Book of Common Prayer
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
7 At sa mga araw ni Artaxerxes, sumulat sina Bislam, Mitridates, Tabeel at ang iba pa sa kanilang mga kasama kay Artaxerxes na hari ng Persia. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin.[a]
11 ito ang sipi ng sulat na kanilang ipinadala, “Sa Haring Artaxerxes: Ang iyong mga lingkod, ang mga lalaki sa lalawigan sa kabila ng Ilog ay bumabati. At ngayon,
12 dapat malaman ng hari na ang mga Judio na umahong galing sa iyo patungo sa amin ay nagpunta sa Jerusalem. Kanilang muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na iyon, tinatapos nila ang mga pader, at kinukumpuni ang mga pundasyon.
13 Dapat malaman ngayon ng hari na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo at ang mga pader ay natapos, sila'y hindi magbabayad ng buwis, buwis sa kalakal, o upa, at ang kikitain ng kaharian ay hihina.
14 Ngayon, sapagkat kami ay nakikibahagi ng asin ng palasyo, at hindi marapat sa amin na makita ang ikasisirang-puri ng hari, kaya't kami ay nagsugo at ipinaaalam sa hari,
15 upang maisagawa ang isang pagsusuri sa aklat ng mga talaan ng iyong mga magulang. Matatagpuan mo sa aklat ng mga talaan at malalaman na ang lunsod na ito ay isang mapaghimagsik na lunsod, nakakasira sa mga hari at mga lalawigan, at nagkaroon ng pag-aalsa roon noong unang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ang lunsod na ito ay giniba.
16 Ipinaaalam namin sa hari, na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo, at ang mga pader ay natapos, hindi ka na magkakaroon pa ng pag-aari sa lalawigan sa kabila ng Ilog.”
17 Nagpadala ng sagot ang hari: “Kay Rehum na punong-kawal, at kay Simsai na eskriba, at sa iba pa nilang mga kasamahan na nakatira sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, pagbati. At ngayon,
18 ang sulat na inyong ipinadala sa amin ay maliwanag na binasa sa harapan ko.
19 Ako'y gumawa ng utos, at ang pagsaliksik ay naisagawa at natagpuan na ang lunsod na ito nang una ay nag-alsa laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at panggugulo ay nagawa roon.
20 Ang mga makapangyarihang hari ay namahala sa Jerusalem, na naghari sa buong lalawigan sa kabila ng Ilog, at sa kanila ay ibinayad ang buwis, buwis sa kalakal, at upa.
21 Kaya't gumawa kayo ng utos upang patigilin ang mga taong ito, at upang ang lunsod na ito ay hindi muling maitayo, hanggang sa ang isang utos ay magawa ko.
22 Kayo'y mag-ingat na huwag magpabaya sa bagay na ito; bakit kailangang lumaki ang pinsala na ikasisira ng hari?”
23 Nang mabasa ang sipi ng sulat ni Haring Artaxerxes sa harapan nina Rehum, ni Simsai na eskriba, at ng kanilang mga kasamahan, sila'y dali-daling pumunta sa mga Judio sa Jerusalem at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.
24 Nang(A) magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.
Pagbati
1 Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
2 at(A) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
5 sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
6 Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
7 Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo
8 Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
9 gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
10 Ako'y(B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Pangwakas na Pagbati
23 Binabati(C) ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
24 gayundin(D) nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.[a]
Sa Bunga Nakikilala(A)
33 “O(B) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama ang bunga nito; sapagkat ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga.
34 Kayong(C) lahi ng mga ulupong! Paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.
35 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan.
36 Subalit sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat.
37 Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka.”
Hinanapan si Jesus ng Tanda(D)
38 Pagkatapos,(E) ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ang nagwika sa kanya, “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.”
39 Ngunit(F) sumagot siya sa kanila, “Humahanap ng tanda ang isang masama at mapangalunyang lahi; ngunit walang tanda na ibibigay sa kanya, liban sa tanda ng propeta Jonas.
40 Sapagkat(G) kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat[a] sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa.
41 Ang(H) mga tao ng Ninive ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito.
42 Ang(I) reyna ng timog ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito, at hahatulan niya ito, sapagkat nanggaling siya sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Solomon ang narito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001