Book of Common Prayer
Ang Awit ng 144,000
14 Pagkatapos ay tumingin (A) ako, at naroon ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan apatnapu't apat na libo na ang pangalan niya at ng kanyang Ama ay nakasulat sa kanilang mga noo. 2 Isang tinig ang narinig ko mula sa langit na parang ingay ng maraming tubig at parang dagundong ng malakas na kulog. Ang tinig na narinig ko ay parang tugtugan ng mga manunugtog ng mga alpa. 3 Umaawit sila ng isang bagong awitin sa harapan ng apat na buháy na nilalang at ng mga matatanda. Hindi kayang matutuhan ng sinuman ang awiting iyon maliban sa isandaan at apatnapu't apat na libong tinubos mula sa lupa. 4 Sila ay ang hindi dumungis ng kanilang sarili sa mga babae, sapagkat hindi sila nakipagtalik. Sumusunod sila sa Kordero saan man siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa sangkatauhan bilang mga unang alay sa Diyos at sa Kordero. 5 Walang (B) lumabas na kasinungalingan sa kanilang bibig; walang anumang maipaparatang laban sa kanila.
Ang Mensahe ng Tatlong Anghel
6 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala niya ang walang hanggang ebanghelyo upang ipahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan. 7 Malakas na sinabi niya, “ Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya, sapagkat ang oras ng kanyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin ninyo siya—siyang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”
8 At (C) ang pangalawang anghel ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang imoralidad.”
9 At pagkatapos, sumunod sa kanila ang ikatlong anghel na nagsasabi nang malakas, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at tumatanggap ng tanda sa kanyang mga noo at sa kanyang mga kamay, 10 ay (D) iinom din sa alak ng poot ng Diyos, na ibubuhos na walang halo sa kopa ng kanyang galit. Ang taong iyon ay pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. 11 Ang (E) usok ng kanilang paghihirap ay pumapailanlang magpakailanpaman. Wala silang kapahingahan araw at gabi, silang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito at sinumang tumatanggap ng tanda ng pangalan nito.”
12 Ito ay panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sila na tumutupad sa mga utos ng Diyos at patuloy na sumasampalataya kay Jesus.
13 At pagkatapos isang tinig ang narinig ko mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, pinagpala ang mga namatay dahil sa Panginoon.” “Totoo,” sabi ng Espiritu, “magpapahinga sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Namatay si Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[a] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. 2 At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” 3 Nauna noon ay (B) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[b] 4 Sapagkat (C) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” 5 At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. 6 Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. 7 Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. 8 Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” 9 Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.