Beginning
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(A)
11 Matapos turuan ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod, umalis siya sa lugar na iyon upang magturo at mangaral sa mga karatig lugar.
2 Nang nasa bilangguan si Juan na tagapagbautismo, narinig niya ang mga ginagawa ni Jesus, kaya inutusan niya ang kanyang mga tagasunod 3 upang tanungin si Jesus, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo: 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Mapalad ang taong hindi nagdududa[a] sa akin.”
7 Pagkaalis ng mga tagasunod ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 8 Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ninyo makikita. 9 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 10 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[b] 11 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila kaysa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios. 12 Mula nang mangaral si Juan hanggang ngayon, nagpupumilit ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios.[c] 13 Sapagkat bago pa dumating si Juan, ipinahayag na ng lahat ng propeta at ng Kautusan ni Moises ang tungkol sa paghahari ng Dios. 14 At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating. 15 Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”[d]
16 “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,[e] pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’ 18 Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19 At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”[f]
Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(B)
20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[g] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![h] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”
May Kapahingahan kay Jesus(C)
25 Nang oras ding iyon, sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at matatalino, pero inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. 26 Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”
27 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama.
28 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, 30 dahil madaling sundin ang aking mga utos, at magaan ang aking mga ipinapagawa.”
Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(D)
12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. 5 At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. 6 Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[i] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(E)
9 Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Ang Piniling Lingkod ng Dios
15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
18 “Narito ang pinili kong lingkod.
Minamahal ko siya at kinalulugdan.
Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[j]
Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[k]
Si Jesus at si Satanas(F)
22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[l] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[m] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.
29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[n]
30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(G)
33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”
Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(H)
38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[o] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(I)
43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(J)
46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®