Book of Common Prayer
Ang Bagong Jerusalem
9 Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” 10 Habang (A) nasa Espiritu, dinala niya ako sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod ng Jerusalem na bumababa mula sa langit, galing sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ningning nito ay tulad sa isang mamahaling bato, gaya ng haspe, na kasinlinaw ng kristal. 12 Mayroon (B) itong malaki at mataas na pader na may labindalawang pintuan. Sa mga pintuan ay may labindalawang anghel, at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong pintuan, sa hilaga ay may tatlong pintuan, sa timog ay may tatlong pintuan, at tatlo rin sa kanluran. 14 Ang mga pader ng lungsod ay may labindalawang saligan, at sa kanila ay nakasulat ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15 Ang (C) anghel na nakipag-usap sa akin ay may panukat na ginto, upang sukatin ang lungsod at ang mga pintuan at pader nito. 16 Parisukat ang pagkagawa sa lungsod; ang haba nito ay katulad ng luwang nito. Sinukat ng anghel ang lungsod gamit ang kanyang panukat, labindalawang estadia;[a] ang haba, luwang at taas nito ay magkakapareho. 17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginamit ng anghel. 18 Ang (D) (E) malaking bahagi ng pader ay haspe at dalisay na ginto naman ang lungsod, na kasinlinaw ng kristal. 19 Ang mga saligan ng pader ng lungsod ay napapalamutian ng iba't ibang mamahaling bato. Haspe ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonya ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topasyo ang ikasiyam, krisoprasio ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, amatista naman ang ikalabindalawa. 21 Ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, ang bawat pintuan ay yari sa isang perlas. Ang lansangan ng lungsod, ay dalisay na ginto, kasinlinaw ng salamin.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
22 Nang sila'y nagkatipon[a] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating (B) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[b] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.