga Judio” dahil sa pag-ibig sa mga kababayan. 38 Sa unang mga araw ng paghihimagsik, isinuong niya ang sarili sa panganib alang-alang sa pananampalatayang Judio at dinala pa sa hukuman dahil sa pagiging matapat sa kanyang relihiyon. 39 Para patunayan ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio, nagpadala agad si Nicanor ng 500 kawal upang hulihin si Razis. 40 Inisip niyang kung mahuli ito ay masasaktang mabuti ang mga Judio. 41 Nilusob nga nila ang toreng pinagkukublihan ni Razis at malapit nang makuha. Habang pinagsisikapan nilang buksan ang pintuang-pasukan, ang mga kawal ay nag-utos din na sunugin ang pinto. Nawalan na ng pag-asa si Razis na siya'y makakaligtas, kaya't nagsaksak siya sa sarili. 42 Pinili niya ang mamatay na marangal kaysa mapasakamay ng mga tampalasan at ilagay sa kahihiyan.

43 Sa pagmamadali niya'y hindi naging mortal ang kanyang sugat. Pagpasok ng mga kaaway, ang ginawa niya'y umakyat sa taluktok ng tore at mula roo'y buo ang loob na tumalon sa gitna ng maraming tao. 44 Mabilis namang umilag ang mga tao at siya'y bumagsak sa lupa. 45 Hindi pa rin siya namatay, kaya't bumangon siyang buo pa rin ang loob, bagaman umaagos ang dugo sa mga sugat na natamo. Tumakas siya sa gitna ng mga tao at umakyat sa isang matarik na bundok. 46 Ubos na halos ang dugo niya sa katawan nang tumayo siya, dinakot ng dalawang kamay ang kanyang bituka, ubos-lakas na hinatak ito at inihagis sa mga tao, habang nananalangin sa Diyos na nagbibigay ng buhay at ng espiritu, na ibalik sa kanya ang nawalang sangkap ng kanyang katawan. Sa ganyang paraan namatay si Razis.

Ang Kalapastanganan ni Nicanor

15 Nalaman ni Nicanor na si Judas at ang mga kasamahan nito ay nasa lupain ng Samaria, kaya't ipinasya niyang salakayin sila. Para makatiyak na ligtas siya sa panganib, inisip ni Nicanor na gawin ito sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit ang mga Judiong napilitang sumama sa kanya ay nagsumamo, “Huwag po ninyong gawin ang inyong napakalupit na balak. Igalang po ninyo ang araw na dinakila, ginawang higit sa alinmang araw, at pinabanal ng Diyos na nakakakita ng lahat.” “Bakit, mayroon bang namamahala ng kalangitan na nag-utos na igalang ang araw na iyon?” tanong ng buhong na si Nicanor. Sumagot ang mga Judio na mayroon, at iyon ay ang Diyos na buháy, ang hari ng langit at siya ring nag-utos na igalang ang Araw ng Pamamahinga.

Ganito ang tugon ni Nicanor: “Ako naman ang hari dito sa lupa at iniuutos kong kunin ninyo ang inyong mga sandata at sundin ang aking kagustuhan.” Gayunman, hindi siya nagtagumpay sa maitim niyang balak.

Naghandang Makipaglaban si Judas

Napakahambog ni Nicanor—hindi pa ma'y ipinamamalita nang siya'y magpapagawa ng isang bantayog upang maging alaala ng kanyang pagtatagumpay laban kay Judas at sa mga tauhan nito. Subalit si Judas Macabeo ay hindi nabahala; lubos ang kanyang pagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na huwag matakot, sa halip ay alalahanin nila ang natamong tulong mula sa kalangitan noong mga nakaraang panahon ng kagipitan, at umasa silang kahit ngayon ay ipagkakaloob sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat ang tagumpay. Pinasigla niya sila sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, at ipinapaalala sa kanila ang natamo na nilang mga pagtatagumpay sa labanan. 10 Nang handa na sila, iniutos ni Judas ang dapat gawing pagtatanggol. Ipinaalala niya na hindi mapagkakatiwalaan ang mga Hentil sapagkat sumisira sila sa mga kasunduan. 11 Higit sa sandatang ibinigay niya sa kanyang mga tauhan ay ang kanyang mga salitang nagpalakas ng kanilang loob. Isang pangitaing nakita niya ang kanyang isinaysay upang patatagin ang loob ng kanyang mga tauhan.

12 Nakita raw niya sa pangitain si Onias, dating Pinakapunong Pari at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbaba, magaling magsalita, at mula sa pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio. 13 Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan. 14 Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: “Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab kung manalangin para sa banal na lunsod.”

15 Iniunat ni Jeremias ang kanyang kanang kamay at iniabot kay Judas ang isang espadang ginto at habang iniaabot iyon ay ganito ang sabi: 16 “Tanggapin mo ang banal na espadang ito, na kaloob ng Diyos. Gamitin mo ito at lipulin mo ang iyong mga kaaway.”

17 Sumigla ang mga puso't damdamin ng mga Judio sa mga sinabi ni Judas. Lumakas ang loob nila, kaya't maging ang mga kabataan ay lumaban nang ubod-tapang. Sapagkat nanganganib ang lunsod, ang kanilang relihiyon, ang Templo at ang mga sagradong kagamitan doon, minabuti na nilang sumalakay at kahit na manu-mano ay lutasin ang suliraning ito. 18 Nangingibabaw ang pagmamalasakit nila sa banal na Templo; pangalawa lamang sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay, asawa't anak at kamag-anak. 19 Ang lahat ng naiwan sa lunsod ay pawang balisa tungkol sa kahihinatnan ng labanan nila sa kapatagan.

Nalupig at Namatay si Nicanor

20 Bawat isa'y nananabik sa magiging wakas. Papalapit na ang kaaway, kasama ang mga elepante at ang mga mangangabayo sa magkabilang panig. 21 Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos. 22 Ganito(ED) ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay. 23 Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway. 24 Sa taglay mong lakas, hampasin mo sila na lumalait sa iyong mga lingkod!” Dito niya winakasan ang kanyang dalangin.

25 Sa(EE) hudyat ng mga trumpeta at mga awiting pandigma, ang hukbo ni Nicanor ay nagpatuloy sa paglapit, 26 ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan. 27 Ginamit nila ang kanilang mga bisig sa paglaban habang sa puso naman ay dumadalangin sila sa Diyos. Sa labanang iyon, 35,000 kaaway ang kanilang napatay. Gayon na lamang ang pasasalamat nila sa kapangyarihang ipinadama sa kanila ng Diyos. 28 Nang matapos ang labanan, masayang-masaya silang umuwi dahil sa tinamong tagumpay, at nakita nila ang bangkay ni Nicanor na suot pa ang kanyang baluti. 29 Napasigaw sila sa tuwa at sa kanilang sariling wika'y pinuri nila ang Panginoon.

30 Sa utos ni Judas, na ang katawa't kaluluwa'y tagapagtanggol ng mga kababayan sapul pagkabata, ipinaputol ang ulo't kanang kamay ni Nicanor upang dalhin sa Jerusalem. 31 Pagbabalik nila roon, tinipon ni Judas ang mga Israelita, nagtalaga ng mga pari sa harap ng altar, at tinawag ang lahat ng tauhang nasa tanggulan. 32 Ipinakita niya sa kanila ang ulo ng tampalasang lapastangang si Nicanor at ang kamay nito na buong paghahambog na iniunat laban sa banal na Templo ng Makapangyarihang Diyos. 33 Ang dila ni Nicanor ay pinutol din ni Judas para tadtarin at ipakain sa mga ibon. At ipabitin naman sa tapat ng Templo ang ibang parte ng katawan nito. 34 Lahat ng naroroon ay tumingala sa langit at nagpuri sa Panginoon na naghayag ng kanyang banal na kapangyarihan at nag-ingat sa Templo upang ito'y manatiling malinis. 35 Kinuha ni Judas ang ulo ni Nicanor at ibinitin sa pader ng kuta bilang katibayan ng tulong na ibinigay ng Panginoon. 36 Nagkaisa(EF) ang lahat na aalalahanin nila ang araw na ito at ipagdiriwang tuwing ika-13 araw ng ika-12 buwan ng taon na tinatawag na buwan ng Adar sa wikang Aramaico, at ang araw na ito ay bisperas ng Araw ni Mordecai.

Pagwawakas

37 Ang kasaysayan ni Nicanor ay nagwakas sa ganitong paraan. Mula noo'y nanatili sa kamay ng mga Judio ang lunsod, kaya't dito ko na rin tatapusin ang aking pagsasalaysay. 38 Kung ang pagkakasulat ko nito ay maayos at madaling maintindihan, ito ang nais kong mangyari. Kung hindi naman, ginawa ko na ang lahat ng aking makakaya. 39 Hindi mabuti ang uminom ng purong alak o tubig lamang ngunit ang pinaghalo nito ay masarap at nakakasiyang inumin. Gayon din, ang kasaysayang isinulat nang maayos ay nakakasiya sa bumabasa nito. Sa ganitong diwa, winawakasan ko ang kasaysayang ito.

Sinubok ni Satanas si Job

May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala.

Dumating(EG) ang araw na ang mga anak ng Diyos[bt] ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas.[bu] Tinanong ni Yahweh si Satanas,[bv] “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?”

“Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.[bw]

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.

Sumagot(EH) si Satanas,[bx] “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? 10 Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. 11 Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”

12 Sinabi ni Yahweh kay Satanas,[by] “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.

Nalipol ang mga Anak ni Job at Naubos ang Kanyang Kayamanan

13 Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. 14 Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15 nang may dumating na mga Sabeo.[bz] Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

16 Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”

17 Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo.[ca] Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

18 Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19 hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”

20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21 Ang(EI) sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”

22 Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.

Sinubok Muli ni Satanas si Job

Muling humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos,[cb] at naroon din si Satanas.[cc] Tinanong ni Yahweh si Satanas,[cd] ang Tagapagparatang. “Saan ka nanggaling?”

Sumagot si Satanas,[ce] “Nagpapabalik-balik at naglilibot ako sa buong daigdig.”

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain. Hinimok mo akong pinsalain siya kahit walang sapat na dahilan, subalit nananatili pa rin siyang tapat sa akin,” sabi pa ni Yahweh.

Sumagot si Satanas,[cf] “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay. Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!”

Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.”

Kaya umalis si Satanas[cg] sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan. Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. Sinabi ng kanyang asawa, “Mananatili ka pa bang matuwid? Sumpain mo ang Diyos at nang mamatay ka na!”

10 Ang sagot ni Job, “Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?” Sa kabila ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Job ng laban sa Diyos.

Dinalaw si Job ng Kanyang mga Kaibigan

11 Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. 12 Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. 13 Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan.

Dumaing si Job sa Diyos

Pagkaraan(EJ) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.

Ito ang kanyang sinabi:

“Hindi(EK) na sana ako ipinanganak pa
    at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
    Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
    at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
    at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
    Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
at sumpain ng mga salamangkerong
    nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[ch]
Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
    at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
    na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.

11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
    o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
    at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14     Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
    na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
    sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16     o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
    at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
    wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
    ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.

20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
    At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(EL) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
    hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23     Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
    kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
    pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
    kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”

Ang Unang Sagutan(EM)

Sinabi ni Elifaz na Temaneo,

“Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
    di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
Marami na ring tao ang iyong naturuan,
    at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
    sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
    nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
    Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.

“Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
    mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
    ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
    ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
    at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.

12 “Minsan, ako ay may narinig,
    salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(EN) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14     Ako'y sinakmal ng matinding takot,
    ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
    sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
    ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
    sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
    Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
    siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
    sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’

“Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
    Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
    Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
    ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
    walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
    kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
    Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
    at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
    kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
    at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
Mga(EO) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
    mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
    mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
    ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
    kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(EP) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
    kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14     Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
    iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.

17 “Mapalad(EQ) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
    ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(ER) niya ang kanyang nasugatan,
    pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20     Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
    at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
    at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
    at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
    maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
    at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
    tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
    katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
    pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”

Sinisi ni Job ang mga Kaibigan

Ang sagot ni Job:

“Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
    magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
    kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
    lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
    at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
    Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
    sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.

“Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
    sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
    sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
    kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
    kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
    wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.

14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
    tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
    para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
    pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
    ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
    at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20     ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
    kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
    Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23     Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
    Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?

24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
    ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
    ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
    bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
    pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
    tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
    at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.

Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam

“Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
    tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
    Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
    tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
    at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
    di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
    inuuod, kumikirot,
    ang nana ay lumalabas.
Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
    kay bilis umikot parang sa makina.

“Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
    hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
    di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
Tulad(ES) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
    kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
    mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
    upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
    Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
    upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
    masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15     Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
    kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.

17 “Ano(ET) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
    sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
    nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
    bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
    Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
    Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
    Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”