Book of Common Prayer
9 Dahil dito, mula nang araw na mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, ay walang tigil kaming nananalangin para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na kayo'y mapuspos ng kaalaman tungkol sa kanyang kalooban sa lahat ng espirituwal na karunungan at pang-unawa. 10 Ang kayo'y magpatuloy sa pamumuhay nang karapat-dapat sa Panginoon, nagbibigay-kasiyahan sa kanya sa lahat ng bagay, namumunga sa lahat ng uri ng mabuting gawa, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. 11 Palakasin nawa kayo na taglay ang buong kapangyarihan, ayon sa kanyang maluwalhating kalakasan—upang kayo'y maging matatag at makaya ninyong tiisin ang lahat ng bagay, habang may galak 12 na nagpapasalamat sa Ama, na siyang nagbigay sa atin ng karapatang makibahagi sa pamana para sa mga banal na nasa liwanag. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin tungo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 (A) Sa kanya ay mayroon tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.[a]
Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat
15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (B) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (C) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.
Ang Paghahandog kay Jesus
22 Nang sumapit na ang araw ng kanilang paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, dinala ng kanyang mga magulang ang sanggol sa Jerusalem upang ihandog sa Panginoon. 23 Ito ay ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila nang ayon sa sinabi sa Kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati.” 25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at masipag sa kabanalan at naghihintay sa pagpapalaya sa Israel. Sumasakanya ang Banal na Espiritu. 26 Ipinahayag ng Banal na Espiritu sa kanya na makikita muna niya ang Cristo ng Panginoon bago siya mamatay. 27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok si Simeon sa templo. At nakita niya na dala-dala si Jesus ng kanyang mga magulang upang gawin ang nakaugalian ayon sa Kautusan. 28 Kinarga ni Simeon ang sanggol at nagpuri sa Panginoon. Sinabi niya,
29 “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako,
mapayapa mo nang kunin ang iyong alipin.
30 Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda, sa harap ng lahat ng bansa:
32 Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil
at para sa kaluwalhatian ng bansa mong Israel.”
33 Ang ama at ina ng sanggol ay namangha sa mga sinabi tungkol sa kanya. 34 At binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng sanggol, “Tandaan mo ang sasabihin ko: itinalaga ang batang ito para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel. Siya'y magiging tanda na sasalungatin ng marami, 35 at mahahayag ang iniisip ng marami—at tila isang balaraw ang tatarak sa iyong puso.” 36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.
Ang Pagbabalik sa Nazareth
39 Pagkatapos nilang maisagawa ang lahat ng ayon sa Kautusan ng Panginoon, bumalik ang mga magulang ni Jesus sa kanilang bayang Nazareth sa Galilea. 40 Lumaking malusog ang bata, puspos ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.