Beginning
Ang Salot na mga Balang
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, para patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala. 2 At para maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Egipcio at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
3 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 4 Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa bansa mo bukas. 5 Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy. 6 Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.
7 Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?”
8 Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa Panginoon na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”
9 Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon.”
10 Sinabi ng Faraon nang may pang-iinsulto, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung palalakarin ko kayo at ang pamilya ninyo! Malinaw na masama ang intensyon ninyo dahil tatakas kayo. 11 Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis para sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”
13 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang 14 at dumagsa ito sa buong Egipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Egipto at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Dumagsa ang mga ito sa buong Egipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Egipto.
16 Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Dios at sa inyo. 17 Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Dios na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”
18 Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon. 19 Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Egipto. 20 Pero pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na Kadiliman
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egipto.” 22 Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Egipto sa loob ng tatlong araw. 23 Walang lumabas na mga Egipcio sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Pero may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.
24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Sige, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”
25 Pero sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin para makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Dios. 26 Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon. Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.”
27 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis. 28 Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.”
29 Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”
Ang Kamatayan ng mga Panganay na Lalaki sa Egipto
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Padadalhan ko ng isa pang salot ang Faraon at ang Egipto. Pagkatapos nito, paaalisin na niya kayo. Itataboy pa niya kayo dahil gusto niyang makaalis agad kayo. 2 Sabihin mo sa mga Israelita, lalaki man o babae, na humingi sila ng mga alahas na pilak at ginto sa mga kapitbahay nila na Egipcio.” 3 (Niloob ng Panginoon na maging mabait ang mga Egipcio sa mga Israelita. At iginalang si Moises ng mga opisyal ng Faraon at ng mga mamamayan ng Egipto.)
4 Kaya sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Dadaan ako sa Egipto mga bandang hatinggabi, 5 at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, mula sa panganay ng Faraon na papalit sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng pinakamababang aliping babae. Mamamatay din ang lahat ng panganay ng mga hayop. 6 Maririnig ang matinding iyakan sa buong Egipto na hindi pa nangyayari kailanman at hindi na mangyayari pang muli. 7 Pero magiging tahimik ang mga Israelita; kahit tahol ng asoʼy walang maririnig.’ Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na iba ang pagtrato ng Panginoon sa mga Israelita at sa mga Egipcio. 8 Lahat ng iyong mga opisyal ay lalapit sa akin na nakayuko at magsasabi, ‘Umalis ka na at isama mo ang mga mamamayang sumusunod sa iyo!’ Pagkatapos nito, aalis na ako.” At umalis si Moises sa harapan ng galit na galit na Faraon.
9 Sinabi noon ng Panginoon kay Moises, “Hindi maniniwala ang Faraon sa iyo, para marami pang himala ang magawa ko sa Egipto.” 10 Ginawa nila Moises at Aaron ang mga himalang ito sa harap ng Faraon, pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita sa kanyang bansa.
Ang Paglampas ng Anghel
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, 2 “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. 4 Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. 5 Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. 6 Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. 7 Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. 8 Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. 9 Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10 Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. 11 Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
12 “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13 Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.
14 “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 15 Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. 16 Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.
17 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 18 Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 19 Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel. 20 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.”
21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”
Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon. 28 At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29 Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.
31 Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo. 32 Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”
33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.
40 Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42 Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel
43 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:
“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito. 44 Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila, 45 pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.
46 “Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito. 47 Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.
48 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa pagpaparangal sa Panginoon, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Pero hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli. 49 Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron. 51 At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Egipto.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®