Beginning
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbaba at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag wala riyan, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo. 2 Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 3 Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 4 Ang sandata namin sa pakikipaglaban ay hindi makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, 5 ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo. 6 Kapag lubos na ang inyong pagsunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng mga ayaw sumunod.
7 Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. 8 Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. 9 Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa mga sulat ko. 10 Sinasabi ng ilan na sa mga sulat ko lamang ako matapang, ngunit kapag kaharap nama'y mahina at ang mga salita'y walang kuwenta. 11 Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong wala kami riyan, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami.
12 Hindi kami nangangahas na ipantay o ihambing man lamang ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at pamantayan ng kanilang sarili! 13 Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay ng Diyos para sa gawaing itinakda niya sa amin, at kasama riyan ang gawain namin sa inyo. 14 Hindi kami lumampas sa hangganang iyon gayong kami ang unang pumunta riyan sa inyo dala ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak pa ang aming saklaw sa inyo. 16 Sa gayon, maipapangaral namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain, hindi lamang sa inyo, nang hindi ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba.
17 Tulad(A) ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” 18 Hindi ang taong pumupuri sa sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. 2 Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3 Ngunit(B) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
5 Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.
7 Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? 8 Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. 9 At(C) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!
12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.
Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!
Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(D) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(E) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(F) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][b], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(G) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.
30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(H) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.
Mga Pangitain at mga Pahayag
12 Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. 2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3 Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. 4 Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Pangwakas na Babala at mga Pagbati
13 Ito(I) ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.” 2 Ngayong ako'y wala riyan,
inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. 3 Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. 4 Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. 6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. 7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. 8 Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. 9 Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. 10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira.
11 Mga kapatid, paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
12 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]
Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kabilang sa sambayanan ng Diyos. 13 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.