Book of Common Prayer
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga babalang ibinigay noon ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Sinabi (A) nila sa inyo, “Sa huling panahon ay darating ang mga manlilibak na namumuhay sa sarili nilang makamundong pagnanasa.” 19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, at walang Espiritu ng Diyos. 20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa pinakabanal na pananampalataya. Manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos; asahan ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo na naghahatid sa buhay na walang hanggan. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang mga nasa apoy upang masagip sila. Mahabag kayo sa iba na taglay ang takot; kamuhian ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Basbas
24 Sa kanya na may kapangyarihang mag-ingat sa inyo upang hindi kayo mapahamak at may kapangyarihang magharap sa inyo nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan sa harap ng kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong ating Panginoon, sa kanya ang kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan at kapamahalaan, bago pa nagsimula ang panahon, ngayon, at kailanman. Amen.
Ang Pagbabayad ng Buwis(A)
15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.