Beginning
Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid
14 Tanggapin(A) ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. 3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.
5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. 7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Ngunit(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat(C) nasusulat,
“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,
ang lahat ay luluhod sa harap ko,
at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’”
12 Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos.
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iba
13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. 19 Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.
Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. 2 Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. 3 Sapagkat(D) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” 4 Anumang(E) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, 6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at(F) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,
“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10 Sinabi(G) rin,
“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At(H) muling sinabi,
“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Sinabi pa ni Isaias,
“May isisilang sa angkan ni Jesse,
upang maghari sa mga Hentil;
siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(I) tulad ng nasusulat,
“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”
Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma
22 Iyan(J) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit(K) sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod(L) nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos,[b] masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.
Mga Pangungumusta
16 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.
3 Ikumusta(M) ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.
Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. 6 Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7 Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,[c] na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol[d] at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.
8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, 9 kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.
12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati(N) ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[e] Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.
21 Binabati(O) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.
22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.
23 Kinukumusta(P) kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][f]
Pangwakas na Pagpupuri
[25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.
27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.][g]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.