Book of Common Prayer
12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (A) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Nilinis ni Jesus ang Templo(A)
12 Pumasok si Jesus sa templo,[a] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Pinagbabaligtad niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13 Sinabi (B) niya sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’
ngunit ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”
14 Lumapit sa kanya sa templo ang mga bulag at ang mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Subalit nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo, nagsasabing, “Hosanna sa Anak ni David.” 16 At (C) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo. Hindi pa ba ninyo nababasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga musmos,
naghanda ka para sa iyong sarili ng papuring lubos?’ ”
17 Pagkatapos niyang iwan sila, lumabas siya sa lungsod papuntang Betania, at doon ay nagpalipas ng gabi.
Sinumpa ang Puno ng Igos(D)
18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (E) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.