Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Efeso 4-6

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

Kaya't ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay nakikiusap sa inyo na kayo'y mamuhay nang naaayon sa pagkatawag din sa inyo. Taglayin ninyo ang (A) lubos na pagpapakumbaba at kaamuan, may pagtitiyaga, at pagpaparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang dakila kaysa lahat, at siyang kumikilos sa lahat, at nasa lahat. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Kaya't (B) nasusulat,

“Nang umakyat siya sa itaas ay dala niya ang maraming bihag,
    at namahagi siya ng mga kaloob sa mga tao.”

Sa pagsasabing, “Umakyat siya,” di ba't ipinahihiwatig nito na siya'y bumaba rin sa mas mababang dako ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kataas-taasang dako ng kalangitan upang mapuspos niya ang lahat ng bagay. 11 At siya ang nagbigay sa iba ng kaloob na maging apostol, sa iba'y maging propeta, sa iba'y ebanghelista, at sa iba'y pastor at guro. 12 Ito'y upang ihanda ang mga banal para sa gawain ng paglilingkod, tungo sa ikatatatag ng katawan ni Cristo, 13 hanggang marating natin lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang lubos na pagkakilala sa Anak ng Diyos, tungo sa pagiging ganap na tao, hanggang taglayin ang lubos na kabuuan ni Cristo. 14 Sa gayon ay hindi tayo mananatiling mga bata, na tinatangay ng mga alon at dinadala ng kung anu-anong hangin ng aral, sa pamamagitan ng daya at katusuhan ng mga tao sa kanilang mapanlinlang na paraan. 15 Sa halip, sa pagsasabi ng katotohanan na may pag-ibig, dapat tayong lumago sa lahat ng bagay sa kanya, na siyang ulo, walang iba kundi si Cristo. 16 Sa (C) kanya, ang lahat ng mga bahagi ng katawan ay nagkakalapat at pinagbubuklod sa pamamagitan ng pagtulong ng bawat litid. Ang pagganap ng gawain ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan at nagpapalakas ng sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. 18 Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sila'y nawalan ng kahihiyan at nalulong sa kahalayan, at nawalan ng kabusugan sa paggawa ng sari-saring karumihan. 20 Ngunit hindi ninyo nakilala si Cristo sa ganoong paraan! 21 Kung talagang siya'y inyong narinig at kayo'y naturuan tungkol sa kanya, kung paanong nakay Jesus ang katotohanan, 22 nang (D) hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, ang dating uri ng pamumuhay na pinasasama ng mapanlinlang na pagnanasa. 23 Baguhin na ninyo ang diwa ng inyong pag-iisip, 24 at (E) ibihis ninyo ang bagong pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos, sa tunay na katuwiran at kabanalan.

25 Kaya't (F) tigilan na ang pagsisinungaling! Bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. 26 Kapag nagagalit kayo (G) huwag kayong magkakasala. Huwag ninyong hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, 27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay tumigil na sa pagnanakaw, sa halip ay magtrabaho siya at gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, upang mayroon siyang maibigay sa nangangailangan. 29 Hindi dapat mamutawi sa inyong bibig ang anumang masamang pananalita, kundi ang mabuting bagay lamang na makapagpapatibay, upang ito ay makatulong sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong palungkutin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya'y tinatakan kayo para sa araw ng pagtubos. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng kapaitan, poot, pagkamuhi, pag-aaway, panlalait, pati ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging (H) mabait at mahabagin kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo sa isa't isa, kung paanong kay Cristo ay pinatawad kayo ng Diyos.

Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag

Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. (I) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos. Tulad ng nararapat sa mga banal, hindi dapat mabanggit man lamang tungkol sa inyo ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan, o kasakiman. Hindi rin dapat magkaroon sa inyo ng kalaswaan, ni hangal na usapan, o magagaspang na birong wala sa lugar, sa halip ay ang pagpapasalamat. Sapagkat alam na alam ninyo ito na walang mapakiapid, o taong marumi ang pamumuhay, o sakim, na isang uri ng taong sumasamba sa mga diyus-diyosan, ang tatanggap ng pamana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo. 10 Alamin ninyo kung ano ang kaaya-aya sa Panginoon. 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang kapakinabangang gawa ng kadiliman, sa halip ay ilantad ninyo ang mga ito. 12 Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga patagong ginagawa ng mga taong ito. 13 Lahat ng mga bagay na inilantad ng liwanag ay makikita. 14 Sapagkat anumang bagay na nakikita ay nagiging liwanag. Kaya nga't sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
    bumangon ka mula sa mga patay,
at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (J) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama. 17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, sa halip ay unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na sanhi ng kahalayan, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap-usap kayo (K) sa pamamagitan ng mga awit, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal; mag-awitan kayo at mag-alay ng himig mula sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, lagi kayong magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Diyos na ating Ama.

Ang Relasyong Mag-asawa

21 Magpasakop kayo sa isa't isa bilang bunga ng inyong paggalang kay Cristo. 22 Mga (L) asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, kung paanong si Cristo ang ulo ng iglesya, at siya mismo ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngayon, kung paanong nagpapasakop kay Cristo ang iglesya, gayundin ang mga asawang babae ay dapat pasakop sa lahat ng bagay sa kani-kanilang asawa. 25 Mga (M) asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, kung paanong inibig ni Cristo ang iglesya at inialay ang kanyang sarili para dito, 26 upang pakabanalin niya ito, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may kalakip na salita, 27 upang maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, walang dungis o kulubot o anumang tulad nito, sa halip ang iglesya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Sa gayunding paraan, dapat ibigin ng asawang lalaki ang kanyang sariling asawa tulad ng sarili niyang katawan. Ang umiibig sa sarili niyang asawa ay umiibig sa kanyang sarili. 29 Sapagkat walang sinumang namuhi sa sarili niyang katawan, sa halip ay inaaruga niya ito at iniingatan, gaya ng ginagawa ni Cristo sa iglesya; 30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Dahil (N) dito ay iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina, at pipisan siya sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. 32 Napakalalim ng hiwagang ito, ngunit ang sinasabi ko ay tungkol kay Cristo at sa iglesya. 33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat lalaki sa inyo ang sarili niyang asawa gaya ng kanyang sarili, at dapat igalang ng babae ang kanyang asawa.

Tungkol sa mga Anak at mga Magulang

Kayong mga (O) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sang-ayon sa Panginoon, sapagkat ito ay nararapat. “Igalang (P) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako, “upang lumigaya ka at humaba ang iyong buhay sa ibabaw ng lupa.” Kayong (Q) mga ama, huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak, sa halip ay palakihin ninyo sila sa disiplina at pangaral ng Panginoon.

Mga Alipin at mga Panginoon

Kayong mga (R) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon dito sa lupa nang may buong paggalang na taglay ang katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo. Sundin ninyo sila hindi lamang kapag nakatingin sila sa inyo bilang pakitang-tao lang, kundi bilang mga alipin ni Cristo. Buong puso ninyong gawin ang kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang may mabuting hangarin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao, sapagkat alam naman ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mabuti, alipin man siya o malaya. Kayong (S) mga panginoon, gayundin ang gawin ninyo sa inyong mga alipin. Huwag na kayong magbabanta, yamang nalalaman ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at pantay-pantay ang pagtingin niya sa mga tao.

Ang Pakikidigma Laban sa Masama

10 Sa kahuli-hulihan, maging matibay kayo sa tulong ng Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang katatagan. 11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat ang pakikipaglaban natin ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga makasanlibutang hukbo ng kadilimang ito, laban sa mga espirituwal na puwersa ng kasamaan na nasa kaitaasan. 13 Kaya't isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa pakikipaglaban pagdating ng araw ng kasamaan, at kung magawa na ninyo ang lahat ay makapanindigan kayong matatag. 14 Kaya't (T) manindigan kayo; gawin ninyong sinturon sa inyong mga baywang ang katotohanan, habang suot sa dibdib bilang pananggalang ang katuwiran. 15 (U) Isuot ninyo sa inyong mga paa ang kahandaan upang dalhin ang ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Bukod sa mga ito, gamitin ninyo ang pananampalataya bilang kalasag, na sa pamamagitan nito ay mapapatay ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Gamitin ninyo ang (V) helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang salita ng Diyos. 18 Palagi kayong manalangin ng lahat ng uri ng panalangin at paghiling sa pamamagitan ng Espiritu, at sa bagay na ito'y maging mapagbantay kayo at patuloy na magsumamo para sa lahat ng mga banal. 19 Ipanalangin din ninyo na sa pagbuka ng aking bibig ay pagkalooban ako ng sasabihin, upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyong ito, ako'y isang nakagapos na sugo. Ipanalangin nga ninyo na makapagpahayag ako nang may katapangan gaya ng nararapat kong gawin.

Pangwakas na Pagbati

21 At (W) (X) upang malaman din ninyo ang aking kalagayan at ang tungkol sa aking gawain, ang lahat ng ito'y sasabihin sa inyo ni Tiquico, na aking minamahal na kapatid at tapat na naglilingkod sa Panginoon. 22 Sa layuning ito ay isinusugo ko siya sa inyo, upang malaman ninyo ang kalagayan namin, at upang mapalakas niya ang inyong mga puso.

23 Pagkalooban nawa ng kapayapaan ang mga kapatid, at ng pag-ibig na may pananampalatayang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Ipagkaloob nawa ang biyaya sa lahat ng mga umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.