Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 21-23

Ang Pagpunta ni Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na.

Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. Kinabukasan,(A) tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Makalipas(B) ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. 11 Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”

12 Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”

14 Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.”

15 Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(C) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(D) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”

26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(E) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.

30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.

34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, sinabi niya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?”

“Marunong ka palang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. 38 “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namuno sa apat na libong armadong lalaki sa ilang.”

39 Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lungsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya't tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila'y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo,

22 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang sasabihin ko ngayon bilang pagtatanggol sa aking sarili.” Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo,

“Ako'y(F) isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon. Inusig(G) ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae. Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem nang nakagapos upang parusahan.”

Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(H)

“Nang malapit na ako sa Damasco, magtatanghaling-tapat noon, may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. 10 ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon ang Panginoon, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ 11 Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko at dinala sa Damasco.

12 “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakita kang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, 14 at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at tumawag ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’”

Isinugo si Pablo sa mga Hentil

17 “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo. 20 At(I) nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga balabal ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’”

22 Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!”

23 Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. 24 Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?”

26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Ano ang gagawin mong iyan? Mamamayang Romano ang taong iyon!”

27 Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?”

“Opo,” sagot niya.

28 Sinabi ng pinuno, “Malaki ang ibinayad ko para maging mamamayang Romano.”

“Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo.

29 Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.

Si Pablo sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio

30 Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, pinakalagan niya si Pablo, ipinatawag sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at iniharap si Pablo sa kanila.

23 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”

Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Sinabi(J) ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”

Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”

Sumagot(K) si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”

Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”

Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat(L) naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”

10 Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.

11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”

16 Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. 17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”

18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”

19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. 21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”

22 “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo.

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”

25 At sumulat siya ng ganito,

26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! 27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. 28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. 29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. 30 At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”

31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. 32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. 33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. 34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, 35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.