Beginning
Tinulungan ni Eliseo ang Dukhang Balo
4 Ang asawa ng isa sa mga anak ng mga propeta ay dumaing kay Eliseo, “Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na. Nalalaman mo na ang iyong lingkod ay takot sa Panginoon, ngunit ang nagpapautang ay naparito upang kunin ang aking dalawang anak upang maging mga alipin niya.”
2 At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Anong gagawin ko para sa iyo? Sabihin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay?” At sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay walang anumang bagay sa bahay liban sa isang bangang langis.”
3 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Lumabas ka, manghiram ka ng mga sisidlan sa lahat mong mga kapitbahay, mga sisidlang walang laman at huwag iilan lamang.
4 Pagkatapos ay pumasok ka, ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong salinan ang lahat ng sisidlang iyon; at kapag punô na ang isa, itabi mo iyon.”
5 Kaya't iniwan siya, at siya at ang kanyang mga anak ay nagsara ng pintuan; at habang kanilang dinadala ang mga sisidlan sa kanya, kanyang sinasalinan.
6 Nang mapuno ang mga sisidlan, sinabi niya sa kanyang anak, “Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan.” At sinabi niya sa kanya, “Walang iba pang sisidlan.” Pagkatapos ay tumigil ang langis sa pagdaloy.
7 Ang babae ay dumating at sinabi ito sa tao ng Diyos. Sumagot ito sa babae, “Humayo ka at ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong mga utang, at ikaw at ang iyong mga anak ay mabubuhay sa nalabi.”
Si Eliseo at ang Babaing Mayaman Mula sa Sunem
8 Isang araw, si Eliseo ay dumaan sa Sunem, na roon ay nakatira ang isang mayamang babae, na humimok sa kanya na kumain ng tinapay. Kaya't tuwing siya'y daraan doon ay pumupunta siya roon upang kumain ng tinapay.
9 Sinabi niya sa kanyang asawa, “Tingnan mo, aking nahahalata na ito'y isang banal na tao ng Diyos na laging nagdaraan sa atin.
10 Gumawa tayo ng isang maliit na silid na may dingding, at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang tuwing siya'y darating sa atin, siya'y makakatuloy doon.”
11 Isang araw, nang siya'y dumating doon, siya'y pumasok sa silid at nagpahinga roon.
12 Sinabi niya kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tawagin mo ang Sunamitang ito.” Nang matawag niya, siya'y tumayo sa harapan niya.
13 Sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo sa kanya, Yamang ikaw ay nag-abala ng lahat ng ito para sa amin, ano nga ang magagawa para sa iyo? Ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong-kawal ng mga hukbo?” At siya'y sumagot, “Ako'y naninirahang kasama ang aking kababayan.”
14 At kanyang sinabi, “Ano ang dapat gawin para sa babae?” At sumagot si Gehazi, “Sa katunayan, siya'y walang anak, at ang kanyang asawa ay matanda na.”
15 Kanyang sinabi, “Tawagin mo siya.” Nang kanyang matawag siya, ang babae ay tumayo sa pintuan.
16 Sinabi(A) niya, “Sa panahong ito, sa pag-ikot ng panahon, ikaw ay yayakap sa isang anak na lalaki.” At kanyang sinabi, “Hindi, panginoon ko, ikaw na tao ng Diyos; huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.”
17 Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki nang panahong iyon, sa pag-ikot ng panahon, gaya ng sinabi ni Eliseo sa kanya.
18 Isang araw, nang malaki na ang bata, siya'y umalis patungo sa kanyang ama na kasama ng mga manggagapas.
19 Kanyang idinaing sa kanyang ama, “Ang ulo ko, ang ulo ko!” At sinabi ng kanyang ama sa kanyang utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina.”
20 Kanyang binuhat siya at dinala sa kanyang ina; ang bata'y nakaupo sa kanyang kandungan hanggang sa katanghaliang-tapat; at siya'y namatay.
21 Pumanhik ang babae at inihiga ang bata sa higaan ng tao ng Diyos, at kanyang pinagsarhan siya ng pintuan at lumabas.
22 At kanyang tinawag ang kanyang asawa, at sinabi, “Pasamahin mo sa akin ang isa sa mga utusan, at ang isa sa mga asno, upang ako'y madaling makatungo sa tao ng Diyos, at makabalik uli.”
23 At kanyang sinabi, “Bakit ka pupunta sa kanya ngayon? Hindi bagong buwan o Sabbath man.” At kanyang sinabi, “Ayos lang.”[a]
24 Nang magkagayo'y siniyahan ng babae ang isang asno, at sinabi niya sa kanyang tauhan, “Patakbuhin mo at humayo ka, huwag mong pabagalin ang takbo para sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.”
25 Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tingnan mo, naroon ang Sunamita;
26 tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?” At siya'y sumagot, “Mabuti.”
27 Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, “Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi sinabi sa akin.”
28 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?”
29 Sinabi niya kay Gehazi, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.”
30 At sinabi ng ina ng bata, “Habang buháy ang Panginoon, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya.
31 Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Ang bata'y hindi pa nagigising.”
32 Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan.
33 Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa Panginoon.
34 Pagkatapos,(B) siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya, ang laman ng bata ay uminit.
35 Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata.
36 Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, “Kunin mo ang iyong anak.”
37 Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis.
Dalawa Pang Kababalaghan
38 Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.”
39 Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon.
40 Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon.
41 Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok.
42 Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.”
43 Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’”
44 Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng Panginoon.
Gumaling si Naaman
5 Si(C) Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.
2 Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3 Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”
4 Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.
5 At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.
6 Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”
7 Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”
8 Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”
9 Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.
10 Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”
11 Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.
12 Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.
13 Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”
14 Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
15 Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, “Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”
16 Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anuman.” At ipinilit niya na ito'y kanyang kunin, ngunit siya'y tumanggi.
17 At sinabi ni Naaman, “Kung hindi, hayaan mong bigyan ang iyong lingkod ng lupang kasindami ng mapapasan ng dalawang mola; sapagkat buhat ngayon ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog ng handog na susunugin o alay man sa ibang mga diyos, kundi sa Panginoon.
18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod: kapag ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimon upang sumamba roon, at siya'y humilig sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimon. Pagyukod ko sa bahay ni Rimon, patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa isang bagay na ito.”
19 Sinabi niya sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't siya ay lumayo sa kanya sa di-kalayuan.
20 Ngunit si Gehazi, na lingkod ni Eliseo na tao ng Diyos ay nagsabi, “Tingnan mo, pinalampas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga-Siria, sa di pagtanggap mula sa kanyang mga kamay ng kanyang dala. Habang buháy ang Panginoon, hahabulin ko siya, at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”
21 Kaya't sinundan ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kanya, siya'y bumaba sa karwahe upang salubungin siya at sinabi, “Lahat ba'y mabuti?”
22 At kanyang sinabi, “Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon upang sabihin na, ‘May kararating pa lamang sa akin mula sa lupaing maburol ng Efraim na dalawang binata sa mga anak ng mga propeta. Bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pampalit na bihisan.’”
23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana ang dalawang talento.” Kanyang hinimok siya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, pati ang dalawang pampalit na bihisan, at ipinasan sa dalawa sa kanyang mga tauhan, na nagdala ng mga iyon sa harapan ni Gehazi.
24 Nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya ang mga iyon sa kanila at itinago niya sa bahay. Pinahayo niya ang mga lalaki at sila'y umalis.
25 Siya'y pumasok at tumayo sa harapan ng kanyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” At kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.”
26 Ngunit kanyang sinabi sa kanya, “Hindi ba sumama ako sa iyo sa espiritu nang ang lalaki ay bumalik mula sa kanyang karwahe upang salubungin ka? Panahon ba upang tumanggap ng salapi at mga bihisan, ng mga olibohan at mga ubasan, ng mga tupa at mga baka, ng mga aliping lalaki at babae?
27 Kaya't ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.” At siya'y umalis sa kanyang harapan na isang ketongin, na kasimputi ng niyebe.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001