Beginning
Ang mga Unang Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Benjamin
12 Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. 2 Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: 3 si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; 4 si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; 5 sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; 6 sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; 7 sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Gad
8 Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. 9 Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, 10 Mismana, Jeremias, 11 Atai, Eliel, 12 Johanan, Elzabad, 13 Jeremias at Macbanai. 14 Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. 15 Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda
16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:
“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”
Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases
19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.
Ang Listahan ng Hukbo ni David
23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:
24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.
38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. 39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. 40 Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel.
Ang Kaban ng Tipan ay Kinuha sa Lunsod ng Jearim(A)
13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. 2 Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. 3 Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” 4 Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito.
5 Kaya't(B) tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. 6 Pumunta(C) silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. 7 Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. 8 Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta.
9 Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. 10 Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. 11 Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza[a] mula noon.
12 Subalit(D) natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” 13 Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. 14 Tatlong(E) buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian.
Ang mga Ginawa ni David sa Jerusalem(F)
14 Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. 2 Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel.
3 Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. 4 Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; 5 Ibhar, Elisua, Elpelet; 6 Noga, Nefeg, Jafia; 7 Elisama, Beeliada, at Elifelet.
Ang Tagumpay Laban sa mga Filisteo(G)
8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. 9 Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. 10 Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?”
“Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.”
11 Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim.[b] 12 Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito.
13 Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. 14 Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 16 Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. 17 Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.