Book of Common Prayer
51 Pakinggan ninyo ang (A) sasabihin kong isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mahihimlay, ngunit tayong lahat ay babaguhin— 52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at ang mga patay ay bubuhaying muli na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. 53 Sapagkat ang may pagkabulok ay kailangang magbihis ng walang pagkabulok, at itong may kamatayan ay magbihis ng kawalang kamatayan. 54 Ngunit (B) kapag itong may pagkabulok ay mabihisan ng walang pagkabulok at itong may kamatayan ay mabihisan ng kawalang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.”
55 “Nasaan na, (C) kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57 Subalit salamat sa Diyos! Pinagtatagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
12 Sa pagkakataong iyon ay bumagtas sina Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Inabot ng gutom ang kanyang mga alagad at sila'y nagsimulang mamitas ng mga uhay at kumain. 2 Subalit nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ang mga alagad mo'y gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng Sabbath.” 3 Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom? 4 Hindi ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na ihinandog, na hindi nararapat ayon sa batas na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi iyon ay para sa mga pari lamang? 5 O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ang mga pari sa loob ng templo ay hindi nagpapasaklaw sa Sabbath, subalit hindi sila itinuturing na nagkasala? 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. 7 Kung alam lamang ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko ay habag, at hindi handog,’ ay hindi ninyo sana hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
9 Umalis doon si Jesus at pumasok sa sinagoga. 10 At naroon ang isang taong paralisado ang isang kamay. Tinanong nila si Jesus, “Ayon ba sa batas ang magpagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath?” Itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa kanya. 11 Sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, kung isa sa inyo ay may tupang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba niya ito aabutin at iaahon? 12 Higit namang napakahalaga ng isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa batas ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” 13 At sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito at ito'y nanumbalik sa dati, wala nang sakit katulad ng isa. 14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.