Book of Common Prayer
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos, (A) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. 2 Nakita (B) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. 3 At (C) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,
“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
4 papahirin (D) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”
5 At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” 6 Pagkatapos (E) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang (F) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko. 8 Ngunit para sa mga duwag, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga karumal-dumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kalalagyan nila ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre; ito ang ikalawang kamatayan.”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(A)
14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (B) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.