Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 119:145-176

145 Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.

146 Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo.

147 Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita.

148 Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo.

149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.

150 Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan.

151 Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan.

152 Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man.

153 Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.

154 Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.

155 Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.

156 Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.

157 Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.

158 Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.

159 Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.

160 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.

161 Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.

162 Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam.

163 Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.

164 Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.

165 Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.

166 Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo.

167 Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam,

168 Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.

169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.

170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.

171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.

172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.

173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.

174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.

175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.

176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Awit 128-130

128 Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.

Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.

Ang asawa mo'y magiging parang mabungang puno ng ubas, sa mga pinakaloob ng iyong bahay: ang mga anak mo'y parang mga puno ng olibo, sa palibot ng iyong dulang.

Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao, na natatakot sa Panginoon.

Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion: at iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.

Oo, iyong makikita ang mga anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa'y suma Israel.

129 Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa aking kabataan, sabihin ngayon ng Israel,

Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa aking kabataan: gayon ma'y hindi sila nanganaig laban sa akin.

Ang mga mangaararo ay nagsiararo sa aking likod; kanilang pinahaba ang kanilang bungkal.

Ang Panginoon ay matuwid: kaniyang pinutol ang mga panali ng masama.

Mapahiya sila at magsitalikod, silang lahat na nangagtatanim ng loob sa Sion.

Sila'y maging parang damo sa mga bubungan, na natutuyo bago lumaki:

Na hindi pinupuno ng manggagapas ang kaniyang kamay niyaon, ni siyang nagtatali man ng mga bigkis, ang kaniyang sinapupunan.

Hindi man sinasabi ng nagsisipagdaan, ang pagpapala ng Panginoon, ay sumainyo nawa; binabasbasan namin kayo sa pangalan ng Panginoon.

130 Mula sa mga kalaliman ay dumaing ako sa iyo, Oh Panginoon.

Panginoon, dinggin mo ang aking tinig: pakinggan ng iyong mga pakinig ang tinig ng aking mga pamanhik.

Kung ikaw, Panginoon, magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo?

Nguni't may kapatawarang taglay ka, upang ikaw ay katakutan.

Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ay umaasa ako.

Hinihintay ng aking kaluluwa ang Panginoon, ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga; Oo, higit kay sa bantay sa umaga.

Oh Israel, umasa ka sa Panginoon; sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob.

At kaniyang tutubusin ang Israel sa lahat niyang kasamaan.

Obadias 15-21

15 Sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, laban sa lahat ng bansa: kung ano ang iyong gawin, ay siyang gagawin sa iyo; ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo.

16 Sapagka't kung paanong kayo'y nagsiinom sa aking banal na bundok, gayon magsisiinom na palagi ang lahat na bansa, oo, sila'y magsisiinom, at magsisitungga, at magiging wari baga sila'y hindi nangabuhay.

17 Nguni't sa bundok ng Sion ay doroon yaong nangakatatanan, at magiging banal; at aariin ng sangbahayan ni Jacob ang kaniyang mga pag-aari.

18 At ang sangbahayan ni Jacob ay magiging isang apoy, at ang sangbahayan ni Jose ay isang liyab, at ang sangbahayan ni Esau ay dayami, at sila'y kanilang susunugin, at sila'y susupukin; at walang malalabi sa sangbahayan ni Esau; sapagka't sinalita ng Panginoon.

19 At silang sa Timugan, ay mangagaari ng bundok ng Esau, at silang sa mababang lupa ay ng mga Filisteo; at kanilang aariin ang parang ng Ephraim, at ang parang ng Samaria; at aariin ng Benjamin ang Galaad.

20 At ang mga bihag sa hukbong ito ng mga anak ni Israel na nasa mga taga Canaan, ay magaari ng hanggang sa Sarefat; at ang mga bihag sa Jerusalem na nasa Sepharad ay magaari ng mga bayan ng Timugan.

21 At ang mga tagapagligtas ay magsisisampa sa bundok ng Sion upang hatulan ang bundok ng Esau; at ang kaharian ay magiging sa Panginoon.

1 Pedro 2:1-10

Kaya't sa paghihiwalay ng lahat na kasamaan, at lahat ng pagdaraya, at pagpapaimbabaw, at mga pananaghili, at ng lahat ng panglalait,

Gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang gatas na walang daya na ukol sa espiritu, upang sa pamamagitan nito'y magsilago kayo sa ikaliligtas;

Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya:

Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga,

Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.

Sapagka't ito ang nilalaman ng kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.

Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapuwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok;

At, Batong katitisuran, at bato na pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga,

Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan:

10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa.

Mateo 19:23-30

23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit.

24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas?

26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.

27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin?

28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.

29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay.

30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain