Beginning
Ang mga Taong Bumalik mula sa Pagkabihag
8 Ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ito ang talaan ng angkan ng mga naglakbay na kasama ko mula sa Babilonia, sa panahon ng paghahari ni Haring Artaxerxes:
2 Sa mga anak ni Finehas, si Gershon; sa mga anak ni Itamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus,
3 sa mga anak ni Shecanias. Sa mga anak ni Paros, si Zacarias, na kasama niyang itinala ang isandaan at limampung lalaki.
4 Sa mga anak ni Pahat-moab, si Eliehoenai na anak ni Zeraias, at kasama niya'y dalawandaang lalaki.
5 Sa mga anak ni Shecanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya'y tatlong daang lalaki.
6 Sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limampung lalaki.
7 Sa mga anak ni Elam, si Jeshaias na anak ni Atalia, at kasama niya'y pitumpung lalaki.
8 Sa mga anak ni Shefatias, si Zebadias na anak ni Micael, at kasama niya'y walumpung lalaki.
9 Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at kasama niya'y dalawandaan at labing walong lalaki.
10 Sa mga anak ni Shelomit, ang anak ni Josifias, at kasama niya'y isandaan at animnapung lalaki.
11 Sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai, at kasama niya ay dalawampu't walong lalaki.
12 Sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Hakatan, at kasama niya ay isandaan at sampung lalaki.
13 Sa mga anak ni Adonikam, na mga huling dumating, ito ang kanilang mga pangalan: Elifelet, Jeiel, at Shemaya, at kasama nila ay animnapung lalaki.
14 Sa mga anak ni Bigvai, sina Utai at Zacur[a] at kasama nila ay pitumpung lalaki.
Naghanap si Ezra ng mga Levita para sa Templo
15 Tinipon ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava at doo'y nagkampo kami sa loob ng tatlong araw. Habang aking sinisiyasat ang taong-bayan at ang mga pari, wala akong natagpuan doon na mga anak ni Levi.
16 Nang magkagayo'y ipinasundo ko sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at si Mesulam, na mga pangunahing lalaki, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo,
17 at isinugo ko sila kay Iddo na pangunahing lalaki sa lugar ng Casipia. Sinabi ko sa kanila na kanilang sabihin kay Iddo at sa kanyang mga kapatid na mga lingkod sa templo sa lugar ng Casipia, na sila'y magpadala sa amin ng mga tagapaglingkod sa bahay ng aming Diyos.
18 At sa pamamagitan ng mabuting kamay ng aming Diyos na sumasaamin, sila ay nagdala sa amin ng isang lalaking may karunungan mula sa mga anak ni Mahli, na anak ni Levi, na anak ni Israel, si Sherebias, kasama ang kanyang mga anak na lalaki at mga kapatid, na labingwalo.
19 Kasama rin si Hashabias, at pati si Jeshaias mula sa mga anak ni Merari, kasama ang kanyang mga kapatid at kanyang mga anak na lalaki, na dalawampu.
20 Bukod sa dalawandaan at dalawampung mga lingkod sa templo, na ibinukod ni David at ng kanyang mga pinuno upang tumulong sa mga Levita, silang lahat ay binanggit ayon sa pangalan.
Nanguna si Ezra sa Pag-aayuno at Pananalangin
21 Pagkatapos ay nagpahayag ako roon ng ayuno, sa ilog ng Ahava, upang kami'y magpakumbaba sa harapan ng aming Diyos, upang humanap sa kanya ng matuwid na daan, para sa aming sarili, at sa aming mga anak, at sa lahat ng aming mga pag-aari.
22 Ako'y nahiyang humingi sa hari ng isang pangkat ng mga kawal at mga mangangabayo upang ingatan kami laban sa mga kaaway sa aming daraanan; yamang aming sinabi sa hari, “Ang kamay ng aming Diyos ay para sa kabutihan ng lahat na humahanap sa kanya, at ang kapangyarihan ng kanyang poot ay laban sa lahat ng tumatalikod sa kanya.”
23 Kaya't kami'y nag-ayuno at nagsumamo sa aming Diyos dahil dito, at siya'y nakinig sa aming pakiusap.
Mga Kaloob para sa Templo
24 Nang magkagayo'y ibinukod ko ang labindalawa sa mga pangunahing pari: sina Sherebias, Hashabias, gayundin ang kanilang mga kamag-anak.
25 At tinimbang ko sa kanila ang pilak, ginto, at ang mga kagamitan, ang handog para sa bahay ng aming Diyos, na inihandog ng hari, ng kanyang mga tagapayo, mga pinuno at ng buong Israel na nakaharap doon.
26 Aking tinimbang sa kanilang kamay ang animnaraan at limampung talentong pilak, at mga sisidlang pilak na may halagang isandaang talento, at isandaang talentong ginto,
27 dalawampung mangkok na ginto na may halagang isang libong dariko, at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso na kasinghalaga ng ginto.
28 At sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa Panginoon, ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ginto ay kusang-loob na handog sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
29 Bantayan ninyo at ingatan ang mga ito hanggang sa inyong matimbang sa harapan ng mga punong pari, ng mga Levita, at ng mga puno ng mga sambahayan ng Israel sa Jerusalem, sa loob ng mga silid ng bahay ng Panginoon.”
30 Sa gayo'y tinanggap ng mga pari at ng mga Levita ang timbang ng pilak, ginto, at ng mga kagamitan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng aming Diyos.
Ang Pagbabalik sa Jerusalem
31 Pagkatapos ay umalis kami sa ilog ng Ahava nang ikalabindalawang araw ng unang buwan, upang pumunta sa Jerusalem. Ang kamay ng aming Diyos ay kasama namin, at kanyang iniligtas kami sa kamay ng kaaway at sa mga pagtambang sa daan.
32 Dumating kami sa Jerusalem at namalagi roon sa loob ng tatlong araw.
33 Sa ikaapat na araw, sa loob ng bahay ng aming Diyos, ang pilak, ginto at ang mga kagamitan ay tinimbang sa kamay ng paring si Meremot, na anak ni Urias at kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas, at kasama nila ang mga Levitang si Jozabad na anak ni Jeshua, at si Noadias na anak ni Binui.
34 Ang kabuuan ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng lahat ay itinala.
35 Nang panahong iyon, ang mga dumating mula sa pagkabihag, ang mga bumalik na ipinatapon ay nag-alay ng handog na sinusunog sa Diyos ng Israel, labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na lalaking tupa, pitumpu't pitong kordero, at labindalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan. Lahat ng ito'y handog na sinusunog sa Panginoon.
36 Ibinigay rin nila ang mga bilin ng hari sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog; at kanilang tinulungan ang taong-bayan at ang bahay ng Diyos.
Nabalitaan ni Ezra ang Pag-aasawa sa mga Di-Judio
9 Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, “Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Ehipcio, at mga Amoreo.
2 Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan.
4 Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.
5 Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Diyos,
6 na sinasabi, “O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit.
7 Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito.
8 Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng Panginoon naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin.
9 Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem.
10 “At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos,
11 na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, ‘Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumunô sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan.
12 Kaya't(A) huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.’
13 At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14 Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas?
15 O Panginoon, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito.”
Ang Pasiya tungkol sa Magkahalong Pag-aasawa
10 Habang si Ezra ay nananalangin at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harapan ng bahay ng Diyos, isang napakalaking pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang nagtipun-tipon sa kanya mula sa Israel; at ang taong-bayan ay umiyak din na may kapaitan.
2 At si Shecanias na anak ni Jehiel, isa sa mga anak ni Elam ay nagsalita kay Ezra: “Kami ay nagkasala laban sa ating Diyos at nag-asawa ng mga banyagang babae mula sa mga mamamayan ng lupain, subalit kahit ngayon ay may pag-asa sa Israel sa kabila nito.
3 Ngayon ay makipagtipan tayo sa ating Diyos na paalisin ang lahat ng mga asawang ito at ang kanilang mga anak, ayon sa payo ng aking panginoon at ng mga nanginginig sa utos ng ating Diyos; at gawin ito ayon sa kautusan.
4 Bumangon ka, sapagkat ito ay gawain mo, at kami ay kasama mo. Magpakalakas ka at gawin mo.”
5 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga namumunong pari, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ang ayon sa sinabi. Kaya't sumumpa sila.
6 Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya'y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag.
7 Ginawa ang isang pahayag sa buong Juda at Jerusalem sa lahat ng mga bumalik na bihag na sila'y magtipun-tipon sa Jerusalem;
8 at kung sinuman ay hindi dumating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at ng matatanda, lahat ng kanyang ari-arian ay sasamsamin, at siya mismo ay ititiwalag sa kapulungan ng mga bihag.
9 Nang magkagayon, ang lahat ng kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipun-tipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw; noon ay ikasiyam na buwan nang ikadalawampung araw ng buwan. Ang buong bayan ay naupo sa liwasang-bayan sa harapan ng bahay ng Diyos na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.
10 Ang paring si Ezra ay tumayo at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabag at nag-asawa ng mga babaing banyaga, kaya't lumaki ang pagkakasala ng Israel.
11 Ngayon nga'y mangumpisal kayo sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno, at inyong gawin ang kanyang kalooban. Humiwalay kayo sa mga mamamayan ng lupain at sa mga asawang banyaga.”
12 Nang magkagayon ang buong kapisanan ay sumagot nang malakas na tinig, “Gayon nga, dapat naming gawin ang ayon sa sinabi mo.
13 Ngunit ang mamamayan ay marami, at ngayon ay tag-ulan; kami ay hindi makakatagal sa labas. Ito ay isang gawain na hindi magagawa sa isang araw o dalawa, sapagkat kami ay nakagawa ng napakalaking pagkakasala sa bagay na ito.
14 Hayaang tumayo ang aming mga pinuno para sa buong kapisanan, at pumarito sa takdang panahon ang lahat sa aming mga mamamayan na kumuha ng mga asawang banyaga, at pumaritong kasama nila ang matatanda at mga hukom ng lahat ng lunsod, hanggang sa ang mabangis na poot ng aming Diyos tungkol sa bagay na ito ay maiiwas sa amin.”
15 Si Jonathan lamang na anak ni Asahel, at si Jaazias na anak ni Tikva ang sumalungat dito, si Mesulam at si Sabetai na Levita ang tumulong sa kanila.
16 Gayon ang ginawa ng mga bihag na bumalik. Ang paring si Ezra ay pumili ng mga lalaki, mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, bawat isa sa kanila ay itinalaga ayon sa pangalan. Sa unang araw ng ikasampung buwan sila ay umupo upang suriin ang pangyayari.
17 At sa pagdating ng unang araw ng unang buwan sila ay dumating sa katapusan ng lahat ng mga lalaking nag-asawa ng mga babaing banyaga.
Ang mga Lalaking may Asawang Banyaga
18 Sa mga anak ng mga pari na nag-asawa ng mga babaing banyaga ay natagpuan sina Maasias, Eliezer, Jarib, at Gedalias na mga anak ni Jeshua, na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid.
19 Sila'y nangako na hihiwalayan ang kanilang mga asawa; at ang kanilang handog para sa budhing maysala ay isang lalaking tupa mula sa kawan para sa budhing maysala.
20 Sa mga anak ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Sa mga anak ni Harim: sina Maasias, Elias, Shemaya, Jehiel, at Uzias.
22 Sa mga anak ni Pashur: sina Elioenai, Maasias, Ismael, Natanael, Jozabad, at Elasa.
23 At sa mga Levita: sina Jozabad, Shimei, Kelaia (na siya ring Kelita), Petaya, Juda, at Eliezer.
24 Sa mga mang-aawit: si Eliasib; at sa mga bantay-pinto: sina Shallum, Telem, at Uri.
25 Sa Israel; sa mga anak ni Paros: sina Ramia, Izzias, Malkia, Mijamin, Eleazar, Hashabias, at Benaya.
26 Sa mga anak ni Elam: sina Matanias, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elia.
27 Sa mga anak ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Sa mga anak ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Sa mga anak ni Bani: sina Mesulam, Malluc, Adaya, Jasub, Seal, at Ramot.
30 Sa mga anak ni Pahat-moab: sina Adna, Cheleal, Benaya, Maasias, Matanias, Besaleel, Binui, at Manases.
31 Sa mga anak ni Harim: sina Eliezer, Issia, Malkia, Shemaya, at Simeon;
32 Benjamin, Malluc, at Shemarias.
33 Sa mga anak ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Shimei.
34 Sa mga anak ni Bani: sina Maadi, Amram, at Uel;
35 Benaya, Bedias, Cheluhi;
36 Vanias, Meremot, Eliasib;
37 Matanias, Matenai, Jaasai;
38 Bani, Binui, Shimei;
39 Shelemias, Natan, Adaya;
40 Macnadbai, Sasai, Sarai;
41 Azarel, Shelemias, Shemarias;
42 Shallum, Amarias, at Jose.
43 Sa mga anak ni Nebo: sina Jehiel, Matithias, Zabad, Zebina, Jadau, Joel, at Benaya.
44 Lahat ng mga ito'y nagsipag-asawa ng mga babaing banyaga, at kanilang pinaalis sila kasama ang kanilang mga anak.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001