Book of Common Prayer
Propesiya at Pagsasalita ng Iba't ibang Wika
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at naisin ninyong magkaroon ng mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpahayag ng propesiya. 2 Sapagkat ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa taong iyon, yamang sa Espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga. 3 Ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay sa mga tao nagsasalita upang sila'y maging matatag, masigla at mabigyang-kaaliwan. 4 Ang nagsasalita sa ibang wika ay nagpapatibay lamang ng sarili, ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay nagpapatibay ng iglesya. 5 Nais ko rin naman sanang kayong lahat ay magsalita sa iba't ibang wika, ngunit mas nais ko na kayo ay magpahayag ng propesiya. Ang nagpapahayag ng propesiya ay higit kaysa nagsasalita ng iba't ibang wika, malibang may nagpapaliwanag nito upang mapatatag ang iglesya.
6 Subalit ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo at nagsasalita sa iba't ibang wika, ano'ng pakinabang ninyo sa akin? Wala nga, malibang ako'y may dalang pahayag, o kaalaman, propesiya, o isang aral. 7 Maging ang mga instrumentong walang buhay katulad ng plauta o alpa, kung hindi magbigay ng malinaw na tunog, di ba't hindi malalaman ng sinuman kung ano ang tinutugtog? 8 Sapagkat kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para sa digmaan? 9 Gayundin naman sa inyo. Kung sa pagsasalita ninyo sa isang wika ay gumagamit kayo ng mga salitang hindi nauunawaan, paano malalaman ng mga tao ang ibig ninyong sabihin? Kung gayon, sa hangin lamang kayo magsasalita. 10 Sadyang napakaraming uri ng mga wika sa daigdig, at lahat ng mga ito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wikang ginagamit, ako ay magiging banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12 Gayundin naman sa inyo. Yamang nagnanais kayong magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maging masagana sana kayo sa mga kaloob na makapagpapatatag sa iglesya.
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.