Beginning
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(A)
13 Naging hari ng Juda si Abijah noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 2 Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca[a] na anak ni Uriel na taga-Gibea.
Naglaban sina Abijah at Jeroboam. 3 Lumusob si Abijah kasama ang 400,000 matatapang na tao, at naghanda si Jeroboam ng 800,000 matatapang na tao sa pakikipaglaban. 4 Pagdating nila Abijah sa mababang bahagi ng Efraim, tumayo si Abijah sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, “Makinig kayo sa akin. 5 Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Pero ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. 7 Sumama sa iyo ang mga walang kwentang tao, at kumakalaban sa anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo. 8 At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami ang mga sundalo ninyo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga dios ninyo. 9 Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaari ng italaga bilang pari ng inyong huwad na mga dios.
10 “Pero kami, ang Panginoon ang aming Dios, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga pari namin na naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Dios. Pero kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Dios ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”
13 Habang nagsasalita si Abijah, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda para tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Dios si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abijah at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Dios sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abijah at ng mga tauhan niya – 500,000 matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
19 Hinabol ni Abijah si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jeshana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abijah, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay. 21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abijah. May 14 siyang asawa at 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae. 22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.
14 Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda.
2 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar.[b] Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 4 Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan. 5 Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa. 6 At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7 Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.
8 May 300,000 sundalo si Asa na taga-Juda, na armado ng malalaking pananggalang at mga sibat. At mayroon din siyang 280,000 sundalo na taga-Benjamin, na armado ng maliliit na pananggalang at mga pana. Silang lahat ay matatapang na sundalo.
9 Nilusob ni Zera na taga-Etiopia[c] ang Juda kasama ang maraming sundalo at 300 karwahe. At nakarating sila hanggang sa Maresha. 10 Pumwesto sina Asa sa Lambak ng Zefata malapit sa Maresha. 11 Pagkatapos, nanalangin si Asa sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, wala na pong iba pang makakatulong sa mga taong walang kakayahan laban sa mga makapangyarihan kundi kayo lang. Tulungan nʼyo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa inyo, at sa inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito. O Panginoon, kayo po ang aming Dios; huwag nʼyo pong payagang manaig ang tao laban sa inyo.”
12 Kaya dinaig ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng mga taga-Juda. Tumakas ang mga taga-Etiopia, 13 at hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga sundalo hanggang sa Gerar. Marami sa mga ito ang namatay at hindi na makalaban pa. Dinaig sila ng Panginoon at ng kanyang mga sundalo. Maraming ari-arian ang nasamsam ng mga sundalo ng Juda. 14 Nilipol nila ang mga baryo sa paligid ng Gerar, dahil dumating sa mga ito ang nakakatakot na parusa ng Panginoon. Sinamsam nila ang mga ari-arian ng mga bayan dahil marami ang mga ari-arian nito. 15 Nilusob din nila ang mga kampo ng mga tagapagbantay ng mga hayop, at pinagkukuha ang mga tupa, mga kambing at mga kamelyo. Pagkatapos, nagsibalik sila sa Jerusalem.
Ang Mga Pagbabagong Ginawa ni Asa
15 Pinuspos ng Espiritu ng Dios si Azaria na anak ni Obed. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, “Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Pero kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Dios, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Pero sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Dios sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Pero kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azaria na anak ni Obed, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manase, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Dios.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ika-15 taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan – 700 baka at 7,000 tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar,[d] naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama sa Panginoon.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ika-35 taon ng paghahari ni Asa.
Ang Huling Taon ni Asa(B)
16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 2 Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[e] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. 3 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
4 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. 5 Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7 Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8 Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9 Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[f] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.
Si Haring Jehoshafat ng Juda
17 Ang pumalit kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat. Pinatibay ni Jehoshafat ang kaharian niya para makalaban siya sa Israel. 2 Nagtalaga siya ng mga sundalo sa lahat ng napapaderang lungsod, at naglagay din siya ng mga kampo ng sundalo sa Juda at sa mga bayan ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama. 3 Sinamahan ng Panginoon si Jehoshafat dahil sa unang mga taon ng paghahari niya sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ninuno na si David. Hindi siya dumulog kay Baal,[g] 4 kundi dumulog siya sa Dios ng kanyang ama, at sumunod sa kanyang kautusan sa halip na sumunod sa pamumuhay ng mga taga-Israel. 5 Pinatibay ng Panginoon ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nagdala ng mga regalo ang lahat ng taga-Juda sa kanya, kaya yumaman siya at naging tanyag. 6 Matapat siya sa pagsunod sa mga pamamaraan ng Panginoon. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar[h] at ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng paghahari niya, dinala niya ang kanyang mga opisyal na sila Ben Hail, Obadias, Zacarias, Netanel at Micaya para magturo sa mga bayan ng Juda. 8 Kasama nila ang ibang mga Levita na sina Shemaya, Netania, Zebadia, Asahel, Shemiramot, Jehonatan, Adonia, Tobia, Tob Adonia, at ang mga pari na sina Elishama at Jehoram. 9 Dinala nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon at umikot sila sa lahat ng bayan ng Juda at nagturo sa mga tao.
10 Niloob ng Panginoon na matakot sa kanya ang lahat ng kaharian sa paligid ng Juda, kaya wala sa kanila na nakipaglaban kay Jehoshafat. 11 Ang ibang mga Filisteo ay nagdala kay Jehoshafat ng mga regalo at pilak bilang buwis, at ang mga taga-Arabia ay nagdala sa kanya ng 7,700 tupa at 7,700 kambing. 12 Kaya naging makapangyarihan pa si Jehoshafat. Nagpatayo siya sa Juda ng mga depensa at ng mga lungsod na ginawang mga bodega. 13 Maraming pantustos ang tinipon niya sa mga bayan ng Juda. Naglagay din siya ng mahuhusay at matatapang na sundalo sa Jerusalem. 14 Ang kanyang mga sundaloʼy inilista ayon sa kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Juda: si Adna ang kumander ng 300,000 sundalo, na binukod-bukod sa tig-1,000. 15 Ang sumunod sa kanya ay si Jehohanan na kumander ng 280,000 sundalo. 16 Sumunod ay si Amasia na anak ni Zicri, na kumander ng 200,000 sundalo. Nagkusang-loob siya para sa gawain ng Panginoon.
17 Mula sa lahi ni Benjamin: si Eliada, na isang matapang na tao, ang kumander ng 200,000 sundalo. Ang mga sundalong itoʼy may mga pananggalang at mga pana. 18 Ang sumunod sa kanya ay si Jehozabad na kumander ng 180,000 armadong sundalo.
19 Sila ang mga naglilingkod kay Haring Jehoshafat bukod pa sa mga sundalo na kanyang inilagay sa lahat ng napapaderang lungsod sa Juda.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®