Book of Common Prayer
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Ang (A) Melquizedek na ito, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari, at siya’y binasbasan nito. 2 Sa kanya ibinigay ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una sa lahat, si Melquizedek ay hari ng katuwiran; ito ang kahulugan ng kanyang pangalan. At dahil hari siya ng Salem, siya ay hari din ng kapayapaan. 3 Walang binanggit na ama o ina o talaan ng kanyang angkan o maging tungkol sa kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nanatiling pari magpakailanman.
4 Masdan ninyo kung gaano kadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagkaloob sa kanya ng ikasampung bahagi ng kanyang mga nasamsam mula sa labanan. 5 Ang (B) mga pari mula sa angkan ni Levi ay itinatakda ng Kautusan na tumanggap ang ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Ngunit si Melquizedek, bagamat hindi mula sa lahi ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham. At binasbasan ni Melquizedek si Abraham na siyang pinangakuan ng Diyos. 7 Walang alinlangan na ang mas mababa ay tumatanggap ng basbas mula sa mas nakakataas. 8 Sa isang banda, ang mga pari na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay namamatay; sa kabila naman, ang tumanggap ay pinatutunayang nanatiling buháy. 9 Maaari pang sabihin na maging si Levi na tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, 10 sapagkat nang siya’y salubungin ni Melquizedek, si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong Abraham.
11 Ngayon, kung ang pagiging sakdal ay makakamit sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, yamang tinanggap ng bayan ang Kautusan sa pamamagitan ng mga paring Levita—bakit kinailangan pa na may lumitaw na isang pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Sapagkat kapag may pagbabago sa pagkapari, kailangan ding may pagbabago sa Kautusan. 13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, at mula sa angkang iyon ay wala pang sinuman na naglingkod sa dambana. 14 Maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda, at walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari kaugnay ng liping iyon. 15 Lalo pa itong naging maliwanag nang lumitaw ang isang pari na kagaya ni Melquizedek, 16 siya ay naging pari, hindi dahil sa itinatakda ng batas ukol sa lahing pinagmulan, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa. 17 Sapagkat (C) pinapatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu't Dalawa
17 Bumalik ang pitumpu't dalawa[a] at nagagalak na nagsabi kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin dahil sa inyong pangalan!” 18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na bumulusok mula sa langit tulad ng kidlat. 19 Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at mangibabaw sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapananakit sa inyo. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak na nagpapasakop sa inyo ang mga espiritu. Sa halip, ikagalak ninyo na ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”
Nagalak si Jesus(A)
21 Nang oras ding iyon, napuspos si Jesus ng kagalakan mula sa Banal na Espiritu. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakalulugod sa iyo. 22 Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at kaninumang pinagpahayagan ng Anak.” 23 Humarap siya sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan, “Pinagpala ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga haring naghangad makakita ng mga nakita ninyo ngunit hindi nakakita nito at makarinig ng inyong narinig ngunit hindi nila narinig.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.