Beginning
Ang Pinakadakila(A)
18 Nang (B) sandaling iyon ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Pinalapit niya ang isang munting bata at inilagay sa gitna nila. 3 At sinabi (C) niya, “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi kayo magbabago at magiging katulad ng mga bata, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit. 4 Kaya't sinumang nagpapakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)
5 “At sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito dahil sa pangalan ko ay ako ang tinatanggap. 6 Ngunit sinumang maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mas mabuti pa sa taong iyon na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y lunurin sa kailaliman ng dagat. 7 Kaysaklap ng sasapitin ng sanlibutan dahil sa mga sanhi ng pagkakasala! Sadya namang darating ang mga sanhi ng pagkakasala. Subalit kay saklap ng sasapitin ng taong pinanggagalingan ng mga sanhi ng pagkakasala! 8 Kaya't (E) kung ang kamay mo o ang paa mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o paralitiko kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon ka sa apoy na walang hanggan. 9 At (F) kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo upang magkasala, dukutin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata ngunit itatapon ka naman sa apoy ng impiyerno.[b]
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)
10 “Mag-ingat kayo (H) na huwag ninyong hamakin ang isa man sa maliliit na ito sapagkat, sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay palaging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. 11 [Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang iligtas ang napapahamak.][c] 12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa bundok, at lumalakad siya upang hanapin ang naligaw? 13 At kapag natagpuan na niya ito, tinitiyak ko sa inyo, higit siyang matutuwa para dito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong[d] Amang nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung (I) magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at pagsabihan mo tungkol sa kanyang pagkakamali. Gawin mo ito na kayong dalawa lamang. Kung siya'y makinig sa iyo, napanumbalik mo na ang iyong kapatid. 16 Subalit (J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat usapin. 17 Kung ayaw pa rin niyang makinig sa kanila, idulog mo ito sa iglesya; at kung ayaw niyang makinig pati sa iglesya, ituring mo siyang isang pagano at maniningil ng buwis. 18 Tinitiyak (K) ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay natalian na sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Inuulit ko, na kapag ang dalawa sa inyo ay nagkasundo dito sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin iyon para sa kanila ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagpupulong sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.” 21 Noon (L) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, hanggang ilang ulit ko po bang patatawarin ang aking kapatid kapag siya'y nagkasala sa akin? Hanggang pitong ulit po ba?” 22 Sumagot (M) si Jesus, “Hindi ko sinasabi sa iyo na hanggang pitong ulit, sa halip ay hanggang sa ikapitong pitumpu.[e]
Ang Talinghaga ng Aliping Hindi Nagpapatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing dito: May isang haring nagpasyang ipatawag ang kanyang mga alipin upang sila'y makipag-ayos tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang magsimula na siyang magkuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang sa kanya ng sampung libong talento.[f] 25 Sapagkat wala siyang maibayad, ipinag-utos ng kanyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kanyang asawa at mga anak, at samsamin ang lahat ng kanyang ari-arian upang siya'y magbayad. 26 Kaya't lumuhod ang alipin, at nakiusap, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng palugit at makababayad din ako sa lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Nahabag naman sa alipin ang kanyang panginoon, kaya't siya'y pinakawalan at pinatawad sa kanyang pagkakautang. 28 Subalit sa paglabas ng alipin ding iyon, ay nakita niya ang isa niyang kapwa alipin na may utang sa kanya ng isandaang denaryo. Bigla niya itong hinawakan at sinakal, ‘Magbayad ka na ng utang mo,’ ang sabi niya. 29 Lumuhod sa harap niya ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng palugit, at babayaran kita.’ 30 Subalit hindi siya mapakiusapan. Sa halip ay umalis siya at ipinakulong ang kapwa alipin[g] hanggang sa makapagbayad ito ng utang. 31 Nang makita ng iba pang mga alipin ang pangyayari, labis nila itong ikinalungkot. Pumunta sila sa kanilang panginoon at isinumbong sa kanya ang buong pangyayari. 32 Ipinatawag nga siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang sapagkat nakiusap ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka sa iyong kapwa alipin, kung paanong naawa ako sa iyo?’ 34 At sa galit ay ibinigay siya ng kanyang panginoon sa mga tagapagparusa sa loob ng bilangguan hanggang sa makabayad siya sa lahat ng kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin ng aking Amang nasa langit sa bawat isa sa inyo kung hindi kayo taos-pusong magpapatawad sa inyong kapatid.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(N)
19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. 2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. 3 May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” 4 Sumagot (O) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ 5 at (P) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? 6 Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” 7 Nagtanong (Q) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” 8 Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. 9 Sinasabi (R) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[h] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[i] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”
Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(S)
13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.
Ang Kabataang Mayaman(T)
16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (U) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (V) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[j] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (W) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (X) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.