Beginning
Ang Matuwid at Mayamang si Job
1 May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.
2 May isinilang sa kanya na pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
3 Siya ay mayroong pitong libong tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang magkatuwang na baka, limang daang babaing asno, at napakaraming mga lingkod; kaya't ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga taga-silangan.
4 Ang kanyang mga anak na lalaki ay laging nagtutungo at nagdaraos ng pagdiriwang sa bahay ng bawat isa sa kanyang araw; at sila'y nagsusugo at inaanyayahan ang kanilang tatlong kapatid na babae upang kumain at uminom na kasalo nila.
5 Pagkatapos ng mga araw ng kanilang pagdiriwang, sila ay ipinasugo ni Job at pinapagbanal. Siya'y maagang bumabangon sa umaga at naghahandog ng mga handog na sinusunog ayon sa bilang nilang lahat, sapagkat sinabi ni Job, “Maaaring ang aking mga anak ay nagkasala, at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ganito ang palaging ginagawa ni Job.
6 Isang(A) araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at si Satanas[a] ay dumating din namang kasama nila.
7 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas sa Panginoon, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.”
9 Pagkatapos(B) ay sumagot si Satanas sa Panginoon, “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit?
10 Hindi ba't binakuran mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako? Pinagpala mo ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang mga pag-aari ay dumami sa lupain.
11 Ngunit pagbuhatan mo siya ngayon ng iyong kamay, galawin mo ang lahat ng pag-aari niya, at susumpain ka niya nang mukhaan.”
12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan, subalit huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng iyong kamay.” Sa gayo'y umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon.
Ang mga Kasawiang-palad ni Job at ang Kanyang Pagtitiis
13 Isang araw, nang ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay,
14 dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, “Nag-aararo ang mga baka, at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila,
15 sinalakay at tinangay sila ng mga Sabeo, at kanilang pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
16 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang apoy ng Diyos ay bumagsak mula sa langit, at sinunog ang mga tupa at ang mga lingkod, at inubos sila. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
17 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang mga Caldeo ay nagtatlong pangkat, sinalakay ang mga kamelyo, tinangay ang mga iyon, at pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod; at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
18 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.
19 Biglang dumating ang isang malakas na hangin mula sa ilang, hinampas ang apat na sulok ng bahay, lumagpak ito sa mga kabataan, at sila'y namatay. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
20 Pagkatapos ay tumindig si Job, pinunit ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa at sumamba.
21 Sinabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, at hubad akong babalik doon. Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon.”
22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni pinaratangan man ng kasamaan ang Diyos.
Si Job ay Nagkaroon ng mga Bukol
2 Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa Panginoon.
2 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan.”
4 Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, “Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay.
5 Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan.”
6 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”
7 Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.
8 At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo.
9 Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.”
10 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.
Dinalaw Siya ng Tatlong Kaibigan
11 Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya.
12 Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit.
13 At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki.
Ang Unang Pagsasalita ni Job
3 Pagkatapos(C) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.
2 Sinabi ni Job:
3 “Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
at ang gabi na nagsabi,
‘May batang lalaking ipinaglihi.’
4 Magdilim nawa ang araw na iyon!
Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
ni silayan man iyon ng liwanag.
5 Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
Tirahan nawa iyon ng ulap;
takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
6 Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
7 Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
8 Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[b]
9 Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.
11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.
20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(D) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[c]
at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7 “Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8 Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9 Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11 Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(E) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001