Beginning
Ang mga Bantay ng Israel
34 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel.[a] Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? 3 Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. 4 Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. 5 At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. 6 Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.
7 “Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: 8 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. 9 Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. 10 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
11 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. 12 Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon.[b] 13 Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. 14 Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. 15 Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.
17 “Mga mamamayan ng Israel na aking mga tupa, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama, ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa magandang pastulan; tinatapak-tapakan pa ninyo ang ibang pastulan? At hindi rin ba kayo nasisiyahan na nakakainom kayo ng malinaw na tubig at pinalabo pa ninyo ang ibang tubig? 19 Manginginain na lang ba ang iba kong mga tupa sa mga pinagtapak-tapakan ninyo? At ang iinumin na lang ba nila ay ang tubig na pinalabo ninyo?
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ibubukod ko ang matatabang tupa sa mga payat. 21 Sapagkat ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mahihina hanggang sa silaʼy lumayo. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa at hindi ko na papayagang apihin silang muli. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasama. 23 Bibigyan ko sila ng isang tagapagbantay na mula sa lahi ng lingkod kong si David. Siya ang magbabantay at mag-aalaga sa kanila. 24 Ako, ang Panginoon, ang magiging Dios nila, at ang lahi ng lingkod kong si David ang kanilang magiging tagapamahala. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Gagawa ako ng kasunduan sa kanila na magiging mabuti ang kanilang kalagayan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa lupain nila para makapanirahan sila sa ilang at makatulog sa kagubatan nang ligtas sa panganib. 26 Pagpapalain ko sila at ang mga lugar sa paligid ng aking banal na bundok. Padadalhan ko sila ng ulan sa tamang oras bilang pagpapala sa kanila. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy at mga pananim nila, at mamumuhay silang ligtas sa anumang panganib. Malalaman nilang ako ang Panginoon kapag pinalaya ko na sila sa mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila aabusuhin ng ibang mga bansa at hindi na sila lalapain ng mga mababangis na hayop. Mamumuhay silang ligtas sa panganib at wala nang katatakutan. 29 Bibigyan ko sila ng matabang lupain na magbibigay ng masaganang ani para hindi sila magutom o kutyain ng ibang bansa. 30 At malalaman nila na ako, ang kanilang Panginoong Dios na kasama nila, at silang mga mamamayan ng Israel, ang aking mga mamamayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
31 “Kayo ang mga tupa sa aking pastulan, kayo ang aking mga mamamayan, at ako ang inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe Laban sa Edom
35 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir[c] at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging mapanglaw ang inyong lugar. 4 Magigiba at magiging mapanglaw ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 5 Matagal na kayong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo silang salakayin sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. 6 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo. 7 Gagawin kong mapanglaw ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito. 8 Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig. 9 Gagawin kong mapanglaw ang lugar ninyo magpakailanman. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
10 “Sinasabi ninyo na ang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon, ay kasama nila. 11 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang gagantihan ko kayo sa inyong galit, inggit at poot, na ipinadama ninyo sa mga mamamayan ko. Kaya malalaman ninyong ako ang Panginoon habang pinarurusahan ko kayo. 12 Sa ganitong paraan, malalaman din ninyong ako ang Panginoon na nakaririnig ng lahat ng paglapastangan ninyo sa mga bundok ng Israel. Sapagkat sinasabi ninyong, ‘Wasak na ito, sakupin na natin!’ 13 Nagmalaki kayo sa akin. Kinutya nʼyo ako at narinig ko ito.
14 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing magagalak ang buong mundo, kapag ginawa kong mapanglaw ang lugar ninyo, 15 dahil natuwa kayo nang naging mapanglaw ang lupaing ipinamana ko sa mga mamamayan ng Israel. Kaya ito rin ang mangyayari sa inyo. Magiging mapanglaw ang bundok ng Seir at ang buong lupain ng Edom. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
Ang Mensahe para sa mga Bundok ng Israel
36 Sinabi ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bundok ng Israel. Sabihin mo sa kanila, ‘O mga bundok ng Israel, makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon. 2 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Sinabi ng mga kalaban ninyo na sa kanila na ang mga bundok ninyo.’
3 “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga bundok ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sinalakay kayo ng mga bansa mula sa ibaʼt ibang dako at sila ngayon ang nagmamay-ari sa inyo. Kinutya nila kayo at inilagay sa kahihiyan. 4-5 Kaya kayong mga bundok, burol, mga daluyan ng tubig, lambak, mga gibang lugar at mapanglaw na bayan na sinalakay at kinutya ng mga bansa sa palibot ninyo, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, lubha akong nagagalit sa mga bansang iyon, lalung-lalo na sa Edom. Sinakop nila ang aking lupain nang may katuwaan at pangungutya, dahil talagang gusto nilang mapunta sa kanila ang mga pastulan nito.
6 “Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit, 7 ako, ang Panginoong Dios ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon. 8 Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi. 9 Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo. 10 Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan. 11 Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 12 Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.”
13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa. 14 Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
16 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 17 “Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw. 18 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan na siyang nagparumi sa lupaing ito. 19 Pinangalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila. 20 At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon, pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’ 21 Nag-alala ako sa aking banal na pangalan na inilagay ng mga mamamayan ng Israel sa kahihiyan saang bansa man sila pumunta. 22 Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 24 Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain. 25 Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga dios-diosan. 26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin. 27 Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin. 28 Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Dios ninyo ako. 29 Lilinisin ko kayo sa lahat ng karumihan ninyo. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom. 30 Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo para hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom. 31 At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa. 32 Ngunit mga mamamayan ng Israel, gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”
33 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak. 34 Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito 35 ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’ 36 At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”
37-38 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Dios, “Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila. Pararamihin ko sila na kasindami ng mga tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®