Beginning
4 At nang mabalitaan ni Is-boseth, na anak ni Saul, na si Abner ay patay na sa Hebron, ang kaniyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat na taga Israel ay nabagabag.
2 At si Is-boseth, na anak ni Saul, ay may dalawang lalake na mga punong kawal sa mga pulutong: ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng isa ay Rechab, na mga anak ni Rimmon na Beerothita sa mga anak ni Benjamin: (sapagka't ang Beeroth din naman ay ibinilang sa Benjamin:
3 At ang mga Beerothita ay nagsitakas sa Githaim, at nangakipamayan doon hanggang sa araw na ito.)
4 Si Jonathan nga na anak ni Saul, ay may isang anak na pilay sa kaniyang mga paa. Siya'y may limang taon nang dumating ang balita tungkol kay Saul at kay Jonathan na mula sa Jezreel, at kinalong siya ng kaniyang yaya at tumakas: at nangyari, habang siya'y nagmamadali ng pagtakas, na siya'y nabagsak, at naging pilay. At ang kaniyang pangalan ay Mephiboseth.
5 At ang mga anak ni Rimmon na Beerothita, na si Rechab at si Baana, ay nagsiyaon at nagsiparoon ng may kainitan ang araw sa bahay ni Is-boseth, na doon siya nagpahinga sa katanghalian tapat.
6 At sila'y nagsipasok doon sa gitna ng bahay, na parang sila'y kukuha ng trigo; at kanilang sinaktan siya sa tiyan; at si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid ay nangagtanan.
7 Sapagka't nang sila nga'y magsipasok sa bahay habang siya'y nahihiga sa kaniyang higaan sa kaniyang silid, kanilang sinaktan siya, at pinatay siya, at pinugutan siya ng ulo, at dinala ang kaniyang ulo at nagpatuloy ng lakad sa Araba buong gabi.
8 At kanilang dinala ang ulo ni Is-boseth kay David sa Hebron, at sinabi nila sa hari, Tingnan mo ang ulo ni Is-boseth na anak ni Saul na iyong kaaway na umuusig ng iyong buhay; at ipinanghiganti ng Panginoon ang aking panginoon na hari sa araw na ito kay Saul, at sa kaniyang binhi.
9 At sinagot ni David si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid, na mga anak ni Rimmon na Beerothita, at sinabi sa kanila, Buhay ang Panginoon na siyang tumubos ng aking kaluluwa sa buong kahirapan.
10 Nang saysayin sa akin ng isa, na sinasabi, Narito, si Saul ay namatay, na inakala niyang nagdala siya ng mabuting balita, ay aking hinawakan siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang kagantihang ibinigay ko sa kaniya dahil sa kaniyang balita.
11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalake ang isang matuwid na tao sa kaniyang sariling bahay, sa kaniyang higaan, hindi ko ba sisiyasatin ngayon ang kaniyang dugo sa inyong kamay, at aalisin kayo sa lupa?
12 At iniutos ni David sa kaniyang mga bataan, at pinatay nila sila, at pinutol ang kanilang mga kamay at ang kanilang mga paa, at mga ibinitin sa tabi ng tangke sa Hebron. Nguni't kanilang kinuha ang ulo ni Is-boseth, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.
5 Nang magkagayo'y naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, Narito, kami ay iyong buto at iyong laman.
2 Sa panahong nakaraan nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: Ikaw ay magiging pastor ng aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel.
3 Sa gayo'y nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa Hebron: at ang haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon: at kanilang pinahiran ng langis si David na maging hari sa Israel.
4 Si David ay may tatlong pung taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing apat na pung taon.
5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda na pitong taon at anim na buwan: at sa Jerusalem ay naghari siya na tatlong pu at tatlong taon sa buong Israel at Juda.
6 At ang hari at ang kaniyang mga lalake ay nagsiparoon sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na nagsisitahan sa lupain, na nangagsalita kay David, na nangagsasabi, Maliban na iyong alisin ang bulag at ang pilay, hindi ka papasok dito: na iniisip, na si David ay hindi makapapasok doon.
7 Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan sa Sion; na siyang bayan ni David.
8 At sinabi ni David nang araw na yaon, Sino mang sumakit sa mga Jebuseo, ay pumaroon siya sa inaagusan ng tubig, at saktan ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David. Kaya't kanilang sinasabi, Mayroong bulag at pilay; hindi siya makapapasok sa bahay.
9 At tumahan si David sa katibayan at tinawag na bayan ni David. At itinayo ni David ang kuta sa palibot mula sa Millo, at sa loob.
10 At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kaniya.
11 At si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, at ng mga puno ng sedro, at mga anluwagi, at mangdadaras sa bato; at kanilang ipinagtayo si David ng isang bahay.
12 At nahalata ni David, na itinalaga siya ng Panginoon na maging hari sa Israel, at kaniyang itinaas ang kaniyang kaharian dahil sa kaniyang bayang Israel.
13 At kumuha pa si David ng mga babae at mga asawa sa Jerusalem, panggagaling niya sa Hebron: at may mga ipinanganak pa na lalake at babae kay David.
14 At ito ang mga pangalan niyaong mga ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem; si Sammua, at si Sobab, at si Nathan, at si Salomon,
15 At si Ibhar, at si Elisua; at si Nephegh at si Japhia;
16 At si Elisama, at si Eliada, at si Eliphelet.
17 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na kanilang inihalal si David na hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay nagsiahon upang usigin si David; at nabalitaan ni David, at lumusong sa katibayan.
18 Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nagsikalat sa libis ng Rephaim.
19 At nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagka't tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.
20 At naparoon si David sa Baal-perasim at sila'y sinaktan doon ni David; at kaniyang sinabi, Pinanambulat ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, na gaya ng pilansik ng tubig. Kaya't kaniyang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Baal-perasim.
21 At kanilang iniwan doon ang kanilang mga larawan, at mga inalis ni David at ng kaniyang mga lalake.
22 At nagsiahon pa uli ang mga Filisteo, at nagsikalat sa libis ng Rephaim.
23 At nang isangguni ni David sa Panginoon, kaniyang sinabi, Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales.
24 At mangyayari, pagka iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagka't lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.
25 At ginawang gayon ni David; gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; at sinaktan niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.
6 At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.
2 At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga'y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.
3 At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.
4 At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban.
5 At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.
6 At nang sila'y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka't ang mga baka ay nangatisod.
7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo'y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.
8 At hindi minagaling ni David, sapagka't nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.
9 At natakot si David sa Panginoon sa araw na yaon; at kaniyang sinabi, Paanong madadala rito ang kaban ng Panginoon sa akin?
10 Sa gayo'y hindi inilipat ni David ang kaban ng Panginoon sa kaniya sa bayan ni David, kundi iniliko ni David sa bahay ni Obed-edom na Getheo.
11 At ang kaban ng Panginoon ay natira sa bahay ni Obed-edom na Getheo na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kaniyang buong sangbahayan.
12 At nasaysay sa haring kay David, na sinasabi, Pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol sa kaniya, dahil sa kaban ng Dios. At yumaon si David at iniahon ang kaban ng Dios mula sa bahay ni Obed-edom, hanggang sa bayan ni David, na may kagalakan.
13 At nagkagayon na nang yaong mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghain ng isang baka at isang pinataba.
14 At nagsayaw si David ng kaniyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay nabibigkisan ng isang epod na lino.
15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sangbahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon, na may hiyawan, at may tunog ng pakakak.
16 At nagkagayon, sa pagpapasok ng kaban ng Panginoon sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumitingin sa dungawan, at nakita na ang haring si David ay naglulukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kaniyang niwalan ng kabuluhan siya sa kaniyang puso.
17 At kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kaniyang dako, sa gitna ng tolda na itinayo ni David: at naghandog si David ng mga handog na susunugin at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.
18 At nang makatapos si David na maghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.
19 At kaniyang binahagi sa buong bayan, sa makatuwid baga'y sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalake at gayon din sa mga babae, sa bawa't isa ay isang tinapay at isang bahaging lamang kati, at isang binilong pasas. Sa gayo'y ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kaniyang bahay.
20 Nang magkagayo'y bumalik si David upang basbasan ang kaniyang sangbahayan. At si Michal na anak ni Saul ay lumabas na sinalubong si David, at sinabi, Pagkaluwalhati ngayon ng hari sa Israel, na siya'y naghubad ngayon sa mga mata ng mga babaing lingkod ng kaniyang mga lingkod, na gaya ng naghuhubad na kahiyahiya ang isang walang kabuluhang tao.
21 At sinabi ni David kay Michal, Yao'y sa harap ng Panginoon, na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at sa buong sangbahayan niya, upang ihalal ako na prinsipe sa bayan ng Panginoon, sa Israel: kaya't ako'y tutugtog sa harap ng Panginoon.
22 At ako'y magpapakawalang kabuluhan pa kay sa yaon, at ako'y magpapakababa sa aking sariling paningin: nguni't sa mga babaing lingkod na iyong sinalita, ay pararangalan ako.
23 At si Michal na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.
7 At nangyari nang ang hari ay tumahan sa kaniyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot,
2 Na sinabi ng hari kay Nathan na propeta: Tingnan mo ngayon ako'y tumatahan sa isang bahay na sedro, nguni't ang kaban ng Dios ay nanahanan sa loob ng mga tabing.
3 At sinabi ni Nathan sa hari, Yumaon ka, gawin mo ang lahat na nasa iyong puso; sapagka't ang Panginoon ay sumasa iyo.
4 At nangyari, nang gabi ring yaon, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Nathan, na sinasabi,
5 Yumaon ka at saysayin mo sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ipagtatayo mo ba ako ng isang bahay na matatahanan?
6 Sapagka't hindi ako tumahan sa isang bahay mula sa araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, hanggang sa araw na ito, kundi ako'y lumakad sa tolda at sa tabernakulo.
7 Sa lahat ng dako na aking nilakaran na kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan na maging pastor ng aking bayang Israel, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ipinagtayo ako ng isang bahay na sedro?
8 Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayan, sa Israel:
9 At ako'y suma iyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.
10 At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayan na Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y magsitahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una.
11 At gaya mula sa araw na aking halalan ng mga hukom ang aking bayang Israel; at aking papagpapahingahin ka sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay isinaysay ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.
12 Pagka ang iyong mga araw ay naganap, at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong tiyan, at aking itatatag ang kaniyang kaharian.
13 Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man.
14 Ako'y magiging kaniyang ama, at siya'y magiging aking anak: kung siya'y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;
15 Nguni't ang aking kagandahang loob ay hindi mahihiwalay sa kaniya na gaya nang aking pagkaalis niyan kay Saul, na aking inalis sa harap mo.
16 At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man.
17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito ay gayon sinalita ni Nathan kay David.
18 Nang magkagayo'y ang haring si David ay pumasok, at umupo sa harap ng Panginoon: at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking sangbahayan na ako'y iyong dinala sa ganiyang kalayo?
19 At ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, Oh Panginoong Dios; nguni't ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malaong panahong darating; at ito ay ayon sa paraan ng tao, Oh Panginoong Dios!
20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? sapagka't iyong kilala ang iyong lingkod, Oh Panginoong Dios.
21 Dahil sa iyong salita, at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang iyong ipakilala sa iyong lingkod.
22 Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.
23 At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayan, gaya ng Israel, na tinubos ng Dios sa kaniyang sarili na pinakabayan, at upang gawin niya sa kaniyang isang pangalan, at upang igawa kayo ng mga dakilang bagay, at ng mga kakilakilabot na mga bagay ang iyong lupain, sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos para sa iyo mula sa Egipto, mula sa mga bansa at sa kanilang mga dios?
24 At iyong itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.
25 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan, iyong pagtibayin nawa magpakailan man, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita.
26 At dumakila ang iyong pangalan magpakailan man, sa pagsasabi: Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios sa Israel: at ang sangbahayan ng iyong lingkod na si David ay matatag sa harap mo.
27 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon ng mga hukbo, ang Dios ng Israel ay napakita ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, Aking ipagtatayo ka ng isang bahay; kaya't nasumpungan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na idalangin ang panalanging ito sa iyo.
28 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ikaw ay Dios at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod:
29 Ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka't ikaw, Oh Panginoong Dios ay nagsalita: at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sangbahayan ng iyong lingkod magpakailan man.
Public Domain