Book of Common Prayer
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
Awit ng Pasasalamat
136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel.
Nakuha ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan
Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo nang mga panahong iyon. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek. 2 Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; 4,000 Israelita ang napatay nila. 3 Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, “Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Shilo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin.”
4 Kaya ipinakuha nila sa Shilo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoong Makapangyarihan. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. 5 Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa. 6 Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, “Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?”
Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita, 7 natakot sila at sinabi, “May dumating na dios sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin. 8 Nakakaawa tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang dios? Sila rin ang mga dios na pumatay sa mga Egipcio sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot. 9 Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila.”
10 Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan. 11 Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya
32 Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. 33 Patuloy ang paggawa ng mga apostol ng mga kamangha-manghang gawa bilang patunay na ang Panginoong Jesus ay talagang nabuhay muli. At lubusang pinagpala ng Dios ang lahat ng mga mananampalataya. 34 Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan dahil ipinagbili ng mga may kaya ang kanilang mga lupaʼt bahay, 35 at ang peraʼy ibinigay nila sa mga apostol. At ibinigay naman ito ng mga apostol sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan.
36 Ganyan din ang ginawa ng Levitang si Jose na taga-Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpalakas ng Loob.” 37 Ibinenta ni Jose ang kanyang lupa at ang peraʼy ibinigay niya sa mga apostol.
Sina Ananias at Safira
5 May mag-asawang nagbenta rin ng kanilang lupa. Ang pangalan ng lalaki ay Ananias, at ang babae naman ay Safira. 2 Pero binawasan ni Ananias ang pinagbilhan ng kanilang lupa. At pumayag naman ang kanyang asawa. Pagkatapos, ibinigay niya ang natirang pera sa mga apostol, at sinabi niyang iyon ang buong halaga ng lupa. 3 Agad namang nagtanong si Pedro, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsisinungaling ka sa Banal na Espiritu dahil binawasan mo ang pinagbilhan ng lupa ninyo. 4 Hindi baʼt ikaw ang may-ari ng lupang iyon bago mo ibinenta? At nang maibenta na, hindi baʼt nasa sa iyo ang pagpapasya kung ano ang gagawin mo sa pera? Bakit mo pa nagawa ang ganito? Nagsinungaling ka hindi lang sa tao kundi lalung-lalo na sa Dios.”
5-6 Pagkarinig noon ni Ananias, natumba siya at namatay. Agad naman siyang nilapitan ng mga binata at binalot ang kanyang bangkay. Pagkatapos, dinala nila siya palabas at inilibing. At ang lahat ng nakarinig sa pangyayaring iyon ay lubhang natakot.
7 Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa kanyang asawa. 8 Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin ang totoo, ito lang ba ang pinagbilhan ng inyong lupa?” Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang buong halaga.” 9 Kaya sinabi ni Pedro sa kanya, “Bakit nagkaisa kayong mag-asawa na subukan ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nandiyan na sa pintuan ang mga binata na naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka rin nila para ilibing.”
10 Natumba noon din si Safira sa harapan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na si Safira. Kaya binuhat nila siya palabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Dahil sa mga pangyayaring iyon, lubhang natakot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.
Tungkol sa Pagkawasak ng Jerusalem(A)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga sundalo ang Jerusalem, malalaman ninyong malapit na itong mawasak. 21 Kaya ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, at ang mga nasa Jerusalem ay kailangang umalis agad. At ang mga nasa bukid naman ay huwag nang bumalik pa sa Jerusalem. 22 Sapagkat panahon na iyon ng pagpaparusa, upang matupad ang nakasaad sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Darating ang napakatinding paghihirap sa lupaing ito dahil sa matinding galit ng Dios sa mga tao rito. 24 Ang iba sa kanilaʼy papatayin sa espada, at ang iba namaʼy dadalhing bihag sa ibang mga bansa. At ang Jerusalem ay sasakupin ng mga hindi Judio hanggang sa matapos ang panahong itinakda ng Dios sa kanila.
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(B)
25 “May mga palatandaang makikita sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Mababagabag ang mga bansa at hindi nila malalaman kung ano ang gagawin nila dahil sa malalakas na ugong ng mga alon sa dagat. 26 Hihimatayin sa takot ang mga tao dahil sa mga mangyayari sa mundo, dahil mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga bagay[a] sa kalawakan. 27 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[b] 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, umasa kayo at maghintay[c] dahil malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®