Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mga Gawa 16-17

16 At siya'y naparoon din naman sa Derbe at sa Listra: at narito, naroon ang isang alagad, na nagngangalang Timoteo, na anak ng isang Judiang sumasampalataya; datapuwa't Griego ang kaniyang ama.

Siya'y may mabuting patotoo ng mga kapatid na nangasa Listra at Iconio.

Iniibig ni Pablo na sumama siya sa kaniya; at kaniyang kinuha siya at tinuli dahil sa mga Judio na nangasa mga dakong yaon: sapagka't nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama'y Griego.

At sa kanilang pagtahak sa mga bayan, ay ibinigay sa kanila ang mga utos na inilagda ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem, upang kanilang tuparin.

Kaya nga, ang mga iglesia'y pinalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.

At nang kanilang matahak ang lupain ng Frigia at Galacia, ay pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na saysayin ang salita sa Asia;

At nang sila'y magsidating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang magsipasok sa Bitinia; at hindi sila tinulutan ng Espiritu ni Jesus;

At pagkaraan nila sa Misia, ay nagsilusong sila sa Troas.

At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo: May isang lalaking taga Macedonia na nakatayo, na namamanhik sa kaniya, at sinasabi, Tumawid ka sa Macedonia, at tulungan mo kami.

10 At pagkakita niya sa pangitain, pagdaka'y pinagsikapan naming magsiparoon sa Macedonia, na pinatutunayang kami'y tinawag ng Dios upang sa kanila'y ipangaral ang evangelio.

11 Pagtulak nga sa Troas, ay pinunta namin ang Samotracia, at nang kinabukasa'y ang Neapolis;

12 At mula doo'y ang Filipos, na isang bayan ng Macedonia, na siyang una sa purok, lupang nasasakupan ng Roma: at nangatira kaming ilang araw sa bayang yaon.

13 At nang araw ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon.

14 At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo.

15 At nang siya'y mabautismuhan na, at ang kaniyang mga kasangbahay, ay namanhik siya sa amin, na sinasabi, Kung inyong inaakalang ako'y tapat sa Panginoon, ay magsipasok kayo sa aking bahay, at kayo'y magsitira doon. At kami'y pinilit niya.

16 At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula.

17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin at nagsisigaw, na sinasabi, Mga alipin ng Kataastaasang Dios ang mga taong ito, na nagsisipangaral sa inyo ng daan ng kaligtasan.

18 At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon.

19 Datapuwa't nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na ang inaasahan nilang kapakinabangan, ay hinuli nila si Pablo at si Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga may kapangyarihan,

20 At nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, Ang mga lalaking ito, palibhasa'y mga Judio, ay nagsisipanggulong totoo sa ating bayan,

21 At nangaghahayag ng mga kaugaliang hindi matuwid nating tanggapin, o gawin, palibhasa tayo'y Romano.

22 At samasamang nagsitindig ang karamihan laban sa kanila: at hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit, at ipinapalo sila ng mga panghampas.

23 At nang sila'y mapalo na nila ng marami, ay ipinasok sila sa bilangguan, na ipinagtatagubilin sa tagapamahala na sila'y bantayang maigi:

24 Na, nang tanggapin nito ang gayong tagubilin, ay ipinasok sila sa kalooblooban ng bilangguan, at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan.

25 Datapuwa't nang maghahatinggabi na si Pablo at si Silas ay nagsipanalangin at nagsiawit ng mga himno sa Dios, at sila'y pinakikinggan ng mga bilanggo;

26 At kaginsaginsa'y nagkaroon ng isang malakas na lindol, ano pa't nangagsiuga ang mga patibayan ng bahay-bilangguan: at pagdaka'y nangabuksan ang lahat ng mga pinto; at nangakalas ang mga gapos ng bawa't isa.

27 At ang tagapamahala, palibhasa'y nagising sa pagkakatulog at nang makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, ay binunot ang kaniyang tabak at magpapakamatay sana, sa pagaakalang nangakatakas na ang mga bilanggo.

28 Datapuwa't sumigaw si Pablo ng malakas na tinig, na sinasabi, Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagka't nangaririto kaming lahat.

29 At siya'y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas,

30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?

31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.

32 At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.

33 At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.

34 At sila'y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.

35 Datapuwa't nang umaga na, ang mga hukom ay nangagsugo ng mga sarhento, na nagsasabi, Pawalan mo ang mga taong iyan.

36 At iniulat ng tagapamahala kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, Ipinagutos ng mga hukom na kayo'y pawalan: ngayon nga'y magsilabas kayo, at magsiyaon kayong payapa.

37 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Pablo, Pinalo nila kami sa hayag, na hindi nangahatulan, bagama't mga lalaking Romano, at kami'y ibinilanggo; at ngayo'y lihim na kami'y pinawawalan nila? tunay na hindi nga; kundi sila rin ang magsiparito at kami'y pawalan.

38 At iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom: at sila'y nangatakot nang kanilang marinig na sila'y mga Romano;

39 At sila'y nagsiparoon at pinamanhikan sila; at nang kanilang mailabas na sila, ay hiniling nila sa kanila na magsilabas sa bayan.

40 At sila'y nagsilabas sa bilangguan, at nagsipasok sa bahay ni Lidia: at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, at nagsialis.

17 Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.

At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan,

Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.

At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.

Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.

At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;

Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.

At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.

10 At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.

12 Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti.

13 Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan.

14 At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si Timoteo.

15 Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila.

16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.

17 Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.

18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli.

19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?

20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.

21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)

22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.

23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.

24 Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;

25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;

26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan;

27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:

28 Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.

29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.

30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:

31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.

32 At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.

33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.

34 Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain