Book of Common Prayer
5 Nagpapatunay ito ng makatwirang hatol ng Diyos, at ginagawa niya kayong karapat-dapat na makibahagi sa kanyang paghahari, na siya namang dahilan ng inyong pagdurusa. 6 Tunay na makatarungan ang Diyos at parurusahan niya ang mga taong nagpapahirap sa inyo. 7 Siya rin ang magbibigay ng ginhawa sa inyo at sa amin na mga dumaranas ng pagtitiis. Magaganap ito kapag nahayag na ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. 8 Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at magpaparusa sa lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Ang parusang igagawad sa kanila'y walang-hanggang kapahamakan, at ihihiwalay sila sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagdating upang tanggapin ang mga papuri mula sa kanyang mga banal at tanggapin ang mga parangal ng lahat ng mga nananalig sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat pinaniwalaan ninyo ang aming patotoo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong ipinapanalangin sa Diyos, na tulungan niya kayo upang kayo'y maging karapat-dapat sa kanyang pagkatawag sa inyo. Dumadalangin din kaming igawad niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan upang magawa ninyo ang lahat ng mabuting hangarin ninyo at mga gawang bunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mabibigyan ninyo ng parangal ang ating Panginoong Jesus, at kayo nama'y pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (A) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu si Zacarias na ama ng bata, at nagpahayag ng propesiyang ito,
68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.