Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. 2 Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. 6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. 9 Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(A)
5 Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ 8 Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. 9 Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.