Beginning
1 Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
Ang Unang Hinaing ni Habakuk
2 Sinabi ni Habakuk, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? 3 Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. 4 Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
5 Sumagot ang Dios, “Tingnan ninyong mabuti ang mga nangyayari sa mga bansa at talagang magtataka kayo sa inyong makikita. Sapagkat may gagawin ako sa inyong kapanahunan na hindi ninyo paniniwalaan kahit may magbalita pa nito sa inyo. 6 Sapagkat pamamahalain ko ang mga taga-Babilonia,[a] na kilala sa kalupitan at karahasan. Mabilis nilang sinasalakay ang mga bansa sa buong mundo upang agawin ang mga lugar na hindi kanila. 7 Kinatatakutan sila ng mga tao. Ginagawa nila ang gusto nila at walang makakapigil sa kanila. 8 Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis kaysa sa mga leopardo at mas mabangis kaysa sa mga lobo na gumagala sa gabi. Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar, parang agilang mabilis na lumilipad para dagitin ang kanyang biktima. 9 Paparating ang kanilang mga sundalo na handang gumawa ng kalupitan. Para silang malakas na hangin mula sa silangan. Ang kanilang mga bihag ay kasindami ng buhangin. 10 Hinahamak nila ang mga hari at mga pinuno. Tinatawanan lamang nila ang mga napapaderang lungsod, dahil kaya nila itong akyatin sa pamamagitan ng pagtambak ng lupa sa tabi nito. Sa ganitong paraan, nakakapasok sila at nasasakop nila ang lungsod. 11 Pagkatapos, aalis sila na parang hangin lang na dumaan. Nagkasala sila, dahil wala silang kinikilalang dios kundi ang sariling kakayahan.”
Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk
12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”
2 Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
2 Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. 3 Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”
4 Ito ang isulat mo:
“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[b] 5 Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[c] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. 6 Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,
“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? 7 Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[d] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. 8 Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
9 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[e] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[f] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.
12 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 13 Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.
15 “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. 16 Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran[g] at malalagay kayo sa kahihiyan. 17 Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
18 “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? 19 Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. 20 Pero ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:[h] 2 “Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin nʼyong muli sa aming panahon ang ginawa nʼyo noon. At sa araw na ipadama nʼyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.
3 “Ikaw ang Banal na Dios na darating[i] mula sa Teman at sa Bundok ng Paran.[j] At ang inyong kadakilaan ay makikita sa kalangitan, at dahil dito pupurihin kayo ng mga tao sa mundo. 4 Darating kayong kasingliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan. 5 Darating kayong may dalang mga salot. 6 Kapag tumayo kayo ay nayayanig ang mundo, at kapag tumingin kayo ay nanginginig sa takot ang mga bansa at gumuguho ang sinaunang kabundukan at kaburulan. Ang inyong mga pamamaraan ay mananatili magpakailanman. 7 Nakita kong nagiba ang mga tolda sa Cushan at sa Midian.
8-9 “Panginoon, tulad kayo ng sundalong nakasakay sa karwahe na nagbibigay tagumpay sa labanan. Nakahanda na kayong pumana. Pero sino ang inyong kinapopootan? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Pinabitak nʼyo ang lupa at lumabas ang tubig. 10 Ang mga bundok ay parang mga tao na nanginig nang makita nila kayo. Umulan nang malakas; umugong ang tubig sa dagat at lumaki ang mga alon. 11 Tumigil ang araw at ang buwan sa kanilang kinaroroonan sa kislap ng nagliliparan nʼyong pana at kumikinang nʼyong sibat.[k]
12 “Sa inyong matinding galit ay tinapakan nʼyo ang mundo at niyurakan ang mga bansa, 13 upang iligtas ang mga taong pinili ninyo. Pinatay nʼyo ang pinuno ng masamang kaharian, at lubusang nilipol ang lahat ng kanyang tagasunod. 14 Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal. Ginawa nʼyo ito nang kami ay kanilang salakayin na parang buhawi upang kami ay pangalatin. Sapagkat kagalakan nila na lipulin kaming mga kawawang nagtatago dahil sa takot. 15 Para kayong sundalo na nakasakay sa kabayong nagtatatakbo sa karagatan hanggang sa lumaki ang mga alon.”
16 Sinabi ni Habakuk, “Nang marinig ko ang lahat ng ito, nanginig ang aking buong katawan at nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ako at nangatog ang aking mga tuhod. At dahil sa ipinahayag na ito ng Panginoon, matiyaga kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumalakay sa amin. 17 Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihin sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, 18 magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin. 19 Siya ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.”[l]
1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Zefanias noong si Josia na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cushi na anak ni Gedalia. Si Gedalia naman ay anak ni Amaria na anak ni Hezekia.
Darating ang Parusa ng Panginoon
2 Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo – 3 ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa dios-diosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, para tuluyan na silang makalimutan. 5 Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa akin, pero sumusumpa ring maglilingkod sa dios-diosang si Molec.[a] 6 Lilipulin ko ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa akin.
7 “Tumahimik kayo sa harapan ko, dahil malapit na ang araw ng aking pagpaparusa. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda. 8 Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.[b] 9 Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.[c]
10 “Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda[d] ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol. 11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi[e] ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti[f] ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’ 13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
Ang Nakakatakot na Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon
14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong. 15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Dios ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon, 16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.
17 Sinabi ng Panginoon, “Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig[g] ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi[h] ang kanilang bangkay. 18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat bigla kong lilipulin ang lahat ng naninirahan sa lupa.”
Panawagan para Magsisi
2 Sinabi ni Zefanias sa mga taga-Juda: Bansang walang kahihiyan, magtipon kayo at magsisi 2 bago dumating ang itinakdang araw na kayoʼy palalayasin[i] at ipapadpad na parang mga ipa. Magsisi na kayo bago dumating ang araw ng pagbuhos ng Panginoon ng kanyang matinding galit. 3 Kayo namang mga mapagpakumbaba at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, lumapit kayo sa kanya. Magpatuloy kayong gumawa ng matuwid at magpakumbaba. Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.
Parusa sa Bansang Filistia
4 Wala nang titira sa Gaza at Ashkelon. Ang mga mamamayan ng Ashdod ay palalayasin sa loob lamang ng kalahating araw. Palalayasin din ang mga mamamayan ng Ekron sa kanilang bayan. 5 Nakakaawa kayong mga Filisteo[j] na nakatira sa tabing-dagat. Ito ang sinasabi ng Panginoon laban sa inyo: “Kayong mga Filisteo sa Canaan, lilipulin ko kayo, at walang matitira sa inyo.” 6 Kaya ang inyong mga lupain sa tabing-dagat ay magiging pastulan at kulungan ng mga tupa. 7 Sasakupin iyon ng natitirang mga taga-Juda. Doon sila magpapastol ng kanilang mga hayop at pagsapit ng gabi ay matutulog sila sa mga bahay sa Ashkelon. Kahahabagan sila ng Panginoon na kanilang Dios at pauunlarin silang muli.
Parusa sa mga Bansa ng Moab at Ammon
8-9 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Narinig ko ang pang-iinsulto at panunuya ng mga taga-Moab at taga-Ammon sa aking mga mamamayan. Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin ang lupain ng aking mga mamamayan. Kaya isinusumpa kong wawasakin ko ang Moab at Ammon katulad ng Sodom at Gomora. At ang kanilang lupain ay hindi na mapapakinabangan habang panahon. Tutubuan ito ng mga matitinik na damo, at mapupuno ng mga hukay na gawaan ng asin. Lulusubin ito ng natitira kong mga mamamayan at sasamsamin nila ang mga ari-arian nito.”
10 Sinabi ni Zefanias: Iyan ang ganti sa pagyayabang ng mga taga-Moab at taga-Ammon. Sapagkat ipinapahiya nila at nilalait ang mga mamamayan ng Panginoong Makapangyarihan. 11 Sisindakin sila ng Panginoon dahil lilipulin niya ang lahat ng mga dios-diosan sa buong mundo. At sasambahin siya ng mga tao sa lahat ng bansa sa kani-kanilang bayan.
Ang Parusa sa mga Bansa ng Etiopia at Asiria
12 Sinabi ng Panginoon, “Kayo ring mga taga-Etiopia[k] ipapapatay ko kayo sa digmaan.
13 “Parurusahan ko rin ang Asiria na nasa hilaga. Magiging tulad ng ilang ang Nineve,[l] tigang na parang disyerto. 14 Magiging pastulan ito ng mga baka, kambing, at ng ibaʼt ibang uri ng mga hayop. Dadapo ang mga kuwago sa mga nasirang haligi, at maririnig ang kanilang huni sa mga bintana. Masisira ang mga pintuan at matatanggal ang mga sedrong kahoy nito. 15 Ganyan ang mangyayari sa lungsod ng Nineve, na nagmamalaki na walang sasalakay sa kanila at walang hihigit sa kanila. Pero lubusang mawawasak ang lungsod na iyon at titirhan na lamang ng mga hayop sa gubat. At ang bawat dadaan doon ay tatawa ng pakutya sa kinasapitan nito.”
Ang Hinaharap ng Jerusalem
3 Sinabi ni Zefanias: Nakakaawa ang Jerusalem! Ang mga naninirahan dito ay nagrerebelde sa Dios at gumagawa ng karumihan. Ang kanyang mga pinuno ay mapang-api. 2 Hindi sila nakikinig kahit kanino, at ayaw nilang magpaturo. Hindi sila nagtitiwala sa Panginoon na kanilang Dios, ni lumalapit sa kanya. 3 Ang kanilang mga opisyal ay parang leon na umaatungal. Ang kanilang mga pinuno ay parang mga lobo na naghahanap ng makakain kung gabi, at walang itinitira pagsapit ng umaga. 4 Ang kanilang mga propeta ay padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa at hindi mapagkakatiwalaan. Nilalapastangan ng kanilang mga pari ang mga bagay na banal at sinusuway ang Kautusan ng Dios. 5 Pero naroon pa rin ang presensya ng Panginoon sa kanilang lungsod. Ginagawa ng Panginoon ang mabuti at hindi ang masama. Araw-araw ipinapakita niya ang kanyang katarungan, at nananatili siyang tapat. Pero ang masasama ay patuloy na gumagawa ng masama at hindi sila nahihiya.
6 Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan. 7 Dahil sa mga ginawa kong ito akala ko igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Pero lalo pa silang nagpakasama.
8 “Kaya kayong tapat na mga taga-Jerusalem, hintayin ninyo ang araw na uusigin ko ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at ang mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. 9 Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao,[m] para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin. 10 Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia[n] ay magdadala ng mga handog sa akin.
11 “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.[o] 12 Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong[p] sa akin. 13 Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”
Matutuwa ang mga Israelita
14 Sinabi ni Zefanias: Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso! 15 Sapagkat hindi na kayo parurusahan ng Panginoon. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway. Kasama ninyo ang Panginoon, ang Hari ng Israel, kaya wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga tao sa mga taga-Jerusalem, “Mga mamamayan ng Zion, huwag kayong matakot; magpakatatag kayo. 17 Sapagkat kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Katulad siya ng isang makapangyarihang sundalo na magliligtas sa inyo. Magagalak siya sa inyo, at sa pamamagitan ng kanyang pag-ibig ay babaguhin niya ang inyong buhay. Aawit siya nang may kagalakan dahil sa inyo, 18 gaya ng taong nagsasaya sa araw ng kapistahan.”
Sinabi pa ng Panginoon, “Ililigtas ko kayo sa kasawian para hindi na kayo malagay sa kahihiyan. 19 Sa araw na iyon, parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa inyo. Kayo ay parang mga tupang napilay at nangalat, pero ililigtas ko kayo at titipuning muli. Inilagay kayo sa kahihiyan noon, pero pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. 20 Oo, titipunin ko kayo sa araw na iyon at pababalikin ko kayo sa inyong bansa. Pararangalan ko kayo at gagawing tanyag sa buong mundo. Mangyayari ito sa araw na panumbalikin ko ang inyong mabuting kalagayan at makikita ninyo mismo ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®