Book of Common Prayer
15 Pagkaraan ng ilang araw, naghanda na kami patungo sa Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, na matagal nang alagad. Doon kami nanuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Nang makarating kami sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami at si Pablo ay nakipagkita kay Santiago; naroroon din ang lahat ng matatandang namamahala ng iglesya. 19 Binati silang lahat ni Pablo, at pagkatapos ay isa-isa niyang isinalaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. 20 Nang marinig nila ito, pinuri nila ang Diyos at sinabi kay Pablo, “Kapatid, ilang libo na sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa Kautusan. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikuran na si Moises. Sinasabi mo rin daw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sumunod sa mga kaugalian. 22 Ano ang dapat naming gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Kaya't (A) ganito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis. Ikaw na ang magbayad para maahit ang kanilang mga ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na walang katotohanan ang kanilang nabalitaan tungkol sa iyo, kundi ikaw mismo ay tumutupad sa Kautusan. 25 Tungkol (B) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng sulat na nagsasaad ng aming pasyang huwag silang kumain ng mga ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, ng hayop na binigti,[a] at umiwas sa pakikiapid.” 26 Isinama nga ni Pablo ang mga lalaking may panata at kinabukasan ay isinagawa ang paglilinis. Pagkatapos ay pumasok siya sa Templo upang ipagbigay-alam kung kailan matatapos ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.
Ang Lalaking Mayaman(A)
17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (B) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (C) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.