Beginning
4 Pagkatapos nito ay tumingin ako, at doon sa langit ay may isang pintong nakabukas! Ang unang tinig na narinig kong nagsasalita sa akin ay parang isang trumpeta, na nagsasabi, “Umakyat ka rito at ipakikita ko sa iyo kung ano ang kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.” 2 At (A) agad akong kinasihan ng espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong may nakaupo! 3 At ang nakaupo doon ay nagniningning tulad ng batong jasper at sardio, at sa paligid ng trono ay may bahagharing parang esmeralda. 4 Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat pang trono at sa mga ito ay may nakaupong dalawampu't apat na matatanda na nakaputing damit, at sa kanilang mga ulo ay nakaputong ang mga gintong korona. 5 Mula (B) sa trono ay may nanggagaling na mga siklab ng kidlat, mga ingay at mga dagundong ng kulog. At sa harapan ng trono ay may pitong nag-aapoy na sulo. Ang mga ito'y ang pitong espiritu ng Diyos; 6 at sa (C) (D) harapan ng trono ay may tila dagat na salamin tulad ng kristal.
Sa paligid ng trono, sa bawat gilid nito ay may apat na buháy na nilalang, na puno ng mga mata sa harap at sa likod. 7 Parang leon ang unang buhay na nilalang, isang baka ang katulad ng ikalawa, ang ikatlong nilalang ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat ay parang isang lumilipad na agila. 8 Ang (E) bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak, sa paligid at loob ay puno ng mga mata. Araw at gabi'y hindi sila tumitigil sa pagsasabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang noon, ngayon, at darating.”
9 At tuwing magbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat ang mga buháy na nilalang sa kanyang nakaupo sa trono, siyang nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod ang dalawampu't apat na matatanda sa harap ng nakaupo sa trono at sumasamba sa kanyang nabubuhay magpakailanman; at inihahagis nila sa harap ng trono ang kanilang mga korona, na nagsasabi,
11 “Karapat-dapat ka, Panginoon naming Diyos,
na tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban,
sila'y nalikha at pinaiiral.”
Ang Aklat at ang Kordero
5 At nakita (F) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa harap at likod at sarado ng pitong tatak. 2 Nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na pasigaw na nagpapahayag, “Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magtanggal ng mga tatak nito?” 3 Ngunit walang sinuman sa langit, sa lupa o sa ilalim man ng lupa ang makapagbukas ng balumbon o kaya'y makatingin sa loob nito. 4 Umiyak ako nang umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito. 5 (G) Isa sa matatanda ay nagsabi sa akin, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon ng lipi ni Juda, na ugat ni David, ay nagtagumpay at kaya niyang buksan ang balumbon at tanggalin ang pitong tatak nito.”
6 At (H) nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na buháy na nilalang at ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad ng isang pinatay na may pitong sungay at pitong mata. Ang mga ito'y ang pitong[a] espiritu ng Diyos na isinugo sa buong daigdig. 7 Lumapit ang Kordero at kinuha ang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. 8 At nang (I) makuha niya ang balumbon, nagpatirapa sa harap ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat na matatanda. Ang bawat isa ay may hawak na alpa at mga gintong mangkok na puno ng insenso, na ang mga ito'y mga panalangin ng mga banal. 9 At umaawit (J) sila ng isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon
at magbukas sa mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinaslang at sa pamamagitan ng iyong dugo, tinubos mo para sa Diyos
ang tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa;
10 at ginawa (K) mo silang isang kaharian at mga paring naglilingkod sa aming Diyos,
at sila'y maghahari sa daigdig.”
11 (L) Ako'y muling tumingin at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel na nakapaligid sa trono, at ng mga buháy na nilalang, at ng mga matatanda; milyun-milyon at libu-libo ang bilang nila, 12 na malakas na umaawit,
“Ang pinaslang na kordero ay karapat-dapat
na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan!”
13 At narinig ko ang bawat nilalang sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat, at maging ang lahat ng bagay na nasa mga ito, na nagsasabi,
“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan
magpakailanpaman!”
14 Sinabi ng apat na buháy na nilalang, “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at sila'y sumamba.
6 At nakita kong binuksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na buháy na nilalang na nagsasalita na parang dagundong ng kulog, “Halika!” 2 Tumingin ako, at (M) naroon ang isang puting kabayo. Ang nakasakay doon ay may hawak na pana; binigyan siya ng korona, at lumabas siyang nagwawagi sa laban at magwawagi pa.
3 Nang buksan ng Kordero ang ikalawang tatak, narinig ko ang ikalawang nilalang na nagsasabi, “Halika!” 4 At isang (N) pulang kabayo ang lumitaw, ang nakasakay doon ay pinahintulutang alisin ang kapayapaan sa daigdig, nang sa gayon ay magpatayan ang mga tao, at siya ay binigyan ng malaking tabak.
5 (O) Nang buksan ng Kordero ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong buháy na nilalang na nagsasabi, “Halika!” Tumingin ako at naroon ang isang itim na kabayo, ang nakasakay doon ay may hawak na timbangan. 6 At narinig ko ang parang isang tinig sa gitna ng apat na buháy na nilalang na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denaryo,[b] at tatlong takal na sebada, subalit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”
7 At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buháy na nilalang na nagsasabi, “Halika!” 8 Tumingin ako at (P) naroon ang isang maputlang kabayo, ang nakasakay doon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. Binigyan sila ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng daigdig upang pumatay sa pamamagitan ng tabak, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa daigdig.
9 At nang buksan ng Kordero ang ikalimang tatak, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos at dahil sa patotoong pinanindigan nila. 10 Sumigaw sila nang malakas na nagsasabi, “Dakilang Panginoong banal at totoo, kailan mo pa ba hahatulan ang mga naninirahan sa daigdig at ipaghihiganti ang aming dugong dumanak?” 11 Ang bawat isa sa kanila ay binigyan ng mahabang puting kasuotan at sila'y sinabihang magpahinga ng kaunti pang panahon, hanggang ang bilang ng mga kapwa nila alipin at kapatid ay mabuo; na ang mga ito'y papatayin ding tulad nila.
12 (Q) Nang buksan ng Kordero ang ikaanim na tatak, tumingin ako, at nagkaroon ng malakas na lindol, naging itim ang araw na tulad ng damit-panluksa, at naging parang dugo ang buwang kabilugan; 13 (R) at ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa tulad ng puno ng igos na naglalaglag ng bubot na bunga kapag niyuyugyog ng malakas na hangin. 14 Nahawi (S) ang langit na parang isang balumbon na ibinabalumbong mag-isa, at naalis sa kinalalagyan ang bawat bundok at pulo. 15 (T) Ang mga hari ng daigdig, tagapamahala, mga pinuno, mga mayaman, mga makapangyarihan, ang bawat alipin, at bawat malaya ay nagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok. 16 (U) Sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at ikubli ninyo kami mula sa mukha niya na nakaupo sa trono at mula sa galit ng Kordero; 17 sapagkat (V) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makatatagal dito?”
Ang 144,000 na Tinatakan
7 Pagkatapos (W) nito, nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at pumipigil sa apat na hangin ng lupa, upang walang hanging makaihip sa lupa, sa dagat, at maging sa anumang puno. 2 Nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa silangan, dala-dala ang tatak ng Diyos na buháy, at sumigaw nang malakas sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang salantain ang lupa at ang dagat. 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag (X) ninyong salantain ang lupa o ang dagat, o ang mga puno, hanggang matatakan na namin sa kanilang noo ang mga alipin ng ating Diyos. 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan—isandaan at apatnapu't apat na libo ang tinatakan, mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda, 12,000;
sa lipi ni Ruben, 12,000;
sa lipi ni Gad, 12,000;
6 sa lipi ni Aser, 12,000;
sa lipi ni Neftali, 12,000;
sa lipi ni Manases, 12,000;
7 sa lipi ni Simeon, 12,000;
sa lipi ni Levi, 12,000;
sa lipi ni Isacar, 12,000;
8 sa lipi ni Zebulun, 12,000;
sa lipi ni Jose, 12,000;
sa lipi ni Benjamin, 12,000.
Ang Makapal na Bilang ng Tao mula sa Bawat Bansa
9 Pagkatapos nito ay tumingin ako, at naroon ang napakakapal na bilang ng taong hindi kayang bilangin ng sinuman, mula sa bawat bansa, mula sa lahat ng lipi, mga bayan, at mga wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak-hawak na mga sanga ng palma. 10 Sumisigaw sila na nagsasabi,
“Ang kaligtasan ay buhat sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero!”
11 At lahat ng anghel ay tumayo sa paligid ng trono, sa paligid ng matatanda, at ng apat na buháy na nilalang. Nagpatirapa sila sa harap ng trono at sinamba ang Diyos, 12 na nagsasabi,
“Amen! Sa aming Diyos ang kapurihan,
kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat,
karangalan, kapangyarihan at kalakasan
magpakailanpaman! Amen.”
13 Isa sa matatanda ang nagtanong sa akin, “Sino ang mga ito na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sinabi ko sa kanya, “Ginoo, (Y) ikaw po ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa matinding kapighatian; hinugasan nila at pinaputi ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.
15 Dahil dito, sila'y nasa harap ng trono ng Diyos,
at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa kanyang templo,
at sila'y kukupkupin ng nakaupo sa trono.
16 Hindi (Z) na sila magugutom ni mauuhaw man;
hindi na sila sasaktan ng sikat ng araw,
o ng anumang nakapapasong init;
17 sapagkat (AA) ang Korderong nasa gitna ng trono ang kanilang magiging pastol,
at kanyang aakayin sila tungo sa mga bukal ng tubig ng buhay,
at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit nang halos kalahating oras. 2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at binigyan sila ng pitong trumpeta.
3 (AB) Isa pang anghel na may dalang gintong lalagyan ng insenso ang dumating at tumayo sa dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang kanyang ialay kasama ang mga panalangin ng lahat ng banal sa gintong dambanang nasa harap ng trono. 4 At ang usok ng mga insenso, kasama ang mga panalangin ng mga banal, ay umakyat sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. 5 (AC) Kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno ito ng apoy mula sa dambana at itinapon ito sa lupa. Noon di'y kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 (AD) Ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay humanda upang hipan ang mga ito.
7 Hinipan (AE) ng unang anghel ang kanyang trumpeta, at nagkaroon ng yelo at apoy, na may halong dugo. Itinapon ang mga ito sa lupa. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa at ng mga puno. Ang lahat ng luntiang damo ay nasunog din.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, at itinapon sa dagat ang isang tulad ng malaking bundok na nagliliyab sa apoy. 9 Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng may buhay sa ilalim ng dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga barko.
10 Hinipan (AF) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, at isang malaking bituin ang nahulog mula sa langit, nagliliyab na parang isang sulo. Nahulog ito sa ikatlong bahagi ng mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11 (AG) Halamang Mapait ang pangalan ng bituin. Naging mapait ang ikatlong bahagi ng mga tubig. Maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito'y naging mapait.
12 Hinipan (AH) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin, kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nabawasan din ang ikatlong bahagi ng liwanag at ang maghapon at magdamag.
13 Tumingin ako, at narinig ko ang isang agilang sumisigaw habang lumilipad sa himpapawid, “Kaylagim, kaylagim, kaylagim ng sasapitin ng mga naninirahan sa lupa dahil sa iba pang mga trumpeta na hihipan ng tatlo pang anghel!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.