Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Deuteronomio 14-16

Maling Kaugalian ng Pagluluksa

14 “Kayo(A) ang mga anak ng Diyos ninyong si Yahweh. Kung ang isang mahal sa buhay ay mamatay, huwag ninyong hihiwaan ang inyong sarili ni aahitan ang inyong noo upang ipakita lamang na kayo'y nagluluksa. Kayo(B) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

Ang Malilinis at ang Maruruming Hayop(C)

“Huwag kayong kakain ng anumang bagay na marumi. Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, gacela, kambing bundok, antilope, at tupang bundok. Maaari rin ninyong kainin ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkain mula sa sikmura. Huwag din ninyong kakainin iyong ngumunguya ngunit hindi biyak ang kuko, tulad ng kamelyo, kuneho, at dagang bukid. Ang mga ito ay marurumi. Ang baboy ay dapat ding ituring na marumi sapagkat biyak man ang kuko, hindi naman ito ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Huwag ninyo itong kakainin ni hahawakan ang kanilang bangkay.

“Sa mga nilikha sa tubig, ang lahat ng may palikpik at kaliskis ay maaari ninyong kainin. 10 Huwag ninyong kakainin ang mga walang kaliskis at walang palikpik; ito ay marurumi.

11-18 “Maaari ninyong kainin ang malilinis na ibon. Ngunit ito ang mga ibon na huwag ninyong kakainin: agila, buwitre, agilang dagat; azor, falcon, at lahat ng uri ng milano; lahat ng uri ng uwak; ang ostrits, kuwago, gaviota, at lahat ng uri ng lawin; lahat ng uri ng kuwago, sisne, pelicano, buwitre, somormuho; lahat ng uri ng tagak, abudilla, kabag, at paniki.

19 “Lahat ng kulisap na may pakpak ay marurumi. Huwag ninyong kakainin ang mga ito. 20 Maaari ninyong kainin ang anumang malilinis na ibon maliban sa mga nabanggit.

21 “Huwag(D) ninyong kakainin ang anumang hayop na basta na lamang namatay. Maaari ninyo itong ibigay o ipagbili sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito'y sa dahilang kayo'y sambayanang inilaan sa Diyos ninyong si Yahweh.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Ang Tuntunin tungkol sa Ikasampung Bahagi

22 “Kukunan(E) ninyo ng ikasampung bahagi ang inyong ani taun-taon. 23 Ang ikasampung bahagi ng inyong ani, alak, langis, at ang panganay ng inyong mga alagang hayop ay doon ninyo kakainin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh upang siya'y inyong maparangalan. 24 Kung malayo ang lugar na pipiliin niya at magiging mahirap dalhin doon ang ikasampung bahagi ng inyong ani, 25 ipagbili ninyo iyon, at dalhin ang pinagbilhan sa lugar na pinili niya. 26 Pagdating doon, bumili kayo ng anumang gusto ninyo: baka, tupa, alak, o inuming nais ninyo at siya ninyong pagsalu-saluhang mag-anak bilang pagdiriwang sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh. 27 Ngunit huwag ninyong kalilimutang bigyan ang mga Levita sa inyong lugar, yamang sila'y walang kaparte sa lupaing minana ninyo.

28 “Tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani tuwing ikatlong taon. 29 Ito ay ibibigay ninyo sa mga Levita yamang wala silang kaparte sa inyong lupain. Bibigyan din ninyo ang mga dayuhang kasama ninyo, ang mga ulila, at ang mga balo. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong mga gawain.

Ang Taon ng Pamamahinga(F)

15 “Ang bawat ikapitong taon ay gagawin ninyong taon ng pagpapatawad sa mga may utang sa inyo. Ganito ang inyong gagawin: huwag na ninyong sisingilin ang kababayan ninyong may utang sa inyo, sapagkat ito'y taon ng pagpapatawad na itinakda ni Yahweh. Ang mga dayuhan lamang ang sisingilin ninyo, at hindi ang inyong mga kababayan.

“Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo kung makikinig kayo sa kanyang tinig at susunod sa kanyang mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon. Nangako si Yahweh na kayo'y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan.

“Pagdating(G) ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan. Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan. Huwag ninyong pagdadamutan ang inyong kababayan kapag nangungutang siya sa panahong malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapatawad. Kapag sila'y tinanggihan ninyo at dumaing sila kay Yahweh, mananagot kayo sa kanya. 10 Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin. 11 Kailanma'y(H) hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Alipin(I)

12 “Kapag(J) nakabili[a] kayo ng kapwa ninyong Israelita bilang alipin, babae o lalaki man, anim na taon siyang maglilingkod sa inyo. Pagdating ng ikapitong taon, palalayain na ninyo siya 13 at huwag ninyo siyang paaalisin nang walang dala. 14 Sa halip, bibigyan ninyo siya ng tupa, trigo, inumin at langis, mula sa mga ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y pinalaya kayo ng Diyos ninyong si Yahweh, kaya iniuutos ko ito ngayon sa inyo. 16 Ngunit kung gusto niyang manatili dahil sa pagmamahal niya sa inyo at sa inyong sambahayan, 17 dalhin ninyo siya sa may pintuan at butasan ang kanyang tainga. Sa gayon, siya'y magiging alipin ninyo habang buhay. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga aliping babae. 18 Hindi kayo dapat manghinayang sa ibibigay ninyo sa kanya kung aalis siya sapagkat ang ibibigay ninyo'y katumbas lamang ng upa sa isang manggagawang nagtrabaho nang tatlong taon. Gawin ninyo ito at pagpapalain ng Diyos ninyong si Yahweh ang lahat ng inyong gagawin.

Ang Pagbubukod sa mga Panganay

19 “Lahat(K) ng panganay na lalaki ng inyong mga alagang hayop ay ibubukod ninyo para kay Yahweh; huwag ninyo itong pagtatrabahuhin ni gugupitan. 20 Ito ay kakainin ninyo sa harapan ni Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. 21 Ngunit kung may kapansanan ang panganay na hayop, bulag o pilay, huwag ninyo itong ihahandog kay Yahweh na inyong Diyos. 22 Ito'y maaaring kainin sa bahay, tulad ng pagkain ninyo sa isang usa. Pati ang taong itinuturing na marumi ay maaaring kumain nito. 23 Huwag(L) ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa.

Pinaalala ang Pista ng Paskwa(M)

16 “Ipagdiwang(N) ninyo ang unang buwan at ganapin ang Paskwa para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat unang buwan nang ilabas niya kayo sa Egipto. Mag-aalay kayo ng tupa o baka bilang handog na pampaskwa sa lugar na pipiliin niya. Sa pagkain ninyo ng handog na ito, huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa; sa loob ng pitong araw, ang kakainin ninyo ay tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng pagtitiis. Gagawin ninyo ito bilang pag-alala sa inyong pag-alis sa Egipto. Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi. Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan, kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto. Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda. Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.

Pinaalala ang Pista ng mga Sanlinggo(O)

“Pagkalipas(P) ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas, 10 ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo. 11 Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh. 12 Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin.

Pinaalala ang Pista ng mga Tolda(Q)

13 “Pitong(R) araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas. 14 Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo. 15 Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat.

16 “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap, 17 ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.

Ang Paggagawad ng Katarungan

18 “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan. 19 Huwag(S) ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. 20 Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

21 “Huwag(T) kayong magtatayo ng haligi bilang rebulto ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na gagawin ninyo para kay Yahweh na inyong Diyos. 22 At(U) huwag kayong gagawa ng rebultong sasambahin sapagkat iyon ay kasuklam-suklam sa kanya.