Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mangangaral 5-8

Huwag Pabigla-bigla sa Pangako

Mag-ingat ka sa ikikilos mo kung pupunta ka sa templo ng Dios. Mas mabuting pumunta ka roon na handang sumunod[a] sa Dios, kaysa sa maghandog na gaya ng paghahandog ng isang mangmang na hindi alam kung ano ang mabuti at masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita. Mag-isip ka muna nang mabuti bago ka mangako sa Dios. Tandaan mo na ang Dios ay nasa langit at ikaw ay nandito sa lupa. Kaya mag-ingat ka sa pagsasalita. Kung papaanong madaling managinip kapag maraming alalahanin, madali ring makapagsalita ng kamangmangan kung padalos-dalos ka sa iyong pagsasalita. Kapag nangako ka sa Dios, tuparin mo agad ito. Tuparin mo ang ipinangako mo sa kanya dahil hindi siya natutuwa sa mga hangal na hindi tumutupad sa mga pangako. Mas mabuti pang huwag ka na lang mangako kaysa mangako ka at hindi mo naman tutuparin. Huwag kang magkasala sa iyong pagsasalita. At huwag mong sabihin sa pari[b] na nasa templo na hindi mo sinasadya ang iyong pangako sa Dios. Dahil magagalit ang Dios kung gagawin mo ito at sisirain niya ang lahat ng pinaghirapan mo. Ang sobrang pananaginip at pagsasalita ay walang kabuluhan. Sa halip, matakot ka sa Dios.

Walang Kabuluhan ang Kayamanan

Huwag kang magtaka kung makita mo sa inyong lugar na ang mga mahihirap ay inaapi at pinagkakaitan ng katarungan at karapatan. Dahil ang mga pinunong gumigipit sa kanila ay inaalagaan ng mas nakatataas na pinuno, at ang dalawang ito ay inaalagaan ng mas mataas pang pinuno. Pero mas lamang pa rin ang nakukuha ng hari sa kita ng lupain ng mahihirap, kaysa sa lahat ng mga pinuno.

10 Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan. 11 Kung dumarami ang kayamanan mo, dumarami rin ang nakikinabang nito, kaya wala kang mapapala sa kayamanan mo kundi pagmasdan lang ito. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang pagkain niya; pero ang mayaman, hindi makatulog nang mahimbing dahil sa kanyang kayamanan.

13 May nakita akong hindi maganda rito sa mundo: Ang kayamanang iniipon ng tao ay nakapagpapahamak sa kanya. 14 Nauubos ito dahil sa hindi mabuting negosyo at wala ng matitira para sa mga anak niya. 15 Kung paanong hubad tayong ipinanganak mula sa sinapupunan ng ating ina, hubad din tayong mamamatay. Hindi natin madadala ang ating mga pinaghirapan. 16 Napakalungkot isipin! Ipinanganak tayong walang dala, mamamatay tayong walang dala. Kaya ano pa ang saysay ng mga pagpapakahirap natin? Para lang tayong humahabol sa hangin na walang napapala. 17 Ang buhay natin ay puno ng kahirapan, kaguluhan, sakit at galit.

18 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao sa maiksing buhay na ibinigay sa kanya ng Dios ay kumain, uminom at magpakasaya sa kanyang pinaghirapan habang siyaʼy nabubuhay, dahil para naman talaga sa kanya ang mga iyon. 19 Binibigyan ng Dios ang bawat tao ng mga pag-aari at kayamanan. Hinahayaan niyang pakinabangan nila ang mga ito para matanggap nila ang para sa kanila at magpakasaya sa mga pinaghirapan nila. Ito ang regalo ng Dios sa kanila. 20 At dahil ginagawa ng Dios na abala ang tao sa mga bagay na nakapagpapasaya sa kanila, hindi sila nag-aalala na maiksi ang buhay nila.

May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.

Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10 Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11 At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?

Ang mga Paalala sa Buhay

Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal. 16 Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili. 17 At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras. 18 Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay. 19 Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan. 20 Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. 21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo. 22 Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala. 24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito. 25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.

26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya. 27-28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral, “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa 1,000 lalaki isa lang ang matuwid,[c] pero sa 1,000 babae wala ni isang matuwid. 29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Dios ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”

Walang katulad ang taong marunong na kayang magpaliwanag ng mga bagay. Ang karunungan ng taoʼy nakapagpapasaya ng mukha, at ang simangot ay nawawala.

Sundin ang Hari

Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Dios na gagawin mo ito. Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasama sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya,[d] dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya. Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito. Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos ay hindi mapapahamak. Alam ng taong marunong kung kailan at kung paano gagawin ang isang bagay. Dahil ang bawat bagay ay may kanya-kanyang tamang oras at pamamaraan ng paggawa gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.

Dahil walang sinuman ang nakakaalam ng hinaharap, walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari. Kung paanong hindi mapipigilan ng tao ang hangin,[e] hindi rin niya mapipigilan ang kanyang kamatayan. Tulad sa isang labanan, hindi siya makakaatras. At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.

Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa. 10 Nakita ko ring ibinuburol ang masasama. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri[f] pa sila ng mga taong taga-roon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.

11 Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan. 12 Kahit ang isang taoʼy magkasala ng isandaang beses at mabuhay pa nang matagal, alam kong mas mabuti pa rin ang kahihinatnan ng taong may takot sa Dios. 13 Hindi magtatagal ang buhay ng taong masama na walang takot sa Dios. Magiging parang anino ang buhay niya, sandali lang at agad mawawala. 14 Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasama. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.

15 Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Dios sa kanya dito sa mundo.

16 Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi. 17 Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Dios dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihin niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®