Beginning
Si Timoteo Kasama nina Pablo at Silas
16 Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo. Siya'y anak ng isang babaing Judio na mananampalataya at Griyego naman ang kanyang ama. 2 Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. 3 Nais ni Pablo na isama si Timoteo, kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judiong nasa lugar na iyon, sapagkat alam ng lahat na Griyego ang kanyang ama. 4 Sa kanilang paglalakbay sa mga lungsod, ipinababatid nila ang mga katuruang napagpasyahan ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala sa Jerusalem. 5 Kaya't lumakas ang mga iglesya sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Misia, tinangka nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya't paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. 9 Kinagabihan ay nagkaroon ng pangitain si Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumunta ka rito sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, gumayak kami agad papunta sa Macedonia, sapagkat natitiyak naming kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang Magandang Balita.
Ang Pagsampalataya ni Lydia
11 Mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at kinabukasan naman ay sa Neapolis. 12 Mula roon ay nagtungo kami sa Filipos, na sakop ng Roma at pangunahing lungsod sa nasasakupan ng Macedonia. Nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw. 13 Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. 14 Isa sa mga nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia, isang sumasamba sa Diyos. Siya ay mula sa lungsod ng Tiatira at mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig nang mabuti sa mga sinasabi ni Pablo. 15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, “Kung itinuturing ninyong ako'y tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking tahanan.” At kami'y napilit niya.
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos
16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.
Sa Tesalonica
17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. 3 Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” 4 Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. 5 Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. 6 Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![a] 7 Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” 8 Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. 9 Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.
Sa Berea
10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.
Sa Atenas
16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[b] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.