Beginning
Ang Ating Tirahan sa Langit
5 Sapagkat alam natin na kung ang ating panlupang bahay na isang tolda lamang ay masira, mayroon tayong gusaling mula sa Diyos. Ito ay isang bahay na hindi gawa ng mga kamay, ito ay pangwalang hanggan sa kalangitan.
2 Sa ganito tayo ay dumaraing at nananabik na mabihisan ng ating tahanang mula sa langit. 3 Kung mabihisan na tayo, hindi na tayo masusumpungang hubad. 4 Ito ay sapagkat tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan yamang hindi natin ibig na maging mga hubad. Sa halip ay ibig nating lubos na mabihisan. Ito ay upang ang may kamatayan ay lamunin na ng buhay. 5 Ang Diyos ang siyang gumawa sa atin para sa bagay na ito. Siya rin ang nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katiyakan.
6 Dahil dito lagi tayong may katiyakan at alam natin na habang nananahan tayo sa katawang ito, wala tayo sa tahanang mula sa Diyos. 7 Ito ay sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya, hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Nakakatiyak tayo at higit na nanaising mawala sa katawan at manahang kasama ng Panginoon. 9 Kaya nga, naghahangad tayong maging kaluguran sa kaniya maging tayo man ay nananahan sa katawan o wala sa katawan. 10 Ito ay sapagkat tayong lahat ay haharap sa luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tumanggap ng nauukol sa atin para sa mga bagay na ginawa sa katawan maging ito man ay mabuti o masama.
Ang Paglilingkod na Maipagkasundo ang mga Tao sa Diyos
11 Dahil alam namin ang pagkatakot sa Panginoon, kaya hinihikayat namin ang mga tao. Ngunit kami ay nahahayag sa Diyos at umaasa na ako ay mahahayag din sa inyong mga budhi.
12 Ito ay sapagkat hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming mga sarili sa inyo. Ibinibigay namin ang pagkakataon sa inyo na kami ay inyong maipagmalaki, upang masagot ninyo sila na mga nagmamalaki ayon sa nakikita at hindi mula sa puso. 13 Ito ay sapagkat kung wala kami sa aming sarili, iyon ay alang-alang sa Diyos. Kung kami naman ay nasa wastong pag-iisip, iyon ay alang-alang sa inyo. 14 Ito ay sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin. Dahil pinagpasiyahan namin na yamang may isang namatay para sa lahat, kung gayonang lahat ay patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang sila na nabubuhayay hindi na mamuhay para sa kanilang sarili. Sa halip, sila ay mamuhay para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling nabuhay.
16 Mula ngayon hindi na natin nakikila ang sinumang tao ayon sa makataong paraan. Kahit kilala natin si Cristo sa ganitong paraan noon, sa ngayon ay hindi na. 17 Kaya nga, kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bago nang nilalang. Ang mga dating bagay ay lumipas na, narito, ang lahat ng bagay ay naging bago. 18 Ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos. Sa pamamagitan ni Jesucristo dinala niya tayo upang ipagkasundo sa kaniya. At ibinigay niya sa atin ang gawain ng paglilingkod para sa pakikipagkasundo. 19 Papaanong sa pamamagitan ni Cristo ay ipinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi niya ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagsalangsang. Ipinagkatiwala niya sa amin ang salita ng pakikipagkasundo. 20 Para kay Cristo, kami nga ay mga kinatawan na waring ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan namin. Nagsusumamo kami alang-alang kay Cristo na makipagkasundo kayong muli sa Diyos. 21 Ito ay sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
6 Bilang kamanggagawa, hinihimok namin kayo. Huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. 2 Sinabi niya:
Sa panahong ipinahintulot pinakinggan kita, at sa araw ng pagliligtas, tinulungan kita.
Narito, ngayon ang panahong katanggap-tanggap. Narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.
Ang mga Paghihirap ni Pablo
3 Sa anumang bagay ay hindi kami nagbigay ng katitisuran upang hindi mapulaan ang gawain ng paglilingkod.
4 Sa halip, sa lahat ng bagay ay ipinakilala namin ang aming sarili bilang tagapaglingkod ng Diyos. Ito ay maging sa maraming pagbabata, kabalisahan, pangangailangan at kagipitan. 5 Maging sa paghagupit sa amin, pagkabilanggo, kaguluhan, pagpapagal, pagpupuyat, at pag-aayuno. 6 Maging sa kalinisan, kaalaman, pagtitiis, kabutihan, at maging sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at walang pakunwaring pag-ibig, ipinakikilala naming kami ay mga tagapaglingkod. 7 Ipinakilala namin ito sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng sandata ng katuwiran sa kanan at kaliwang kamay. 8 Maging sa karangalan at kawalang karangalan, maging sa masamang ulat at mabuting ulat, ipinakilala naming kami ay tagapaglingkod. Kahit na iparatang na kami ay mandaraya, kami aymga totoo, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 9 Kahit na sabihing hindi kami kilala bagama’t kilalang-kilala, naghihingalo gayunma’y buhay, pinarurusahan ngunit hindi pinapatay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 10 Kahit na namimighati ngunit laging nagagalak, mahirap gayunma’y maraming pinayayaman, walang tinatangkilik bagama’t nagtatangkilik ng lahat ng bagay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod.
11 Mga taga-Corinto, malinaw na nahayag ang aming salita sa inyo. Ang aming puso ay lumaki. 12 Bukas ang aming puso sa inyo, ngunit nakasara ang inyong damdamin sa amin. 13 Bilang ganti, buksan din ninyo ang inyong puso sa amin. Ako ay nagsasalita sa inyo bilang mga anak ko.
Huwag Makipamatok sa Hindi Mananampalataya
14 Huwag kayong makipamatok sa hindi mananampalataya sapagkat anong pakikipag-isa mayroon nga ang katuwiran sa hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos? Anong pakikisama mayroon ang liwanag at kadiliman?
15 Paano magkakasundo si Cristo at si Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? 16 Anong kasunduan mayroon ang banal na dako ng Diyos sa mga diyos-diyosan? Ito ay sapagkat kayo nga ang banal na dako ng buhay na Diyos. Tulad ng sinabi ng Diyos:
Mananahan ako sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ang aking tao.
17 Sabi ng Panginoon:
Kaya nga, lumabas kayo mula sa kanila at humiwalay. Huwag kayong hihipo ng maruming bagay at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ang magiging ama ninyo at kayo ang magiging mga anak ko.
Ito ang sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
7 Kaya nga, mga minamahal, yamang nasa atin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating sarili sa lahat ng karumihan ng laman at espiritu. Lubusin natin ang ating kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Tanggapin ninyo kami. Wala kaming ginawang mali kaninuman, ni gumawa ng masama kaninuman, ni nagsamantala kaninuman.
3 Hindi ako nagsasalita upang hatulan kayo sapagkat sinabi ko na noong una na kayo ay nasa aming puso upang mamatay kasama namin at mabuhay na kasama namin. 4 Lubos ang aking katapanganpatungkol sa inyo, ipinagmamalaki ko kayo nang husto. Pinalakas ninyo nang lubusan ang aking kalooban, nag-uumapaw ako sa kagalakan sa lahat ng aming paghihirap.
5 Ito ay sapagkat noong dumating kami sa Macedonia, totoong ang aming katawan ay walang pahinga. Pinahihirapan kami sa lahat ng paraan. Sa labas ay may pakikipaglaban at sa loob ay pagkatakot. 6 Ngunit ang Diyos na nagpapalakas ng loob ng mga mababang kalagayan ay nagpalakas ng loob sa amin at ito ay sa pamamagitan ng pagdating ni Tito. 7 Hindi lamang ang pagdating niya ang nagpalakas ng loob sa amin subalit maging ang kaaliwang tinanggap niya sa inyo. Sinabi niya sa amin ang pananabik ninyong makita ako at ang inyong kalungkutan. Sinabi niya ang inyong maalab na pagmamahal sa akin at dahil samga ito, ako ay lalong nagalak.
8 Kung napighati ko kayo sa aking liham, sa ngayon hindi ko pinagsisisihan iyon, bagama’t iyon ay pinagsisihan ko na noon. Ito ay sapagkat alam ko na ang liham kong iyon ay pumighati sa inyo kahit na sa maikling panahon. 9 Ako ngayon ay nagagalak, hindi dahil sa napighati kayo, subalit dahil sa napighati kayo patungo sa pagsisisi. Ito ay sapagkat napighati kayo ayon sa kaparaanan ng Diyos upang hindi kayo mawalan ng anuman. 10 Ito ay sapagkat ang kapighatiang mula sa Diyos ay nagdudulot ng pagsisising patungo sa kaligtasan at hindi dapat pagsisihan. Ang kapighatiang mula sa sanlibutan ay nagdudulot ng kamatayan. 11 Sapagkat narito, ang inyong kapighatiang mula sa Diyos ay nagdulot ng kasigasigan na malinis ninyo ang inyong pangalan. Nagdulot ito ng inyong lubhang pagkagalit, pagkatakot, pananabik, pagsusumigasig at paghahangad ng katarungan. Sa lahat ng bagay pinatunayan ninyong dalisay ang inyong mga sarili sa bagay na ito. 12 Kaya nga, kahit na ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil sa isang gumawa ng pagkakamali ni alang-alang sa ginawan ng pagkakamali. Subalit sumulat ako sa inyo upang ang aming pagsusumigasig para sa inyo ay maging hayag sa inyo sa harap ng Diyos.
13 Dahil dito, lumakas ang aming kalooban dahil sa kalakasan ng inyong kalooban. Lalo kaming lubos na nagalak sa kagalakan ni Tito dahil napagpanibagong-sigla ninyong lahat ang kaniyang espiritu. 14 Ito ay sapagkat ipinagmalaki ko kayo sa kaniya at hindi ako napahiya. Ang lahat ng mga bagay na sinabi namin sa inyo ay totoo. Maging ang pagmamalaki ko sa inyo kay Tito ay totoo. 15 Ang paggiliw niya sa inyo ay lalong sumagana. Naaalala niya ang pagsunod ninyong lahat at ang pagtanggap ninyo sa kaniya na may takot at panginginig. 16 Nagagalak ako na sa lahat ng mga bagay ay mapagkakatiwalaan ko kayo.
Pinayuhan ni Pablo ang mga Tao na Magbigay nang Maluwag
8 Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo na ang biyaya ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga iglesiya sa Macedonia.
2 Ang dinanas nilang paghihirap na naging pagsubok sa kanila ay nagdulot ng kasaganaan ng kanilang kagalakan sa gitna ng matinding karukhaan. At ito ay lalong sumagana sa matapat na pagbibigay. 3 Ito ay sapagkat pinatotohanan ko na ayon sa kanilang kakayahan at higit pa sa kanilang kakayanan, sila ay lalong nagkusa. 4 Sa maraming pakikiusap, namanhik sila sa amin na ipagkaloob namin sa kanila ang karapatan ng pakikipag-isa sa paglilingkod para sa mga banal. 5 Hindi lang ang inaasahan namin ang ginawa nila subalit ipinagkaloob muna nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Dahil dito, ipinamanhik namin kay Tito na kung papaano siya nagsimula noon, lubusin din niya ng gayon sa inyo ang kaloob na ito. 7 Subalit sumasagana ang lahat ng bagay sa inyo, sa pananampalataya, sa salita, sa kaalaman, sa kasigasigan at sa pag-ibig ninyo sa amin. Kung gaano kayo sumagana sa mga ito, sumaganang gayon ang biyayang ito sa inyo.
8 Nagsasalita ako hindi ayon sa utos kundi sa pamamagitan ngpagsusumigasig ng iba at sa pagsubok sa katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Ito ay sapagakat alam ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Alam ninyo na kahit na mayaman siya alang-alang sa inyo, siya ay naging mahirap. Ito ay upang sa pamamagitan ng kaniyang kahirapan kayo ay maging mayaman.
10 Ito ang payo ko sa inyo sa bagay na ito. Kayo ang nagpasimula noong nakaraang taon, hindi lamang dahil kayoay handa kundi dahil kayo ay may kusa sa pagbibigay. 11 Ngayon, kapakipakinabang sa inyo na inyong lubusin ang pagsasagawa nito. Kung paano nga kayo naghanda sa kusang pagbibigay, gayundin naman lubusin ninyo ayon sa nasa inyo. 12 Ito ay sapagkat kapag naroroon nga ang kahandaan, ito ay tinatanggap nang ayon sa kung ano ang mayroon sa tao at hindi nang ayon sa wala sa kaniya.
13 Ito ay sapagkat hindi namin ninanais na ang iba ay madadalian at kayo ay mabigatan. Ang nais namin ay pagkakapantay-pantay. Sa kasalukuyan ang inyong kasaganaan ay sa kanilang kakulangan. 14 At upang ang kanilang kasaganaan sa ngayon ay magpuno sa inyong kakulangan upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Ayon sa nasusulat:
Siya na nagtipon ng marami ay hindi nagkalabis, at siya na nagtipon ng kaunti ay hindi nagkulang.
Isinugo ni Pablo si Tito sa Corinto
16 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagbigay sa puso ni Tito ng gayunding pagsusumigasig para sa inyo.
17 Ito ay sapagkat tinanggap nga niya ang pamamanhik, ngunit dahil sa higit na pagsusumigasig, nagkusa siyang pumunta sa inyo. 18 Isinugo naming kasama niya ang isang kapatid na ang pagpupuri ay nasa ebanghelyo sa lahat ng mga iglesiya. 19 Hindi lang gayon, kundi siya ay pinili ng mga iglesiya na maglakbay kasama namin sa kaloob na ito na siyang ipinaglingkod namin sa ikaluluwalhati ng Panginoon at nang ikahahayag ng inyong kahandaan. 20 Iniiwasan naming may masabi ang sinuman sa kasaganaang ito na aming ipinaglingkod. 21 Isinasaalang-alang namin ang nararapat na bagay hindi lamang sa harap ng Diyos kundi maging sa harap ng mga tao.
22 Isinugo naming kasama nila ang ating kapatid na lagi naming napapatunayang masikap sa maraming bagay. Sa ngayon siya ay lalong masikap dahil sa malaking pagtitiwala ko sa inyo. 23 Patungkol kay Tito, siya ang aking katuwang at isang kamanggagawa para sa inyo. Patungkol sa mga iglesiya, sila ay kaluwalhatian ni Cristo. 24 Ipakita nga ninyo sa kanila at sa harap ng iglesiya ang katibayan ng inyong pag-ibig at ang katibayan ng aming pagmamalaki sa inyo.
9 Sapagkat patungkol sa paglilingkod sa mga banal ay kinakailangang sumulat ako sa inyo. 2 Ito ay sapagkat alam ko ang pananabik ninyo na siya kong ipinagmamalaki sa mga taga-Macedonia na kayong mga taga-Acaya ay handa na noon pang isang taon. At ang inyong pagsusumigasig ay pumukaw sa marami. 3 Isinugo ko ang mga kapatid nang hindi mawalang saysay ang aking pagmamalaki sa inyo patungkol sa bagay na ito. Ayon sa aking sinabi: Kayo ay maging handa. 4 Baka sumama sa akin ang ilan sa mga taga-Macedonia at makita kayong hindi handa, mapapahiya kami, sa tiyak na pagmamalaking ito. Kahit nalalaman naming maaaring higit kayong mapahiya sa bagay na ito. 5 Kaya nga, naisip kong kinakailangang ipamanhik sa mga kapatid na mauna na sa pagpunta sa inyo. Isinugo ko sila upang ihanda ang inyong ipinangakong pagpapala at hindi sapilitang kaloob.
Masaganang Paghahasik
6 Ito ang sinasabi ko: Ang naghahasik ng kaunti ay aani naman ng kaunti. Ang naghahasik nang sagana ay aani naman nang sagana.
7 Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasya ng kaniyang puso, hindi sa kalungkutan o sa pangangailangan sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay ng masaya. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain sa inyo ang bawat biyaya upang sa lahat ng paraan ay magkaroon kayo ng kasapatan at sumagana kayo sa bawat mabuting gawa. 9 Ayon sa nasusulat:
Namamahagi siya sa malalayong dako, nagbigay siya sa mga mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman.
10 Ang nagbibigay ng binhi sa manghahasik at nagbibigay ng tinapay na makakain ay siya ring magpaparami ng inyong ani. Pararamihin din niya ang bunga ng inyong katuwiran. 11 Sa lahat ng bagay ay payayamanin niya kayo sa inyong matapat na pagbibigay. Ito ay magdudulot sa amin ng pagpapasalamat sa Diyos.
12 Ang paglilingkod na ito ng pagbibigay ay hindi lang nagpupuno sa pangangailangan ng mga banal. Ito rin ay sumasagana sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos. 13 Sa pamamagitan ng katibayan ng paglilingkod na ito sila ay lumuluwalhati sa Diyos dahil sa inyong pagpapahayag ng inyong pagpapasakop sa ebanghelyo ni Cristo. At ito ay dahil na rin sa inyong pakikipag-isa sa matapat na pagbibigay para sa kanila at para sa lahat. 14 Lumuluwalhati sila sa Diyos sa panalanging may paghiling para sa inyo, sila na nananabik sa inyo dahil sa nakakahigit na biyaya ng Diyos sa inyo. 15 Ang pasasalamat ay sa Diyos dahil sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob.
Copyright © 1998 by Bibles International