Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 13-17

Ang Babala Laban sa Babilonia

13 Ang(A) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
    sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
    sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
    aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
    upang isagawa ang aking galit.

Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
    na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
    ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
    ang hukbo para sa pakikipaglaban.
Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
    mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
    upang wasakin ang buong lupain.

Manangis(B) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
    ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
    at bawat puso ng tao ay manlulumo,
    at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
    sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
    ang kanilang mga mukha ay magliliyab.

Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
    mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
    at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(C) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
    ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
    at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
    at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
    at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
    at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
    at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
    at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
    o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
    at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
    at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
    sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
    at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.

17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
    na hindi nagpapahalaga sa pilak,
    at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
    at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
    ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(D) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
    ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
    kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
    ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
    ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(E) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
    at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
    at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
    at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
    at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.

Pagbabalik mula sa Pagkabihag

14 Ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob.

At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila.

Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo,

ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia:

“Huminto na ang pang-aapi!
    Huminto na ang matinding kalapastanganan!
Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama,
    ang setro ng mga pinuno;
na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot
    ng walang tigil na bugbog,
na namuno sa mga bansa sa galit,
    na may walang tigil na pag-uusig.
Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik;
    sila'y biglang nagsisiawit.
Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo,
    at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi,
‘Mula nang ikaw ay ibagsak,
    wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.’
Ang Sheol sa ibaba ay kinilos
    upang salubungin ka sa iyong pagdating;
pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka,
    ang lahat na mga pinuno ng lupa;
itinatayo nito mula sa kanilang mga trono,
    ang lahat na hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsasalita
    at magsasabi sa iyo:
‘Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin?
    Ikaw ba'y naging gaya namin?’
11 Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol
    pati na ang tunog ng iyong mga alpa;
ang uod ay higaan sa ilalim mo,
    at ang mga uod ang iyong pantakip.

12 “Ano't(F) nahulog ka mula sa langit,
    O Tala sa Umaga, anak ng Umaga!
Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa,
    ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa!
13 Sinabi(G) mo sa iyong puso,
    ‘Ako'y aakyat sa langit;
sa itaas ng mga bituin ng Diyos
    aking itatatag ang aking trono sa itaas;
ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan,
    sa malayong hilaga.
14 Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap,
    gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’
15 Gayunma'y ibinaba ka sa Sheol,
    sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay.
16 Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo,
    at mag-iisip tungkol sa iyo:
‘Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa,
    na nagpauga ng mga kaharian;
17 na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan,
    at gumiba ng mga bayan nito;
    na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?’
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian,
    bawat isa'y sa kanyang sariling libingan.
19 Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan
    na gaya ng kasuklamsuklam na sanga,
binihisang kasama ng mga patay, ang mga tinaga ng tabak,
    na bumaba sa mga bato ng Hukay,
    gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan,
    sapagkat sinira mo ang iyong lupain,
    pinatay mo ang iyong bayan.

“Ang angkan nawa ng mga gumagawa ng kasamaan
    ay huwag nang tawagin magpakailanman!
21 Maghanda kayong patayin ang kanilang mga anak
    dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang;
baka sila'y magsibangon at angkinin ang lupain,
    at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng lupa.”

Babala Laban sa Babilonia

22 “At ako'y babangon laban sa kanila,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at tatanggalin ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak,” sabi ng Panginoon.

23 “Iyon ay aking gagawing ari-arian ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig, at aking papalisin ng walis ng pagkawasak,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Babala Laban sa Asiria

24 Ang(H) Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:

“Gaya ng aking binalak,
    gayon ang mangyayari;
at gaya ng aking pinanukala,
    gayon ang mananatili.
25 Aking lalansagin ang taga-Asiria sa aking lupain,
    at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa;
kung magkagayo'y maaalis ang kanyang pamatok sa kanila,
    at ang ipinasan niya sa kanilang balikat.”
26 Ito ang panukala na ipinanukala tungkol sa buong lupa;
at ito ang kamay na iniunat
    sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagkat pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo,
    at sinong magpapawalang-bisa nito?
Ang kanyang kamay ay nakaunat,
    at sinong mag-uurong nito?

Babala Laban sa mga Filisteo

28 Dumating(I) ang pahayag na ito nang taong mamatay si Haring Ahaz.

29 “Ikaw(J) ay huwag magalak, O Filistia, kayong lahat,
    sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo;
sapagkat sa ahas ay lalabas ang ulupong,
    at ang kanyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30 At ang panganay ng dukha ay kakain,
    at ang nangangailangan ay nahihigang tiwasay;
ngunit aking papatayin ng taggutom ang iyong ugat,
    at ang nalabi sa iyo ay aking papatayin.
31 Ikaw ay tumaghoy, O pintuan, ikaw ay sumigaw, O lunsod;
    matunaw ka sa takot, O Filistia, kayong lahat!
Sapagkat lumalabas ang usok mula sa hilaga,
    at walang pagala-gala sa kanyang mga kasamahan.”

32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa?
“Itinayo ng Panginoon ang Zion,
    at sa kanya ay nanganganlong ang nagdadalamhati sa kanyang bayan.”

Ang Pahayag tungkol sa Moab

15 Ang(K) pahayag tungkol sa Moab.

Sapagkat sa loob ng isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba,
    ang Moab ay wala na;
sapagkat sa loob ng isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab,
    ang Moab ay wala na.
Ang anak na babae ng Dibon ay umahon
    sa matataas na dako upang umiyak;
tinatangisan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Ang lahat ng ulo ay kalbo,
    bawat balbas ay ahit.
Sa kanilang mga lansangan ay nagbibigkis sila ng damit-sako,
    sa mga bubungan at sa mga liwasan,
    tumatangis ang bawat isa at natutunaw sa pag-iyak.
Ang Hesbon at ang Eleale ay sumisigaw,
    ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahaz.
Kaya't ang mga lalaking may sandata sa Moab ay sumigaw nang malakas;
    ang kanyang kaluluwa ay nanginginig.
Ang aking puso ay dumadaing para sa Moab;
    ang kanyang mga tao ay nagsisitakas sa Zoar,
    sa Eglat-shelishiya.
Sapagkat sa ahunan sa Luhith
    ay umaahon silang nag-iiyakan;
sa daan patungong Horonaim
    ay humahagulhol sila sa kapahamakan.
Ang mga tubig ng Nimrim
    ay natuyo,
ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta,
    walang sariwang bagay.
Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo,
    at ang kanilang tinipon
ay kanilang dinala
    sa Sapa ng Sauce.
Sapagkat ang daing ay nakarating
    sa paligid ng lupain ng Moab;
ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Eglaim,
    ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Beer-elim.
Sapagkat ang mga tubig ng Dimon ay punô ng dugo,
    gayunma'y magpapadala pa ako sa Dimon ng higit pa,
isang leon para sa nakatakas sa Moab,
    para sa nalabi sa lupain.

16 Nagpadala sila ng mga kordero
    sa pinuno ng lupain,
mula sa Sela, sa daan ng ilang,
    hanggang sa bundok ng anak na babae ng Zion.
Sapagkat gaya ng kalat na pugad,
    ng mga nagsisigalang ibon,
gayon ang mga anak na babae ng Moab
    sa mga tawiran ng Arnon.
“Magpayo ka,
    magbigay ka ng katarungan,
gawin mo ang iyong lilim na gaya ng gabi
    sa gitna ng katanghaliang-tapat;
ikubli mo ang mga itinapon,
    huwag mong ipagkanulo ang takas.
Patirahin mong kasama mo ang itinapon mula sa Moab,
maging kanlungan ka niya
    mula sa mangwawasak.

Kapag wala nang mang-aapi,
    at huminto na ang pagkawasak,
at ang yumayapak sa ilalim ng paa ay wala na sa lupain,
kung magkagayo'y matatatag ang trono sa tapat na pag-ibig,
    at uupo roon sa katapatan,
    sa tabernakulo ni David
ang isa na humahatol at humahanap ng katarungan,
    at mabilis na nagsasagawa ng katuwiran.”

Aming nabalitaan ang pagyayabang ng Moab,
    na siya'y totoong mapagmataas;
ang kanyang kahambugan, at ang kanyang kapalaluan, at ang kanyang poot—
    ang kanyang paghahambog ay huwad.
Kaya't hayaang tumangis ang Moab,
    bawat isa'y tumangis para sa Moab.
Manangis kayong lubha
    dahil sa mga tinapay na pasas ng Kir-hareseth.
Sapagkat ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina,
    at ang ubasan ng Sibma;
sinira ng mga panginoon ng mga bansa ang mga piling pananim niyon;
na nakarating hanggang sa Jazer,
    at sa ilang ay lumaboy;
ang kanyang mga sanga ay kumalat,
    at nagsitawid sa dagat.
Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer
    dahil sa puno ng ubas ng Sibma;
didiligin kita ng aking mga luha,
    O Hesbon at Eleale;
sapagkat ang sigawan sa iyong bunga
    at sa iyong pag-aani ay nahinto.
10 At ang kasayahan at kagalakan ay inalis
    mula sa mabungang lupain,
at sa mga ubasan ay hindi inawit ang mga awitin,
    walang ginawang mga pagsigaw,
walang manyayapak na gumagawa ng alak sa pisaan;
    aking pinatigil ang awitan sa pag-aani.
11 Kaya't ang aking kaluluwa ay tumataghoy na parang alpa para sa Moab,
    at ang aking puso para sa Kir-heres.

12 At kapag ang Moab ay humarap, kapag siya'y pagod na sa mataas na dako, kapag siya'y pumaroon sa kanyang santuwaryo upang manalangin, ay hindi siya mananaig.

13 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Moab noong nakaraan.

14 Ngunit ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, “Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab, sampu ng lahat niyang karamihan; at ang mga nalabi ay magiging kakaunti at mahihina.”

Parurusahan ng Diyos ang Damasco

17 Isang(L) pahayag tungkol sa Damasco.

Narito, ang Damasco ay hindi na magiging lunsod,
    at magiging isang buntong sira.
Ang mga lunsod ng Aroer ay napapabayaan;[a]
    iyon ay magiging para sa mga kawan,
    na hihiga, at walang mananakit sa kanila.
Ang kuta ay mawawala sa Efraim,
    at ang kaharian sa Damasco;
at ang nalabi sa Siria ay magiging
    gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Sa araw na iyon,
    ang kaluwalhatian ng Jacob ay ibababa,
    at ang katabaan ng kanyang laman ay mangangayayat.
At ito'y magiging gaya nang kapag tinitipon ng mang-aani ang nakatayong trigo,
    at ginagapas ng kanyang kamay ang mga uhay;
oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay
    sa Libis ng Refaim.
Gayunma'y maiiwan doon ang mga pinulot,
    gaya ng kapag niyugyog ang puno ng olibo—
na dalawa o tatlong bunga
    ay naiiwan sa dulo ng kataas-taasang sanga,
apat o lima
    sa mga sanga ng mabungang punungkahoy, sabi ng Panginoong Diyos ng Israel.

Matatapos ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Sa araw na iyon ay pahahalagahan ng mga tao ang Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay titingin sa Banal ng Israel.

Hindi nila pahahalagahan ang mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, at hindi sila titingin sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga sagradong poste,[b] o sa mga altar ng insenso.

Sa araw na iyon, ang kanilang matitibay na lunsod ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan dahil sa mga anak ni Israel; at magiging wasak.

10 Sapagkat kinalimutan mo ang Diyos ng iyong kaligtasan,
    at hindi mo inalala ang Malaking Bato ng iyong kanlungan.
Kaya't bagaman nagtatanim ka ng mabubuting pananim,
    at naglagay ka ng ibang sangang pananim.
11 Bagaman sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong inalagaan,
    at pinamumulaklak mo ang mga iyon sa kinaumagahan,
gayunma'y mawawala ang ani
    sa araw ng kalungkutan at walang lunas na hapdi.
12 Ah, ang ingay ng maraming bansa,
    na umuugong na gaya ng ugong ng mga dagat;
Ah, ang ingay ng mga bansa,
    na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng malakas na mga tubig!
13 Ang mga bansa ay umuugong na parang agos ng maraming tubig,
    ngunit sila'y sasawayin niya, at sila'y magsisitakas sa malayo,
at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin,
    at gaya ng ipu-ipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi, ay narito ang nakakatakot!
    At bago dumating ang umaga, ay wala na sila!
Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin,
    at ang kapalaran nila na nagnakaw sa atin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001