Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 46-50

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

Kataas-taasang Hari

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
    Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
    siya'y naghahari sa sangkatauhan.
Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
    sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
Siya ang pumili ng ating tahanan,
    ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[e]

Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
    sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
    awitan ang hari, siya'y papurihan!
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
    awita't purihin ng mga nilikha!

Maghahari siya sa lahat ng bansa,
    magmula sa tronong banal at dakila.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
    sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
    lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[f]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
    kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
    makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
    ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
    sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.

Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
    kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
    dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
    hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
    gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
    upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
    at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.

10 Alam(B) naman niyang lahat ay mamamatay,
    kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
    sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
    kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
    katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.

13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
    at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[g]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
    itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
    laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
    sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
    aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[h]

16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
    lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
    ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
    dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
    masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
    katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[i]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.