Beginning
Ang Pahayag tungkol sa Tiro at Sidon
23 Ang(A) pahayag tungkol sa Tiro.
Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis;
sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan!
Mula sa lupain ng Cyprus
ay inihayag ito sa kanila.
2 Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin;
O mga mangangalakal ng Sidon,
ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa dagat,
3 at nasa baybayin ng malawak na mga tubig,
ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor,
ang ani ng Nilo,
ikaw ang mangangalakal ng mga bansa.
4 Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat,
ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi,
“Hindi ako nagdamdam, o nanganak man,
o nag-alaga man ako ng mga binata,
o nagpalaki ng mga dalaga.”
5 Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto,
magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro.
6 Dumaan kayo sa Tarsis,
umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin!
7 Ito ba ang inyong masayang lunsod,
na mula pa noong unang araw ang pinagmulan,
na dinadala ng kanyang mga paa
upang sa malayo ay manirahan?
8 Sinong nagpanukala nito
laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona,
na ang mga negosyante ay mga pinuno,
na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
9 Pinanukala ito ng Panginoon ng mga hukbo,
upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian,
upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa.
10 Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo,
O anak na babae ng Tarsis;
wala nang pampigil.
11 Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan,
kanyang niyanig ang mga kaharian.
Ang Panginoon ay nag-utos tungkol sa Canaan,
upang gibain ang mga tanggulan.
12 At kanyang sinabi,
“Ikaw ay hindi na magagalak pa,
O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon;
bumangon ka, magdaan ka sa Chittim,
doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.”
13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho.
14 Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
sapagkat ang inyong tanggulan ay giba.
15 At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:[a]
16 “Kumuha ka ng alpa,
lumibot ka sa lunsod,
ikaw na masamang babaing nalimutan!
Gumawa ka ng matamis na himig,
umawit ka ng maraming awit,
upang ikaw ay maalala.”
17 Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa.
18 At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa Panginoon. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng Panginoon.
Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa
24 Gigibain ng Panginoon ang lupa at ito'y sisirain,
at pipilipitin niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin.
2 At kung paano sa mga tao, gayon sa pari;
kung paano sa alipin, gayon sa kanyang panginoon;
kung paano sa alilang babae, gayon sa kanyang panginoong babae;
kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili;
kung paano sa nagpapahiram, gayon sa manghihiram;
kung paano sa nagpapautang, gayon sa mangungutang.
3 Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira;
sapagkat ang salitang ito ay sa Panginoon mula.
4 Ang lupa ay tumatangis at natutuyo,
ang sanlibutan ay nanghihina at natutuyo,
ang mapagmataas na bayan sa lupa ay lilipas.
5 Ang lupa ay nadumihan
ng mga doo'y naninirahan,
sapagkat kanilang sinuway ang kautusan,
nilabag ang tuntunin,
sinira ang walang hanggang tipan.
6 Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa,
at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala,
kaya't nasunog ang mga naninirahan sa lupa,
at kakaunting tao ang nalabi.
7 Ang alak ay tumatangis,
ang puno ng ubas ay nalalanta,
lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.
8 Ang saya ng mga alpa ay tumigil,
ang ingay nila na nagagalak ay nagwakas,
ang galak ng lira ay huminto.
9 Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan;
ang matapang na alak ay nagiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyon.
10 Ang lunsod na magulo ay bumagsak.
Bawat bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.
11 May sigawan sa mga lansangan dahil sa kakulangan sa alak;
lahat ng kagalakan ay natapos na,
sa lupa ay nawala ang kasayahan.
12 Naiwan sa lunsod ang pagkawasak,
at ang pintuan ay winasak.
13 Sapagkat ganito ang mangyayari sa lupa
sa gitna ng mga bansa,
kapag inuga ang isang punong olibo,
gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.
14 Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan,
dahil sa kadakilaan ng Panginoon ay sumigaw sila mula sa kanluran.
15 Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang Panginoon;
sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
16 Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri,
ng kaluwalhatian sa Matuwid.
Ngunit aking sinabi, “Nanghihina ako,
nanghihina ako, kahabag-habag ako!
Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan.
Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan.”
17 Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo,
O naninirahan sa lupa.
18 Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay;
at siyang umaakyat mula sa hukay
ay mahuhuli sa bitag.
Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas,
at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga.
19 Ang lupa ay lubos na nagiba,
ang lupa ay lubos na nasira,
ang lupa ay marahas na niyanig.
20 Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa,
ito'y gumigiray na parang dampa;
at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya,
at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa.
21 At sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon
ang hukbo ng langit, sa langit,
at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y matitipong sama-sama,
kagaya ng mga bilanggo sa hukay,
sila'y sasarhan sa bilangguan,
at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan.
23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan,
at ang araw ay mapapahiya;
sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari
sa bundok ng Zion at sa Jerusalem;
at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian.
Awit ng Papuri sa Panginoon
25 O Panginoon, ikaw ay Diyos ko;
aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo;
sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay,
samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak.
2 Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod,
ang bayang matibay ay ginawang isang guho;
ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan,
ito'y hindi na maitatayo kailanman.
3 Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan,
ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan,
isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan,
silungan sa bagyo at lilim sa init,
sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader,
5 gaya ng init sa tuyong dako.
Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan;
gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap,
ang awit ng mga malulupit ay napatahimik.
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.
7 At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.
8 Lulunukin(B) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.
9 At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”
10 Sapagkat(C) ang kamay ng Panginoon ay magpapahinga sa bundok na ito. Ang Moab ay mayayapakan sa kanyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
11 At kanyang iuunat ang kanyang mga kamay sa gitna niyon, gaya ng manlalangoy na nag-uunat ng kanyang mga kamay sa paglangoy; ngunit ibababa ng Panginoon ang kanyang kapalaluan kasama ng kakayahan ng kanyang mga kamay.
12 At ang matataas na muog ng kanyang mga kuta ay kanyang ibababa, ilulugmok, at ibabagsak sa lupa, hanggang sa alabok.
Awit ng Pagtitiwala sa Panginoon
26 Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda,
“Tayo ay may matibay na lunsod;
kanyang inilalagay ang kaligtasan
bilang mga pader at tanggulan.
2 Buksan ninyo ang mga pintuan,
upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng katotohanan.
3 Iyong iingatan siya sa ganap na kapayapaan,
na ang pag-iisip ay nananatili sa iyo, sapagkat siya'y nagtitiwala sa iyo.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon magpakailanman,
sapagkat ang Panginoong Diyos
ay isang batong walang hanggan.
5 Sapagkat ibinaba niya
ang mga naninirahan sa kaitaasan,
ang mapagmataas na lunsod.
Kanyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa;
ibinagsak ito hanggang sa alabok.
6 Niyayapakan ito ng paa,
ng mga paa ng dukha,
ng mga hakbang ng nangangailangan.”
7 Ang daan ng matuwid ay patag,
iyong pinakinis ang landas ng matuwid.
8 Sa daan ng iyong mga hatol,
O Panginoon, naghihintay kami sa iyo;
ang pangalan ng iyong alaala
ay siyang nasa ng aming kaluluwa.
9 Kinasasabikan ka sa gabi ng kaluluwa ko,
ang espiritu sa loob ko ay masikap na naghahanap sa iyo.
Sapagkat kapag nasa lupa ang mga hatol mo,
ang mga naninirahan sa sanlibutan sa katuwiran ay natututo.
10 Kapag nagpapakita ng lingap sa masama,
hindi siya matututo ng katuwiran;
sa lupain ng katuwiran ay nakikitungo siya na may kasamaan,
at hindi nakikita ang sa Panginoon na kamahalan.
11 Panginoon,(D) ang iyong kamay ay nakataas,
gayunma'y hindi nila nakikita.
Ipakita mo ang iyong sigasig para sa bayan, at sila'y mapapahiya;
lamunin nawa sila ng apoy na para sa iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magtatalaga ng kapayapaan para sa amin,
ikaw ang gumawa para sa amin ng lahat naming mga gawa.
13 O Panginoon naming Diyos,
ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay namuno sa amin;
ngunit ang pangalan mo lamang ang kinikilala namin.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay;
sila'y mga lilim, sila'y hindi babangon.
Kaya't iyong dinalaw at winasak sila,
at pinawi mo ang lahat ng alaala nila.
15 Ngunit iyong pinarami ang bansa, O Panginoon,
iyong pinarami ang bansa; ikaw ay niluwalhati;
iyong pinalaki ang lahat ng hangganan ng lupain.
16 Panginoon, sa kabalisahan ay dinalaw ka nila,
sila'y sumambit ng dalangin,
noong pinarurusahan mo sila.
17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao
na namimilipit at dumaraing sa kanyang panganganak,
kapag siya'y malapit na sa kanyang panahon,
naging gayon kami dahilan sa iyo, O Panginoon.
18 Kami ay nagdalang-tao, kami ay namilipit,
kami ay tila nanganak ng hangin.
Kami ay hindi nagkamit ng tagumpay sa lupa;
at ang mga naninirahan sa sanlibutan ay hindi nabuwal.
19 Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon.
Magsigising at magsiawit sa kagalakan, kayong naninirahan sa alabok!
Sapagkat ang iyong hamog ay hamog na makinang,
at sa lupain ng mga lilim ay hahayaan mong bumagsak ito.
20 Ikaw ay pumarito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid,
at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo.
Magkubli kang sandali,
hanggang sa ang galit ay makalampas.
21 Sapagkat ang Panginoon ay lumalabas mula sa kanyang dako
upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan.
Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon
at hindi na tatakpan ang kanyang napatay.
Ililigtas ang Israel
27 Sa(E) araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.
2 Sa araw na iyon:
“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
3 Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
aking binabantayan ito gabi't araw.
4 Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
5 O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
makipagpayapaan sila sa akin,
makipagpayapaan sila sa akin.”
6 Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.
7 Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
8 Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
9 Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
ang lahat ng mga bato ng dambana,
walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10 Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11 Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.
12 Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.
13 At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001